Seeking For Help

2291 Words
MAYROONG NAGBAGO kay Kuya Symon, hindi ko lang masabi kung ano iyon. He’s up to something and I felt like I have to find out what is it. Simula ng umuwi siya galing sa seminar, para bang ang weird na ng mga ikinikilos niya. Kung minsan naman, mayroon silang pinag-uusapan na babae ni Kuya Drew at kakaiba ang mga ngiti niya, ganoon din si Nanay Goring. Parang may alam silang hindi nababanggit sa akin ni kuya. Ngunit sa kabila ng kaniyang mga ngiti, nakakikita ako ng magkakahalong takot, lungkot  at pag-aalala sa kaniyang mga mata. “Siguradong hindi na tayo papasukin ng magnanakaw,” sarkastiko kong tinuran. “Tatlong beses ka na yatang nag-check ng lock sa mga pinto at bintana, ah. Hindi ka pa ba satisfied? Para na tayong nakahawlang ibon dito.” Muli kong ibinaling ang aking tingin sa palabas sa telebisyon sa sala matapos ko siyang punahin. Nilapitan niya naman ako ay pinisil ang ilong ko. “Ano ba, kuya?” naiinis kong tugon sa ginawa niya. “Bakit ang init ng ulo mo?” balik-tanong niya naman sa akin. Napasimangot ako. “I miss my life, pero natatakot akong mag-check sa social media, baka pinapipiyestahan pa rin nila ako hanggang ngayon,” pag-amin ko. “Then go back to your virtual life, don’t worry na,” tinuran niya. Tumabi siya sa akin at tinapik-tapik ang tuhod ko. “Nagawan na namin ng paraan ni Drew `yan at nag-sorry na `yong nag-upload ng video mo. Baka nga may mensahe rin siya sa `yo, e. Check mo later.” “Hala, ano’ng ginawa n’yo?” naibulalas ko. “Wala!” dagli niyang sagot. “Hindi ko siya kinasuhan, hiniling ko lang na mag-apology siya at i-delete niya na `yong post niya. Pinangaralan ko lang. Hindi p’wedeng nanghuhusga sila basta-basta at pinagtatawanan ang isang tao base lang sa nakita nila. Dapat inaalam na muna nila ang totoong kuwento bago sila gumawa ng isyu.” Bumuntong-hininga siya. “Sabi nga nila, hindi mo maiintindihan ang sitwasyon ng isang tao hangga’t hindi ka napupunta sa kalagayan nila. Ang pambu-bully sa kapwa ay sobrang mali dahil maari itong makaapekto ng malaki sa buhay ng tao, kaya dapat marunong tayong rumespeto sa iba.” “Salamat, kuya,” maluha-luha kong tugon sa kaniya. “Marami na akong utang sa `yo.” “Kapatid kita, alangan namang pabayaan kita?” naibulalas niya. “Lagot ako kapag ginawa ko `yon.” “Ha, bakit?” Napakunot ang aking noo sa sinabi niya. “Lagot ako kina mama, baka magparamdam sa `kin.” Tumayo na siya at kinuha ang remote control ng telebisyon sa akin. “Matulog ka na, bawal na sa `yong magpuyat, `di ba?” Kaagad naman akong tumalima sa kaniya. Magkasunod kaming umakyat, ngunit bago ko isara ang pinto ng aking kuwarto ay tinawag ko ang pansin niya. “Kuya?” pagtawag ko. “Bakit?” sagot niya habang nagta-type ng message sa kausap niya sa cellphone. “Sige, payag na ako,” tinuran ko. Mahina lamang ang aking boses dahil nakaramdam ako ng hiya sa kaniya. Matagal akong nagmatigas at nitong huli ko lang naunawaan ang punto niya. Nag-aalala lang naman siya para sa akin. Nitong huli, naramdaman ko rin iyon para sa sarili ko kaya naisip kong subukan dahil baka makatulong ito para maging maayos na ako at bumalik na sa normal ang aking buhay. “Payag saan?” nagtataka niyang tanong. Nilapitan niya ako kahit na nga ba tila hati ang kaniyang atensyon. “Magpatingin sa doktor,” kaagad ko namang sagot. Napadiin ang pagkakahawak ko sa gilid ng pinto dahil para akong natutunaw sa mga tingin niya nang biglang mabaling iyon sa akin. Parang nilunok ko lahat ng mga sinabi ko noon at ngayon ay ako na mismo ang humihingi niyon para sa aking sarili. Napansin ko namang gumuhit ang ngiti sa kaniyang labi. “Sure!” sagot niya. “Kaso, busy ako sa mga susunod na araw. Maraming kailangang asikasuhin sa kompanya, baka hindi kita masamahan.” “Okay lang, magpapasama na lang ako kay Lizbeth,” tugon ko naman. “Sana lang hindi talaga ako nababaliw, `no?” Muli akong napasimangot. “H’wag mo munang isipin `yan, wala pa nga, e.” Humikab siya. Pansin ko rin sa kaniyang mga mata na inaantok na siya. Malalim na rin naman ang gabi. “Hayaan mo, magtatanong ako sa mga kaibigan ko kung may maire-recommend sila sa akin tapos magpasama ka kay Liz. Ako na bahala sa gastos, h’wag mo nang isipin `yon.” Dumiretso na siya sa kaniyang kuwarto habang sinusundan ko pa rin siya ng aking tingin. Napansin kong pagkabukas niya ng pinto, parang nagulat siya pero hindi niya ipinahalata sa akin. Bagkus ay nagmamadali siyang pumasok at umalingawngaw sa katahimikan ng gabi ang pagsara ng pinto. Kinain ako ng kuryosidad sapagkat parang bigla niya akong nakalimutan at hindi rin siya nag-goodnight sa akin. Dala ng kung anong hinala, para bang may nag-uudyok sa akin na lapitan ang pinto ng kaniyang kuwarto upang makinig mula roon. Inilapat ko ang aking tainga sa pinto at bigla akong nagulat. May naulinigan akong boses ng isang babae. Hindi ko maunawaan kung ano ang pinag-uusapan nila dahil mahina lamang ang boses ni kuya. Nagulat na lamang ako nang magsalita si Nanay Goring mula sa aking likuran na hindi ko napansin nang umakyat. “Ano’ng ginagawa mo r’yan?” sita sa akin ni nanay Goring. Sa takot kong marinig siya ni kuya ay kaagad kong tinakpan ang kaniyang bibig at nagmadali kaming pumasok sa aking kuwarto. “Ano ka bang bata ka? Ano ba’ng pinakikinggan mo ro’n sa kabila?” urirat niya. “`Nay, h’wag po kayong maingay, baka marinig kayo ni kuya,” pakiusap ko. “Para kasing may kausap siyang babae.” “Mira, tayong tatlo lang dito ngayon,” pagsisiguro ni Nanay Goring. “Malamang sa cellphone o computer niya lang `yon. Kaya nga ako umakyat dito kasi wala akong kasama sa baba, dito na lang sana ako matutulog sa tabi mo kung papayag ka.” Natuwa ako sa sinabi niya. Kung dati ay hindi ako sanay na may katabi, ngayon ay tuwang-tuwa ako kapag may nagsasabi sa aking ng ganoon. Masaya rin ako na ilang araw na akong hindi nakararanas ng bangungot. Unti-unti na yatang magbabalik sa normal ang buhay ko. Ang kailangan ko na lang gawin ay sundin ang suhestiyon nina kuya at Lizbeth upang makasiguro at matulungan ko ang aking sarili. *** “MALALIM NA naman ang iniisip mo,” puna ni Lizbeth sa akin. “Binangungot ka na naman ba?” Mataman niya akong pinagmasdan habang nanananghalian kami. Mukhang alalang-alala na naman siya. Umiling ako kasunod ng aking mga ngiti para pawiin ang pag-aalalang iyon. “May kakaiba kasi kay kuya, e. Parang may hindi siya sinasabi sa akin,” tugon ko sa kaniya. Napansin kong nagulat si Lizbeth. Iba ang kaniyang naging reaksyon sa tinuran ko. Hindi ko maiwasang isipin na baka mayroon din siyang alam at hindi niya lang iyon sinasabi sa akin. “Ano ba `yon?” tanong niya. Pansin kong iniiwas niya na sa akin ang kaniyang tingin. Sa halip ay sunud-sunod na ang kaniyang mga subo ng pagkain. “Ang weird niya na mula noong umuwi siya galing sa seminar.” Napasalumbaba ako sa kaniyang harapan. “Saka parang palagi siyang may kausap na babae. Tapos iba pa ang mga ngiti niya minsan, while `yong mata niya naman parang may ibang sinasabi. Parang may takot doon kapag tinititigan ko siya.” Namilog ang mga mata ni Lizbeth nang dagling mabaling sa akin ang kaniyang tingin. Matapos niyang uminom ng tubig ay pasimple siyang ngumiti at nasundan iyon ng marahang pagtawa. “Bakit ka tumatawa? May alam ka, `no?” naibulalas ko. “Wala!” muli siyang tumawa, this time mas malakas. “Para ka naman kasing asawa na pinagdududahan na may kalaguyo ang partner niya.” “Liz!” Napakunot ang aking noo kaya natigilan siya, ngunit ngingiti-ngiti pa rin. “Hayaan mo na si kuya, kapag ready na siya ipakikilala rin niya `yon sa `yo. Bigyan mo lang ng panahon. Baka ayaw ka lang biglain tapos isipin mo na iiwan ka na niya,” paliwanag niya sa akin. “So, may alam ka nga?” naibulalas ko. Pinandilatan ko siya ng mga mata. “Wala nga!” muli niyang pagtanggi. “May napansin lang ako no’ng huli niyang punta rito. Parang may kasama siyang babae sa sasakyan.” “Ano?” muli kong naibulalas. “Ang daya, hindi ipinakikilala sa `kin. Pero sabagay, tama ka.” Nang matapos kaming kumain ay nagpahangin na muna kami sa bakuran ng coffee shop. Habang nagbabasa si Lizbeth ng libro ay naalala ko naman ang naging pag-uusap namin ni Kuya Symon nang nagdaang gabi. “Pumayag na akong magpatingin sa psychiatrist kung `yon nga ang makatutulong sa `kin,” pagbasag ko sa katahimikan. “Pero alam mo, nagdadalawang isip pa rin ako. Natatakot ako sa p’wede kong malaman.” Isinara ni Lizbeth ang kaniyang binabasang libro at inilapag sa mesa. “Nandito naman kami. Kung ano man ang malaman mo, hindi ka namin pababayaan. Tutulungan ka namin at sasamahan hanggang tuluyan ka nang maging okay.” “Wala ka bang kakilala na p’wede mong irekomenda sa `kin?” tanong ko kay Lizbeth. Umiling-iling naman siya habang napapaisip. “Wala akong kilalang psychiatrist, e. Pero kung nag-aalangan ka pa rirn, may p’wede akong irekomenda sa `yo.” May kinuha siyang calling card sa kaniyang wallet at kaagad itong iinabot sa akin. “Pinsan ko, psychologist siya. Maaari din siyang makatulong sa `yo at tiyak na matutuwa siya kapag nakilala ka niya.” Napangiti ako. Nakalagay doon ang contact informations ng isang Zachary Asuncion. Hindi ko maunawaan kung bakit habang hawak ko ang ibinigay niyang calling card ay mayroong kakaibang kaba sa aking dibdib. Para bang bigla na lamang akong natuwa. Ang strange ng feeling, pero hindi nakakatakot kung hindi nakaka-excite. “Kailan mo ako p’wedeng samahan sa kaniya?” baling ko kay Lizbeth. “Sa Sabado ng hapon siguro para hindi na siya gaanong busy,” sagot niya sa akin. “P’wede mo naman siyang i-text o tawagan, sabihin mo lang na ikaw si Mirasol, boss ko.” Marahan siyang tumawa. “For sure, makikilala ka na niya. Sasabihan ko na rin siya na i-free niya na ang Saturday afternoon niya para sa atin. Hinding-hindi tatanggi `yon.” Makahulugan ang mga ngiti ni Lizbeth. Bigla tuloy akong nahiwagaan sa inirekomenda niya sa akin at napakunot ang aking noo. “Bakit?” naibulalas ko. “Bakit parang siguradong-sigurado ka? Siguro tsinitsismis mo ako sa kaniya, `no?” Tinitigan ko siya ng masama. “Hindi, `no! Kilala ka lang talaga niya,” nakangiti niyang tinuran. “Maiintindihan mo rin ako kapag nagkita kayo, for now mag-relax ka muna para hindi ka ma-stress. Baka siya na rin ang mag-refer sa `yo sa isang mahusay na psychiatrist.” Napakibit-balikat na lamang ako, ngunit ramdam kong may mas malalim siyang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang reaksyon niya. Napapaisip ako kung sino nga ba ang lalaking ito at bakit niya ako kilala? Bakit parang sigurado si Lizbeth na matutuwa ito kapag nakita ako? Hindi naglaon, isang staff ang lumapit sa amin ni Lizbeth. May isa umanong customer na naghahanap sa akin. Noong una, inakala kong isa sa mga suki ng coffee shop, pero iba ang nadatnan namin. Isang magandang babae na nakasuot ng kulay rosas na bulaklaking bestida. Sa hubog pa lamang ng katawan ay tiyak na hahangaan na siya ng sinumang lalaking makakikita sa kaniya. Hindi ko nga lang makita nang maayos ang kaniyang mukha dahil sa suot niyang shades at sa mahaba’t bagsak niyang buhok na tumatakip sa kalahating bahagi ng kaniyang mukha. Noong una ay kinabahan ako. Bigla kong naalala ang babaeng kamukha ko sa aking bangungot. Napailing na lamang ako para iwaksi iyon dahil baka mahalata niya na natigilan ako. Kaagad naman siyang ngumiti nang makita ako. Kaagad siyang lumapit sa akin at sinunggaban ako ng yakap. Mahigpit ang kaniyang yakap. Para bang isang taong matagal nang nasasabik na makita ako. Nauulinigan ko ang kaniyang impit na mga hikbi at nararamdaman ko ang mabilis na t***k ng kaniyang puso na nagdulot sa akin ng kakaibang lungkot at pangungulila. Sa kabila niyon ay marahan akong humiwalay sa kaniyang pagkakayakap at pinagmasdan siyang mabuti. Hindi ko man makita ng maayos ang kabuuhan ng kaniyang mukha, bakit tila nakararamdam ako ng kaugnayan sa kaniya. “Sino po sila?” nag-aalangan kong tanong. “Bakit po kayo nagiging emosyunal?” Mataman ko siyang pinagmasdan habang naghihintay ako ng kaniyang magiging kasagutan. “Hindi mo ba ako nakikilala?” muling gumuhit ang kaniyang mga ngiti sa labi. “Matagal na akong nasasabik na makaharap at mayakap kang muli.” Nahiwagaan ako sa kaniyang mga tinuran, ngunit muli pa sana akong bibitiw ng katanungan nang maulinigan ko ang tinig ni kuya na hindi ko namalayan ang pagdating. Habang papalapit siya ay kakaiba ang kaniyang mga titig sa aming panauhin. Nagkatitigan sila ni kuya. Hindi ko alam kung namamalikmata lang ako, ngunit tila nakita ko ang pasimpleng pag-iling ni kuya. Kaagad namang pumihit patalikod ang babae at tumakbo palabas ng coffee shop. “Teka, sandali!” sigaw ni Kuya Symon. Hindi ko na siya  napigilan nang habulin niya ang babae dahil isa na namang liham sa mesa ang umagaw sa aking pansin. “Siya ang babaeng nakaitim!” naibulalas ko. Dagli kong kinuha ang liham at binasa ang mga nakasulat doon.   ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD