Changes

2185 Words
MABABAKAS SA mga titig ni Mirasol ang labis na pagtataka sa akin. Hindi niya man sabihin, alam kong may mga katanungang gumugulo sa kaniyang isipan na hindi niya lamang maisatinig, lalo pa’t hindi ko masyadong hinahayaan na magkaroon kami ng panahong mag-usap simula nang umuwi ako. Nahihiya akong humarap sa kaniya at natatakot akong magtanong siya ng kung ano-ano dahil baka kung ano ang masabi ko. Nagsisinungaling ako sa kaniya at nakokonsensiya ako roon. Nang makapag-isa ako sa aking opisina ay namalayan ko na lang na nakatulala ako habang nakatitig sa pader. Lumilipad ang isip at hindi makapaniwala sa mga nagaganap. Ang abuhing pader sa aking harapan ay maihahalintulad sa kawalan kung saan ako kasalukuyang naliligaw sa paghahanap ng tamang daan at mga taong kailangan kong paniwalaan at pagkatiwalaan. Hanggang sa maalala ko ang gabing unti-unti akong iminulat ng isang estranghera sa katotohanang mistulang bangungot lamang. “Ako ba ang hinahanap mo?” Sa kabila ng matulis na bagay na nakatutok sa aking tagiliran at sa mahigpit na pagkakatakip niya sa aking bibig ay ramdam ko ang panginginig ng kaniyang laman. Dinig ko rin ang mabilis na t***k ng kaniyang puso. Ganoon na lamang ang kaniyang lakas, bagamat siya ay isang babae. Pilit kong inalis ang kaniyang kamay mula sa pagkakatakip sa aking bibig. Malambot ang kaniyang mga kamay at nang hawakan ko iyon ay para bang nakaramdam ako ng kakaibang damdamin na matagal na panahon na nang huli kong maramdaman. “Sino ka?” naibulalas ko nang tuluyan kong maalis ang kaniyang kamay. “Bakit umaali-aligid ka sa kapatid ko? Ano ba’ng mga kalokohan ang pinagsasabi mo sa kaniya?” Mabilis akong pumihit paharap sa kaniya. Sinubukan niya akong labanan dala marahil ng kaniyang gulat sa aking ginawa kung kaya’t nasugatan ako sa braso ng balisong na hawak niya. Muli niya sana akong masasaktan kung hindi ko lamang nahawakang muli ang kaniyang kamay. “Huminahon ka, hindi mo ako kaaway!” mariin kong tinuran. Hinigpitan ko ang aking pagkakahawak sa kaniya bago ko siya malakas na itinulak upang mapalayo sa akin. Natahimik lamang ang aking loob na nangangamba sa pagkabayolente niya nang makita kong itinago niya ang patalim sa kaniyang bulsa. Ibinaba niya ang hood ng kaniyang itim na jacket at inayos ang kaniyang mahabang buhok na tumatakip sa kaniyang mukha. Napamulagat ako nang tuluyan tumambad sa akin ang mukha niya. Kamukhang-kamukha niya si Mirasol—sa kanilang mga mata at hugis ng mukha. Hindi rin sila nagkakalayo sa hubog ng katawan. Kung mayroon man silang pagkakaiba, iyon ay ang pagiging malakas at tila marunong itong makipaglaban. Sa wari ko’y natulala ako nang makita ko nang malinaw ang kaniyang hitsura sa tulong ng ilaw sa garden. “Uulitin ko, sino ka? Bakit mo binabantayan ang kapatid ko?” urirat ko sa kaniya. “Kapatid ko,” maluha-luha niyang tinuran. “Hindi kayo magkadugo. Wala kang alam tungkol sa kaniya.” Para bang nagulantang ang aking mundo dahil sa rebelasyon niya. Hindi ko ginustong maramdaman pero nangamba ako nang dagling rumehistro sa aking isipan na may kaagaw ako sa aking kapatid. May kurot akong naramdaman sa aking dibdib dahil sa kaniyang mga tinuran, sapagkat para bang ipinamumukha sa akin na wala akong karapatan kay Mirasol. “Ano’ng sinasabi mo?” garalgal kong untag. Napakunot ang aking noo at napahinga ako ng malalim. “Salamat sa pagmamahal mo sa kapatid ko at sa buhay na ibinigay ninyo sa kaniya,” wika niya. “Salamat sa pag-aalala at pagtatanggol mo sa kaniya.” Napatungo siya. “Sorry kung nasaktan kita, hindi ko sinasadya.” Marahan siyang naglakad patungo sa upuang naroroon sa garden at tahimik naman akong tumabi sa kaniya. Naulinigan ko ang kaniyang mga hikbi kaya’t kaagad kong dinukot ang aking panyo sa bulsa at iinabot iyon sa kaniya. “Akala ko, matapang ka. Iyakin ka pala,” pabiro kong puna sa kaniya. Mabuti na lamang at hindi siya nag-atubiling tanggapin ang aking panyo at ipinunas niya iyon sa kaniyang mga luha. “Kinailangan kong matutong lumaban na katulad ng isang mandirigma ng mga nagdaang panahon, dahil walang alagad ng batas na makatutulong sa problema naming magkapatid,” mariin niyang kuwento. “H’wag mong pagtatawanan ang mga sinasabi niya dahil ang lahat ay totoo. Maniwala ka.” “Gusto ko siyang paniwalaan pero naguguluhan kasi talaga ako, saka ang hirap maniwala sa mga gano’n,” reklamo ko. Nabaling ang kaniyang tingin sa akin at marahang itinapat ang kaniyang hintuturo sa kaniyang bibig na para bang pinatitigil ako sa pagsasalita o sa paglikha ng anumang ingay. “Hindi ligtas ang lugar na ito para pag-usapan `yan, magkita tayo sa ibang araw,” pabulong niyang tinuran habang palinga-linga sa paligid na para bang may nararamdaman. “Paano kita makikita at saan?” naibulalas ko. Hindi ko alam kung bakit hindi ko napigilang sambitin iyon dahil para bang nakadama ako ng excitement sa araw na iyon at kagustuhang makilala pa nang mabuti ang karibal ko sa aking kinikilalang kapatid. “Ako ang pupunta sa `yo, hindi mo ako kailangang hanapin,” makahulugan niya namang tinuran. Nabaling ang kaniyang tingin sa madilim na bahagi ng garden saka muling tumingin sa akin. “Pumasok ka na, may panganib sa paligid. May nilalang na nakikinig,” muli niyang bulong. “Ano?” naibulalas ko. Muli niya akong sinaway at pinandilatan ako ng kaniyang magagandang mga mata nang mapansing tatawa na sana ako. Noon ko lang napansin na seryoso nga siya kaya’t kinabahan ako. “Paano ka?” “Kaya kong labanan ang kahit ano pang nilalang, pero hindi ang aking kapatid na tuluyan nang nalimutan kung sino siya,” sagot niya sa akin. Muli niyang sinukluban ang kaniyang ulo ng hood at pasimpleng kinuha ang kaniyang patalim sa bulsa. “Pakiusap, bantayan mo siya. Ayaw kong mapahamak siya. Iwan mo na ako.” Napilitan akong sumunod sa kaniya kahit marami pa sana akong gustong sabihin, inasahan ko na lamang ang pagdating ng araw na sinasabi niya. Nagulat ako nang makita kami ni Nanay Goring, kaya pinakiusapan ko siyang huwag magbabanggit ng kahit na ano kay Mirasol. Simula ng gabing iyon, ang babaeng nakaitim na gustong-gustong makita nina Mirasol at Lizbeth ay madalas kong nakakasama. Marami siyang mga ipinagtapat sa akin na noong una ay hindi ko magawang paniwalaan. Marami siyang kuwento tungkol sa kaniyang kapatid at kung paano siya nangungulila rito. Mahabang panahon siyang nangulila na hindi nila kasama ang kaniyang kapatid sapagkat noong una ay hindi nila alam kung buhay pa ba ito o wala na, habang ako ang kasama ni Mirasol at walang maalala sa kaniyang nakaraan. Kung ano man ang mga rebelasyon at katotohanang sumambulat sa akin ay ipinagpasya muna naming itago para sa ikabubuti ng lahat at upang mapagplanuhan kung ano ba ang nararapat naming gawin para matulungan si Mirasol. Hindi biro ang mga nilalang na kalaban. May mga galamay na kayang pasukin ang mga panaginip ng taong nais nilang biktimahin o makuha. Sana’y mailigtas ko si Mirasol sa kapalarang naghihintay sa kaniya. Masaya ako sa nadatnan ko, nagtatanim siya sa garden. Sinusubukang bumangon sa kaniyang pagkakalugmok. Ginagawa niya ang lahat para malampasan ang mga pagsubok na dumarating, pero hindi siya okay. Nararamdaman kong hindi maayos ang kaniyang pakiramdam, ang kaniyang katawan at hindi siya ligtas saanman siya naroroon. Inunahan ko talaga siyang pulutin ang sulat na mula sa kaniyang kapatid na nakabalot sa bato. Natatakot pa rin akong mawala siya sa akin, pero naisip ko ring kailangan kong magtiwala sa pagmamahal niya sa akin. Hindi na siya bata, karapatan niyang pumili kung saan siya mas sasaya at kung ang isa sa mga magpapasaya sa kaniya ay makaharap ang kaniyang tunay na pamilya, masakit man sa aking loob ay tutulungan ko siya sa tamang panahon. Mula sa aking pitaka ay kinuha ko ang sulat na iyon na itinago ko. Doon ay nakasulat ang mga katagang, kung naniniwala ka na sa akin, maghanda ka na. Habang muli ko itong binabasa ay napaluha ako. Kailangan ko nang maghanda. Sa mga susunod na araw ay maraming maaaring mangyari, dapat malakas ako. Kailangan ko ring matutong lumaban sa tulong ng babaeng unti-unti nang napapalapit sa aking puso.   *** “KUYA, BAKIT biglang-bigla mong naisipang magpaayos ng bahay?” nagtatakang tanong ni Mirasol. “Hindi ba’t busy ka sa opisina?” “Updated pa rin naman ako sa mga nangyayari doon at isa pa, maari naman akong magpunta ro’n anytime kung kailangan nila ako,” nakangiti kong sagot. “Sige na, umalis na kayo. Naghihintay na si Alvin.” Napatingala ako sa kuwarto namin na kasalukuyang inaayos ng mga nakuha kong karpentero. Pinalalagyan ko iyon ng grills upang walang basta-basta na lang na makaakyat doon at makapapasok. “Lalong magiging kulob sa kuwarto natin, hindi na malayang makakapasok ang hangin,” puna ni Mirasol. “Imposibleng hindi,” naibulalas ko naman. Marahan akong natawa. “Pilosopo talaga `to,” naulinigan kong bulong ni Mirasol sa kaniyang sarili. “Maganda kaya `yong naisip ko,” wika ko. “P’wede kang maglagay ng mga halaman doon—maganda yata hanging plants, `no? Para din maiba naman ang paligid mo habang nagsusulat ka. Makikita mo, tiyak na  mai-enjoy mo na naman `yan.” Nakita kong gumuhit ang mga ngiti sa labi niya. “Ay, oo nga!” naibulalas niya sa tuwa. “Sasabihan ko si Nanay Goring na humingi ulit ng mga pananim sa anak niya. You’re so brilliant, kuya!” Lumapit siya sa akin at yumakap. “I gotta go, late na si madam!” “Ingat kayo!” sigaw ko upang marinig niya habang papasok siya sa sasakyan. Habang abala kami ni Nanay Goring sa pag-aasikaso sa mga trabahador ay masayang dumating si Tita Eloisa na akin namang ipinagtaka. Iginala niya ang kaniyang paningin sa kabahayan at sa garden na para bang nasisiyahan. “Mukhang magandang ideya ito, boss,” aniya. “Para wala nang kakalampag sa pinto ng kuwarto niya tuwing gabi at susubok na pasukin siya.” Nagulat ako sa mga tinuran niya. Wala siyang nabanggit na ganoon noong isang araw nang dumating ako. Wala rin akong sinabi sa kaniya na kahit na ano. “Ano’ng ibig n’yong sabihin?” untag kong puno ng pagtataka at pag-aalala. “Dumaan lang ako para dalhin itong mga natira kong pananim para kay Mirasol,” pag-iiba niya ng usapan. “Nakakatuwa kasi siyang pagmasdan na unti-unting nahihilig sa pagtatanim kaya’t h’wag mo na siyang pagbawalan na tumambay rito sa garden ninyo dahil sa ngayon, ito lang ang kaligayahan niya. May nagbabantay naman sa paligid, hindi ba?” Kaagad siyang pumihit palapit kay Nanay Goring na natutuwa namang tinanggap ang mga dala niya para kay Mirasol. Makahulugan ang tinuturang mga salita ni Tita Eloisa na tila ba may mensaheng gustong ipaabot o kaya naman ay may nais na kumpirmahin. Hindi ko alam kung ano ang nalalaman niya. Marahil ay napansin niya rin ang nagaganap sa labas nang gabing natulog siya sa kuwarto ni Mirasol. Sa kabila ng mga nangyari, kahit kay Nanay Goring na dinalhan pa kami ng makakain nang gabing iyon ay wala akong sinambit na kahit anuman. Nangangamba akong malaman ni Mirasol ang pagsisinungaling ko. Hindi pa ako handang magtapat sa kaniya nang hindi ginagatungan ang matinding takot sa puso niya lalo na ngayong pinipilit niyang maging matapang at harapin ang lahat kahit pilit lang ang kaniyang mga ngiti. Paano ko sasabihin sa kaniya na nasa labas lang ako ng gabing iyon ay nagmamasid sa paligid kasama si Drew at ang kaniyang kapatid na nalimot na ng kaniyang isip? Paano ko sasabihin sa kaniya na tama siya at ako ang mali? Paano ko sasabihin nang hindi bumibigay ang puso niya na may mga nilalang na sumisilip sa kaniya at pinapanood siya sa pagtulog na tuwing makakikita ng pagkakataon ay ginagambala siya at pinagmumukhang baliw sa mata ng marami? Paano ko sasabihing may pamilyang naghihintay sa kaniya at sabik nang makasama siya sa kabila ng takot kong maiwanan niya? Paano kapag hindi tinanggap ng kaniyang kapatid ang damdaming unti-unting sumisibol sa aking puso, tuluyan na ba kaming magkakalayo? Napaluha ako. Nagulat na lamang ako nang mapansin kong nakatitig pala sa akin si Tita Eloisa habang nakatulala ako. “Kung magkaroon man ng panibagong pag-atake sa kaniya ang mga nilalang na iyon, siguruhin mong may katabi siya para tapikin ang kaniyang mukha at gisingin sa bangungot na nililikha nila,” mariin niyang bilin. “Mauna na ako.” “Tita!” habol ko sa kaniya. “Alam n’yo?” “Nakita ko kayo nang dumating ako. Napaisip ako kung bakit mo ginagawa `yon pero sa huli, naunawaan ko.” Ngumiti siya. “Ngayon, naniniwala ka na ba sa kapatid mo? H’wag mo siyang pababayaan, siya ang pinakamalaking kayamanan mo.” Tumango ako at gumanti ng ngiti sa kaniya. “Kung gano’n, naramdaman n’yo sila?” Lumapit siya sa akin at bumulong. “Hindi ko sila naramdaman. Nakita ko sila.”   ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD