Eloisa

2259 Words
NAGULAT AKO nang dumating si Tita Eloisa, akala ko talaga may dala siyang masamang balita. Pinakiusapan lang pala siya ni Lizbeth na pansamantalang pumalit sa kaniya para sa pangako niya kay kuya na dito siya matutulog. Nakaramdam man ako ng hiya sa kaniya ay natuwa pa rin ako dahil nagkaroon ako ng isang taong masasabihan. Ang kaniyang pagdating din ang sumagot sa aking pagtataka kung bakit nagtabi ng pagkain si Nanay Goring. Alam niya palang darating ito at nagpasyang hindi sabihin sa akin upang masorpresa ako. Si Lizbeth talaga, pati mama niya ipinapahiram niya sa akin. Siguro nag-aalala talaga siya ng sobra at marahil ay hindi nawala sa isip niya ang mga nasabi ko sa kaniya nang huli silang magkausap. “Sorry po talaga sa abala, tita,” wika ko. “Ano ka ba? Para na rin kitang anak,” naibulalas niya. “Sa totoo lang, kaya hindi ako nagreklamo kay Lizbeth kasi pati ako nag-aalala sa `yo, e. Lahat ng sinasabi mo sa kaniya ay naikukuwento niya sa akin kaya alam ko ang lahat.” “Kung gano’n, naniniwala po ba kayo sa `kin?” nag-aalangan kong tanong. Nangangamba akong naghintay ng kaniyang magiging kasagutan. Tumango siya. “Mayroong chance na totoo, sabi ko nga, wala ng imposible sa mundo ngayon.” Napabuntong-hininga siya. “Kung nakita mo, nakita mo. Natural lang na hindi maniniwala ang iba kasi hindi sila ang nakakita. Kung naranasan mo, maaaring naranasan o nararanasan din ng iba. Katulad ko, nakakakita ako ng mga ligaw na kaluluwa o mga elemento at nakakausap ko sila, weird `yon para sa ibang hindi naniniwala kasi hindi naman nila nakikita. Wala tayong pinagkaiba kaya nauunawaan kita.” Gumaan ang aking loob dahil sa mga tinuran ni Tita Eloisa. Nabawasan ng ilang porsiyento ang pagdududa ko sa kalagayan ng aking pag-iisip. “Napanood n’yo po ba `yong video? Ano po ba’ng masasabi n`yo tungkol do’n?” urirat ko. Natigilan siya, marahil ay nag-iisip ng maaaring isagot sa akin o inaalala ang video. “May mga elemento kasi na may kakayahang paglaruan ang isip ng tao sa maraming paraan at kadahilanan. Maaari namang mahina ang pananampalataya mo sa Diyos kaya nakitaan ka niya ng butas para linlangin o paglaruan ka. P’wede rin namang may mental condition ka kaya nararanasan mo`yan like schizophrenia, depression at iba pa. Ilan lang `yan sa mga nagku-cause ng hallucination. Minsan, may mga elementong sinasamantala ang kahinaan natin para makipag-interact sa tao.” Inilibot ko si Tita Eloisa sa aming bahay sa pag-asang makararamdam din siya ng kakaiba, ngunit nabigo ako. Magaan daw ang pakiramdam niya sa paligid. May nararamdaman siyang mga entity pero nasisiguro niya raw na wala itong kinalaman sa mga nararanasan ko. Mabubuti raw ito na sa totoo lang ay iyon ang nagdadala ng suwerte sa aming negosyo. Mali rin daw ang aking akala na marahil ay sina mama at papa ang nagpaparamdam sa akin. Ganoon pa man, hindi rin daw iyon sapat na basehan para sabihing nasisiraan na ako dahil ang mga pangyayari ay maaaring may dahilan. “May hinala ka raw na sleep paralysis ang nararanasan mo?” urirat sa akin ni Tita Eloisa habang naghahanda na kami sa pagtulog. “Nabanggit sa akin ni Lizbeth nitong nakaraan. Bakit mo naisip na gano’n ang nangyayari?” Sa kabila ng kaniyang pag-uusisa ay abala siya sa pag-check sa kaniyang email. Nakaka-amaze lang isipin na nakakayang i-process ng utak niya iyong pagbabasa ng email habang nag-uusap kami. Ako kasi, palaging distracted at hirap mag-focus. Kapag may ginagawa ako o kapag nagsusulat, makarinig lang ako ng ingay o kaya naman ay mayroong magsalita kahit hindi naman ako ang kinakausap ay nawawala ako sa konsentrasyon. “Nagkakatugma po kasi `yong research ko at ang nararanasan ko, pero hindi naman po ako gano’n kasigurado,” paliwanag ko. “Wala naman kasi akong nakikita, o baka wala pa. May naririnig ako pero hindi ko na rin masabi kung totoo. `Yong nakita ko po na isang unusual creature na lumabas galing sa closet ko, parang hindi naman siya sleep demon or ghost kasi parang buhay talaga siya.” Marahan akong tumabi sa kaniya na nakaupo sa kama. Dagling nabaling ang kaniyang tingin sa akin nang marinig ang mga tinuran ko. “Buhay? Paano mo nasabi `yon?” naibulalas niya. “Kasi po…” Natigilan  ako. Nag-aalala ako na baka this time ay hindi na siya maniwala. “Kasi ano?” urirat niyang muli at halos hindi mapagkit ang kaniyang pagkakatitig sa akin. “May nakita po kasi ako kaninang footprints after kong magising mula sa panibagong bangungot,” pagpapatuloy ko. Nag-aalangan man ngunit sinabi ko dahil baka matulungan niya rin ako. “Baka po `yon ang dahilan kung bakit hindi n`yo siya maramdaman. Gano’n nga po kaya?” Namilog ang kaniyang mga mata. “Nakuhaan mo ba ng larawan?” balik-tanong niya sa akin. Umiling ako. “Hindi na po `yon pumasok sa isip ko kasi itinabi ko po muna ang aking cellphone.” Nagkumot ako nang maramdaman kong tila ba nagtataasan ang mga balahibo ko, ngunit hindi ko iyon ipinahalata sa kaniya. “Sa susunod, kunan mo ng larawan,” bilin niya. “Maaari mong ipakita sa akin o sa ibang mas may alam kaysa sa akin.” Napabuntong-hininga siya. “Maaaring tama ka kaya hindi ko sila maramdaman, pero may isa na ring lumapit sa `kin na nakakakita ng mga ganyan.” “Sige po, tita.” Nahiga na ako at binalot ang aking katawan ng kumot habang abala pa siya sa pagsagot sa kaniyang mga kausap online. Hanggang sa parang may naalala siya at muling ibinaling ang tingin sa akin. “Ang tanging alam ko lang sa sleep paralysis ay ang mga common na makikita online,” panimula niya. “Wala pa naman kasing patunay na totoo ito at kung mayroon man, hindi ko alam. May paliwanag ang siyensiya tungkol sa ganito, e. Siguro mas makabubuting mag-consult ka sa taong nagpakadalubhasa tungkol dito.” “Alam n`yo po ba ang tungkol sa sleep demon?’ urirat ko. Tumango siya. “Ang sleep demon daw ay pumapasok sa ating mga panaginip. Kapag naramdaman mo raw na may mabigat sa dibdib mo, parang may sumasakal sa `yo at nahihirapan kang huminga ay nakadagan ito sa iyo. May mga indibidwal na nagsasabi na ang pinaka-worst stage nito ay ang oras na makita mo siya. Iyon lang ang alam ko. Siguro ang masasabi ko, depende na sa `yo kung saan ka maniniwala kasi ikaw ang nakararanas. May mga napapanood ako online na sumusubok na makipag-communicate sa isang sleep demon, ngunit walang malinaw na outcome kung nagtagumpay ba sila.” Kapwa kami natahimik. Ipinikit ko ang aking mga mata dahil tiwala ang aking loob na walang mangyayari sa akin dahil may kasama ako. Naramdaman ko ang pagtayo ni Tita Eloisa na tila nagbanyo at pagkatapos ay inayos ang kaniyang mga gamit. Hindi nagtagal ay tumabi na siya sa akin at inayos pa ang kumot ko. Nagulat siya nang magdilat ako ng mga mata. “Ay sorry, `nak, nagising ba kita?” naibulalas niya. “Hindi po,” sagot ko. “Sa totoo lang po, napahaba ang tulog ko kaninang hapon kaya hindi pa po ako inaantok. Matulog na po kayo.” Ngumiti siya. Umayos siya sa kaniyang pagkakahiga. Ganoon pa man, hindi pa siya pumipikit. Nakatingin lang siya sa kisame na para bang mayroong iniisip. “Hindi madali ang may third eye,” nasabi niya habang tila may malalim na iniisip. “Noon pa mang teenager ako, ginusto ko nang ipasara ito pero wala akong kilalang makakatulong sa `kin. Araw-araw akong nakakakita ng kung ano-ano sa paligid na hindi nakikita ng iba. Pinagtatawanan ako ng iba na para bang kalokohan lang ang lahat.” Ang tono ng kaniyang boses ay para bang naglalabas sa akin ng sama ng loob. “Paano n’yo po nakaya sa loob ng mahabang panahon?” usisa ko. Dama ko ang emosyong kumakawala sa kaniyang maluha-luhang mga mata. “Nahanap ko kasi `yong purpose kung bakit nagkaroon ako ng ganitong kakayahan, kaya unti-unti ko na lang tinanggap,” tugon niya sa akin. “Namatay ang best friend ko noon sa isang aksidente. Araw-araw siyang nagpapakita sa `kin at ginugulo ako, ginagawa niya ang lahat para pakinggan ko siya. `Yon pala, gusto niya lang makausap ang pamilya niya sa pamamagitan ko bago siya manahimik. Nakita ko kung gaano ko siya napasaya bago siya tuluyang naglaho. Hanggang sa mula noon, paisa-isa na akong nilalapitan ng iba para humingi ng tulong na hindi ko matanggihan.” Bumuntong-hininga siya. “Sobrang hirap, Mira. Maraming ayaw maniwala, pero masaya akong makatulong sa mga lumalapit sa `kin, buhay man o kaluluwa.” “Nakaka-amaze po talaga kayo,” naibulalas ko. “Napakatapang n’yo. Sana gano’n din ako.” “Kaya mo, Mira,” mariin niyang tinuran. “Naiintindihan kita sa pinagdadaanan mo ngayon kahit magkaiba tayo ng mga nakikita. Ang maipapayo ko lang sa `yo, higpitan mo ang kapit sa pananampalataya mo, tibayan mo ang iyong loob at h’wag kang magpapalamon sa takot.” Humaba pa nang humaba ang aming naging pag-uusap hanggang sa hindi na namin namalayan ang mabilis na paglipas ng oras. Maya’t maya ang lingon niya sa pinto ng terrace at bintana. Napansin ko rin nang bahagyang umuga ang pinto, ngunit ipinagkibit-balikat ko lang iyon sapagkat mahangin sa labas at maaaring nahihipan lamang iyon ng hangin. Subalit, makalipas ang halos kalahating oras na hindi siya mapakali ay tumayo siya at inayos ang mga kurtina upang matakpan ito. “H’wag na nating patayin ang ilaw para hindi ka matakot,” saad niya. “Kung sakaling bangungutin ka, sikapin mong igalaw ang mga daliri mo. Kung makakaya mong kalabitin ako, gawin mo. O kaya naman, maaari kang yumakap sa `kin.” “Maaari po ba?” nag-aalangan kong tanong. “Oo naman, hija,” dagli naman niyang sagot. “Isipin mo na lang, katabi mo ngayon ang Mama Ynah mo. H’wag kang matakot, hindi kita iiwan.” Nang dahil sa kaniyang mga tinuran ay lalong gumaan ang aking pakiramdam. Napayakap ako sa kaniya at sa loob ng ilang sandali ay kapwa kami nakatulog. Kinaumagahan, hindi kaagad na umalis si Tita Eloisa dahil hihintayin na raw niya roon si Lizbeth na nagsabing dadaanan na lang siya para sabay na silang umuwi. Ganoon na lamang ang pasasalamat ko sa kaniya dahil nakatulog ako nang mahimbing, kaya parang na-energize ako. Pakiramdam ko rin ay nabahagian niya ako ng tapang na mayroon siya. Masaya silang nagkukuwentuhan ni Nanay Goring sa garden habang ako naman ay sumusubok na magtanim. Natuwa kasi ako sa garden sa coffee shop nang makita kong nabuhay ang mga itinanim ko. Nagpadala ng mga pananim ang panganay na anak ni Nanay Goring at nagpresenta ako na baka maaaring ako na lang ang maglipat niyon sa mga paso na ikinatuwa naman nila. Hanggang sa habang naglalagay ako ng lupa sa paso ay nakita ko ang isang pamilyar na bracelet sa damuhan. Biglang rumehistro sa aking isip ang gabing napansin ko na may sugat si Kuya Symon at hindi niya suot ang bracelet na iniregalo ko sa kaniya. Pinulot ko iyon at nilinisan habang napapailing. “Si kuya talaga, minsan may pagkaburara. Buti na lang nakita ko,” bulong ko sa aking sarili. Ipinasok ko iyon sa bulsa ng aking short. Hindi naglaon ay nakarinig ako ng sasakyang paparating at nang matapat iyon sa garden ay bumusina iyon ng tatlong beses. Napansin kong tumakbo si Alvin papalabas at binuksan ang gate kaya napatayo ako at tiningnan ang dumating. “Kuya? Ang aga naman nila,” naibulalas ko dala ng pagtataka, lalo na nang mapansin kong kasama niya si Kuya Drew. Masaya silang sinalubong nina Nanay Goring at Tita Eloisa. Kaagad namang nabaling sa akin ang tingin ni kuya na hindi ko mabasa kung nag-aalala ba o natutuwa sa akin dahil sa nadatnan niya. “Ano’ng ginagawa mo? Pumasok ka na sa loob, h’wag kang tatambay r’yan,” utos niya sa akin habang iginagala ang tingin sa paligid. Kaagad akong naghugas ng kamay at nagtatakang sumalubong sa kanila, ngunit dumiretso silang dalawa ni Kuya Drew sa garden na parang may hinahanap na kung ano. Maging sina Tita Eloisa man at Nanay Goring na kaagad na lumapit sa aking kinatatayuan ay nakitaan ko ng pagtataka dahil sa kanilang maya’t mayang pagtitinginan. Mayamaya lamang ay inalok na nila akong pumasok, ngunit hindi ako sumunod kaagad. “Sana dumating ngayong araw `yong magkakabit ng CCTV,” wika ni kuya. “Ano kaya kung lumipat na lang kayo ng bahay?” suhestiyon ni Kuya Drew. “Hindi ko maaaring iwanan ang bahay na `to. Marami kaming masasayang alaala rito.” Malungkot na napailing si kuya. Magkasunod silang napatingala sa terrace ng mga kuwarto at napansin kong tila napako ang tingin nila sa aking kuwarto na tila napapaisip. Matapos iyon ay mataman nilang iginala ang kanilang paningin sa buong paligid.  Nagtataka akong lumapit sa kanila. “May problema ba, kuya?” urirat ko. “Wala naman,” kaagad niyang tugon, ngunit hindi siya makatingin ng diretso sa akin. “Napag-usapan lang naman sa daan na baka p’wede nating pagandahin pa ang bahay. Mas better kaysa lumipat tayo, `di ba?” Nagulat na lamang kami nang tila ba may bumato sa amin at nalaglag sa aming paanan ang isang bato na katamtaman ang laki at nababalot ng isang papel.   ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD