INAAMIN KO, pansamantalang nabawasan ang aking takot sa mga nakatatakot na nilalang at anino, maging sa mga bulong nang dahil sa mga nangyari. Katulad ni kuya, naguguluhan na rin ako kung ano ang totoo. Pinagdududahan ko na rin ang aking sarili. Hindi ko na rin kasi alam kung totoo ba talaga ang mga nakikita ko o hallucination lang ang lahat.
Napansin ko ang pagtataka ni kuya nang hindi na ako nakiusap pang tabihan niya ako sa pagtulog. Sabi niya natatakot siya na baka bangungutin na naman ako, pero sa huli ay nakumbinse ko pa rin siya. Sa awa ng Diyos, lumipas ang buong gabi nang walang nangyayaring kakaiba at hindi ako ginulo ng bangungot. Kung sakali mang tama ang hinala ko sa aking pinagdadaanan, kailangan ko nang kontrolin ang aking sarili bago pa ako tuluyang masira sa tingin ng marami. Kung kailangan ko ngang magpagamot, siguro hindi na ako magmamatigas pa.
Dahil Sabado at natapos ko naman ang mga kailangan ko asikasuhin, bandang alas dos ng hapon ay nagpasya na akong umuwi. Nag-file din ng leave si Lizbeth sa loob ng dalawang araw sa trabaho dahil may kailangan daw siyang puntahan. Nangako pala siya kay Kuya Symon na sa bahay matutulog habang wala siya, ngunit nang malaman kong may imbitasyon siyang natanggap mula sa tita niya na matagal na niyang hindi nabibisita ay pinayuhan ko siyang pumunta at huwag na akong alalahanin pa. Palagi naman kaming magkasama, sasama pa ba ang loob ko noon? May sarili rin naman siyang buhay at hindi lang naman sa akin dapat umikot ang kaniyang mundo.
“Mira, gusto mong magmeryenda?” Nakangiting salubong sa akin ni Nanay Goring.
“Mamaya na lang po, `nay,” pagtanggi ko. “Busog pa naman po ako. Magpapahinga na lang muna po ako sa kuwarto.” Inihakbang ko na ang aking mga paa paakyat ng hagdananan.
“Gusto mo samahan na kita?” muli niyang tanong sa akin.
Nilingon ko siya. “H’wag na po. Magpahinga na rin po muna kayo.”
Tahimik akong pumasok sa aking kuwarto. Pagkalapag ko ng aking gamit sa study table ay kaagad akong nagpalit ng damit na pambahay. Nagpunta ako sa terrace upang sandaling magpahangin. Mula roon ay tanaw ko ang aming garden na namumutiktik na rin pala sa mga bulaklak. Ngayon ko lang napansin ito dahil ilang linggo rin akong nagpabihag sa takot at nagmukmok sa apat na sulok ng aking kuwarto.
Mayamaya ay nakita kong lumabas sa garden si Nanay Goring at nagsimulang maglinis doon. Alagang-alaga niya talaga ang aming garden, sabi niya nga, ito ang paborito niyang lugar. Dito niya ginugugol ng ilang oras bago kumagat ang dilim sapagkat hinahanap-hanap ng kaniyang katawan ang pagbubungkal ng lupa at pagtatanim. Halata naman dahil lumago ang aming mga halaman at naging hitik sa bulaklak. Huli kong nakitang masigla at makulay ang garden ay noong bago mawala si Mama Ynah. Mapalad kami kay Nanay Goring, para na namin siyang pangalawang ina.
Hindi naman ako nagtagal doon. Pumasok ako at nahiga sa aking kama nang patagilid paharap sa pader at nakatalikod sa terrace. Niyakap ko ang aking isa pang unan at kaagad ko namang ipinikit ang aking pagod na mga mata. Gusto kong bumawi sa mga araw na halos wala akong tulog, kaya siguro parang pagod na pagod ako at nanghihina. Minsan pa ay nakararamdam ako ng pagkahilo.
Naulinigan ko ang pagpatak ng ulan hanggang sa lumakas ito. Ang maalinsangang panahon ay napawi. At hindi nagtagal, habang nakabibingi ang pagluha ng langit, tuluyan na akong nakatulog.
Nagising ako dahil sa sunod-sunod na kalampag sa pintuan. Naghintay pa ako ng ilang sandali at pinakinggan kung magasasalita ang sino man iyon. Ilang minuto na ang lumipas ay panay pa rin ang mga katok. Mayamaya nga ay naulinigan ko ang pagbukas ng pinto sa terrace. Dahan-dahan iyon. Nagtaka ako dahil wala man lang nagsasalita kaya kaagad akong napadilat para tingnan kung sino ang pumasok, ngunit nagitla ako.
Muli na naman akong hindi makakilos at hindi makasigaw. Gustuhin ko mang bumalikwas ng bangon ay hindi ko magawa dahil para bang ang bigat ng katawan ko. Sa pagkakataong iyon ay muli kong naramdaman ang matinding takot lalo na nang makarinig ako ng mahihinang mga yabag mula sa aking likuran na tila papalapit sa akin.
Mirasol, ano ba? Lakasan mo ang loob mo. Sarili mo lang ang tutulong sa iyo.
Napapikit ako, mariin at pilit. Sa kabila ng takot sa aking mga naririnig at pagtatayuan ng aking mga balahibo ay pilit kong kinukumbinse ang aking sarili na mag-isip ng paraan. Saka ko lamang naalala ang ni-research ko kamakailan lang hinggil sa sleep paralysis. Kung tama ang hinala ko, ito marahil ang nararanasan ko at ang lahat ay panaginip lamang.
Sinubukan kong igalaw ang aking mga daliri sa mga paa at kamay, ngunit hindi ko magawa. Hanggang sa muli kong naramdaman na may sumampa sa kama. Sa halip na magdilat ay lalo kong diniinan ang pagkakapikit. Ayaw kong makita kung sino o anumang nilalang ang nasa likuran ko.
Tama na! Tama na! Gumising ka na!
Muli akong nakarinig ng sunud-sunod na katok, hanggang sa maulinigan ko ang tinig ni Nanay Goring mula sa labas.
“Mira, anak, halika na. Maghahapunan na tayo.” Hindi nagtagal ay narinig ko siyang pababa na sa hagdananan.
Saka lamang ako nagdilat ng mga mata at napabalikwas ng bangon. Madilim na ang buong paligid. Malamig ang simoy ng hangin na pumapasok sa may terrace. Nanunuot iyon sa kaibuturan ng aking mga buto. Bumangon ako at nagmadaling binuksan ang ilaw at nakita ko ang orasan na mag-aalas siyete na pala ng gabi. Hindi ko akalaing matagal pala akong nakatulog at sa gitna ng pagkakahimbing ay nakaranas ako ng tinatawag ng iba na entity attack.
Napabuntong-hininga na lamang ako. Sasarahan ko sana ang pinto sa terrace nang may umagaw sa aking pansin. Nahintakutan ako. May mga bakas ng paa sa sahig. Basa ito at may putik. Nang dahil doon ay muli akong napaisip.
Ano ba talaga iyon? Panaginip o totoong nangyari?
Lumabas ako sa terrace at iginala ang aking paningin sa paligid, ngunit wala akong nakita o naramdamang kakaiba. Kaagad akong pumasok at ini-lock ang sliding door. Napansin ko rin doon ang marka ng mga kamay.
Sa halip na tawagin si Nanay Goring ay kinuha ko na lamang ang floor mop sa loob ng aking banyo at nilinis ang mga footprints doon. Kung sasabihin ko na naman kasi, iisipin na naman nilang nababaliw na talaga ako. Alam kong walang maniniwala kahit may patunay pa ako.
“Okay ka lang ba, hija? Bakit ang tagal mong bumaba?” sita sa akin ni Nanay Goring.
Tahimik akong naupo para saluhan sila ni Alvin, ngunit bago ko hawakan ang kubyertos ay pasimple pa akong napalingon sa hagdananan.
“Sorry, `nay, may tumawag lang kasi,” pagsisinungaling ko.
Ang totoo niyan, simula nang nangyari kahapon sa art exhibit ay itinago ko na sa loob ng drawer sa aking side table ang aking cellphone. Natatakot akong tingnan iyon at magbukas ng aking social media accounts. Natitiyak kong hanggang sa ngayon ay pinag-uusapan pa rin nila ako at pinagpipiyestahan ang video ko roon. Upang iwasang ma-stress ay kailangan yatang pansamantala na muna akong mawala sa birtuwal na mundo.
“`Nay, hanggang kailan daw po wala si kuya?” urirat ko.
“Isang araw lang naman yata ang seminar niya, malayo lang talaga `yong venue kaya madaling araw pa lang, umalis na siya,” sagot sa akin ni Nanay Goring. “Sabi niya baka bukas ng hapon o gabi na siya makauwi.”
“Bakit hindi ka sumama?” baling ko naman kay Alvin na tahimik lang habang kumakain.
“Ma’am, body guard n`yo po ako hindi driver niya,” tila nahihiya niyang sagot. Natatakot yata siya na ma-misunderstand ko ang pagkakasambit niya noon. “Nakakahiya nga po, e. Hindi ako dapat nakikisabay sa amo ko sa pagkain.”
Napangiti ako sa tinuran niya. “Ano ka ba?” nasabi ko. “Wala namang problema sa akin `yan. Katulad ni Nanay Goring, hindi ka na iba sa amin. Sorry kung minsan nasusungitan kita, nakakaasar ka lang kasi minsan.”
“Sorry rin ma’am. Si Sir Symon kasi kapag nagbibiro minsan talagang hindi mo mapipigilang mag-react,” paliwanag naman ni Alvin. Napatingin siya kay Nanay Goring at sabay silang tumawa.
“Mababait ang mga anak ni Ynah, Alvin,” tugon ni Nanay Goring. “Halata namang pinalaki sila ng tama. Manang-mana ang mga ito sa kanilang mag-asawa. Simple at mabuting makitungo sa kapwa.”
“Oo nga!” sabat ko. “Hindi ako katulad ng mga amo na napapanood mo sa TV. Kung tutuusin, wala naman kaming katulong at body guard noon. Kailangan lang talaga namin ngayon kasi maraming naiwang resposibilidad sa amin. Hindi na lang kami basta mga anak. May mga umaasa na rin sa amin ngayon.”
Muli akong nakaramdam ng lungkot nang maalala ko sina mama at papa. Parang kailan lang, buo pa kami. Hati-hati sa mga gawaing bahay, nanonood ng TV nang sama-sama, namamasyal at kung anu-ano pa. Sa isang iglap, nagbago ang lahat. Masaya naman sana ang bagong simula namin kung hindi lang nangyayari ito sa akin. Isang palaisipang puno ng misteryo at katatakutan.
Napansin kong nagtabi si Nanay Goring ng pagkain. Medyo marami pa iyon at mukhang kaya pa sa tatlong tao. Kumuha pa siya ng kaunti roon at iniligay sa nakabukod na mangkok at pinggan, habang ang natira ay inilagay niya sa tupperware.
“`Nay, naparami yata ang luto mo,” puna ako. Tila nagulat naman siya sa akin at napatili.
“Ah, oo, napasobra nga yata,” kaagad niya namang sagot. “Akala ko kasi paborito mo itong adobong manok kaya dinamihan ko na para mapasarap ang kain mo.”
“Ay, opo!” naibulalas ko naman. “Busog na busog nga po ako, e.”
“Ilalagay ko lang itong tira sa refrigerator, kapag nagugutom ka, bumaba ka na lang ha at tawagin mo ako?” bilin niya sa akin.”
Napayakap ako sa kaniya. Hinimas-himas niya naman ang aking kamay. “Salamat po, `nay!”
Tinulungan ko siyang magligpit ng kinainan at maglinis sa kusina upang iwasang umakyat muna sa aking kuwarto. Batid kong magiging mahaba ang aking gabi kaya’t mahaba-haba ring lakas ng loob at tapang ang kailangan ko.
Dahil napahaba nga ang aking tulog kaninang hapon ay nagpasya na lamang akong tumambay sa sala at buksan ang telebisyon upang libangin ang aking sarili. Pansamantalang natahimik ang paligid na para bang wala akong kasama. Inisip ko na lamang na baka nagpapahinga na sila ngunit nagulat ako nang marinig kong bumukas ang gate kaya napasilip ako sa bintana at nakita kong papasok si Nanay Goring mula sa labas.
“Saan po kayo galing?” pagtataka ko.
“Bakit?” naibulalas niya. “Nagtapon lang ako ng basura kasi tambak na roon sa likod. Hindi ko naman mautusan itong si Alvin kasi sinisiguro niyang naka-lock na mabuti ang mga pinto at bintana. Bilin `yon sa kaniya ng kuya mo, e.”
Nabaling ang kaniyang pansin sa telebisyon at mistulang may naalala. Naupo ako upang bumalik sa panonood at tinabihan niya naman ako nang magsimula na ang paborito niyang teleserye. At hindi nga ako binigo niyon. Nalibang ako sa programa at pansamantalang nakatakas ang aking mundo na hindi ko na alam kung kailan panaginip at kung kailan totoo. Hindi ko na rin alam kung kailan ako ligtas at kung paano ko tutuldukan ang pahirap na ito.
Bandang alas otso y media ng gabi ay may naulinigan akong sasakyan na huminto sa tapat ng bahay namin, kasunod nito ay ang pamilyar na boses ng isang babae. Mayamaya ay tumunog ang door bell kaya nagmamadali namang tumakbo si Alvin palabas upang tingnan kung sino ang dumating. Sinundan naman kaagad ito ni Nanay Goring upang salubungin kung sino man ang aming bisita na tila ginagabi na yata.
Nakangiting bumungad sa akin si Nanay Goring at nagwika, “Anak, may bisita ka.”
Napakunot ang aking noo. Sino ang aking bisita sa ganitong oras ng gabi? Wala naman akong manliligaw. Hindi naman makararating si Lizbeth para dito matulog at samahan ako.
Hindi nagtagal ay pumasok ang isang pamilyar na babae at kaagad naman siyang yumakap sa akin nang makita ako. Ipinagtaka ko ang kaniyang pagdating.
“Tita, ano’ng ginagawa n’yo rito?” naibulalas ko. Bigla akong kinabahan. “May nangyari ba kay Lizbeth?”
Sa wari ko ay namilog ang aking mga mata. Nakaramdam ako ng matinding pag-aalala para sa aking matalik na kaibigan
Tama nga kaya ang aking hinala? Mayroon nga kayang dalang hindi magandang balita ang kaniyang ina.
***