The Painting

2089 Words
LIBRA… MAGIGING mapalad ka sa araw na ito sapagkat makakabangga mo si the one sa isang mataong lugar. Ang lucky number mo ay 3 at 26. At ang iyo namang lucky color ay brown. “Aba, sakto naka-brown ka! Mukhang magkaka-lovelife ka na,” pabirong wika ni Kuya Symon nang marinig ang horoscope sa stereo ng sasakyan. Napansin ko ring pangiti-ngiti si Alvin. “Kinikilig, Alvin? Magmaneho ka lang kaya!” pagsusungit ko. Sino ba naman ang hindi gugustuhing magka-lovelife, iyon nga lang, huwag naman sanang ipamukha na no boyfriend since birth ako. Takot yata ang mga lalaki sa akin, e. Masyado raw kasing palaban ang personality ko sabi pa ni Luigi noon. Ngunit ano ang magagawa ko kung ganoon talaga ako? Naniniwala naman ako na kahit ano pa ang ugali at hitsura ng isang babae, kung totoong mahal siya ng lalaki ay hindi iyon magiging hadlang. Bagkus ay dapat pa nga siyang maging motivated na iparamdam  ang pagmamahal niya na maaring makapagpabago rito. Napatingin na lang ako sa labas. Nasa biyahe kami papunta sa isang art exhibit kung saan naimbitahan si kuya ng kaniyang dating kasamahan sa pamantasan. Ayaw ko sanang sumama pero mapilit siya. Ginawa niya pang option iyong pagpunta sa psychiatrist kapag hindi raw ako sumama, pero napag-isip-isip ko na mas mabuti na rin ito para naman malibang ako at matakasan sila. Sa totoo lang, halos wala na akong tulog sa bawat gabi. Makatulog man, paputol-putol ito. Nahihimbing lang yata ako kapag katabi ko si kuya o minsan naman ay si Nanay Goring. At dahil nagpaalam si kuya na aalis siya bukas para dumalo sa isang seminar, kinakabahan na naman ako. Kung maaari lang sanang pigilan ko siya o kaya ay sumama na lang ako ay gagawin ko. Kung posible lang din sana, sana huwag nang matapos ang araw na ito. “Wow!” naibulalas ni kuya pagdating namin sa art exhibit. Fan talaga siya ng mga mahuhusay na pintor. Noong teenager siya, libangan niya rin ang pagpipinta. Hindi niya nga lang na-pursue ang passion niya rito dahil mas pinangarap niyang makapagturo at iyon din ang nakikita niyang mas magandang direksyon sa karera na dapat tahakin niya. Inakbayan niya ako. “See, ang gaganda! Nature ang theme na parang may touch ng fantasy. Let’s enjoy, sis!” Hindi ko ikakaila, nakamamangha nga. Mas higit akong na-hook sa mga painting ng mga diwata at lambana sa mga bulaklak. Tila ba nakakita ako ng magandang illustration ng mga nababasa at isinusulat ko. “Ang galing,” puna ko sa painting ng isang diwata ng hangin na tila lumulutang sa alapaap. Dahan-dahan kong inilapat ang aking kanang kamay roon dahil sa pagkamangha. Mayroong bahagi ng utak ko na nagsasabing parang gusto ko na ring matutong mag-paint at sinipat ng aking mga daliri ang texture nito. “Ang mata niya, parang totoo.” Tanging naibulong ko kay kuya bago namin tingnan ang iba. “Ngayon, tiyak na maiintindihan mo na ako kung bakit gano’n na lang ako kahumaling sa pagpipinta noon,” tugon niya kasabay ng isang ngiti. “Sana magkaroon tayo ng time, `no? Tuturuan kita. Parang bagong bonding, gano’n. Para hindi lang si Lizbeth ang palagi mong kasama.” “Oo naman po, pero iba rin `yong sa amin ni Lizbeth. Iba pa rin `yong kapwa mo babae ang best friend mo kasi magkakaintindihan kayo, lalo na pagdating sa girl talk na hindi mo mauunawaan kapag sa `yo ko sinabi ang ilang bagay,” paliwanag ko. “Katulad ng hindi mo ako mapaniwalaan sa mga nakikita ko.” Napaismid ako. Pansin kong natahimik siya. Ang tigas talaga, ayaw maniwala. “Doon muna ako,” muli kong tinuran sabay turo sa grupo ng mga painting na tungkol sa mga yamang lupa at tubig. Ang gaganda ng mga ito. Napaka-realistic ng pagkakagawa. Kung titingnan mo nang maigi, parang mai-imagine mo ang sarili mo na nandoon ka sa lugar na `yon. Nanatili ako roon ng ilang sandali, hanggang sa mabaling ako sa painting ng isang kagubatan. Doble ang sukat ng canvas nito kaysa sa iba. Kaya marahil nasa gitna ito. Hindi lang siya basta makatotohanang tingnan, parang tinatawag din ako nito. Dahan-dahan kong inihakbang ang aking mga paa palapit sa painting na iyon hanggang sa huminto ako sa tapat niyon. Parang nakakatulala ang ganda niya. Inilalarawan nito ang ganda sa gitna ng kagubatan. May makipot na daan papalayo, may mga tuyong dahon doon na parang hinihipan ng hangin at ang silahis ng liwanag ng araw ay lumulusot sa mga dahon ng mga punongkahoy. Hanggang sa mapako ang aking tingin sa unang malaking puno na nandoon—sa kaliwang bahagi ng daang makipot. Napansin kong may kakaiba roon. May nakasilip sa likod ng puno, mistulang ginagaya niya ang kulay ng katawan ng puno upang hindi siya makita, hugis tao at may mga mata na mistulang ahas. Napaisip ako kung lahat ba ng mga painting na naririto ay may nakatagong mensahe o imahe na magbibigay ng palaisipan o kaya ay flavor sa mga ito, kumbaga. Katulad ng ginawa ko sa painting na diwata, muli kong inilapat ang aking mga daliri sa nilalang na iyon. Hanggang sa bigla na lamang akong makaramdam ng kaba at mistula akong binuhusan ng malamig na tubig nang makita ko itong kumurap. Sa una ay inisip kong baka namalikmata lang ako, dala na rin ng takot sa mga naranasan ko nitong mga nagdaang araw at gabi. Ganoon pa man ay mataman ko pa rin itong pinagmasdan hanggang sa muli ko itong makitang kumurap at sa pagkakataong ito ay gumuhit sa kaniyang mga labi ang ngiti. Tatakbo na sana ako palayo, ngunit bago ko man lang mabawi ang aking kamay ay dagli akong hinawakan ng nilalang na iyon at hinila. Napansin kong kumilos ang mga dahon, naramdaman ko at narinig ang mahinang sipol na nililikha ng umiihip na hangin na parang hinihigop ako papasok sa painting. Kumawala ang mga sigaw sa aking bibig, “Kuya! Kuya Symon, tulungan n`yo ako!” Nag-panic ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko upang makawala sa nilalang na iyon sapagkat malakas siya. Samahan pa ng malakas na enerhiya na parang humihigop sa akin. Mula sa buong lakas na pag-agaw ko sa aking kamay sa nilalang na iyon, napaupo ako sa sahig. Kaagad naman akong nilapitan ni kuya at tinulungang tumayo. Nakatitig pa rin ako sa painting at siya man ay nakangiti pa rin sa akin hanggang sa unti-unti siyang nawala. Bigla ring nahulog ang painting sa kinalalagyan nito. Nakita ko na lamang na mula sa humahapdi kong kamay ay gumuhit ang nilikhang mga sugat ng matatalim nitong kuko. “Mira, ano’ng nangyari?” untag ni kuya na parang gulat na gulat sa kaniyang nakita. “May kung anong nilalang doon, kukunin niya ako.” Itinuro ko ang painting. Matapos ng mga salitang tinuran ko ay nakarinig ako ng mga tawanan. Noon ko lamang napansin na maraming taong nakapalibot sa amin. Ang iba ay kinukunan ako ng larawan at video. Pakiramdam ko, pinanawan ako ng dugo sa aking mukha nang dahil sa magkahalong takot at hiya. “Halika na, umalis na tayo rito.” Inakay ako ni kuya paalis sa gitna ng kumpulan ng mga taong naroroon. Naulinigan ko pa ang boses ng ilang babaeng nagbubulungan. “Kilala ko siya. Writer siya, `di ba?” “Hindi ko siya kilala,” sagot ng isa. “Ako, kilala ko rin siya. Isa ako sa mga follower niya,” sabat ng isa pa. Nahiya ako. Hindi ko gustong makita nila ako sa ganitong pagkakataon. Naghihirap akong bumuo ng sarili kong pangalan sa larangan ng pagsusulat, ngunit hindi pa man ako umaangat, para bang babagsak na ako. Napaluha ako. Pilit akong kumawala sa pagkakahawak sa akin ni kuya at tumakbo ako papalabas ng venue. Natigilan na lamang ako nang mabangga ko ang isang lalaki at muntik na akong mawalan ng balanse kung hindi niya lang ako nahawakan sa aking kanang braso. “Miss Mirasol?” narinig kong tinuran niya. Hindi niya ako binitiwan, bagkus ay mas humigpit ang pagkakahawak niya sa akin. Kaagad kong ibinaling ang aking tingin sa kaniya. Malabo man iyon dahil sa mga luhang nag-uunahan sa pagpatak ay nakilala ko siya. Ang lalaking suki namin sa coffee shop, iyong palaging kausap ni Lizbeth. Ganoon pa man, nakilala ko man siya ay wala akong panahon para makipagkumustahan sa kaniya. Gustuhin ko mang huwag niya akong bitiwan ay hindi maaari. Pilit akong nagpumiglas sa kaniya hanggang sa tuluyang makawala. “Teka, Miss Mirasol, ano’ng nangyari sa iyo? Mirasol?” naulinigan ko pang paghabol niya sa akin. Gustuhin ko mang lumingon ay hindi ko magawa. Napahiya na nga ako sa gitna ng maraming tao. Pati sa mga mata niya ay nagmukha pa akong mahina at kawawa. Mabilis akong pumasok sa loob ng aming sasakyan at doon ako humagulhol ng iyak. Totoo naman ang aking nakita. Naniniwala akong totoo ang mga nangyari, pero bakit ganoon ang mga tingin nila sa akin. Bakit kung tumawa sila para akong baliw na bigla na lang inatake at nagwala roon. Nakipaghilahan sa nilalang na ako lang ang nakakakita. Mayamaya lamang ang natanawan ko sina Kuya Symon at Alvin na kausap ang lalaking iyon. Marahil ay naabutan at narinig nila ang paghabol nito sa akin. Sa wari ko ay nagpapaliwanag siya. Nabaling ang tingin ng lalaking iyon sa aming sasakyan hanggang sa tuluyan na silang naghiwalay. Makahulugan naman ang mga tingin sa akin nina Kuya Symon at Alvin na para bang gulat na gulat pa rin. Maya’t maya silang nagtitinginan habang papaalis kami sa lugar. “Ano ba talagang nangyari, Mira?” sa wakas ay urirat ni kuya sa gitna ng aming biyahe pauwi. “Sinabi ko na kanina, `di ba?” dagli kong sagot. “Totoo `yong painting, parang hinihigop ako papasok doon. `Yong monster na parang ahas ang mga mata, nakangiti sa akin. Kukunin niya ako.” “What are you saying?” naibulalas ni kuya. Kunot-noo niya akong nilingon. “I saw what happened. Walang nangyaring gano’n. All of the sudden, bigla ka nalang nagsisigaw, umiiyak ka at takot na takot. Tinulak mo `yong painting at muntik mo pang masira.” “Pero kuya, nagsasabi ako ng totoo,” giit ko. Muling pumatak ang aking mga luha. Napapaisip ako kung bakit ganoon ang kanilang nasaksihan at hindi ang aking totoong naranasan. “Tama na!” mariing saway ni kuya. “Now, tell me…ganyan ba ang okay?” Natigilan ako. Ako man ay napaisip sa tanong niya. Napailing ako habang napapasabunot sa aking sarili. “Kuya, don’t say that. Hindi ako nasisiraan, nagsasabi ako ng totoo. Kuya maniwala ka naman sa `kin, tulungan mo ako.” “Hindi ko na maintindihan, e,” garalgal ang boses niyang tinuran. “Sinubukan kong paniwalaan ka. Sinusubukan kong intindihin ang lahat, pero dahil sa mga nakita ko, lalo akong naguluhan.” Narinig ko na lamang mula sa hulihan ng sasakyan ang impit niyang mga hikbi. Si Alvin naman ay tahimik lang, nakikiramdam. Ganoon pa man, pansin ko ang gulat at pangamba sa kaniyang mga mata habang pasulyap-sulyap sa akin sa rear-view mirror ng sasakyan. Maging sa kaniya, parang wala na rin akong mukhang ihaharap. Nagtaka si Nanay Goring kung bakit nakauwi kami kaagad, gayung ang inaasahan niya ay matatagalan kami at baka abutin pa ng gabi. Naulinigan ko ang paghabol niya kay Kuya Symon na noon ay nagmamadaling umakyat sa kaniyang kuwarto. Nagtatanong kung umiiyak ba ito at ano ang dahilan. Mula sa taas ng hagdanan ay nilingon ako ni Nanay Goring na halatang labis na nag-aalala. Parang wala ako sa sariling napaupo sa sala. Sa loob ng ilang sandali ay tumunog ang aking cellphone. Kaagad kong tiningnan iyon at nakita kong may isang text message sa akin si Lizbeth. Nagulat ako sa mga nabasa ko at bigla akong kinabahan. Best, ano’ng nangyari? Who the hell did this? Kalakip doon ang ilang larawan na screenshots niya sa kaniyang social media account. Kaagad kong chineck ang social media account ko at nagulat ako sa aking mga nakita. Muli akong umiyak na para bang pinagsakluban ako ng langit at lupa. Wala na akong mukhang ihaharap sa mundo. Sa loob lamang ng ilang minuto ay nagmamadaling bumaba si kuya mula sa kaniyang kuwarto tangan ang kaniyang cellphone. “Nakita mo na ba?” aniya. “Panoorin mo para maniwala ka.” Malungkot akong tinitigan ni kuya, habang ako naman ay muling humagulhol ng iyak. Okay nga lang ba ako o talagang may mali na? ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD