Anxiety

2328 Words
HINDI NA biro ang mga nararanasan niya. Hindi na ordinaryong bangungot ang lahat. Nagi-guilty man ako sa hindi ko pagtupad sa aking pangako sa kaniya, tama lang pala ang ginawa ko. Kung ako lang, hindi ko siya mababantayan sa bawat pagtulog niya dahil hindi naman kami nakatira sa iisang bubong. Sinadya kong pansamantalang iwasan siya dahil mabubuko niya ako. Alam niya kung kailan ako nagsisinungaling kaya ganoon na lamang ang aking ginawa para isipin niyang mayroon akong personal na problema. Ngunit, ang balitang nakarating sa akin tungkol sa kaniya ay ikinabahala ko. Garalgal ang kaniyang boses habang nagkukuwento sa akin tungkol sa mga nangyari. Nanginginig ang kaniyang kamay at malikot ang kaniyang balintataw na para bang may kinatatakutan. Balisa siya. Hindi mapakali. Minsan pa’y naiiyak sa kaba. “Best,” wika ko. “Kailangan mo ng tulong. Tama si kuya, patingin ka na sa doktor. Sasamahan kita kung gusto mo.” Naupo ako sa gilid ng kaniyang kama habang pinagmamasdan siya mula sa pagkakahiga. Dagli siyang napatingin sa akin. Para bang may pagkabigla at hinanakit sa kaniyang pagkakatitig. “Pati ba naman ikaw?” mariin niyang tugon. “Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na hindi ako nababaliw? Bakit ba ipinagpipilitan n’yo `yan?” “Wala naman akong sinabing ganoon, Mira,” paliwanag ko. “Katawan ko ito. Utak at mata ko `to!” Galit niyang itinuro ang kaniyang ulo sa bandang noo at ang mga mata niya. “Mas alam ko kung kailan sila mali at kung kailan sila may problema! Bakit ba kayo nagmamarunong?” “H’wag ka namang magalit sa `kin,” tugon ko. “Nag-aalala lang naman kasi ako sa `yo. Baka lang may alam silang dapat gawin para lubayan ka na ng mga `yan. Baka may kailangan ka lang baguhin sa daily routine mo, sa pagkain o sa tamang pagtulog. `Yon lang naman ang sa `kin.” Bumaba ako sa sahig at doon naupo, kasabay ng paghilig ko sa kama patalikod sa kaniya ay ang aking buntong-hininga. Natahimik si Mira. Ilang minuto rin siyang hindi kumibo bago muling nagsalita. “Tapos ito namang si kuya, hindi pa rin naniniwala sa akin. Hindi ko na alam kung ano’ng gagawin ko. Mag-isa lang akong naniniwala sa sarili ko. Ang hirap!” Muli ay narinig ko ang kaniyang paghagulhol ng iyak. Wala na akong nasabi pa, pinigilan ako ng pangamba na baka lalo lang siyang magalit at sumama ang loob. Napatitig na lang ako sa langit na natatanaw ko sa terrace. Ako man, hindi ko na alam ang gagawin. Hindi na ako nagtagal sa kaniyang kuwarto. Pinabalik niya ako sa coffee shop dahil kailangan daw ako roon. Nabanggit niya pa na may lalaking palaging nagpupunta roon at hinahanap ako. Ipinagtaka ko iyon, ngunit sa huli ay naisip ko na baka si Kuya Zach ang tinutukoy niya. Hindi pa man ako tuluyang nakapapasok sa coffee shop ay natanawan ko na si Kuya Symon na paalis, kung kaya’t hinintay ko siya sa labas. Kaagad niya naman akong nginitian nang makita niya ako. “Kumusta siya?” tanong niya. Hindi man siya sumambit ng pangalan, alam ko kung sino ang kaniyang tinutukoy. “Umiiyak po,” dagli kong sagot. “I tried to convince her po, pero nagalit siya sa akin. Sorry po, last ko na sigurong babanggitin `yon sa kaniya. Ayaw kong tuluyan siyang magalit at mawalan ng tiwala sa akin dahil iniisip niyang mag-isa na lang siya.” “Don’t be sorry.” Tinapik ni Kuya Symon ang kaliwang balikat ko. “Pasensiya ka na, hindi ko naman intensyon na pag-awayin kayo. Akala ko kasi mas makikinig siya sa `yo.” “Hindi ka pa rin naniniwala,” makahulugan kong tinuran. Tipid man ang mga salita, batid kong mauunawaan niya ako. “Hindi naman p’wedeng biglang paniwalang-paniwala na kaagad ako, hindi ba?” tugon niya. “Liz, magtataka siya kung ano’ng nangyari. Sinusubukan kong pagtakpan ka dahil alam kong nangako ka sa kaniya. Ayaw kong magkasira kayo dahil sa lahat ng kaibigan niya, sa `yo lang ako may tiwala. But believe me, I did.” Parang nabunutan ako ng tinik sa mga sinabi niya. Kung ganoon, hindi na ako masyadong mag-aalala sa kalagayan ni Mira dahil tiyak na babantayan siya ng kapatid niya. “Liz, sa makalawa aalis ako,” muli niyang tinuran. Parang may naalala siya na noon ay aalis na sana, pinigilan lang siya ng gusto niyang sabihin sa akin. “Importanteng makadalo ako sa isang seminar, e. Baka naman p’wedeng humingi ulit ng pabor.” “Sige po, kuya,” walang paliguy-ligoy kong tugon. “Doon ka na muna sa bahay matulog habang wala ako. Hindi naman kasi p’wede si Nanay Goring. Ang dami na niyang gawaing bahay kaya nakakahiya naman kung dadagdagan ko pa. H’wag kang mag-alala, may magbabantay rin naman sa inyo,” paliwanag niya. Seryoso ang kaniyang mukha na parang nakikiusap talaga sa akin. “Magbabantay? Sino kuya?” naibulalas ko. Napahawak siya sa kaniyang bibig na ang dating sa akin ay parang nadulas siya roon sa nasabi niya. Ilang segundo rin bago siya sumagot sa akin. “Si Alvin!” mariin niyang tinuran. “Tama, si Alvin. Nandoon naman siya.” Kinutuban ako bigla. Kakaiba ang ikinikilos niya na parang may hindi sinasabi. “Kung `yon lang naman po pala, sige po,” nakangiti kong sagot. “Nang sa ganitong paraan ay may magawa naman ako para sa kaniya. Alam ko pong hindi man mawala, maaaring mabawasan man lang ang takot niyang mag-isa.” “Salamat talaga, Liz,” wika niya. Muli niyang tinapik ang aking kaliwang braso bilang tanda ng paalam. “I gotta go, may importante pa akong lakad.” Nagmamadali siyang sumakay sa kaniyang sasakyan. Mula sa nakasarang bintana sa bandang likuran ng sasakyan, naaninagan kong may nakaupo roon. Napansin ko pang sumulyap doon si kuya at ngumiti. Wala namang kaso iyon. Iyon nga lang, kakaiba ang pakiramdam ko. Ano nga kaya ang pinakakaabalahan ni Kuya Symon at may kaugnayan kaya ito kay Mira? Kilala ko siya, hindi niya iniiwanan ang kaniyang kapatid kapag alam niyang hindi ito okay, tapos ngayon pinili niyang um-attend ng seminar kahit maiiwan niya si Mira. Bahagyang napakunot ang aking noo. “Hindi bale, wala namang inililihim at itinatago na hindi nabubulgar sa huli.” *** HABANG PUNONG-ABALA ako sa coffee shop, isang matandang babae ang kumuha sa aking pansin. Sa tantiya ko ay kaedaran ito ni mama. Nakasuot ito ng puting blouse at itim na palda. Itim din ang balabal na nakatakip sa kaniyang ulo. Nakatayo lang iyon sa entrance, pasilip-silip na para bang may hinahanap. “Liz!” Napaigtad ako sa gulat dahil sa pamilyar na tinig na iyon. Napalingon ako sa kaniya at bahagya akong naasar nang makilala ko siya. “Magugulatin ka pa rin,” sarkastiko niyang tinuran. Pinagtawanan niya ako. “Kuya naman, para kang kabote r’yan!” singhal ko sa kaniya. Pakiramdam ko ay nagsalubong ang aking kilay dahil sa inis. “Okay, sorry.” Sumeryoso siya at tumigil sa pagtawa. “Bakit ba kasi titig na titig ka r’yan sa babae? Kilala mo?” usyoso niya. Napatingin din siya roon. “Ang strange kasi ng ikinikilos niya. Kung customer siya, dapat kanina pa siya pumasok,” puna ko. “O-order ka? Tara!” Kaagad naman siyang sumunod sa akin at ako na ang naghanda ng order niya. Nagulat ako nang malaman ko na binigyan siya ni Mira ng discount. Habang kumakain siya, panay ang tanong niya tungkol kay Mira. Ganito raw ito at ganyan. Palagi niyang bukambibig ang kaibigan ko. Nagsinungaling na lang ako na may sakit siya nang tanungin niya kung nasaan ito. Mayamaya, mula sa pagkakaupo namin sa pandalawahang table sa loob ng coffe shop,  naramdaman kong bigla niyang sinipa ang paa ko. Kaagad namang nabaling sa kaniya ang aking tingin dahil nagchi-check ako sa social media account ko sa aking cellphone. “Bakit po?” naibulalas ko. Ngumuso siya. Mistulang may itinuturong papasok na customer. Nagulat na lang ako nang ang bumungad sa aking paningin nang lumingon ako ay ang matandang babae na kanina pa sumisilip mula sa labas. Palinga-linga siya sa paligid at kapansin-pansin nang matigilan siya habang pinagmamasdan ang mga larawan ng pamilya Villaverde na nakasabit sa dingding. Napansin ko rin nang mangilid ang luha sa kaniyang mga mata. Hindi na ako nag-alinlangan pa at nakangiti akong lumapit sa kaniya sa kabila ng kabang nararamdaman ko. “Welcome to Mirasol’s Haven, ma’am!” bati ko sa kaniya. Nang mabaling ang kaniyang tingin sa akin ay mataman niya akong pinagmasdan, mula ulo hanggang paa. Ganoon pa man, hindi siya makatingin sa akin ng diretso. “Hindi po ba kayo o-order?” untag ko. “Ano po ba’ng maitutulong ko sa inyo?” Muli niyang iiniwas sa akin ang kaniyang tingin at iginala ito sa paligid. Mayamaya lang, sa wakas ay nakita ko siyang ngumiti, halata nga lang na pilit. “Nandito ba `yong may ari?” balik-tanong niya sa akin. “Gusto ko sanang makausap `yong may ari.” “Si Miss Mirasol po?” naibulalas ko. Lalo akong nagtaka sa kaniya at sa ikinikilos niya. “Kaibigan kamo ng mama niya. Si ano…” napatigil siya sa pagsasalita na parang inaalala ang pangalang sasabihin niya. “Si Ma’am Ynah po ba?” patanong kong dugtong sa tinuran niya. “Oo, si Ynah. Si Ynah nga.” Nanginginig ang kaniyang kamay. Napatingin siya sa labas na para bang may kinatatakutan. Naalala ko sa kaniya si Mira. “Sorry po, wala po kasi siya,” magalang kong sagot sa kabila ng mga weird niyang presensiya. “May sakit po kasi siya, pero kung gusto n’yo po, p’wede ko namang tawagan si Kuya Symon. Sigurado po ako na kung libre siya sa mga oras na ito ay hindi ito magdadalawang isip na harapin kayo.” “Ay, hindi na. Hindi bale na, ayaw kong makaabala,” pagtanggi niya. Unti-unti siyang humakbang paatras. “Kung importante po ang pakay n’yo, maaari n’yo naman po na sabihin sa `kin. Ipinapangako ko po na makararating ang inyong mensahe sa kanila,” suhestiyon ko. Hindi ako pakialamerang tao pero naku-curious ako sa sasabihin niya. “Hindi, hija. Baka madamay ka lang,” tugon niya. Pumihit na siya patalikod at akmang aalis na. Nagdulot iyon ng kaba sa puso ko. May kinalaman kaya ito sa napapansin kong pagkakatulad ng ikinikilos nila ni Mira at ang magkatulad nilang mga mata? May nakikita rin ba siya o kakaibang nararanasan? Imposible namang siya ang babaeng nakaitim dahil malayung-malayo siya sa description nito na sinabi sa akin Mira. “Teka lang po!” habol ko sa kaniya. “`Nay, ako ang pinagkakatiwalaan ng mga anak ni Ma’am Ynah kaya’t sana ay pagkatiwalaan n’yo ako. Tungkol ba ito sa—” Dagli siyang lumingon at bumilis ang kaba sa aking dibdib ng senyasan niya akong tumahimik. Inilapat niya ang kaniyang hintuturo sa bibig niya at bahagya akong pinandilatan. “H’wag kang sasambit ng anuman,” wika niya na parang babala sa akin. “Balang araw ay magkikita tayong muli. Mag-iingat ka binibini at bantayan n’yo siya.” Itinuro niya ang larawan ni Mira at mabilis na nilisan ang coffee shop. Hindi niya man ako sinagot ng direkta, nakumpirma ng kaniyang mga huling salita na tama ang kutob ko. Kung sino man siya, isa siya sa mga kailangan ng kaibigan ko. Pakahihintayin ko ang araw na sinasabi niyang magkikita kaming muli. Para bang lumilipad ang isip kong bumalik sa table namin ni Kuya Zach. Wala siyang narinig, sigurado ako, ngunit napakunot ang noo niya nang mapansin akong nakatingin sa kaniya. “Bakit tulala ka?” puna niya sa akin. This time hindi siya nakatawa. “Ano ba’ng sinabi no’ng babae?” Hinanap niya ito, ngunit hindi na ito natagpuan ng kaniyang paningin. Umiling ako. “Wala po, nagtatanong lang ng direksyon. Nawawala raw siya,” pagsisinungaling ko. “Kuya, napapaisip lang ako. May kaibigan kasi ako, nakakakita raw siya ng mga unusual creepy creatures. Naniniwala ka ba ro’n?” Kaagad gumuhit ang kaniyang ngiti sa mga labi saka natawa. “What?” naibulalas niya. “Walang gano’n, Liz.” Hindi na ako sumagot pa sa kaniya dahil alam ko na rin naman ang kauuwian kapag iginiit ko. Katulad rin siya ni Kuya Symon, hindi naniniwala sa mga ganoong nilalang. Ganoon siguro ang mga lalaki, kung ano’ng nakikita nila, iyon lang ang pinaniniwalaan nila. At ang ganitong uri ng mga paksa ay isang kalokohan lamang. Nagulat ako nang ilapag niya sa mesa ang isang sobre na tila invitation. “Sa makalawa, inaasahan ka ni mommy. Sana h’wag mo siyang biguin. Miss na miss ka na nila.” “Sa makalawa?” naibulalas ko. Naalala ko ang pakiusap sa akin ni Kuya Symon, ngunit hindi ako makahihindi sa imbitasyon na iyon dahil tiyak na sasama ang kanilang loob sa akin. Sa kabila niyon ay hindi ako nagreklamo. Hindi rin naman ako nangako o nag-confirm na dadalo sa birthday party na iyon. Sinabi ko na lamang na magpapaalam muna ako sa trabaho kung papayagan ako. Nag-alok siyang ihatid na ako sa pag-uwi at hindi ko naman na tinanggihan iyon dahil nakaramdam ako ng takot sa paligid. Isa pa, gusto rin naman siyang makita ni mama. Papaalis na kami sa coffee shop lulan ng kaniyang sasakyan nang may mapansin akong nakatayo sa may kalsada. Patuloy na nakasilip at nagmamasid ang matandang babae. Nakakubli sa isang malaking puno sa gilid ng kalsada. Habang papalayo kami, tinitingnan ko pa rin siya mula sa likuran ng sasakyan hanggang sa mapamulagat ako nang may isang aninong mabilis na tumawid sa kalsada patungo sa kinatatayuan niya.   ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD