HE ENTERED my room several times, nagpanggap naman akong mahimbing ang tulog. From time to time, sinisilip niya ako—parang security guard na rumuronda sa gabi. At ang higit kong ipinagtataka ay kung bakit ilang beses siyang tumingin sa ilalim ng kama ko na para bang may inaasahang makita roon.
Kinaumagahan, habang natutulog pa si Kuya Symon ay gumayak na ako papasok sa trabaho. Pinili kong umiwas na lang para hindi na siya tanong nang tanong tapos hindi naman maniniwala sa mga isinasagot ko. Hanggang ngayon ay masama pa rin ang loob ko sa kaniya, ngunit ipinapangako ko naman sa aking sarili na hanggang doon lang iyon. Hindi ako kailanman magagalit sa kaniya. Pasasaan ba’t lilipas din ito at magbabalik din kami sa dati. Sa ngayon, nais ko munang mapag-isa.
“Excuse me, si Lizbeth?” tanong ko sa assistant chef niya. Nadatnan ko silang busy sa paghahanda sa mga snack at dessert.
“Ah, ma’am, wala pa po siya,” sagot naman nito sa akin. “Pero tumawag po siya, mali-late raw po.
Nagtaka ako. Ngayon lang siya na-late at hindi pa siya tumawag sa akin, sa halip sa kanila siya nagsabi. Halos fifteen minutes din akong tumambay roon para panoorin sila sa pagluluto, hanggang sa bumubulong-bulong akong umalis roon at naglakad pabalik sana sa aking opisina nang isang lalaki ang bumungad sa akin.
“Finally, kanina pa ako tumatawag,” naibulalas niya nang makita ako. “I know na safe itong location ninyo, pero sana palaging may bantay rito. Suggestion lang kasi, alam mo na. Baka customer na sana, maging bato pa.”
Hindi ko alam kung bakit sa halip na mairita sa kapreskuhan niyang magsalita, napangiti ako. Hindi naman rin ako maaring magalit sa sinabi niya kasi suhestiyon niya iyon bilang customer namin at walang masama roon. Lumapit ako sa kaniya na naghihintay sa may cashier.
His appearance grabbed my attention. Ang neat niyang tingnan sa puting long sleeves na suot niya na ang laylayan ng sleeves ay nakalukot sa kaniyang braso. Iyong buhok niya, nakatutuwang tingnan kahit medyo mahaba na. Parang iyong nauusong I woke up like this lang ang datingan, tapos mamula-mula pa ang labi—dinaig pa ako. Matikas ang tindig, parang disenteng tao.
“Sorry, sir. Medyo kulang ang tao ko ngayon kaya `yong mga natitira, busy pa sa paghahanda sa loob,” paliwanag ko. “Welcome to Mirasol’s Haven. Ano po ang order n’yo?”
“Wait, mga tao mo? So, you own this? Ikaw ba si Mirasol?” naibulalas niya. Hindi ko alam kung ano ang nakagugulat sa sinabi ko na parang namilog ang mga mata niya. “I’m sorry, ma’am. I’m just—”
“Okay lang po,” sabat ko sa kaniya. “Iginagalang namin ang say ng mga customer namin para mas ma-improve pa namin ang service namin. Thank you.”
“You know, ever since I’ve discovered this coffee shop, it’s been my favorite place,” pag-amin niya. “Palagi akong nagda-drop by rito kapag may oras para mag-relax. And because of how you deal with me, mukhang mas mapapadalas pa ako rito.” Ngumiti siya at para bang nahulog ang loob ko sa ngiting iyon. Kinuha niya ang kaniyang wallet at kumuha ng pera.
“Thank you, sir,” wika ko. “Lalo akong na-inspire na i-manage ang coffee shop na ito na ipinamana sa akin ng mga kinikilala kong magulang. Aasahan ko po kayo palagi, ha? P’wede rin kayong mag-invite ng tropa n`yo at bibigyan din po kita ng discount simula ngayon.”
Nakita kong gumuhit ang ngiti sa kaniyang labi. “That’s great, thank you!” natutuwa niyang tinuran. “Don’t worry, I will recommend your coffee shop to my friends.”
Tumingin-tingin siya sa mga nailabas nang pagkain, saka siya muling tumingin sa akin.
“Coffee and your special maja blanca sana,” order niya. “Take out na lang sana, p’wede ba? Pero `yong kape, dito ko na iinumin.” Napansin kong pasulyap-sulyap siya sa loob na para bang may tinatanaw sa kusina.
“Special ba kamo?” naibulalas ko. “Well, specialty naman talaga `yon ng magaling kong chef.” Tumawag ako ng isa sa mga staff para ihanda ang order niya.
“I know.” Ngumiti siya ulit. Para namang nadismaya siya ng konti nang lumabas ang staff na tinawag ko. “Si Liz?”
Nagulat ako nang marinig kong hinahanap niya si Lizbeth. Naalala ko ang lalaking kausap niya ilang araw na ang nakalilipas. Saka ko lamang naalala kung sino siya. Kung hindi ako nagkakamali, siya marahil iyon.
“Wala pa, e,” sagot ko. Iinabot naman sa akin ng staff ang inihanda niya para sa customer namin. “Heto, sir. Have a great day!”
Matapos niyang iabot sa aming staff ang kaniyang bayad, tumingin siya sa kaniyang relo. “Lagpas alas nuwebe na, baka hindi niya na ako abutan. Thank you ulit, ma’am.”
“Sige po, maiwan ko na rin kayo. Hintayin n`yo na lang ang sukli.”
Iniwanan ko na siya at tumuloy na ako papunta sa opisina ko. Napapaisip ako kung sino siya. Gusto kong itanong ang pangalan niya, pero hindi ko nagawang magsalita. Ewan ko ba. Hindi ko malaman kung bakit sobrang gaan ng loob ko sa kaniya at parang kinurot ang puso ko nang hanapin niya si Lizbeth.
***
TILA WALA sa sarili si Lizbeth sa loob ng maghapon. Hindi rin siya nagpunta sa akin para kulitin ako. Gusto ko sanang itanong kung may pinagdadaanan ba siya dahil baka sakaling makatulong ako, pero umiwas siya sa akin. Hindi naman na bago sa akin ang ugali niyang iyon. Ganoon talaga siya kapag may problema, umiiwas sa lahat. Babalik naman siya kaagad sa dati kapag okay na siya. Nakalulungkot lang na wala ako sa tabi niya, pero kapag ako palagi siyang nandiyan.
Ganoon din si kuya, hindi nagsasalita. Alam kong ako rin ang nagsimulang maglagay ng distansiya sa aming dalawa, pero nakakapanibago na kapag siya ang tahimik. Subalit sa kabila niyon, kakaiba ang mga titig niya sa akin. Para bang gusto niyang magsalita, ngunit pinipigilan niya lang ang sarili niya. Si Nanay Goring naman, kinakausap niya.
Habang hawak niya ang kaniyang cellphone at busy magtipa ng kaniyang message para sa kung sino, napatitig din ako sa kaniya. Napakunot na lang ang noo ko nang mapansin ko ang sugat sa kaniyang kaliwang braso. Medyo mahaba iyon na parang sumabit sa kung anong matulis na bagay, ganoon pa man, hindi naman iyon malala.
“Bakit may sugat ka, kuya?” tanong ko sa kaniya.
Napilitan akong basagin ang katahimikan sa pagitan naming dalawa dahil sa pag-aalala. Nakaramdam ako ng guilt nang pumasok sa isip ko ang ideya na maaaring napahamak siya dahil sa kaiisip kung bakit iniiwasan ko siya.
Napatingin siya sa sugat niya at marahan niyang hinawakan iyon. Napansin kong napangiti siya at sigurado akong hindi iyon dahil sa pagpansin ko sa kaniya. Huli ko siyang nakitang ganoon ngumiti, nang sagutin siya ng ex-girlfriend niya noon. Bumaling siya ng tingin sa akin na pilit ikinukubli ang saya sa kaniyang mukha.
“Wala `to, aksidente lang,” aniya. “Hindi niya naman sinasadya.”
“Niya?” naibulalas ko. Kinutuban ako. “Ngayon lang ako nakakita ng taong parang tuwang-tuwa na may sugat siya. Don’t tell me, nakikipaglampungan ka sa aswang? Ikaw yata ang nababaliw, hindi ako. See? I told you, I’m fine.”
Napahagalpak ng tawa si Nanay Goring habang inaayos niya sa hapagkainan ang aming hapunan.
“Nay, naman!” naibulalas niya sabay pabirong kurot sa tagiliran ni Nanay Goring. “Ano ba’ng pinagsasasabi mo r’yan, Mira? Sino’ng may sabing natutuwa ako, masakit kaya?” Sinusubukan niyang mag-deny, pero binabawi iyon ng mga ngiting pilit niyang itinatago sa akin.
“Parang in love ka,” puna ko. “Hindi ka naman ganyan kahapon, e. May nahulog bang anghel mula sa langit kagabi? Sino `yang ka-text mo?”
“Tama na, Mira, ha!” mariin niyang wika. “Pag itong si nanay naniwala sa `yo, tingnan mo.”
Napaismid na lang ako. Nagkatinginan kami ni Nanay Goring at tumawa itong walang tunog kaya pati ako napangiti rin.
Kung totoo man ang hinala ko, masaya ako para sa kaniya. Mas gusto ko na lang iyon kaysa mag-alala siya sa akin. Balang araw, alam kong magagawan ko rin ng paraan ang problema ko nang hindi na siya inaabala pa. At kung totoo mang nasa estado ako ng depresyon, lalabanan ko ito sa sarili kong paraan. Hindi ito ang magpapabagsak sa akin. Oo, masakit at ang hirap i-handle ng lungkot at takot ko, ngunit ipinapangako kong kakayanin ko ang lahat para kay Kuya Symon.
Hatinggabi na nang dalawin ako ng antok. Nandoon pa rin kasi ang takot, kaya nga hindi na ako nagpapatay ng ilaw. Nararamdaman ko pa ring may nanonood sa akin at nakahuhuli ng mga anino sa sulok ng aking mga mata, pero sinusubukan kong kontrolin ang aking sarili. Baka lubayan nila ako kapag napansin nilang hindi na ako natatakot. Kung epekto man ito ng pinagdadaanan ko, lalabanan ko.
Mula sa aking pagkakapikit ay ini-imagine ko sa aking isip ang mga eksenang susunod kong isusulat para sa sa aking ongoing na nobela na posted online. Hanggang sa tuluyan na nga akong nahulog sa bitag ng isang mahimbing na tulog.
Tahimik ang buong paligid. Hanggang sa maulinigan ko ang paglagatik ng switch ng ilaw. Kasabay ng pagdidilim ng paligid ay ang aking pagdilat. Kinabahan ako, may ibang tao sa loob ng kuwarto ko.
Sino ka?
Sinusubukan kong bigkasin iyon, ngunit parang wala na naman akong boses. Noon ko lamang namalayan na mula sa aking pagkakatihaya ay hindi na naman ako makagalaw. Parang muli na namang paralisado ang aking katawan.
Muli kong sinubukang igala ang aking paningin sa naabot lamang nito. Nakaaninag ako ng liwanag mula sa labas na pumapasok sa isang dangkal na siwang sa pagitan ng mga kurtina. Noon ay napamulagat ako nang mapansin ko ang pagdaan ng isang anino. Mayroon ding isa pang anino na dumaan sa terrace.
Hindi naglaon ay muli kong naramdaman na may sumampa sa kama. Nangilabot ako nang makarinig ako ng mga nakakatakot na pagtawa.
“Mirasol…” pagtawag niyon sa akin.
Bumilis ang kaba sa aking dibdib dahil doon. Pakiramdam ko ay bigla ko na lamang mararamdaman ang kaniyang paghawak sa anumang bahagi ng aking katawan. Para akong hinihipan ng malamig na hangin na hindi ko alam kung saan nanggagaling.
“Akin ka na lang, Mirasol,” muli nitong tinuran.
Tumulo ang aking mga luha. Gusto kong tumakbo. Gusto kong tawagin ang pansin ni kuya, ngunit hindi ko magawa. Matabig ko lamang sana ang flower vase sa aking side table upang magising sila at saklolohan ako.
Mayamaya ay bumigat na naman ang aking pakiramdam. Napapikit ako upang labanan ang takot. Nahihirapan na naman akong huminga. Wala man akong nakikita, nararamdaman kong may malakas na nilalang na sumasakal sa akin. Dinidiinan niya ang aking dibdib na siyang nagpapahirap sa aking paghinga. Hanggang sa mula sa kung saan ay nakarinig ako ng mga kalabog, gumawa rin ng ingay ang malakas na pagbukas ng pinto. At hindi nagtagal ay may mga kamay na humawak sa aking kaliwang kamay.
“Mirasol, gising! Labanan mo siya, gising!” boses ng isang babae kasabay ng mga tapik sa aking pisngi.
Nang magdilat akong muli ay napabalikwas ako ng bangon. Kaagad namang bumukas ang ilaw at bumungad sa aking paningin si Kuya Symon habang malalim ang aking bawat paghinga. Tumakbo siya palapit sa akin at kaagad akong niyakap. Muli akong napahagulhol ng iyak dahil sa takot sa panibagong atake sa akin ng bangungot na ayaw akong lubayan,
“Calm down, sis!” aniya. “Bangungot lang `yon, nandito na si kuya.”
Pinunasan niya ang aking pawis at mga luha.
“Kuya, kukunin niya ako,” wika ko sa pagitan ng aking mga hikbi. “Kuya, natatakot ako. Kukunin ako ng demonyo.”
“Mira, tama na!” Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi. “Makinig ka sa akin, walang demonyo. Bangungot lang `yon, gising ka na.”
Muli kong naramdaman ang sama ng loob sa kaniya dahil sa kaniyang mga tinuran.
“Kuya, sino `yong babae? May babaeng gumigising sa `kin,” urirat ko sa kaniya.
Sa halip na sagutin ako ay luminga-linga siya sa paligid. “Walang babae rito, Mira.”
Tumayo siya at kumuha ng tubig sa tumbler na nakalagay sa study table ko at kaagad ko namang tinanggap iyon nang iabot niya sa akin. Halos matapon ang tubig sa tindi ng nerbiyos na nararamdaman ko. Pagkainom ko ay mariin kong niyapos ang aking dibdib upang pakalmahin ang mabilis pa ring t***k ng puso ko. Gustuhin ko mang igala ang aking paningin sa aking paligid, pinangungunahan naman ako ng takot sa kung ano pang maaaring makita ko.
“Okay ka na ba?” urirat ni Kuya Symon.
“Kuya, h’wag mo akong iwan,” pakiusap ko sa kaniya. “Parang awa mo na. Alam kong hindi ka naniniwala sa akin, pero sana pagbigyan mo ako.”
“Sige, dito ako matutulog. Babantayan kita,” tinuran niya. Hindi ko alam kung naniniwala na ba siya, naaawa o napipilitan lang para kumalma ako.
Mahihiga na sana ako ulit nang hindi ko sinasadyang mapatingin sa likuran niya. Nahagip ng aking paningin ang isang nilalang na mabilis na tumakbo palabas sa pintuan.
Muling umalingawngaw sa paligid ang aking mga sigaw.
***