Symon’s Thoughts

2255 Words
“SIS, CAN we talk?” Sinubukan ko siyang kausapin pero hindi siya lumabas sa kaniyang kuwarto. Makailang beses pa akong kumatok, ngunit hindi siya sumagot man lamang. Tanging ang kaniyang pag-iyak ang aking narinig mula sa loob. Iyak na nagdulot ng kirot sa aking puso dahil ayaw na ayaw kong nasasaktan siya. “Ano’ng gusto mong gawin ko, magsinungaling?” naibulalas ko. “Sasabihin ko sa kaniyang naniniwala ako kahit hindi naman talaga? Napakalaking kalokohan naman n’yang advice mo, brod.” Sarkastikong tumawa si Drew. “Bahala ka nga r’yan! Tatanung-tanungin mo ako ng opinyon at maipapayo ko sa `yo tapos hindi mo naman pala tatanggapin.” “Napakaimposible naman kasi, Drew,” tugon ko. “Okay, sabi mo nagkakaroon siya ng mga hallucination,” wika niya. “Sinabi niyang nakita niya si tito after ng aksidente, mayroong unusual creature na pumasok sa kuwarto niya at may mga naririnig siya. Mayroong possibility na mayroon siyang schizophrenia o kaya’y depression, may narinig ako somewhere na nakararanas din daw ang ganoon ng hallucination. Subukan n’yo kayang mag-consult sa phsychiatrist.” “`Yan din sana ang gusto ko, kaya lang ayaw niya,” sagot ko. “Ayaw ko naman siyang pilitin kasi hindi siya p’wedeng magalit or ma-agitate. Mahina raw ang puso niya sabi ng doktor. Mas kailangan ko siyang ingatan ngayon.” “Alam mo, bilib din ako sa `yo.” Napa-thumbs up si Drew. “Mahal na mahal mo talaga `yang adopted sister mo, ano?” “Dahil hiniling kong dumating siya sa buhay ko,” tugon ko. “And I needed one to save myself from being alone.” “Pero matanong nga kita,” aniya. “What if nagsasabi pala ng totoo si Mirasol?” Napabuntong-hinga ako. “I don’t think so. Imposible kasi.” Iyon na lamang ang naisagot ko. Gustuhin ko man siyang paniwalaan, napakahirap talaga. Kung sakaling totoo man ang mga nilalang na tinutukoy niya, bakit naman siya lang ang nakararamdam at nakakikita noon? Magkatabi lang kami ng kuwarto at sobrang late na rin akong matulog, pero bakit sa akin walang paramdam ang mga iyon o maging sina mama at papa. Kung mayroon mang nakatatakot na nilalang sa mundo, iyon ay ang mga taong masasama ang budhi, mga gahaman sa yaman at kapangyarihan, mga lulong sa droga na nagiging dahilan ng mga krimeng kinasasangkutan nila at ang walang habas na pagpatay ng mga taong akala nila sila ang batas. Walang multo. Walang halimaw o kung anuman. Ang lahat ay nasa isip lang ng tao. Isang gabi, nagpasya akong dumaan kina Lizbeth bago ako umuwi sa bahay. Naisipan kong siya na lang ang kausapin dahil maaaring sa kaniya nagsasabi ng sama ng loob ang aking kapatid. Isa pa, sila naman ang palaging magkasama at higit silang nagkakasundo sa maraming bagay. Baka sakaling malaman ko ang pinagmulan ng lahat ng ito at kung bakit nagkakaganoon si Mirasol. Maaari ding si Lizbeth ang makakumbinse sa kaniya na magpatingin sa doktor. Wala pa si Lizbeth nang dumating ako. Ang sabi ni Tita Eloisa, tumawag sa kaniya ang anak at nagpaalam na sasama muna siya kay Mirasol sa bahay. Batid kong hindi magtatagal ay darating din siya at hindi nga ako nagkamali. “Anak, mabuti at umuwi ka na,” bungad sa kaniya ng ina nang pagbuksan ito ng pinto. “Kanina ka pa hinihintay ng boss mo.” Namilog ang kaniyang mga mata nang makita ako sa kanilang living room. Sinalubong ko naman siya ng ngiti. Bakas sa kaniya ang pagtataka. Marahil ay napapaisip siya kung bakit ako naroroon o nangangamba kung ano ang mga maaari kong itanong sa kaniya. “Kuya, ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya. “Galing lang po ako sa inyo, ah.” “Naisip kong pumunta na lang dito para hindi marinig ni Mirasol ang pag-uusapan natin,” sagot ko. Tahimik siyang naupo upang harapin ako. Hindi siya makatingin sa akin ng diretso. Pansin ko ring mariin ang pagkakahawak niya sa hawakan ng kaniyang shoulder bag at bahagyang nanginginig. Si Tita Eloisa naman ay tumabi sa kaniyang anak na tila napapansin din ang kakaiba sa ikinikilos nito. “Ano po ba’ng pag-uusapan natin, kuya?” untag niya. “Tulungan mo ako,” walang paliguy-ligoy kong sagot. “Tulungan mo akong kumbinsihin si Mira na magpatingin sa psychiatrist.” Kumunot ang kaniyang noo at ibinaling ang makahulugang tingin sa kaniyang ina. “Kuya, hindi po ba ilang beses nang sinabi sa inyo ng kaibigan ko na hindi siya nasisiraan ng bait?” Umiling-iling ako. “No, it’s not what I mean. Hindi naman porque magpapatingin sa phsychiatrist ay baliw na. Maaari kasing may iba siyang kondisyon like depression, schizophrenia or what. I just want to make sure sa health ng kapatid ko,” paliwanag ko sa kaniya. “Kuya, nagsasabi siya ng totoo,” aniya na ikinagulat ko. Mariin ang kaniyang pagkakasambit niyon na para bang hindi naniniwala sa sinasabi ko. “Kung `yon ang iniisip n`yong tama, nirerespeto ko po kayo. Masaya nga po ako kasi alam kong sobrang mahal n’yo talaga siya. Kaya lang, imbes na suportahan natin siya at tulungan, ang pag-refuse natin na paniwalaan siya ang magpapalala sa kaniya.” “What’s your point?” naibulalas ko. “Sang-ayon po ako na patingnan siya sa doktor,” dagli niyang sagot. “Pero hindi siya nababaliw. I guess, she’s suffering from sleep paralysis. And it’s getting worst each night.” “Sleep paralysis?” wika ko. Napaisip ako. Narinig ko na ang tungkol doon sa isang estudyante ko sa pamantasan. Palagi ko siyang naririnig na nagku-kuwento sa mga classmate niya tungkol sa karanasan niya pero ipinagkibit-balikat ko lamang iyon. “Isang bangungot?” “An intense nightmare, na kahit araw ay inaatake siya.” Tumingin siya somewhere na parang may iniisip. “Noong una, palagi siyang nananaginip ng batang babae na hinahabol daw ng mga anino. Hanggang sa isa na itong babae na kamukha niya. At nitong huli po, nagising daw siya sa gitna ng pagkakatulog niya na hindi siya makagalaw o makasigaw. May nararamdaman siyang nilalang na papalapit sa kaniya hanggang nahihirapan na raw siyang huminga.” Sinapo ko ang aking noo ng mga palad ko. “She never told me anything about that.” “Kasi hindi ka raw naniniwala. Noong isang araw daw po pinagtawananan mo siya at nasaktan siya,” rebelasyon ni Lizbeth. “Kaya ba nagtatampo siya sa `kin?” tanong kong muli. Tumango si Lizbeth. “Pero tingin ko po, hindi lang `yon. May chance na mali rin ako sa nauna kong hinala tungkol sa mga bangungot niya.” “Ano’ng ibig mong sabihin?” Kinabahan ako sa mga tinuran na iyon ni Lizbeth. Napansin ko ang pamumutla niya. “Please, h’wag mo na po sanang sabihin ito sa kaniya kasi ayaw kong matakot pa siya.” Nangilid ang luha sa kaniyang mga mata. “Siguro nagtataka kayo kung bakit naniniwala ako sa kaniya. Siguro alam n’yo naman po na hindi na bago sa amin `yan ni mama.” Tiningnan niya ang kaniyang ina. “Kuya, I saw something in her room. Kaya ako na ang nagsasabi, totoo ang sinasabi niya. Hindi ko alam kung related pa ito sa mga bangungot niya pero may strange creature akong nakita sa ilalim ng kama niya noong nandoon ako, mabilis itong lumabas at tumalon sa terrace sa isang kisapmata lang. Hindi ko alam kung ano `yon.” For the first time, nakaramdam ako ng kaba sa tinuran ni Lizbeth. Hindi ako naniniwala sa mga ganoong nilalang, pero may iba pa palang nakakikita maliban kay Mirasol. “No, this can’t be!” Napatayo ako, ganoon din ang mag-ina. “Kuya, please. Maniwala ka naman. Kailangan mo siyang bantayan,” pakiusap ni Lizbeth. Nasaksihan ko ang pagpatak ng kaniyang mga luha. “Hindi lang ako ang nagsabi ng ganoon. Kahit si K, sinabi `yon at sigurado po ako na mas may alam siya kaya kailangan natin siyang makita dahil siya lang ang magbibigay ng kasagutan sa mga gumugulo sa isip natin.” “Si K?” naibulalas ko namang muli nang marinig ko iyon. “Nagpadala ba ulit siya ng sulat kay Mira?” “Medyo matagal na po, ilang linggo na rin siguro,” pag-amin niya. “Sabi ni Mira, h’wag ko raw sasabihin sa `yo kasi ayaw niyang mag-alala ka pa. Sabi ni K, malapit na raw kaya kailangan niyang mag-ingat kahit sa pagtulog niya.” “Hindi ako naniniwala sa mga ganyan, Liz,” mariin kong tugon sa kaniya. “Pero kailangan ko nang umuwi. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may masamang nangyari sa kaniya. Siya na lang ang natitira sa `kin.” “Mag-iingat po kayo,” bilin ni Lizbeth. “Thank you, Liz,” tugon ko. “Sana tulungan mo ako sa pakiusap ko.” Bumaling ako ng tingin kay Tita Eloisa. “Mauna na po ako.” Nagmamadali akong lumabas sa kanilang bahay. Mabilis ang kaba sa dibdib ko. Naguguluhan ako sa mga sinasabi ni Lizbeth at hindi ko alam kung dapat na ba akong maniwala sa mga kalokohang iyon, ngunit ano nga ba ang mapapala nila kung magsisinungaling sila sa akin? Isa lang ang sigurado sa ngayon, nasa panganib ang buhay ni Mirasol. “Symon!” humahabol na tinig ni Tita Eloisa sa akin. Kaagad akong napalingon sa kaniya at huminto sa paglalakad. “Bakit po?” “Naiintindihan kita,” panimula niya. “Alam kong mahirap paniwalaan, pero ako na ang magsasabi sa `yo na maniwala ka man o hindi, hindi tayo nag-iisa sa mundo. May mga nakakasama tayo na hindi natin nakikita. Ang iba ay sadyang hindi nagpapakita sa mga tao, habang ang ilan naman ay nakikihalubilo sa atin at nagbabalatkayo lamang. H’wag kang pabubulag sa mga gusto mo lang paniwalaan. Be there for Mirasol, no matter how impossible it is for you.” Tumango ako. Mahigpit akong napahawak sa kaniyang mga kamay. “Mahirap nga po. Gusto ko ngang tumawa, e, pero hindi ko magawa. Mayroong bahagi ng pagkatao ko na nagsasabing, maniwala ka, pero hirap na hirap ako. I’ll take your advice. Thank you po, tita. I need to go.” Para bang wala ako sa sariling nagmaneho pauwi. Kung totoo nga, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko para tulungan ang aking kapatid. Apat kami sa bahay, pero bakit siya lang? Bakit kami nina Nanay Goring at Alvin, walang nakikita at nararamdaman? May koneksyon kaya ang lahat sa pagkawala nina mama at sa depression na naranasan niya? Dala ng kaba at inis ay napasuntok ako sa manibela. Sumigaw ako sa loob ng sasakyan upang labanan ang kaba sa aking dibdib at maging matapang para sa aking mahal na kapatid. *** TULOG NA siya nang dumating ako. Marahil ay napagod siya sa trabaho. Hindi siya nagpatay ng ilaw, marahil ay dahil sa takot na ipinagkibit-balikat ko lang at tinawanan. Hindi ko maunawaan, pero nang mabaling ang aking tingin sa laptop niya na nasa study table niya, para bang tinatawag ako noon. Nang buksan ko iyon ay natuklasan ko na nagre-research pala siya about sleep paralysis at sleep demon. Ngunit ang higit kong ipinagtaka, bakit siya nagsasaliksik tungkol sa mga nilalang na may kakayahan na katulad ng mga hayop na ina-adapt ang kulay ng bagay o lugar na kakapitan niya. Kaagad ko ring pinatay iyon. Nilapitan ko siya at kinumutan. Sinigurado kong naka-lock ang bintana at ang pinto sa terrace. Hinila ko ang mga kurtina upang tuluyang matakpan iyon. Papatayin ko sana ang ilaw, pero naisip kong baka matakot siya kapag nagising siya sa dilim. Tahimik akong lumabas sa kaniyang kuwarto, ngunit hindi ko ini-lock iyon upang sakali mang marinig ko siyang sumigaw ay kaagad ko siyang masasaklolohan. Bumaba muna ako sa kusina upang kainin ang inihandang hapunan ni Nanay Goring para sa akin. “Okay ka lang ba, anak? Parang tahimik ka?” puna niya sa akin. “Opo, `nay. Medyo pagod lang po,” sagot ko. “Sige na, magpahinga ka na. Ako na ang bahala rito.” Kaagad akong sumunod sa kaniya. Hindi rin kasi ako matahimik sa baba dahil maaaring hindi ko marinig si Mirasol. Bago ako pumasok sa kuwarto ko ay muli ko pa siyang sinilip at masarap pa rin ang kaniyang tulog. Habang tinatawagan ko si Drew, naglakad ako papunta sa bintana ng aking kuwarto at sumilip sa bakuran. Tuwing gabi ay pinabubuksan ko ang mga ilaw sa labas upang walang magnanakaw na maglakas ng loob para pasukin kami. Hindi rin magtatagal ay magpapakabit na ako ng CCTV. Nakailang tawag na ako kay Drew pero hindi ito sumasagot, hanggang sa muli akong napatingin sa bakuran at para akong binuhusan ng malamig na tubig sa aking nakita. Ang babaeng nakaitim. Mabilis akong tumakbo sa labas upang maabutan ko siya, sapagkat tama si Lizbeth. Kailangang-kailangan namin siyang makausap. At higit sa lahat, kailangan kong malaman kung kakampi ba siya o siya ang panganib na umaali-aligid sa kapatid ko. Nang makarating ako sa hardin ng bakuran ay wala na akong naabutan. Marahil ay natunugan niya ako. Wala man lang naiwang bakas na maaaring maging palatandaan kong saang direksyon siya dumaan. Nagulat na lamang ako nang may mga kamay na tumakip sa aking bibig at sa aking tagiliran ay nararamdaman ko ang isang matulis na bagay na nakatutok sa akin. “Ako ba ang hinahanap mo?”   ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD