HINDI KO alam kung ano ang dapat kong gawin at sabihin para lang maniwala sila sa akin. Wala man lang akong ebidensiya para patunayan ang mga sinasabi ko. Minamaliit nila ang isang bangungot. Sinisisi nila ang hilig ko sa pagbabasa at panonood ng mga pelikulang nakatatakot. Ang mga tingin sa akin ni kuya, parang nagsasabing kaunti na lang iisipin niya nang nababaliw na ako.
Maliban kay Lizbeth, saan nga ba ako makahahanap ng mga taong maniniwala sa akin? Ang akala ko, matapang akong tao. Akala ko, lahat ng nakakatakot sa mundo ay kaya kong harapin. Hindi pala. Nagkamali ako. Kailangan ko ng tulong mula sa mga taong maniniwala sa akin at magpapatunay na totoo ang lahat.
“Ma’am, ipa-park ko lang po ang sasakyan. Babalikan ko po kayo kaagad dito,” paalam sa akin ni Alvin—ang body guard ko.
“H’wag mo na akong samahan sa loob, please,” pakiusap ko sa kaniya.
“Hindi p’wede, ma’am. Mapapagalitan ako ni Kuya Symon niyan,” pagtanggi niya.
“Hindi mo naman sasabihin,” giit ko sa kaniya. “Kasama ko naman si Lizbeth. Safe naman sa loob. Don’t worry, tatawagan na lang kita kapag uuwi na tayo.”
Nagmatigas ako. Kaagad akong lumabas ng sasakyan at mabilis na naglakad papasok sa venue ng book fair. Hindi na ako lumingon pa upang hindi na siya makagawa ng paraan upang samahan ako. Nagulat naman si Lizbeth na naghihintay sa entrance nang makitang mag-isa lang akong dumating.
“Uy, nasaan ang bantay mo?” puna niya.
“Ikaw!” sarkastiko kong tinuran. “Tara!” Hinila ko na siya papasok.
“Teka, anong ako?” reklamo ni Lizbeth. “Hala ka, Mira, nagpapasaway ka na naman! Kabilin-bilinan ni kuya na tuwing lalabas ka, dapat kasama mo si Alvin. Kagabi lang, halos ayaw ka niyang iwanan dahil sa pag-aalala sa `yo.”
“Kasama naman kita, e. Hindi naman ako mag-isa,” sagot ko. “Ayaw niya naman maniwala sa `kin.”
Wala nang nagawa si Lizbeth kung hindi ang sundan ako. Hindi niya na ako pinilit pa, marahil ay nauunawaan niya ang hirap ng pinagdadaanan ko. Gusto kong samantalahin ang araw na ito upang maging malaya sa mga nilalang na pilit akong ginagambala at makaiwas sa muling pag-atake ng bangungot.
Halos hindi mahulugang karayom sa loob ng venue. Sapat na ang makukulay na pabalat ng mga libro sa bawat booth upang magsilbing banderitas sa napakagandang event para sa mga book lovers at writers. Discounted din ang mga presyo noon kumpara sa regular na halaga sa ordinaryong araw at kung papalarin pa, maaari kang magpapirma kung naroon ang author ng mga iyon.
Ang kaninang nangangambang mukha ni Lizbeth ay napalitan ng ngiti nang makita niya sa isa sa mga booth ang book trilogy na matagal niya nang gustong bilhin, ngunit dahil mahal at wala pa siyang trabaho noon ay ipinagpaliban niya muna.
“Finally, mabibili mo na,” nakangiti kong bulong sa kaniya.
Para naman siyang kinikilig dahil sa ibinulong ko. Hindi siya ganoon kapag nakikita niya si Luigi, pero maaaring hindi niya lang talaga ipinapakita. Kaagad niya itong nilapitan at hindi na nag-atubili pang bilhin.
Habang abala pa siya sa pagtingin-tingin ng iba pang libro, napansin ko ang mga fantasy at horror books sa kalapit na booth. Nagpaalam ako sa kaniya at sinabi niyang susunod siya kaagad. Hindi na rin ako nagsayang pa ng panahon at nagsimula na rin akong pumili na librong matitipuhan kong bilhin hanggang sa isang natatanging libro ang umagaw ng aking pansin.
Ito ay isang libro na pinamagatang, “In Between”. Ang pabalat nito ay larawan ng isang babaeng natutulog na kung saan sa ibabaw niya ay ang isang hindi pangkaraniwang nilalang. Binasa ko ang description sa likod ng libro at doon ko nabasa na ang tawag sa nilalang na iyon ay sleep demon. Nakapaloob sa librong iyon ang mga karanasan ng mga biktima sa pagitan ng reyalidad at panaginip.
Unti-unting nabuhay ang kaba sa aking dibdib, habang mariin ang pagkakahawak ko roon at hindi mapagkit ang aking pagkakatitig sa pabalat. May pagkakatulad iyon sa aking naranasan, ngunit ang pagkakaiba lang, wala akong nakikita. Nararamdaman ko lamang at naririnig.
“Bakit parang napapaisip ka?” puna ng babaeng katabi ko. Tiningnan niya ang librong hawak ko saka muling bumaling sa akin at ngumiti.
Nagulat ako sa kaniya. At the same time, nahiya ako sa naging reaksyon ko. “Hindi lang po ako makapaniwala,” sagot ko.
“Walang imposible sa mundo, Miss,” tugon niya. May libro siyang kinuha bago siya muling humarap sa akin. “May mga pangyayaring hindi pinaniniwalaan ng siyensiya at wala rin naman kahit anong matibay na ebidensiya para patunayan ito. Subalit hindi ibig sabihin ay hindi na totoo. Marami pang hindi nadidiskubre sa mundo kaya walang imposible.”
“Kung gano’n, kung sasabihin ko po bang naranasan ko na ito, maniniwala ba kayo?” nag-aalangan kong tanong. Napatitig ako sa kaniya.
Tumango siya saka muling ngumiti. “Ako man ay may mga karanasan na hindi ko maipaliwanag, kaya’t bakit ko huhusgahan ang sa `yo. Sino ba ako para sabihing sinungaling ka, gayung nakikita ko naman sa mga mata mo na seryoso ka. Minsan talaga may mga kababalaghan tayong nararanasan at ilan dito ay pinapasok ang mga panaginip natin sa kanilang sariling kadahilanan. Kung minsan ay may mga nilalang sa paligid mo na nagpapanggap lang pala, ngunit may lihim na misyon sa `yo.”
“Kung gano’n, naniniwala nga kayo.” Napangiti ako at nangilid ang luha sa aking mga mata. Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib dahil sa mga tinuran niya. Akala ko nag-iisa lang akong naniniwala sa mga nararanasan ko.
Mula sa loob ng kaniyang bag ay may libro siyang kinuha at iinabot sa akin. Ang pamagat nito ay “Kaparusahan”. Duguan ang mukha at katawan ng babae sa pabalat. Umiiyak. Nakaaagaw ng pansin ang punit sa gilid ng kaniyang labi na nagdurugo rin. Wala siyang saplot at nakatarak sa kaniyang dibdib ang isang punyal.
“Sa `yo na `yan,” wika niya. “Hindi ka na makakakita ng kopya niyan kahit hanapin mo sa lahat ng book store dahil isang natatanging nilalang ang nagsulat niyan. Isang nilalang na malapit sa aking puso. Hiningi ko sa kaniya ang librong `yan bago siya nawala.”
Matapos iyon ay binuklat niya ang librong kinuha niya kanina at napansin kong isa itong antolohiya. Nang mahanap niya ang isang maikling kuwento ay nilagyan niya ito ng book mark at ibinigay rin sa akin.
“Ito pa,” wika niya sabay abot sa akin. “Ako na ang magbabayad niyan para sa `yo. Magkaugnay ang mga kuwentong `yan. Gusto kong ibahagi sa `yo ang isang personal na karanasan para maisip mo na anuman ang pinagdadaanan mo, hindi ka nag-iisa. Malalampasan mo rin ang kabanatang `yan.”
“Salamat, Miss,” nakangiti ko namang tugon sa kaniya. “Maaari ko bang malaman ang pangalan n’yo?”
“Syne Ghie, iyon ang pen name ko,” sagot niya. “Maiwan na kita.”
Mabilis kong tiningnan ang librong ibinigay niya sa akin na nilagyan niya ng book mark. Doon ay nabasa ko ang pamagat ng isang kuwento na, “Papeymus (Syn)drom(e)”. Kaagad akong napatingin sa kaniya na ngayon ay pinalilibutan na ng ilang kabataan na masayang nakikipag-usap sa kaniya.
“Uy, best! Sino `yong kausap mo kanina?” tanong ni Lizbeth na hindi ko namalayan na nasa aking tabi na pala.
Napatingin ako sa kaniya. “Kilala ko siya, si Syne Ghie. Siya `yong writer na naging usap-usapan noon dahil sa plagiarism. Isa ako sa mga humanga sa kaniya nang mabalitaan kong nag-public apology siya at inamin ang lahat ng nagawa niyang pagkakamali.”
“Ah, talaga? Ano nama’ng pinag-usapan ninyo?” urirat ni Lizbeth.
“Naniniwala siya sa `kin,” sagot ko sa kaniya. “Katulad ko raw ay may mga kakaiba siyang karanasan. Patunay lang `yon na hindi ako nababaliw.”
“Baliw-baliw ka riyan, hindi nga nagsabi ng ganyan sina Kuya Symon! Feeling mo lang `yan,” saway niya naman sa akin.
Naging mahaba at nakapapagod ang araw namin ni Lizbeth, pero talagang nag-enjoy kami. Marami kaming nakadaupang-palad na mga kilalang manunulat. Marami kaming mga nakaaaliw na kuwentong natuklasan. At ang pinakamahalaga, nalaman kong sa kabila ng mga taong ayaw maniwala sa akin, may chance na makakilala ako ng taong higit na makauunawa sa akin at hindi pagdududahan ang kalagayan ng pag-iisip ko.
Marahil, kung hindi ko man iyon naranasan ay maaaring hindi rin ako maniwala. Isa marahil iyon sa mga purpose ng nangyayari sa akin at paliwanag na marami pang nakakubling misteryo sa mundo na lingid pa sa kaalaman ng tao.
Habang nagpapahinga kami ni Lizbeth sa isang fast food chain, nakatanggap ako ng text message mula kay Alvin. Tinatanong niya kung nasaan kami at nakikiusap na sumagot ako dahil kanina pa raw tawag nang tawag si Kuya Symon at natatakot siyang sagutin ito sapagkat tiyak na mapapagalitan siya.
Bahagya akong natawa sa nabasa ko kaya napatitig sa akin ng masama si Lizbeth.
“Grabe ka!” naibulalas niya. “Halos maihi na yata sa pantalon niya `yong tao sa nerbiyos tapos tatawanan mo pa. Papuntahin mo na rito si Alvin, kawawa naman.”
Nakaramdam naman ako ng konsensiya dahil sa sinabi ni Lizbeth kaya sinagot ko na ang message niya. Hindi naman nagtagal ay dumating siya.
“Sorry, Alvin, ha?” paghingi ko ng tawad. “Gusto ko lang naman maging free ngayon kahit sandali. H’wag kang mag-alala, hindi ito malalaman ni kuya.”
“Salamat, ma’am. Kanina pa nga siya tumatawag.” Nagpunas siya ng pawis.
“Maupo ka na muna at kumain,” wika ko. Gusto kong bumawi sa kaniya. “Nag-order ako para sa `yo. Sorry talaga. Ako na ang tatawag kay kuya.”
Alas sais na ng gabi kami nakauwi. Ihinatid pa namin si Lizbeth sa kanila para makasigurado akong ligtas siyang makauuwi, pagkatapos noon ay dumiretso na kami sa bahay. Naabutan namin si Kuya Symon na nagkakape sa sala habang nanonood ng balita.
“Mabuti naman at nakauwi na kayo,” sita niya sa amin.
Dumiretso na si Alvin sa loob dala ang aking mga nabiling libro. Narinig ko pa nang salubungin siya ni Nanay Goring.
“Kumusta ang book fair? Nag-enjoy naman ba kayo?” urirat niya. “Nabili mo ba `yong ibinilin kong libro?”
“Yes po,” sagot ko. Iinabot ko sa kaniya ang paper bag na bitbit ko kung saan nakaimprita doon ang pangalan ng publisher ng ipinabili niyang libro hinggil sa business management.
“Salamat, sis,” natutuwa niyang tinuran. “Kailangang-kailangan ko ito, e. Ikaw, nabili mo ba `yong mga gusto mo?”
“Opo,” matamlay kong sagot. “Sige, kuya. Aakyat na ako sa kuwarto ko.”
“Kain muna tayo,” alok niya na pumigil sa akin sa pagtalikod sa kaniya.
“Mauna ka na, kuya,” dagli kong sagot. “Medyo busog pa naman ako. Mamaya na lang ako kakain.”
Tuluyan na akong pumihit paalis at naglakad paakyat ng kuwarto ko. Naulinigan ko na lang ang pagtawag niya sa akin na tila sinusundan ako, kaya mula sa hagdananan ay napalingon ako sa kaniya.
“Mira, nagtatampo ka ba sa `kin?” puna niya.
Umiling na lamang ako bilang sagot. Naulinigan ko na lang ang mga tinuran ni Nanay Goring.
“Hayaan mo na muna, anak. Mauna ka nang kumain at dadalhan ko na lang siya pagkatapos mo.”
“Mira!” muli niyang pagtawag sa aking pangalan, ngunit hindi na ako lumingon pa.
Hindi ko kayang sumagot ng pabalang kay kuya kahit totoong nagtatampo ako sa kaniya. Hindi ko magawang magpakita ng masama sa kaniya sa kabila ng nakaiinsultong tawa niya nang sabihin kong parang may mga pumapasok sa kuwarto ko na hindi pangkaraniwang nilalang. Masakit para sa akin na siya pa ang unang ayaw maniwala sa mga sinasabi ko, gayung akala ko ay siya ang kakampi ko. Hindi ko man ginusto ang nararamdaman ko, hindi ko pa rin maiwasang sumama ang loob.
Alam kong napapansin niya ang pag-iwas ko, lalo na’t hindi ako kumakain na hindi siya kasabay dati pa. Alam ko rin na maninibago siya roon at maaaring dumagdag pa sa kaniyang pag-aalala. Ngunit ano’ng magagawa ko? Hindi ko naman p’wedeng lokohin ang sarili ko at sabihing hindi totoo ang mga naranasan ko, gayung maliwanag pa sa sikat ng araw ang kamalayan ko. Hindi ko naman maaaring ipagwalang-bahala ang lahat ng iyon lalo pa’t pakiramdam ko ay nag-iisa na lamang ako sa bahay na ito.
Hindi ko matanggap na ang mga nakakatakot na karanasang ito ang unti-unting magbibigay ng distansiya sa aming dalawa.
Nang tuluyan kong maisara ang pinto ng aking kuwarto at buksan ang mga ilaw, napaupo na lamang ako sa sahig at humilig sa pinto. Namalayan ko na lang, hindi ko na mapigilan pa ang pag-iyak.
Sa gitna ng aking paghagulhol ay lumikha ng ingay ang mga katok sa pinto.
“Sis, can we talk?”
***