“MAHINA ANG puso niya.”
Iyon lang ang narinig ko kay Kuya Symon nang ibilin niya ako kay Nanay Goring, ilang araw matapos akong mawalan ng malay. Ang narinig ko lang na sinabi ng doktor, kailangan ko ng pahinga, tamang pagkain at oras ng pagtulog. Ito rin ang dahilan kung bakit minabuti marahil ni kuya na ibilin na muna kina Lizbeth at Miss Andrea ang coffee shop at bigyan ako ng isang linggong break. Tuwing tinatanong ko siya, ang sabi niya okay lang naman daw ako. Over fatigue lang ang nangyari sa akin. Wala akong nalalaman at nauunawaan sa mga naulinigan kong sinabi ni kuya bago siya umalis.
“Anak, ano’ng ginagawa mo?” bungad ni Nanay Goring. Tangan niya ang isang tray na may pagkain para sa akin. “Baka nagugutom ka na kaya dinalhan na kita ng tanghalian, para hindi ka na rin bumaba.”
Isinara ko ang aking laptop upang harapin siya. Nakangiti niyang inilapag sa aking tabi ang tray at aalis na sana. Parang nagulat siya nang hawakan ko bigla ang kaniyang kamay upang pigilan siyang umalis.
“Maaari po bang dito lang muna kayo?” pakiusap ko sa kaniya. Hinigpitan ko pa ang aking pagkakakapit sa kaniya.
“Bakit, masama ba ang pakiramdam mo?” balik-tanong niya sa akin. Kinapa niya ang aking noo..
Umiling ako saka ko siya binitiwan. Naupo naman siya sa aking paanan upang pagbigyan ako. “Masama po ang nararamdaman ko, pero wala akong sakit.”
Kumunot ang kaniyang noo na para bang naguguluhan sa aking mga tinuran. “Ano’ng ibig mong sabihin, hija?”
“Masama ang pakiramdam ko sa paligid,” sagot ko. “Hindi ako nag-iisa, `nay. Parang palaging may nakatingin sa `kin, lalo na kapag natutulog ako. `Yong pumasok dito sa kuwarto ko noong isang araw, baka siya `yon.”
“Mira, h’wag mong takutin ng ganyan ang sarili mo at baka makasama sa `yo,” naibulalas niya. “Wala kang dapat ikatakot. May alagang unggoy raw diyan sa kapitbahay at nakawala lang noong isang araw. Duda ko, siya ang nakapasok dito at nagtago sa closet mo kasi naiwanan mong bukas ang pinto sa terrace.”
“Hindi `yon unggoy, `nay,” giit ko. “Hindi n’yo ba nakita `yon? Ang bilis-bilis niyang kumilos na hindi katangian ng isang unggoy. Isa pa, may kalakihan siya at kakaiba ang kulay. `Nay, maniwala ka naman sa `kin.” Napaluha ako.
“Mira, maghunos-dili ka. Namalikmata ka lang,” sagot niya. “Walang masamang nilalang na nandito. Sabi ng kuya mo sa akin madalas kang bangungutin, kaya siguro minsan naiisip mong totoo `yong mga hindi naman talaga.”
“Pero, `nay,” sabat ko pa. “Please, h’wag mo akong iwan. Natatakot ako sa kanila.”
“Oh, sige,” tila napipilitan niyang sinabi. “Kainin mo na `yan.”
Alam kong napipilitan lang siyang samahan ako dahil hindi siya naniniwala. Iniba niya na lamang ang usapan at nagkuwento tungkol sa kanila ni mama noong mga bata pa sila. Pansamantala akong nalibang at nakalimot sa kinatatakutan ko, dahilan kung bakit muli akong bumalik sa aking pagsusulat habang siya naman ay bumaba muna upang tapusin ang kaniyang natenggang gawaing bahay dahil sa akin.
Lumipas din ang isang oras ng pagtitipa hanggang sa makaramdam ako ng pangangalay ng aking batok at likuran. Itinabi ko ang aking ginagawa at nagpasyang ihiga muna sandali ang aking likod upang mapawi sa sakit.
“Nakaka-boring naman dito,” bulong ko sa aking sarili. “Bukas papasok na ako. Dito iikli ang buhay ko, e.”
Napatingin ako sa orasan na nakasabit sa taas ng pinto. Alas tres ng hapon. Ilang oras pa ang hihintayin ko para sa pag-uwi ni kuya. Mas maigi yata talagang bumalik na ako sa trabaho upang maiwasang mag-isip at makalimutan kong muli ang takot sa dibdib ko.
Mula sa aking pagkakahiga ay napatitig ako sa kisame habang unti-unting inaakit ng katahimikan ng paligid. Sinikap kong iwaksi sa aking isip ang takot at mga problema. Pinili kong maging blangko na muna ang aking isip upang higit na makapagpahinga bago bumalik sa trabaho. Hindi naglaon, sa aking bawat pagkurap ay tila bumibigat ang talukap ng aking mata. Sa bawat kurap ay patindi nang patindi ang antok na dumadalaw sa akin. Hanggang sa hindi ko na namalayan ang tuluyang pagpikit ng aking mga mata na nagpadala na nang tuluyan sa antok.
Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakapikit. Ang alam ko lang, hinayaan kong bihagin ng kadiliman mula sa aking pagkakapikit ang reyalidad.
Bigla na lamang akong napadilat nang maulinigan ko ang mga yabag na papalapit. Subalit muli akong nakaramdam ng matinding kaba nang hindi ko maikilos ang aking katawan. Maging ang pagsigaw ay hindi ko magawa. Subukan ko man ay walang boses na lumalabas sa aking bibig. Batid kong gising na ako dahil alam ko ang nangyayari sa aking paligid.
Unti-unting lumalapit ang mga yabag. Dahan-dahan na para bang mumunti ang kaniyang mga hakbang. Nararamdaman ko siya, ngunit hindi siya maabot ng aking paningin. Iginala ko ang aking paningin sa mga bahagi ng aking silid na tanging naaabot nito, subalit hindi ko mahuli kahit man lang ang kaniyang anino. Gustong-gusto ko nang bumangon at tumakbo palabas ng aking kuwarto para humingi ng tulong, ngunit hindi ko magawa dahil sa mistulang naparalisa ng aking katawan. Nanatili ako sa ganoong posisyon habang patuloy na nakikiramdam sa paligid. Nakikiusap na matapos na sana iyon at tuluyan akong makawala sa enerhiyang nakagapos sa akin.
Mayamaya ay nakarinig ako ng mga kalabog at mumunting mga tawanan. Hanggang sa maramdaman kong may sumampa sa kama. Kitang-kita ko kung paanong lumubog iyon sa kanang bahagi ng aking kama, mula sa bandang paanan hanggang sa aking tagiliran. Dagli rin itong nawala, ngunit bigla akong nakaramdam ng mabigat sa aking dibdib. Nahirapan akong huminga, dahilan kung bakit napaluha na lamang ako sa takot. Naririnig ko ang kaniyang paghinga. Naririnig ko ang kaniyang mahinang ungol.
Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Buong buhay ko ay ngayon ko lamang naranasan ang ganoong klase ng bangungot. Halos hindi na ako makahinga at kung magtatagal pa ito, baka ikamatay ko na. Napapikit na lamang akong muli habang humihingi ng tulong sa Diyos na sana ay gisingin niya na ako at isalba kung anumang nilalang ang naglalaro sa akin. At tila, dininig niya naman ako.
Para akong muling nahulog sa napakalalim na hukay at kasabay ng aking pagbagsak ay ang aking muling pagdilat. Napabalikwas ako ng bangon at dali-daling sumiksik sa sulok at niyakap ang aking sarili. Humagulhol ako ng iyak dahil sa matinding takot sa naranasan ko. Napapitlag na lamang ako nang biglang tumunog ang aking cellphone na nasa tabi ko. Labis akong nagtaka nang makita ko ang oras sa screen niyon. Muli akong napatingin sa orasan sa may pinto upang kumpirmahin iyon at totoo nga, tatlong minuto lamang iyon ngunit tila ba sobrang tagal dahil dama ko ang pangangalay ng aking katawan at ang labis na bigat sa aking dibdib. Hindi ko na nasagot ang tawag ni kuya. Hindi na rin naman siya umulit.
“Diyos ko, ano po ba’ng nangyayari sa `kin?” Muli akong napahagulhol ng iyak.
Muling umalingawngaw sa aking pandinig ang sinabi ng babaeng kamukha ko sa aking panaginip.
Huwag kang matutulog!
“Hindi p’wede!” sigaw ko. “Tama na! Tama na!”
Nang dahil sa magkakahalong emosyon na nararamdaman ko ay nasabunutan ko at nasampal ang aking sarili. Sa huli ay tinakpan ko ang aking magkabilang tainga ng mga kamay ko. Iiniyak ko na lamang ang nararamdaman ko hanggang sa tuluyan akong kumalma.
Hindi naman nagtagal ay naulinigan ko ang pagtunog ng aming door bell at mayamaya ay ang paglangitngit naman ng gate. Mabilis kong pinunasan ang aking mga luha at inayos ang aking higaan. Muli akong nahiga nang patagilid na nakaharap sa may terrace upang hindi bumungad sa sino mang maaaring pumasok sa aking kuwarto ang mukha ko.
Hindi nga ako nagkamali. May mga yabag na papalapit na mistulang tumatakbo paakyat ng hagdanan at hindi nagtagal ay kumatok ito sa aking kuwarto.
“Best?” pagtawag niya kasabay ng pagbukas ng pinto.
“Bakit?” tanong ko sa kaniya, ngunit hindi pa rin ako humaharap. Napayakap ako sa aking unan.
“Kumusta ka?” balik-tanong niya. “Bakit ganyan ang itsura mo? Umiiyak ka ba?”
“Hindi, kagigising ko lang kasi.” Tumihaya ako, ngunit hindi pa rin ako tumitingin sa kaniya ng diretso. “Bakit nandito ka?”
“Tapos naman na ang trabaho ko,” sagot niya sa akin. “Si Miss Andrea naman ang nag-aasikaso ng mga gawain mo kaya pinayagan niya naman na akong umalis ng maaga.”
Naupo siya sa sahig, sa tagiliran ng aking kama paharap sa liwanag na mula sa terrace. Tuwing pumupunta siya rito, iyon talaga ang paborito niyang puwesto. At doon ay magsisimula na siyang magbasa ng libro habang ako naman ay abala sa pagsusulat.
“Papasok na ako bukas, nakaka-boring dito, e.” Dahan-dahan akong naupo at sinuklay ko ang buhok ko gamit ang aking mga daliri. “Para din may kasama ka.”
“Hoy, ano ka ba?” naibulalas niya. Lumingon siya sa akin. “Okay lang ako roon, ikaw nga ang iniisip namin.” May dinukot siya sa kaniyang bag. “Here!”
“Ano `yan?” untag ko naman. Kaagad ko itong kinuha.
“Ticket!” masaya niyang sagot. “We’re going to book fair tomorrow. So, hindi muna tayo papasok. Mag-i-enjoy muna tayo sa happy place mo.”
Napangiti ako. Alam na alam talaga ng best friend ko kung paano niya ako pasasayahin at pasisiglahin. Hindi ko rin ito kayang tanggihan dahil last year ko pa talaga hinihintay ang event na ito. Mas mabuti na rin siguro ito para makalabas naman ako at makalanghap ng sariwang hangin. Makararamdam lang ako ng panghihina kapag nanatili ako sa loob ng kulob kong kuwarto at hindi mainitan.
“Sure!” natutuwa kong sagot sa kaniya. “You save my day, as always.”
“That’s what friends are for!”
Tumayo siya at naglakad patungo sa may pinto ng terrace at binuksan iyon. Hinawi niya rin ang kurtina papunta sa magkabilang gilid kaya malayang nakapasok ang hangin mula sa labas.
“Ayan, para may hangin naman. Pinagpapawisan ka na riyan, e,” puna niya sa akin. “Bakit hindi ka tumambay roon sa terrace?”
“Natatakot ako, e,” sagot ko.
“Saan?” naibulalas niya.
“Wala, sabi ko excited na ako bukas,” pag-iiba ko sa posibleng pag-ungkat na naman sa mga kinatatakutan ko.
Ngumiti na lamang siya, marahil dahil sa kaniyang tuwa sa pansamantalang ngiti na idinulot niya sa akin. Muli siyang naupo sa kaniyang puwesto at nagsimula na ring basahin ang librong palagi niyang dala-dala mula nang mag-umpisa siya sa kaniyang trabaho sa coffee shop.
Kapwa kami pansamantalang natahimik. Habang abala siya sa kaniyang pagbabasa ay bumangon ako sa kama. Nag-inat ako kasabay ng isang hikab. Kaagad naman akong dumiretso sa banyo. Sa pagkakataong ito ay hindi ako nakaramdam ng takot dahil alam kong may kasama ako. Pagkatapos kong maligo ay kaagad ko namang binalikan si Lizbeth, pero nagtaka ako sa ikinikilos niya habang hawak-hawak ang cellphone ko.
“Bakit, best?” tanong ko sa kaniya.
“May nangyari na naman ba?” balik-tanong niya. Napansin kong nanginginig ang kaniyang kamay.
Nagulat ako sa sinabi niya. Kaagad kong inagaw sa kaniya ang aking cellphone at nakita ko ang ilang missed calls ni kuya at ang isa ay nasagot ko. Ang aking higit na ikinagulat ay ang voice record na na-isave sa phone ko. Doon ko lang naalala na bago ako nahiga, binuksan ko ang recorder sa cellphone ko para mahuli kung mayroon mang nilalang na pumapasok doon habang natutulog ako. Napakinggan niya roon ang ilang beses kong pag-ungol at ang takot kong boses nang bigla akong magising hanggang sa aking pag-iyak.
“Tinanong kita kung kumusta ka, nagsinungaling ka,” tinuran niya pa. “Alam mo naman na kahit ano pa `yan, paniniwalaan kita. Kakampi mo ako, tutulungan kita.”
“Ayaw ko lang na madagdagan pa ang pag-aalala ninyo sa akin,” paliwanag ko. “Nahihiya na ako sa inyo ng sobra. Pakiramdam ko pabigat na ako. Isa pa, hindi naman sila naniniwala sa akin.” Naluluha akong lumapit sa kaniya at niyakap siya. Noon ay hindi ko na napigilang muling umiyak.
“Naniniwala ako sa `yo. Tutulungan kita.” Gumanti siya sa akin ng yakap.
Habang magkayakap kami ay saka ko lamang napansin ang dumi sa aking bed sheet at ilang butas sa ibabang bahagi niyon na para bang likha ng matulis na bagay.
Nabigla na lamang kami nang bumukas ang pinto at bumungad sa amin ang pawisang mukha ni Kuya Symon. Bakas sa kaniyang mga mata ang pag-aalala.
“Ano’ng nangyari sa `yo?” bungad niya. “Bakit nagsisisigaw ka kanina? Kinakausap kita, hindi mo ako sinasagot.”
Habang naghihintay siya ng sagot mula sa akin, sunod-sunod na mga yabag paakyat ng hagdanan ang aking naulinigan. Dumating sina Kuya Drew, Alvin at dalawa pang pulis. Ganoon din ang nag-aalalang si Nanay Goring.
***