Fear Of The Unknown

2202 Words
“TULONG! TULUNGAN n’yo ako!” umalingawngaw sa paligid ng madilim na kakakahuyan ang isang pamilyar na tinig. Sa tulong ng liwanag ng bilog na buwan, sa mistulang mausok na kapaligiran ay bigla na lamang sumulpot mula sa madilim na bahagi nito ang isang babaeng tumatakbo. Sumisigaw siya sa takot at umaasang mayroong tulong na darating para sa kaniya. Ako naman, mula sa aking kinatatayuan, sa halip na tulungan siya ay nagtago ako sa likod ng isang puno. Napansin ko ang mga aninong humahabol sa kaniya. Tila mahahaba ang mga kuko at ang ilan ay parang mabababang nilalang, ngunit malalaki ang katawan. Mula sa kanilang mga anino ay pansin kong tila kakaiba ang postura ng kanilang mga braso at paa na hindi nababagay sa kanilang katawan.  Para bang anumang oras ay magagawa nila itong pahabain. Mapapansin ang haba ng kanilang mga buhok na lagpas balikat tuwing tumatakbo sila. Naulinigan ko ang kakaibang mga boses. Nakapangingilabot ang mga ito. Minsan pa ay tila mga halimaw na umuungol. Habang papalapit sila sa kinaroroonan ko ay nagsimula nang bayuhin ng kaba ang aking dibdib. Patuloy pa rin ang pagsigaw ng babae habang tinatahak ang direksyong kinaroroonan ko. Sa isang kisapmata lamang ay napapitlag ako at hindi na makaalis sa aking kinatatayuan. Halos hindi na rin ako makasigaw nang mapansin kong tila nagtama ang aming paningin. Nakita niya ako. Dagli siyang tumakbo patungo sa akin at mahigpit na hinawakan ang aking dalawang kamay. “Tulungan mo ako, pakiusap,” tinuran niya sa pagitan ng kaniyang paghikbi. Nang mapansin kong malapit na ang mga anino, hindi na ako nakapalag nang hilahin niya ako at magkasabay kaming tumakbo hanggang sa makarating kami sa gilid ng kalsada. There is a connection between us. The feeling was so strange. I feel like I was running with just my very own self, trying to escape from those creepy shadows of unusual creatures. “Bitiwan mo na ako, kailangan ko nang umalis!” singhal ko sa kaniya na mahigpit pa rin ang pagkakahawak sa akin. “Tulungan mo ako, parang awa mo na, Mirasol,” muli niyang tinuran na ikinagulat ko. Natigilan ako nang marinig kong sinambit niya ang aking pangalan. “H’wag mo na akong idamay. Bitiwan mo na ako!” Nagpumilit akong makawala sa kaniyang pagkakahawak, ngunit sa halip na bitiwan niya ako ay lalo pa itong humigpit na tila may halo nang galit. “Akala mo ba makatatakas ka pa?” Umiling siya. “Walang sinumang nakatatakas. Sasailalim ka sa kanilang kapangyarihan, magpapakasasa ang mga demonyo sa iyong katawan hanggang sa hindi ka na magising. Bibihagin nila ang iyong kaluluwa.” “Ano ba’ng pinagsasabi mo? Bitiwan mo sabi ako!” galit kong bulyaw sa kaniya dala ng kaba ko dahil sa mga tinuran niya. Hindi naglaon ay mayroong dumaang sasakyan at tinamaan siya ng liwanag. Pakiramdam ko ay namilog ang aking mga mata sa aking nakita. Saka ko lamang napansin na magkatulad kami ng wangis at ng kasuotan. Pumatak ang aking mga luha. Unti-unti akong nilamon ng takot. Siya ay ako. Patuloy akong nagpumiglas, wala mang tanda na bibitiwan niya ako. Hanggang sa gitna ng aming pagpapambuno ay napahiga na ako sa lupa. “Hindi mo ako maaaring iwan dahil iisa lang tayo!” singhal niya sa akin. “Ang kapalaran ko ay kapalaran mo rin!” Ilang sandali pa ay halos magkadikit na ang aming mga mukha. “Tulungan mo ako! H’wag kang matutulog kundi kukunin ka nila!” Mula sa kaniyang sugat sa noo ay pumatak sa aking mukha ang sariwang dugo. Napasigaw ako dala ng matinding takot, ngunit tila ba walang boses na lumalabas sa aking bibig hanggang sa magdilim ang aking paningin at maramdaman ko ang kamay na tumatapik sa aking mukha. “Miss Mirasol, gising! Mirasol!” naulinigan kong tawag sa akin, ngunit hindi pa rin ako makadilat. Hanggang sa tila may umihip na malamig sa aking punong tainga. Kasabay ng aking pagdilat ay ang mga sigaw na tuluyang kumawala sa aking bibig. Napabalikwas ako ng bangon mula sa couch at natagpuan ko ang aking sarili sa aking opisina. Habol-habol ko ang aking hininga at dama ko ang panunuyo ng aking lalamunan. Napatingin ako sa orasan, alas tres pa lang ng hapon. Bumungad sa akin ang mukha ni Miss Andrea na parang alalang-alala at maging ng dalawang staff sa coffee shop na nakapalibot sa akin. Mayamaya ay tumatakbong dumating si Lizbeth dala ang isang baso ng tubig. “Best, okay ka lang ba?” nag-aalala niyang tanong. “Heto, uminom ka muna ng tubig.” Hindi naman ako nag-atubiling tanggapin ang tubig na iniaabot niya sa akin. Pinawi niyon hindi lamang ang panunuyo ng aking lalamunan kung hindi ay ang labis na kabang nararamdaman ko. Nakatulong iyon upang mapakalma ko ang aking sarili. Ganoon pa man, hindi ganoon kadaling nawala ang aking panginginig. Nahihiya akong tumingin sa kanila. Marahan kong iinabot ang baso kay Lizbeth. “Okay na ako, bumalik na kayo sa trabaho. Salamat sa paggising n’yo sa akin.” Kaagad naman silang tumalima sa akin at tahimik na lumabas sa aking opisina, ngunit naiwanan si Lizbeth sa aking tabi. Mataman pa rin ang kaniyang pagkakatitig sa akin. “Okay lang ako, best.” Pinunasan ko ang aking tagaktak na pawis at inayos ang aking nagulong buhok. Nanghihina akong tumayo para pumunta sa aking silya at bumalik sa naiwanan kong trabaho. “Sigurado ka?” untag niya. “Baka gusto mong sabihin sa `kin kung ano’ng napanaginipan mo?” Sandali ako natahimik. “Do you still remember my nightmares about that little girl?” makahulugan kong tanong sa kaniya. Nakita ko siyang tumango, subalit ipinahihiwatig sa akin ng kaniyang mga titig na naghihintay siya sa susunod na sasabihin ko. “It’s not her this time,” dugtong ko. Sinapo ko ng aking mga palad ang mukha ko. Napaluha ako nang maalala ko ang lahat. “This time it’s someone who looks exactly like me. Hinahabol din siya ng mga anino sa kakakahuyan. Sabi niya iisa lang kami at hindi ako makatatakas sa kapalaran namin. H’wag daw akong matutulog kasi baka hindi na ako magising dahil kukunin nila ako.” Tuluyan na akong napahagulhol ng iyak. Muling tumindi ang panginginig ng aking katawan. Dagling tumayo si Lizbeth mula sa pagkakaupo sa couch at niyakap ako. “Sorry, best. Kalimutan mo na `yon, binangungot ka lang.” “Pa’no kung panibagong babala ito?” naibulalas ko. Mahigpit akong napakapit sa braso niyang nakayakap sa akin. “Natatakot ako kung ano’ng mga nilalang ang nagmamasid sa akin. Pa’no kung hindi ako matulungan at mabantayan ni K katulad ng sinabi niya?” “Calm down, nandito kami para sa `yo. Hindi namin hahayaang mapahamak ka.” Hindi ko alam kung aksidente niya bang natabig ang baso na ipinatong niya sa aking table. Umalingawngaw na lamang sa loob ng aking opisina ang pagbagsak niyon at pagkakapira-piraso. *** TAHIMIK akong pumasok sa aking kuwarto habang nagkukunwaring okay lang ako, ngunit ang totoo, labis-labis ang kaba sa dibdib ko. Pinukaw ng pumasok na hangin mula sa terrace ang aking pansin. Nagdulot iyon ng sandaling ginhawa sa akin, ngunit natigilan ako. “Bakit bukas ang pinto?” naibulalas ko. Hindi ako umaalis sa loob ng aking kuwarto na nakabukas ang bintana at mga pinto. Sinisiguro kong naka-lock ang mga ito. Lalo na ang pintuan papunta sa terrace. Salamin naman ang pinto niyon at sliding door, kahit nakasara ay makapapasok ang liwanag sa loob. Iginala ko sa paligid ang aking paningin at ang una kong tiningnan ay ang pinagtataguan ko ng mahahalaga kong kagamitan at passbook. Hindi naglaon, naagaw ng nahulog kong stuff toy ang aking pansin. Napakunot ang aking noo sapagkat malinis kong iniwanan ang aking kuwarto kaninang umaga. Hindi ako umaasa sa kasambahay na kinuha ni kuya para sa amin. Hanggang bigla na lamang rumehistro sa utak ko ang posibilidad na may magnanakaw na nakapasok lalo na nang mapansin kong hindi maayos na nakasara ang closet ko. Para bang may kung anong sumisilip sa akin mula roon. Dala ng tumitindi kong kutob kaya humanap ako ng bagay na maaari kong magamit upang bigyang proteksyon ang aking sarili. Ganoon pa man, tanging ang flower vase ko lang sa aking side table ang naapuhap ko. Marahan akong naglakad palapit sa aking closet. Nagtatapang-tapangan, ngunit sa aking loob ay ipinagdarasal kong sana ay mali ako. Sana ako lang talaga ang may gawa noon dahil sa pagmamadali at nakalimutan kong i-check bago ako umalis, lalo na’t wala namang nawawala sa mga gamit ko. “Sino’ng nandiyan?” marahan kong tinuran. Lalo kong hinigpitan ang aking pagkakahawak sa flower vase na mistulang pinagkukunan ko lang ng lakas ng loob. Habang papalapit ako, pabilis naman nang pabilis ang kaba sa dibdib ko. Bubuksan ko na sana ang closet nang bigla na lamang bumukas ang pinto ng aking kuwarto kasabay ng nakagugulat na boses. Napapitlag ako at halos magdilim ang aking paningin. “Mira, ang aga mong umuwi,” bungad niya sa akin. Dating labandera at kababata ni mama na ngayon ay kinuha ni Kuya Symon upang maging full time kasambahay namin. “Nanay Goring naman, oh.” Huminga ako nang malalim upang pakalmahin ang aking sarili. “H’wag naman kayong manggulat.” “Pasensiya ka na, hija,” nangingiti niyang tugon. “Kukunin ko sana `yong mga labahin mo. Nakalimutan mo kasing ibaba kaya hindi ko nalabhan kaninang umaga.” “Sorry po, nagmamadali kasi ako kanina.” Ngumiti ako pabalik sa kaniya. “Bakit hawak mo `yang, vase?” puna niya. “Hayaan mo’t lalagyan ko `yan ng mababangong bulaklak para mas maka-relax ka rito.” Kaagad siyang dumiretso sa banyo at kinuha ang mga kailangang labhan doon. Inabangan ko naman ang paglabas niya upang magtanong. Marahan kong ibinalik ang flower vase sa side table at itinapon sa basurahan ang tuyong rosas doon. “Nanay Goring, pumasok ba kayo rito kanina?” tanong ko. Sinambit ko iyon sa maayos na pamamaraan upang hindi niya naman isipin na pinag-iisipan ko siya ng masama. Umiling siya. “Aba, hindi! Paano ako makakapasok, e, palaging naka-lock ang pinto mo. Ayaw ko namang gamitin `yong spare key at baka magalit ka.” “Wala po akong ibig sabihin sa tanong ko, ha?” paglilinaw ko sa kaniya. “Baka hindi ko lang napansin kanina dahil sa pagmamadali ko. Pasensiya na po.” “Walan `yon,” dagli niyang sagot. “Mas mabuti na lang nga dito sa inyo kaysa roon sa mga dati kong amo. Para ko na kayong mga anak.” “Salamat po, bukas po hindi ko ila-lock ang pinto para kung may kailangan kayong linisin o kunin, makapapasok po kayo.” Napahawak ako sa kaniyang braso. Bigla kong naalala si mama sa kaniya. “Nasanay po kasi akong naka-lock ang pinto ko kasi palaging walang tao rito sa bahay. May tiwala naman po ako sa inyo.” “Alam ko `yon,” tugon niya. “May inihanda akong meryenda sa baba kung nagugutom ka. Lilinisan ko lang sandali rito sa kuwarto mo para makapagpahinga ka na. Halika na muna sa baba.” Kaagad akong tumalima sa alok niya sa akin. Mag-aalas kuwatro y media pa lang ng hapon. Maaga akong umuwi sa payo na rin ni Lizbeth dahil sa bangungot na nangyari sa akin. Nakarating din iyon kay kuya na sa wari ko ay si Miss Andrea ang nagsabi. Maaga rin daw siyang uuwi pero hindi sinabi kung bakit, ngunit alam kong nag-aalala na naman siya sa akin. Palabas pa lamang kami ni Nanay Goring nang makarinig kami ng kalabog. Nahuli ko pang gumagalaw ang nakabukas na pinto ng aking closet at tila may nilalang na lumabas buhat doon na para bang kasing bilis ng isang kisapmata lamang sapagkat may hanging tumama sa aking katawan mula sa bahaging iyon. Natitiyak kong hindi iyon mula sa bintana. Nakumpirma ko pa iyon nang mapansin ko ang kurtina sa nakabukas na pinto ng terrace na mistulang nadala ang laylayan palabas niyon. “Ano `yon?” naibulalas Nanay Goring. Binitiwan niya ang dala niyang mga labahin at tiningnan ang loob ng aking closet. Patakbo rin siyang pumunta sa terrace upang tingnan kung ano ang naroon, ngunit ang kaniyang reaksyon ay nagsasabing wala siyang nakita. Ganoon pa man, bakas ko ang pagtataka sa kaniyang mga mata at nakakunot na noo. Samantala, ako naman ay naiwanan sa may pintuan na para bang napako ang mga paa ko sa aking kinatatayuan. Hanggang sa mapansin kung tila may nilalang na mabilis na tumalon sa terrace habang nakatalikod siya roon at nakaharap sa akin. Lalong binalot ng takot ang aking puso at muli kong naalala ang aking naging bangungot. “Mira?” pagtawag niya sa akin. Marahil ay napansin niya ang panginginig ko at ang mariing pagyapos ko sa aking dibdib upang pakalmahin ang aking sarili. “Mira, anak! Mira!” sigaw niya. Hindi ko namalayang pabagsak na ako. Kasabay ng pag-ikot ng aking paningin ay ang dagli niyang pagsalo sa akin. Makailang ulit niyang tinapik ang aking pisngi at tinawag ang aking pangalan. Tuluyan akong nanghina. Nagdilim ang buong paligid.   ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD