The Accident

2175 Words
PAGMULAT KO ng aking mga mata ay dama ko pa rin ang sakit ng aking ulo na tila ba pinipiga ito hanggang sa aking noo. Nararamdaman ko rin ang pamamaga ng aking mga mata dahil sa pag-iyak. Muling umalingawngaw sa aking pandinig ang mga putok ng baril at ang mga sigaw ni Lizbeth. Nakaramdam ako ng magkahalong takot at konsensiya. Muli akong napaluha habang nakatakip sa aking tainga ang mga kamay ko. Hindi ko inaakalang ang pag-iwas kong umuwi ng maaga at magsaya kasama ang mga kaibigan ay mauuwi sa isang kaguluhan na maaring ako ang dahilan. Mayamaya’y bumukas ang pinto at pumasok si Kuya Symon. Tangan niya ang tray na may agahan ko. Hindi ako nakapagsalita, bagkus ay tiningnan ko lamang siya hanggang sa ilapag niya sa aking tabi ang pagkaing inihanda niya para sa akin. “Kumain ka na,” wika niya.  Tumayo siya at hinawi ang kurtina sa aking bintana kaya malayang nakapasok mula sa labas ang liwanag ng tirik na tirik nang araw. Kinuha niya mula sa bulsa niya ang kaniyang cellphone at namaywang sa tapat ng bintana. Lalong tumingkad ang kaniyang pagkamestiso nang dahil sa liwanag ng araw na tumatama sa kulay dilaw niyang t-shirt. Bakas din doon ang resulta ng kaniyang pagwo-workout tuwing wala siyang pasok. Mayamaya ay napahimas siya sa bagong gupit niyang buhok. Nagulat ako nang lumingon siya sa akin at mahuli akong nakatitig sa kaniya. “Bakit?” nagtataka niyang tanong. “Hindi ka pumasok? `Di ba Lunes ngayon?” untag ko. “Maiiwan ba kita?” balik-tanong niya. “Pauwi naman na sina mama at papa kaya bukas na lang ako papasok. Hindi rin naman ako makakapagturo nang maayos kung nag-aalala ako sa `yo rito, lalo pa’t hindi pa nahuhuli ang Kendrick na `yon.” Nang dahil sa aking mga narinig ay muli kong naalala ang mga putok ng baril. Rumehistro sa aking isip ang duguang sina Luigi at Lizbeth. Mabuti na lamang at hindi nadamay si kuya kung hindi ay hindi ko mapapatawad ang aking sarili. Hindi ko na napigilan ang sunud-sunod na patak ng aking mga luha. “Kumusta na sila?” pag-aalala ko. “P’wede ko ba silang puntahan sa ospital?” “Nakauwi na si Liz sa kanila. Ligtas siya,” sagot ni kuya na nagpagaan sa loob ko. “Nadaplisan lang sa balikat si Liz. Si Luigi talaga ang puntirya ng gunman at nadamay lang siya.” “E, kumusta naman si Luigi?” urirat ko. “Ayun, muntik nang mapuruhan!” mariing sagot ni kuya na may halong pagkainis. “`Yan ang palaging sinasabi ko sa `yo, mamili ka ng mga taong sasamahan mo at ayus-ayusin mo `yang pananamit mo para hindi ka lapitin ng gulo.” “Ayan na naman siya,” reklamo ko. Muli kong tinakpan ang aking mga tainga at isinubsob ang mukha ko sa unan. Subalit sa totoo lang, tama si kuya at kahit naririndi ako sa mga sermon niya, masaya ako kasi alam kong mahal niya ako. Para lang namang liyab ng pusporo ang ugali niya, kapag nailabas niya na ang galit niya, mayamaya’y nakangiti na naman siya. “Makinig ka naman kasi sa akin, Mira, hindi habambuhay nandito ako para sa `yo.” Bumuntong-hininga siya. “Sooner or later, pareho tayong magkakaroon ng sarili nating pamilya. Ayaw kong aasa ka sa iba. Gusto ko, ikaw mismo ay responsible sa mga gagawin mo at kayang ipagtanggol ang sarili mo. Hindi kahinaan ang humindi at umiwas kung alam mong hindi magiging maganda ang resulta. Bago ka kumilos, isipin mo muna ang consequences ng gagawin mo.” “Yes sir,” tanging naisagot ko, hanggang sa maalala ko na naman ang mga panaginip ko. Nagdadalawang isip man, umaasa akong makakukuha ako ng payo kay kuya hinggil sa iniisip ko. “Kuya, paano kung bad entities ang kalaban ko? Paano ko ipagtatanggol ang aking sarili dahil alam kong walang ibang makagagawa no’n kundi ako lang?” “Bad entities? Ano’ng sinasabi mo?” napakunot ang noo ni Kuya Symon. “Mga multo, halimaw, demonyo o ano pa mang mga nakakatakot na nilalang,” dagli kong sagot. Nagulat ako nang bigla na lamang tumawa ng malakas si kuya na para bang nang-uuyam. Hindi nagtagal ay tumigil din siya, pero nakangiti pa rin habang napapakamot sa ulo. “Naririnig mo ba ang sarili mo, Mira? Walang gano’n,” mariing tinuran ni kuya na tila siguradong-sigurado. “Walang mga multo dahil oras na mamatay ang isang tao, napupunta ang kaluluwa niya sa purgatoryo at doon siya hinuhusgahan kong mapupunta ba siya sa langit o sa impiyerno. Ang mga halimaw naman at kung ano-ano pang mga nilalang na napapanood natin sa mga horror movies at laman ng mga alamat, nasa isip lang ng tao at kadalasang ginagawa lang silang instrumento para manakot.” “Paano ka nakasisiguro na tama ang mga pinaniniwalaan mo?” Napailing ako. “Kuya, mayroong mga actual footage na—” “Mira, tama na. Kalimutan mo na kasi ang mga bagay na `yan para makatulog ka ng maayos at nang hindi ka binabangungot,” sabat niya sa akin. Napasimangot na lang ako. Alam kong kahit na makipag-debate ako sa kaniya ay hindi ako mananalo. Kapag hindi naniniwala, mahirap talagang paniwalain. Noong una, hindi rin naman ako naniniwala, pero nang makaramdam na ako ng kakaiba, napapaisip na rin ako kung totoo ba sila o hindi. “Kumain ka na. Siguro mamayang hapon, lumabas na lang tayo at dumaan sa simbahan para mawala na `yang mga kababalaghan sa isip mo.” Inihakbang niya na ang kaniyang mga paa palabas ng aking kuwarto, ngunit bago man lang siya tuluyang makalabas ay napalingon pa siya sa akin. “Magdasal ka kasi, h’wag kang puro inom. It’s about time for a change, sis.” Hindi ko ikakailang matagal na nga akong hindi nagsisimba. Kahit ang pagdarasal bago matulog na itinuro sa amin nina mama at papa ay madalas ko nang nakalilimutan. Noong una, dahil sa pagod at stress sa eskuwela, hanggang nakasanayan na at makalimutan. Nitong mga nakaraang buwan, napadalas ang pagsama ko sa mga kaibigan, pag-iinom at pagpupuyat. Lalo na tuwing nasa mood akong magsulat at sumali sa mga online writing contest, halos late na akong matulog dahil kung kailan nasa kalaliman na ng gabi at tahimik na tahimik na ang buong paligid ay saka lamang ako nakakapagsulat ng maayos at nakakaisip ng magagandang ideya para sa mga isusulat ko. Madalas din akong manood ng mga horror movies at magbasa ng mga horror novels, ganoon din naman sa fantasy. Aliw na aliw ako sa genre na ito at talagang labis akong humahanga sa mga magagaling na manunulat nito. Hindi ko ito sinisisi, ngunit maaaring isa ito sa mga dahilan ng mga masasama kong panaginip. Ang sabi nga nila, kung ano raw ang iniisip mo bago ka matulog ay siyang mapapanaginipan mo. At dahil wala naman akong lovelife, wala naman akong ibang iisipin kung hindi ang magagandang ideya na maari kong isulat at basahin. Subalit ganoon pa man, maaaring tama si kuya. Tinatakot ko lang ang aking sarili. Lahat naman ng tao ay nakararanas ng bangungot. Normal na siguro iyon. *** ALAS DOS na ng hapon nang tinatamad akong pumasok sa banyo para maligo. Ayaw ko talagang lumabas dahil hindi pa gaanong mabuti ang aking pakiramdam matapos makaramdam ng kakaiba sa inuming ibinigay sa akin ni Kendrick. Sanay naman akong uminom kaya ang duda ko ay may inilagay siya roon kaya nakaramdam ako ng matinding pagkahilo na ikinawala ng aking malay at sa huli ay pagsusuka ko. Binuksan ko ang shower at hinayaang mabasa ng tubig mula roon ang aking buong katawan. Nakasanayan ko nang kumanta at sabayan ang ingay ng umaagos ng tubig tuwing maliligo ako kaya nalibang ako. Patapos na akong maligo nang may maulinigan akong mga yabag kasabay ng pagsara ng pinto sa kuwarto ko. “Kuya, ikaw ba `yan? Sandali lang,” sigaw ko. Nagmadali akong tapusin ang aking paliligo at laking pagtataka ko nang malaman kong mag-isa lang ako roon. Muli akong nakaramdam ng kaba kaya kinurot ko ang aking magkabilang pisngi dahil baka nananaginip na naman ako, pero gising na gising talaga ako. Iginala ko sa buong paligid ang paningin ko at wala namang kakaiba roon. “Hay naku! Wala `yon, Mirasol, imahinasyon mo lang `yon.” Binuksan ko ang radyo at bahagya ko itong pinalakas upang mapawi ang aking takot. Ginawa ko na lamang abala ang aking sarili sa pag-aayos dahil anumang oras ay maari nang tumawag si kuya. Balak kong dumaan kina Lizbeth para kumustahin siya at makiusap na rin na daanan si Luigi sa ospital. Nakararamdam pa rin kasi ako ng konsensiya. Maaring ako ang dahilan kung bakit nagawa iyon sa kaniya ng sarili niyang kaibigan. Gusto kong mag-sorry. Bago ako magbihis ng pang-itaas ay bahagya akong tumalikod sa salamin at marahan kong hinawakan ang mahabang peklat na naroon sa likurang bahagi ng aking kaliwang balikat. Ang sabi nina mama at papa, natamo ko iyon sa aksidente, maliban sa maikli lamang na peklat sa kanang panga ko, malapit sa ibabang bahagi ng aking tainga. Mataman kong pinagmasdan ang aking kabuohan sa salamin ng halos ilang minuto rin habang napapaisip kung handa na ba ako sa panibagong yugto ng aking buhay habang mayroong kapirasong alaala ng aking pagkabata ang hindi pa bumabalik sa akin. Ngunit sa kabila niyon ay lumaki akong buo at hindi nakararamdam ng kulang dahil sa suporta at pagmamahal ng pamilya ko. “Mira, bilis na! Aalis na tayo!” naulinigan kong sigaw ni kuya na parang pababa na ng hagdanan. “Wait lang po!” sagot ko. Nagmadali na akong magbihis, naglagay lamang ng konting make up at lipstick. Pinili ko na lamang na ilugay ang aking buhok at sa sasakyan ko na lamang iyon ititirintas. Pinatay ko ang radyo at nagtungo ako sa lamesita upang kunin buhat sa drawer ang aking bag at cellphone nang mula sa sulok ng aking mga mata ay may napansin akong nakatayo sa gilid ng bintana. Naamoy ko rin ang kaniyang pabango at pamilyar ang pananamit niya. Hindi naglaon ay umihip ang hangin mula sa labas at isinayaw niyon ang kurtina. Lalo kong naamoy ang matapang na pabangong iyon, kasabay ng tinig na tila hinipan ng hangin patungo sa akin. “Mira, anak, mahal na mahal kita.” Mabilis akong napalingon at tumambad sa akin si papa. Malungkot siyang nakatingin sa akin. Napamulagat na lamang ako nang mapansin kong mula sa mapuputi niya nang buhok ay pumatak ang dugo buhat sa kaniyang ulo na dumaloy patungo sa sentido niya, sa gilid ng kaniyang tainga at pumatak iyon sa suot niyang kulay gray na polo shirt. “Papa?” naibulalas ko. Subalit sa halip na tumakbo sa kaniya at yumakap ay takot akong napaatras. Natalisod ako ng kung anong bagay kaya napaupo ako sa sahig. Patuloy pa rin ako sa pag-atras hanggang sa halos dumikit na ako sa pader. “Papa?” umiiyak kong tinuran. “Ano’ng nangyari sa `yo?” Hindi ko magawang sumigaw. Mistula akong binusalan ng takot lalo pa at hindi mapagkit ang pagkakatitig niya sa akin. Batid kong umiyak siya dahil may bahid pa ng luha ang kaniyang mga mata. Napahagulhol na lamang ako ng iyak habang nakatitig sa duguan niyang katawan. Mayamaya’y narinig ako ang mga yabag na paakyat sa hagdanan hanggang sa biglang bumukas ang pinto ng aking kuwarto. Namilog ang mga mata ni Kuya Symon nang matagpuan niya akong nakaupo sa sahig habang umiiyak na nakatitig sa may bintana. Napatingin din siya roon, ngunit tila wala siyang nakita. Mabilis niya akong nilapitan at mahigpit na hinawakan ang aking magkabilang balikat. Pansin ko ang kaniyang pagkabigla, ngunit maniniwala kaya siya kung sasabihin ko sa kaniya kung ano at sino ang nakikita ko. “Mira, ano’ng nangyayari sa `yo? Mira!” Napalakas ang yugyog niya sa sa akin dala ng kaniyang pag-aalala. Nanginginig kong itinuro sa kaniya si papa, pero hindi niya ito nakikita. “Kuya, hindi mo ba siya nakikita?” sigaw ko. “Sino? Tumigil ka na!” bulyaw niya sa akin. Natigilan ako at napatingin sa mukha ni kuya na bakas ang labis na pag-aalala. Katulad ko ay may bahid din ng luha ang kaniyang mga mata. Nang muli akong tumingin sa may bintana ay wala na si papa. “Halika na, kailangan nating pumunta sa ospital,” muli niyang tinuran at inakay ako patayo. “Ospital? Bakit?” naibulalas ko. Kinutuban na ako ng masama dahil sa nakita ko, ngunit hinihiling ko pa rin na sana hindi totoo at halusinasyon lamang ang lahat ng iyon. “Naaksidente sina papa. Kasama sila sa karambola ng mga sasakyan na ibinabalita pa lang sa TV,” saad niya. Ang kaniyang tinuran ay kumpirmasyon sa aking kutob at mga nakita. Tila ba nanghina ako dahil sa mga narinig ko. Ganoon pa man, kaagad akong tumalima kay kuya. Palabas pa lamang kami nang bigla na lamang bumuka ang pinto kaya kapwa kami nagulat at natigilan. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD