Hint

2237 Words
“DEAD ON arrival ang biktima.” Nang marinig ko ang mga salitang iyon ay lalong nanghina ang aking buong katawan. Halos manlabo ang aking paningin dahil sa mga luhang nag-uunahan sa pagpatak. Pakiramdam ko ay nagdilim ang buong paligid at ang lahat ay nakatingin sa aking pagluha. Pakiramdam ko, noong mga sandaling iyon ay bumagal sa pag-ikot ang mundo at ang ingay sa buong paligid ay para bang naghalo-halo na sa aking buong pandinig. Nagpakita siya sa akin. Malungkot. Mistulang may ibig sabihin, ngunit hindi na muling nakapagbitiw ng salita. Kung alam ko lang, sana hindi ako natakot. Sana niyakap ko na lang siya. Habang kausap ni kuya ang doktor at sa tabi niya naman ay ang kaibigan niyang pulis na sumundo sa amin, nabaling ang aking tingin sa isa sa mga biktimang inaagapan ng mga nurse. Nagkaroon ako ng kaunting pag-asa nang makilala ko ang suot niyang relo. Narinig ko na lang na tinawag ako ni kuya bago siya lumapit doon. “Mama,” naulinigan kong nag-aalala niyang tawag kay mama. Nilingon niya ako at hinihintay na lumapit sa kanila. Napayakap ako sa braso ni kuya habang pinagmamasdan namin siya. Kasalukuyang nilalapatan ng paunang lunas ng mga nurse ang kaniyang natamong mga sugat, lalong-lalo na ang malaking hiwa sa noo niya. Hindi nagtagal, matapos siyang gamutin ay dahan-dahan siyang nagdilat ng mga mata at nang makilala niya kami ay nagbitiw siya ng isang pilit na ngiti. Binigyan niya ako ng makahulugang tingin at kapagdaka’y iinunat niya ang kaniyang mga kamay na tila ba ibig niyang lumapit ako at hawakan iyon. Hindi ko sinayang ang pagkakataong iyon. Umiiyak akong lumapit at mahigpit na hinawakan ang kaniyang kamay na may bahid ng dugo, ganoon pa man ay lumapat doon ang aking mga labi nang gawaran ko siya ng halik. “Mama, lumaban ka ha? H’wag mo kaming iiwan ni kuya. Wala na si papa,” umiiyak kong pakiusap. Napahagulhol ako ng iyak sapagkat hindi ko mapaglabanan ang labis na lungkot at takot na baka mawala rin siya sa amin. Naramdaman ko na lamang nang humigpit ang hawak niya sa aking kamay. “Hindi ko maipapangako, mahal ko,” nahihirapan niyang tinuran. “Makinig ka, may kailangan kang malaman.” Napakunot ang aking noo sa kaniyang mga tinuran kaya napatingala ako kay Kuya Symon. Kaagad naman siyang umiwas ng tingin sa akin. Muli akong napatingin kay mama at sa pagkakataong iyon ay nadagdagan pa ang kaba sa aking dibdib dahil sa mga maaari niya pang sabihin. “Ano po `yon?” kinakabahan kong tanong. Naramdaman ko ang paglapat ng mga kamay ni kuya sa aking kanang balikat, ngunit hindi ko na pinansin pa iyon. Iyon marahil ay pagpaparamdam niya lamang na nasa tabi ko siya anuman ang mangyari. “Patawarin mo ako kung hindi namin naipagtapat sa `yo nang maaga,” aniya. “Hindi ka namin itinuring na iba. Minahal ka namin na parang tunay naming anak.” Napamulagat ako sa aking narinig. Hindi niya pa man nasasabi ng lubos ang kaniyang mga nais na ipagtapat ay sapat na sa akin ang mga narinig ko upang isiping ampon lamang ako. Lalong nag-unahan sa pagpatak ang aking mga luha hanggang sa mapansin kong muli niyang ibinuka ang kaniyang bibig para magsalita. “Mag-iingat ka, nasa paligid lang sila,” tinuran ni mama. Nahihirapan niyang iginala ang paningin sa kaniyang paligid. Hindi ko maiwasang maalala ang sinabi ng batang babae sa aking panaginip. “Ano’ng ibig n’yong sabihin, mama?” urirat ko. “Sino’ng sila?” Hindi niya na nasagot pa ang aking mga tanong, sapagkat bigla na lamang siyang nag-seizure. Binayo ng kaba ang dibdib ko nang mga sandaling iyon lalo na nang agapan siya ng doktor. Wala na akong nagawa kung hindi ang humagulhol na lang ng iyak habang tinitingnan siya at ang paghihirap niya. “Ma,” narinig kong tinuran ni kuya sa pagitan ng kaniyang impit na mga hikbi. Alam kong nanghihina na rin siya at natatakot, ngunit pinipilit niyang maging matatag para sa akin. Hanggang sa sumapit na ang oras na kapwa namin kinatatakutan. “Time of death, 3:45.” Malungkot na tumingin sa amin ang doktor. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa, dagdagan pa ng katotohanang ampon lang ako. Nawalan na nga ako ng kinikilalang mga magulang, parang nawala pa sa akin ang buhay na inakala kong buong-buong akin. Mistula akong salamin na bumagsak sa sahig at nagkadurug-durog. Ang bawat piraso noon ay tiyak na makasusugat sa sino mang magtatangkang muling bumuo nito. Tila ba kulang ang pag-iyak para ilabas ang lahat ng sakit at sama ng loob sa puso ko—sama ng loob sa aking tunay na mga magulang na hinayaang magkaganito ang buhay ko. Nakisawsaw sa pamilyang hindi naman ako kabilang at nakihati sa pagmamahal na dapat ay kay Kuya Symon lamang, sapagkat siya lang naman ang tunay na anak. Sandali akong iniwanan ni kuya upang asikasuhin ang lahat, ganoon pa man alam kong labis siyang nag-aalala sa akin. Sa kabila ng maliwanag na kapaligiran sa ospital ay sadyang malabo ang aking paningin nang dahil sa hindi pa rin mapigil na pag-iyak. Mula sa pagkakatulala ay pinanood ko na lamang ang mga taong dumadaan sa aking harapan. Maya’t maya ay may dumarating na ambulansiya na kaagad namang sinasalubong ng mga staff ng ospital at itinatakbo sa emergency room ang mga pasyenteng lulan niyon. Ito ang dahilan kung bakit lalong lumalim ang sakit ng pagkawala nina mama at papa at napaulit-ulit rin sa aking isipan ang mga nakita ko. Dinala ang kanilang mga labi sa isang chapel na malapit sa amin. Doon ay isang linggo silang ibuburol o maaaring humigit pa hanggang sa dumating ang aming mga kamag-anak mula sa probinsiya at ibang bansa bago sila ihatid sa kanilang huling hantungan. Tuwing mapapag-isa kami ni Kuya Symon ay gustong-gusto kong itanong sa kaniya ang mga tanong na hindi na masasagot pa nina mama at papa, ngunit pinipigilan ko ang aking sarili, sapagkat katulad ko ay higit siyang nagluluksa at mas mahalaga ang mga huling sandali na makakasama namin sila kaysa sa mga paliwanag at katanungan ko na maaari namang makapaghintay. Batid kong kapag handa na siya, kahit hindi ko hingin ay ibibigay niya sa akin ang mga bagay na makabubuong muli sa pagkatao ko. “Mira?” pagtawag sa akin ng isang pamilyar na boses. Nilingon ko siya at tumambad sa akin ang malungkot na mukha ni Lizbeth. Kaagad siyang lumapit sa akin at hinawakan ang nanginginig ko pang mga kamay. May benda ang kanang braso niya at proteksyon upang hindi ito magalaw. Muli ko namang naramdaman ang aking hiya sa kaniya. “Nakikiramay ako, best,” wika niya. “Sorry kung ngayon lang ako nakarating kasi late ko na nalaman. Sana napaaga ako para nasamahan kita.” Naupo siya sa aking tabi. “Wala kang dapat ihingi ng tawad, naiintindihan ko naman,” sagot ko. “Ako nga dapat ang mag-sorry kasi napahamak ka nang dahil sa akin. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung pati ikaw nawala.” Ipinulupot niya sa aking kanang braso ang kaniyang kaliwang kamay at hinigpitan ito. “Hindi kita sinisisi. Ang tunay na kaibigan, hindi nang-iiwan kahit magkaiba kayo ng personalidad.” Ngumiti siya sa akin. “Hindi ako mawawala sa `yo. Magkaibigan tayo hanggang sa ating huling hininga. Magbago man ang lahat sa `yo, ako hindi. Pangako ko `yan.” “Best, maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa `yo na nagpakita sa akin si papa bago pa lang namin mabalitaan ang tungkol sa aksidente?” makahulugan kong tanong kay Lizbeth. Bahagya mang napakunot ang kaniyang noo ay tumango siya. “Hindi na `yan bago sa akin. Maraming nakahihilakbot na kuwento ng mga multo si mama sa bawat araw.” “Si kuya, ayaw maniwala.” Napatingin ako sa dalawang kabaong sa aming harapan. “Hindi talaga madaling paniwalaan `yan,” paliwanag ni Lizbeth. “Bukas ba ang third eye mo?” Kaagad akong napatingin sa kaniya. “Third eye?” naibulalas ko. “Sa palagay ko, hindi. Siguro gusto niya lang talagang magpakita sa `kin.” Napakibit-balikat si Lizbeth. “H’wag mo nang pansinin `yong tanong ko. Marahil nga, mga magulang mo `yan, e. Mahal ka nila. Marahil sa kanilang mga huling sandali ay kayong magkapatid ang iniisip nila kaya nagawang magpakita ni tito sa `yo.” Umiling ako. “Ampon lang ako.” “Ano?” naibulalas ni Lizbeth. “Ano’ng sinasabi mo? Sino naman ang nagsabi sa `yo niyan?” “Si mama, bago siya nawala,” sagot ko. Muling pumatak ang aking mga luha. “Hindi niya man direktang nasabi, alam kong `yon ang gusto niyang sabihin. Hindi man lang ako nakapagpasalamat sa pagmamahal at pagpapalaki nila sa akin, lalo na sa pagtanggap nila kahit hindi nila ako kadugo.” “I’m so sorry to hear that, pero nandiyan pa naman sila, p’wede ka pang magpasalamat. Sigurado naman akong maririnig ka nila,” payo niya. “Gusto kong malaman kung saan ako nanggaling at bakit iniwan ako ng aking tunay na mga magulang.” “Best, kalimutan mo na muna `yan,” saad niya. “H’wag mong masyadong saktan ang sarili mo. One at a time lang kumbaga. H’wag mong saluhin lahat ng dagok sa buhay mo sa isang bagsakan lang.” “Pero best—” “Pagkatapos ng lahat ng ito, sasamahan kitang hanapin ang mga sagot sa tanong mo,” pangako niya. “Bubuuhin natin ulit ang buhay mo.” “Salamat, best. Katulad nila, isa ka rin sa pinakamagandang regalo ng Diyos sa akin,” tugon ko sa kaniya. Napangiti na lamang si Lizbeth at niyakap ako. Naagaw ang aming pansin nang dumating si kuya kasama ang mga pulis. Lumapit sila sa mga labi nina mama at papa, at nagpakita ng paggalang kay kuya. Nabaling din ang tingin nila sa akin. “Nakikiramay kami sa inyong pamilya, Mr. Villaverde.” “Maraming salamat po,” kaagad namang sagot ni kuya. “Kumusta na nga po pala ang imbestigasyon ninyo tungkol sa aksidente.” “Mawalang-galang na, sir, pero ikinalulungkot naming ibalita sa inyo na ayon sa mga CCTV footage na nakuha namin, ang sasakyang lulan ang inyong mga magulang ang pinagmulan ng aksidente,” saad ng isa sa tatlong pulis. “Ano?” naibulalas ni kuya. “Paano nangyari `yon? Maingat magmaneho ng sasakyan si papa. Isa pa, kabibili lang nila ng bagong sasakyan kaya tiyak ko na maayos ito bago sila bumiyahe.” “Tama naman po kayo, ayon sa imbestigasyon ay walang mechanical malfunction ang sasakyan nila,” pagsang-ayon ng pulis. “Basta ang napanood namin, humaharurot ang sasakyan at pagewang-gewang sa highway hanggang sa magkaroon ng karambola. Nagtataka rin kami sa statement ng ibang nakaligtas na nakakita sa kanila.” “Ano’ng sinabi nila?” urirat ni kuya. “Tatlo raw sila sa sasakyan, mistulang nag-aaway at nagpapambuno, ngunit matapos ang aksidente ay dalawa lang naman silang na-rescue sa sasakyan,” kuwento ng pulis. Napakunot ang noo ni kuya at nagkatinginan din kami ni Lizbeth. “Walang kaaway sina mama at papa, sa pagkakaalam ko,” muling tinuran ni kuya. “Sinisiguro nilang wala silang natatapakang mga tao sa kanilang negosyo kaya’t paano mangyayaring may kaaway sila? Maliban na lamang kung isang taong may masamang pakay ang kasama nila at nakatakas lang ito pagkatapos ng aksidente.” “H’wag kayong mag-alala, sir. Magsasagawa kami nang mas malalim na imbestigasyon para mabigyang linaw ang lahat. Kung tama ang hinala ninyo ay kailangan nating mapanagot ang taong ito,” pangako naman ng pulis. May iinabot silang maliit na kahon na tila may lamang mga gamit bago sila nagpaalam. Naupo si kuya sa aking tabi at tiningnan isa-isa ang laman niyon. Ang mga gamit nina mama at papa. Kasama roon ang isang envelope na may lamang mga larawang kuha sa pinangyarihan ng aksidente kung saan ang ilang pinamili nila ay nagkalat sa paligid. Kapagdaka’y isang maliit ngunit makapal na supot ang kaniyang nakuha at sinilip niya kung ano ang laman noon. Napansin ko ang pagpatak ng mga luha roon ni kuya saka niya iinabot sa akin ang bagay na iyon. Kaagad kong binuksan ang pulang supot na may pangalan ng isang kilalang book store. Sa loob niyon ay tatlong fantasy at horror books. Ako man ay napaluha nang makita ko ang mga iyon. “Pasalubong siguro nila `yan sa `yo,” nagbitiw ng pilit na ngiti si kuya, saka siya tumayo at tuluyang lumabas ng chapel. Malungkot kong binasa ang pabalat ng mga libro. May mga parte ito na nabahiran ng ilang patak ng dugo, ngunit kinain ako ng koryusidad nang mapansin ko ang sira sa makapal na pabalat ng unang libro. Dalawang mistulang kalmot na bumaon roon. Tiningnan ko ang supot at may dalawa nga itong butas. Hindi ko maunawaan, ngunit bigla na lamang akong kinutuban na hindi iyon dahil sa aksidente. Napamulagat na lamang ako nang mayroon akong maalala. “Bakit, best?” nagtatakang tanong ni Lizbeth nang mapansin niya ako. Hindi na ako nakasagot. Mabilis akong tumayo at sumilip sa kabaong ni mama. Pakiramdam ko’y namilog ang mga mata ko at muling pinagharian ng takot ang aking dibdib. Naalala ko rin ang mga kamay na humila sa paa ng batang babae. Mag-iingat ka, nasa paligid lang sila. ***  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD