HINDI KO alam kung paano magsisimulang muli matapos kong marating ang natitirang sandali bago magwakas ang kabanatang bumuo ng aking pagkatao. Kasabay nito ay ang pagbubukas ng panibagong yugto na hindi ko inaasahang aking pagdadaanan. Sa gitna ng pagluluksa ng lahat ng mga taong buong buhay ko ay itinuring kong kamag-anak, para bang nasa gitna ako ng mga taong hindi ako kilala. Sa kabila ng pagmamahal ko para sa kanila at pagtanggap nila sa akin, batid kong kahit isang patak ng kanilang dugo ay hindi nananalaytay sa aking mga ugat. Mistula akong pinya sa gitna ng mga mansanas. Nakatitinik ang aking huwad na pagkatao at may mga matang nakakikita ng mga nilalang na hindi nila pinaniniwalaan. Minsan, napapaisip rin ako kung totoo nga ba ang mga nakita ko o dala lamang ng pag-inom ng alak at puyat. Maaaring dulot din ng malawak kong imahinasyon bilang isang manunulat.
Hindi ko na kilala ang aking sarili. Sino nga ba ako?
“Mira, kumain ka na,” wika ni Tita Mildred na kapatid ni mama. Hindi ko napansin ang pagtabi niya sa akin. “Kanina ka pa tulala r’yan. Mula nang dumating kami, hindi pa kita nakikitang kumain ng maayos.”
“Wala po akong gana,” sagot ko. “Sa ngayon, mas gusto kong nasa tabi nila at titigan lang silang dalawa r’yan hanggang nakikita ko pa sila.” Muling pumatak ang aking mga luha.
“Malulungkot ang mama mo sa ginagawa mong `yan, hija,” pag-aalala ni tita.
“Ang bait po nila, ano?” Pilit akong ngumiti. “Paano nila nagawang kumupkop ng isang batang hindi nila kadugo at hindi nila alam kung saan nagmula?”
Naramdaman kong hinawakan nang mahigpit ni Tita Mildred ang aking mga kamay. Maluha-luha siyang nakatitig sa akin. “Alam nilang kailangan mo ng pamilyang gagabay at magmamahal sa `yo, at dahil blessing ka para sa kanila.”
“Alam n’yo po ba kung saan ako nanggaling?” Nagmamakaawa akong tumitig sa kaniya.
Umiling siya. “Patawad, Mira, pero hindi ko alam. Nalaman ko na lang noong inampon ka na nila.” Bumuntong-hininga siya. “Naging mahirap para kina Ate Ynah na magkaanak, kaya nga tuwang-tuwa sila nang dumating si Symon sa buhay nila. `Yon nga lang, gusto pa niya ng anak na babae. Kung saan-saan siya pumunta para humingi ng tulong—sa mga albularyo, doktor at maging sa mga simbahan—namamanata para muling magkaanak. Galing sila sa probinsya noon, sa isang dinarayong simbahan. Nagbakasakali na mapagbigyan ang dasal nilang muli pang magkaanak, hanggang sa nakita ka nila.”
Hindi mapagkit ang pagkakatitig ko kay tita, naghihintay ng karugtong sa kaniyang kuwento. “Saan po nila ako nakita?” Umaasa ako ng tiyak na kasagutan.
“Hindi ko alam, Mira,” malungkot na sagot ni tita. “Hanggang do’n lang ang nalalaman ko dahil nang mga panahong `yon ay nasa abroad ako. Hindi kami nagkaroon ng pagkakataon upang malaman ang buong kuwento. Naging masaya na lang ako para sa kanila dahil alam kong ikaw ang kasagutan sa kanilang mga dasal.”
Napatungo na lamang ako at napatitig sa sahig. Akala ko, masasagot niya ang mga tanong ko. Ganoon pa man, malaking tulong na rin ang nalaman ko.
“Si Symon ang tanungin mo, maaaring mas alam niya ang lahat dahil ilang taon na siya no’n. Baka naaalala niya pa,” payo ni Tita Mildred na nagbigay ng panibagong pag-asa sa akin.
Nabaling ang aking tingin kay Kuya Symon na may kinakausap sa kaniyang cellphone. Katulad ko ay bakas ang labis na lungkot sa kaniyang mukha. Madalas ko rin siyang makitang tulala at nakatingin lang sa malayo. Muli kong ibinaling ang aking tingin kay tita.
“Hindi pa po siguro ito ang tamang pagkakataon para tanungin siya,” malungkot ko namang tinuran. “Maliban sa kaniyang pagluluksa, alam ko po na masyado siyang abala sa mga kailangang asikasuhin ngayon. Isa pa, nahihiya po ako sa kaniya.”
“Bakit naman?” naibulalas ni Tita Mildred. Bahagyang kumunot ang kaniyang noo.
“Baka po galit siya sa `kin. Baka po iniisip niya na—”
“Mira, kung anuman `yan, alam kong hindi iisipin `yan ng kuya mo,” sabat niya na hindi na pinatapos ang dapat sana ay sasabihin ko. “Alam mo bang no’ng nasa proseso pa lamang ng pag-ampon sa `yo, pansamantala ka nilang iniwanan sa bahay-ampunan. Marahil ay hindi mo na naaalala `yon dahil naaksidente ka. Sabi nila, nagwala raw ang kuya mo noon kasi akala niya hindi ka na niya makikita. Siya ang higit na may gustong ampunin ka dahil sabik na sabik siya sa isang kapatid. Araw-araw siyang naghintay sa pag-uwi mo sa kanila.”
“Totoo po?” naibulalas ko dahil sa gulat. “Kaya po ba gano’n siya sa `kin?”
“Oo, mahal na mahal ka ng kuya mo.”
Muli akong napatitig kay kuya na noon ay nakikipag-usap na sa kaniyang mga kaibigan at ilang estudyanteng nakiramay. Sino ang mag-aakalang ganoon pala niya ako kamahal. Kung sa iba siguro ako napunta, pagseselosan pa ako at ipamumukha sa akin sa bawat sandali ng buhay ko na ampon lang ako. Kung alam niya pala, higit akong mapalad dahil ni minsan ay hindi niya ipinaramdam sa akin na ibang tao ako.
Nang dahil sa aking mga nalaman, pakiramdam ko ay sapat na iyon upang mapunan ang puwang sa aking buhay. Napapaisip ako kung kailangan ko pa bang malaman kung sino ako, gayung higit na mahalaga ang ngayon at ang pagkakakilanlan na ibinigay nila sa akin.
Sa kabila ng kapilas na sayang idinulot ng kuwento sa akin ni Tita Midred sa aking puso, alam kong lolokohin ko lang ang aking sarili kapag sinabi kong buo na ako ulit. Balang araw, kapag niloob ng langit ay hahanapin ko ang aking pinagmulan at tunay na mga magulang. Ngunit sa ngayon, dito muna ako sa tabi ng taong kailangang-kailangan ako. Susuklian ko muna ang pagmamahal at buhay na ibinigay nila sa akin.
Hindi naglaon, sa gitna ng aking pag-iisa ay may napansin akong nilalang na tila mabilis na tumakbo sa labas. Marahil ay kanina pa ito nakasilip at kaagad na tumakbo nang mapansing lilingon ako sa may bintana ng chapel. Tumayo ako at sinundan ang direksyong tinahak niya ngunit tanging ang paggalaw ng mga nagtataasang damo na lamang ang aking naabutan. Saka ko lang naalala na walang daan sa bahaging iyon dahil bahagi na ang bakuran ng chapel ng kakahuyang malapit sa amin.
Napabuntong-hininga ako at ipinagkibit-balikat na lamang iyon. Masyado akong maraming kailangang kaharapin na higit na importante. But I’m not gonna lie, natatakot ako sa mga nararamdaman at namumuo kong hinala. Mayroong mali.
Bakit may mga kalmot sila sa katawan? Yes, kalmot iyon para sa akin. At hindi matalas na bagay ang nakasira sa pabalat ng libro, kung hindi ay mistulang matatalim na kuko. Sa ngayon, sa akin na lang muna ito dahil tiyak kong walang maniniwala sa akin.
***
PAGKATAPOS libing ay unti-unti nang nag-alisan ang mga nakipaglibing at nakiramay. Tanging ang naiwan sa aking tabi ay sina Lizbeth, Luigi at ang kapatid nitong umaalalay sa kaniya. Hinayaan ko munang makapag-isa si kuya sa harapan ng puntod ng aming mga magulang. Kung ganoon kasakit at katindi ang pangungulilang nararamdaman ko, alam kong doble ang sa kaniya.
“Mira,” pagtawag ni Luigi sa pansin ko. Napalingon ako sa kaniya. Nakaupo siya sa wheel chair at nasa kaniyang likod naman ang kaniyang nakababatang kapatid. “Mauna na rin kami sa inyo, ha? Condolence ulit.” Ngumiti siya, ngunit nagpapakitang malungkot siya para sa akin.
“Sorry ha, hindi kita nadalaw sa ospital. Sobra akong nag-alala at na-guilty nang ilang araw kang walang malay. Masaya ako at ligtas ka na,” paghingi ko ng tawad sa kaniya.
“Ako ang dapat mag-sorry sa `yo. Dinamay ko kayo sa magulong mundo na pinasok ko.” Tumawa siya. “Warning na siguro `to sa `kin na kailangan ko nang magbago. Hindi ko sasayangin ang pangalawang buhay na ibinigay sa akin.”
“Okay lang `yon.” Gumanti ako sa kaniya ng ngiti.
“Sige,” aniya. Ibinaling niya ang kaniyang tingin kay Lizbeth. “Liz, mauna na kami sa `yo. Ingat kayo pag-uwi.”
Tumango si Lizbeth at ngumiti. “Ingat din kayo.”
Ngumiti rin sa amin ang kapatid ni Luigi at nagpaalam.
Sandali kaming natahimik ni Lizbeth habang pinagmamasdan si Kuya Symon. Hindi lang ako nagpapahalata sa kanila, ngunit mayroon talaga akong ibang pakiramdam. Para bang kanina pa may nanonood sa amin. Ganoon pa man, ang takot na nararamdaman ko ay pinangingibabawan ng labis na kalungkutan.
“Kumusta ka naman, best?” urirat ni Lizbeth.
Ilang segundo rin akong hindi nakasagot. Iniisip ko kung ano ang dapat kong isagot sa kaniya. Kumusta nga ba ako?
“Sa totoo lang, hindi ko alam. Nilalakasan ko lang ang aking loob, kung hindi kanina pa siguro ako nabuwal sa kinatatayuan ko.” Muling pumatak ang aking mga luha.
“Basta nandito lang ako, ha?” Hinawakan ni Lizbeth nang mahigpit ang kamay ko. “Tawagan mo lang ako kapag kailangan mo ng kausap, darating ako.”
Tumango lang ako.
Nagpaalam na rin sa akin si Lizbeth nang tawagin siya ni Tita Eloisa. Nakaramdam ako ng inggit nang makita kong masayang magkasama ang mag-ina. Nang dahil sa bigat na nararamdaman ko ay nilapitan ko si kuya at napayakap sa kaniyang likod. Doon ay napahagulhol na ako ng iyak. Noon ay pilit namang humarap sa akin si kuya at ginantihan ako ng yakap.
“Pa’no ba `yan, tayong dalawa na lang?” malungkot niyang tinuran.
“Hindi ko alam kung paano,” sagot ko sa pagitan ng aking mga hikbi. “Maraming akong tanong sa isip ko. How can we get through this? How can we move on from this lost? Who am I?”
“You’re my sister. Kahit ano pa ang mga nalaman mo, it won’t change.” Hinigpitan niya pa ang kaniyang yakap sa akin na tila tanda ng pangako niya. “From now on, I am not just your brother—ako na rin ang tatayong mama at papa mo. Alam kong `yon ang gugustuhin nilang gawin ko. Nangako ako sa kanila, hindi kita pababayaan. Kahit sabi mo, big girl ka na, para sa akin ikaw pa rin ang little sister ko.”
“Salamat, kuya. Kung wala kayo, hindi ko alam kung nasaan ako ngayon.” Lalo akong naiyak dahil sa labis na pasasalamat ko sa pagmamahal niya para sa akin.
“Mag-isa lang ako noon. Iniiwan kina tita. Palipat-lipat,” aniya. “Hanggang isang araw, ipinakilala ka nila sa akin. Tinanong nila ako kung gusto raw ba kitang maging kapatid. Tuwang-tuwa ako nang araw na `yon kasi hindi na ako mag-iisa.”
Dinig ko ang impit niyang mga hikbi.
“Sino ang totoong mga magulang ko? Paano nila ako nakilala?” tanong ko. Hindi ko na napigilan ang mga iyon na kumawala sa aking bibig.
“Wala kaming idea kung sino, kung saan ka nagmula at kung ano’ng nangyari sa `yo,” sagot ni kuya. “Naghanap sila ng sagot sa mga tanong na `yan, pero hindi nila nakuha.”
“Kung hindi lang sana ako naaksidente at nagka-amnesia, sana alam ko,” tugon ko naman.
“Tulala ka noon, parang na-shock or na-trauma ka kung anuman ang pinagdaanan mo. Hindi ka nagsasalita. Palagi kang umiiyak,” kuwento ni kuya.
“Bakit?” naibulalas ko. Napakunot ang aking noo.
“Sugatan ka nang makita ka nila sa kalsada habang pauwi sila rito,” dagli niya namang sagot. “Wala ka raw malay noon, akala nga nila patay ka na. Pero nang maramdaman ni papa na may pulso ka pa, isinugod ka nila sa ospital at ini-report sa mga pulis dahil baka may naghahanap sa `yo. Hanggang lumipas ang ilang linggo, walang nagpakilalang kamag-anak mo kaya nagpasya silang ampunin ka dahil sa akin at dahil hindi ka na nila maiwan.”
“Sugatan?” muli kong naibulalas.
Bumitiw si Kuya Symon sa pagkakayakap sa akin at tumango. Inayos niya ang mga bulaklak sa tabi ng puntod nang mapansing naupos na ang kandilang sinindihan niya.
“`Yang peklat mo sa likod at mukha, hindi `yan dahil sa aksidente mo sa bisikleta,” pag-amin niya. “Ilan lang `yan sa mga sugat mo nang makita ka nila.” Bumuntong-hininga siya. “Kasalanan ko kung bakit ka naaksidente noon, inilabas kasi kita tapos napabayaan nang makita ko `yong mga kababata ko.”
“H’wag mong sisihin ang sarili mo, kuya. Alam ko namang hindi mo ginusto `yon,” wika ko upang maibsan ang guilt na nararamdaman niya.
“Bakit hindi? E, di sana naaalala mo kung sino ka, hindi ba?” makahulugan niyang tanong sa akin.
All of the sudden, natigilan ako. Bigla ko na namang naalala ang batang babae sa panaginip ko. Hindi ko alam kung bakit. Marahil dahil maaaring nagkakapareho kami ng naranasan.
“Ilang taon na ba ako nang makita nila ako?” kinakabahan kong urirat sa kaniya.
“Pitong taon sa tantiya nila,” sagot niya, “Pero hindi talaga namin alam. `Yong birthday mo, `yon lang ang araw na natagpuan ka nila.”
“Ano?” naibulalas ko. Binayo ng kaba ang dibdib ko. Pakiramdam ko ay namutla ako sa aking kinatatayuan. May panibagong hinala na nabuo sa isip ko.
Napalingon sa akin kuya. “Bakit? May nasabi ba akong masama?” pag-aalala niya.
“`Yong batang babae!”
***