MASYADONG MALALIM ang sugat na iniwanan sa akin ng biglaang pagkawala nina mama at papa. Ilang linggo na ang nakaraan pero para bang hindi nababawasan ang sakit na nasa dibdib ko. Mahirap para sa amin ni kuya na masanay sa biglaang pagbabago. Hindi ko pa rin makita ang hinaharap mula sa kasalukuyan kong kalagayan.
Ang dating maingay at masayang tahanan ay biglang naging tahimik at puno ng lumbay. Ang bawat sulok nito ay nagpapagunita ng mga alaalang ang sarap balik-balikan. Patuloy akong nananabik sa mga yakap at halik nila sa akin. Maging ang mga simpleng araw na magkakasama lang kami sa loob ng bahay ay naging isang gintong alaala na pangarapin ko mang mangyari ulit ay imposible na. Tama nga ang sabi nila, habang buhay pa ang mga taong mahal mo ay pahalagahan mo at iparamdam sa kanila ang iyong pagmamahal dahil hindi mo alam kung hanggang kailan lang sila sa buhay mo. Baka mamaya o bukas, oras na nilang magpaalam. Nasa huli nga ang pagsisisi, sana higit kong ipinakita sa kanila ang aking pagmamahal kaysa sa kakulitan at katigasan ng ulo ko. Sana ang mga oras na winaldas ko sa barkada, ibinigay ko na lamang sa kanila.
Nangako ako sa aking sarili na magiging matatag ako at muling babangon pagkatapos ng unos na iyon. Nangako ako kay kuya na magiging okay ang lahat, but I failed. As of this very moment, I’m still drowning in tears and seems like I’m into an endless mourning.
Inapuhap ko sa side table ang aking cellphone mula sa aking pagkakahiga nang tumunog iyon. May message mula sa isang online friend.
Your readers are waiting for you. Sana raw, bumalik ka na.
Nakaramdam ako ng kaunting tuwa sa mensahe niya. May naghihintay at naghahanap pala sa akin, ngunit hindi ko alam kung paano bumalik sa mga nakasanayan ko. Muli akong napatingin sa side table at tumambad sa akin ang mga librong nakapatong doon. Iyon ang mga librong pasalubong sana sa akin nina mama na ilang araw ko nang sinusubukang basahin pero hindi ko talaga magawa. Wala akong ganang magbasa o magsulat. Wala akong ganang bumangon. Wala na akong gana sa mundo.
Kinuha ko ang mga libro at malungkot na pinagmasdan ang mga iyon, until I found myself flipping the book’s pages. Madalas kong gawin iyon tuwing may bagong libro ako dala ng tuwa. Gustong-gusto ko ang amoy niyon. Ngunit iba ngayon, hindi tuwa ang dulot niyon kung hindi ay lungkot. Ang mga librong ito ang labis na nagpapaalala sa akin ng kanilang sinapit. Sinubukan kong magbasa sa mga unang pahina, ngunit sadyang wala akong maunawaan. Sinubukan ko rin namang magsulat upang mailabas ang nararamdaman ko, ngunit sadyang nawalan na ako ng gana.
Gusto ko na lang mahiga at matulog. Gusto ko na lang na hayaang lumipas ang oras at mga araw hanggang sa wala na akong lungkot at panghihinayang na maramdaman. Hindi naglaon ay napansin ko ang pagbukas ng pinto. Tahimik na pumasok si kuya at mataman akong pinagmamasdan.
“How are you feeling?” tanong niya. Naupo siya sa paanan ko.
Umiling lamang ako bilang sagot.
“Naiintindihan naman kita, pero tama na ang pagmumukmok. We need to go on with our lives.” Iginala niya ang kaniyang tingin sa loob ng aking kuwarto. “Look at this mess. Parang hindi na ikaw `yan.”
“I’ll be okay, pero hindi pa ngayon.” Nagtalukbong ako ng kumot para hindi niya na makita pa ang aking pag-iyak.
“Mira, enough!” mariin niyang tinuran. “Tumayo ka na r’yan, ayusin mo ang sarili mo.”
“Kuya naman, e,” reklamo ko. Noon ay napahagulhol na ako ng iyak.
“Marami ka nang sinasayang na oras.” Hinila niya ang aking kumot kaya tumambad sa kaniya ang luhaan kong mukha. Mahigpit niyang hinawakan ang aking magkabilang balikat. “Mira, ano ba? Lumaban ka, h’wag kang magpapakain sa lungkot na nararamdaman mo! Labanan mo `yan!”
“Hindi ko alam ang gagawin ko.”
“Listen to me, I am here!” aniya. “Tutulungan lang kitang buuhin ulit ang sarili mo kapag ipinangako mo sa `kin na babangon ka na. Natural lang na may mga bagyong dumarating sa buhay ng tao, pero ang hindi natural ay ang manatili kang nakalugmok at hindi ka na babangon sa pagkakadapa.”
“Pero kuya—”
“Mira, everything happens for a reason. Please, natatakot akong bumalik ka sa dati kung paano ka dumating sa buhay namin. Parang awa mo na. Sobra na kaming nag-aalala sa `yo.” Garalgal ang boses ni kuya. Mistulang pinipigilan ang pag-iyak at pinipilit na maging matapang sa harapan ko.
Napaisip ako, tama nga siya. Naalala ko ang mga kuwento niya tungkol sa akin noon at posibleng nagdaan ako sa isang traumatic na experience noon.
“You need to see a doctor,” suhestiyon niya.
“Ayaw ko, kuya. Hindi naman ako nababaliw, e,” pagtanggi ko sa kaniyang sinabi.
“Then, prove me,” makahulugan niyang sagot. “Get up and clean this mess. Kung totoong big girl ka na nga, act as one.”
Tumayo na siya at akmang iiwanan na ako, ngunit muli niya akong nilingon. “Darating si Tita Mildred, may lakad tayo mamaya.”
Naiwan akong napapaisip at nag-aalala kung kaya ko ba ang gusto niyang ipagawa—kung kaya ko bang pilitin ang aking sariling bumangon kahit hindi pa man tuluyang naghihilom ang sugat sa puso ko. Ngunit, tama siya. Tama si Kuya Symon, kailangan.
Bago magtanghalian ay dumating si Tita Mildred kasama ang sekretarya ni mama na si Miss Andrea. Ilang taon lang ang tanda nito sa akin. Nag-lunch muna kami sa labas saka kami tumuloy sa isang magandang coffee shop na hindi pa bukas sa publiko.
Sa labas pa lang, matutuwa ka na sa kakaibang awra nito. May magaganda at namumulaklak na mga halaman sa labas. Papasok ka pa lamang sa loob ay mararamdaman mo nang tila nasa isang villa ka sa probinsya. Maraming halaman, yari sa matitibay na kawayan ang mga kasangkapan at may mga ilan pang native decorations na nakatutuwa. Sa pinto at sa mga bintana nito ay may makikita kang mga wind chimes na tila lumilikha ng magandang himig sa ihip ng hangin. Ngunit ang higit na nakakuha sa aking pansin ay ang mga larawan naming naroroon. Mga larawang may kaakibat na masasayang alaala.
“It’s supposed to be a surprise to both of you po,” wika ni Miss Andrea. “Ang target opening ay sa birthday n’yo po, Sir Symon. Kung makikita ninyo, may mga book shelf sa bawat bahagi ng coffee shop na soon ay pupunuin namin ng mga libro. Isang magandang lugar ito para magbasa ng libro o magsulat habang nagkakape, katulad ni Miss Mirasol. Maliban sa special na kape na io-offer sa mga future customer natin, magsasama rin tayo ng mga snacks at desserts. Ma’am Ynah also preferred to have some native delicacies like cuchinta, maja blanca at iba pa, para nando’n `yong probinsya feels.” Ngumiti siya.
May kaartehan siya magsalita pero nakatutuwa at nakalilibang pakinggan. Napaka-joyful naman kasi ng personality niya. Maliban doon, alam kong nagpapapansin din siya kay kuya dahil narinig kong usap-usapan ng mga empleyado nina mama noon ang tungkol sa pagkakaroon niya ng crush sa kapatid ko.
“Sabi ni Atty. Dela Paz, nabanggit sa kaniya ni Ate Ynah na si Mirasol ang gusto niyang mamahala rito habang ikaw naman ay sa kompanya,” sabat ni Tita Mildred. Nilingon niya si kuya. “Hindi ba, Symon?”
Para namang nagulat si kuya na tila lumilipad ang isip habang nakatingin sa mga pictures. “Yes, Tita. Naintindihan ko naman po ang mga sinabi ni attorney kahapon kaya lang…” Napabuntong-hininga siya.
“Kaya lang, ano?” dugtong ni Tita Mildred.
“Hindi ko po kayang iwanan ang pagtuturo, alam n’yo naman `yan, hindi ba?” mariing balik-tanong ni kuya. “Pero hindi ko po tatanggihan ang pamamahala sa kompanyang minahal nila ng sobra. Ayaw ko rin naman po na magsara ito at mawalan ng trabaho ang mga mananahi natin sa factory at iba pang mga empleyado sa kompanya nang dahil sa mga nangyari. Kaya hihilingin ko po sana sa inyo na tulungan ako sa pamamahala dahil tiyak na magiging hati ang oras ko. Isa pa, nandiyan naman si Mirasol.”
Nagitla ako nang banggitin niya ang pangalan ko. “Hindi ko po kaya,” kaagad kong naibulalas.
“Kaya mo, big girl ka na, `di ba?” makahulugang sagot ni kuya sa akin. “Nandiyan naman sina tita at Andrea para gabayan ka habang nagsisimula ka pa lang. Maigi na rin ito para malibang ka at lumawak ang mundo mo.”
“Kaya ko nga ba? Hindi ko kaya mabigo sina mama?” pag-aalala ko. Nakaramdam ako ng kaba.
“Naniniwala ako sa `yo, Mira,” nakangiting sagot ni kuya. “Chef si Lizbeth at naghahanap ng trabaho, hindi ba? Bakit hindi mo siya imbitahang maging kanang-kamay mo? Tiyak na matutuwa siya.”
“Oo nga naman, Mira,” magiliw na sabat ni Tita Mildred.
Tumango na lamang ako. Hindi ko ipagkakailang nakaramdam ako ng kaunting excitement dahil unti-unti na akong nakakakita ng pag-asa para bumangon. Iyon nga lang, may mabigat pa rin sa dibdib ko. May magkakahalong negative feelings or emotions na kailangan ko pang i-release.
“Kung ganoon po, tuloy ba ang opening next month?” nakangiting tanong ni Miss Andrea na magkadaop ang mga kamay at halatang excited rin.
“Kung matatapos n’yo on time ang mga kailangan pang ayusin at ihanda rito, tuloy ang opening,” sagot ni kuya. Ginantihan niya ng ngiti ang sekretarya.
“Sige po, sir. Maiwan ko muna po kayo,” paalam naman nito.
Nag-alok si Tita Mildred na tingnan ang landscapes at water garden sa bakuran ng coffee shop kung saan maaari ding tumambay ang mga customer. Ang ibang bahagi nito ay kasalukuyan pang inaayos at pinagaganda ng mga hardinera. Ang ilang kalalakihan ay gumawa na maikli lamang na kongkretong tulay sa ibabaw ng water garden. Nilapitan sila nina Kuya Symon. Si tita ay parang hindi nakatiis at tumulong na sa pagtatanim dahil alam kong hilig niya ito. Mula sa loob ng coffee shop ay nakontento na lang akong panoorin silang nagkakatuwaan habang nagtatrabaho.
Muling nabaling ang aking tingin sa mga naka-frame na pictures sa loob. Isa-isa kong nilapitan para tingnan ang mga iyon at sariwain ang masasaya naming pinagsamahan. Hanggang sa muli na namang may kumirot sa aking dibdib at pumatak ang aking mga luha.
“Mama, nahihiya po ako sa inyo. Deserve ko po ba ang mga ito? Magawa ko kayang suklian ang pagmamahal na ibinigay ninyo sa akin kahit wala na kayo?” Napayapos ako sa aking dibdib. “Please help me, ma. Help me to move on and be a better woman like you. And most importantly, please help me find the missing pieces of me.”
“You will, Mira,” tinig mula sa aking likuran. “Nandito naman ako, hindi ka mag-iisa.”
Napalingon ako kay kuya habang pinupunasan ko ang aking mga luha.
“Come on, tulungan natin silang magtanim at pagandahin itong coffee shop mo,” alok niya. “Build a harmonious relationship to your staff as a good start.”
Tumango ako. “Susunod po ako.”
“Okay, hihintayin ka namin do’n.” Pumihit na pabalik sa garden si kuya at muli akong naiwang mag-isa.
Muli kong tiningnan ang picture nina mama at papa. “Ma… Pa… Thank you.”
Iginala ko sa buong coffee shop ang aking paningin. Ini-imagine na puno na ng mga libro ang book shelves, may mga customer na ini-enjoy ang lugar at mga staff na abala sa pag-aasikaso sa kanila at pagpapanatili ng kalinisan sa lugar. Napabuntong hininga ako bago ko inihakbang ang aking mga paa papunta sa garden.
“Hi, Miss Mirasol!” bati nila sa akin.
“Halina po kayo. Tiyak na mag-i-enjoy kayo,” alok sa akin ng isang babaeng mukhang nasa middle age. “Masayang magtanim, lalo na kapag nabuhay ito at namulaklak. Pagagaanin nito ang loob mo.”
“Tama siya, Mirasol,” sabat naman ni tita. “Dito ka sa tabi ko, tuturuan kita.”
Kaagad akong tumalima kay tita at kinuha ang iniaabot niyang pananim sa akin. Bakas sa kanilang mga mukha ang tuwa na makasama kami ni kuya. Nang dahil doon, pansamantala naman akong nalibang. Pansamantalang nakalimutan ko ang pag-iyak at muling natutong ngumiti.
Hindi naglaon, tumayo ako upang igala ang paningin ko sa buong paligid hanggang sa mapatingin ako sa malapit na kakahuyan. Mula sa likod ng isang malaking puno ay may napansin akong nilalang na nakasilip, ngunit sa isang kisapmata ko lamang ay bigla itong nawala. Napakunot ang aking noo.
“Bakit, Miss Mirasol? May problema po ba?” puna sa akin ni Miss Andrea.
“Wala naman. Namalikmata lang po siguro ako,” pagsisinungaling ko.
Ngunit sa loob ko, naiipon ang mga tanong. Kung tama ang hinala kong may palaging nakasunod at nanonood sa mga ginagawa namin, sino sila?
***