New Beginning

2195 Words
SA GITNA ng masayang salo-salo sa opening ng coffee shop namin, pakiramdam ko ay nag-iisa ako. Nag-iisa roon na hindi pa tuluyang nakakapag-move on at pilit pa ring kumakawala sa lungkot na yumayakap sa akin. Ganoon pa man, lumalaban ako sapagkat na-realize ko na marami pa akong dapat gawin sa aking buhay. Marami pa akong dapat na maalala, hanapin at balikan. “Hi, best!” ngiting-ngiting lumapit sa akin si Lizbeth. Inilapag niya sa aking harapan ang kaniyang dalang pagkain at inumin. “Nakakatuwa naman! First time kong maka-attend ng ganito na ang saya ko. `Yong feeling na hindi ako kill joy.” “Pansin ko nga, e.” Gumanti ako sa kaniya ng ngiti. “Ang saya-saya mo, ha! Siguro excited ka sa first day of work mo bukas.” “Siyempre naman!” dagli niyang tugon. “Thank you, Mira, it’s a great start for me. Pero siyempre, hindi ko pa rin kalilimutan ang number one kong pangarap, ang maging katulad ni papa.” “Sigurado akong magagawa mo `yon,” positibo kong sagot sa kaniya. Masaya ako na ako naman ang nakatulong at nagpasaya sa kaniya na palagi niyang ginagawa para sa akin. Masaya rin naman ako sa panibagong simula na ipinagkaloob sa akin at hangad ko na magtuloy-tuloy ito hanggang tuluyan na akong makabangon. Naniniwala ako na bago ko hanapin ang mga sagot tungkol sa tunay kong pagkatao, kailangan ko munang makabangon sa aking kawalan at maging matapang para sa pagharap sa katotohanan at mga panibagong pagsubok. “Bakit hindi yata nababawasan ang pagkain mo?” puna sa akin ni Lizbeth. Nagkibit-balikat ako. “Hindi ko malunok, e. Ewan ko ba. Masarap naman kaso wala talaga akong ganang kumain.” “Naiintindihan naman kita, e,” tugon niya. “Mahirap talagang mag-move on. Ganyan din kami ni mama noong mawala si papa, `di ba? Parang pasan ko ang lahat ng sakit at luha sa mundo, pero lumilipas din ang lahat. H’wag kang magpatalo.” “Iniisip ko pa rin kasi hanggang ngayon kung sino ako,” malungkot kong sagot. “Sinabi ko naman kasi sa `yo, isa-isa lang. Sinalo mo ang dalawang problema ng sabay, e.” “Sabay silang dumating, e.” Nangilid ang mga luha sa aking mga mata. “Hoy, bawal umiyak!” saway niya sa akin. “Tumingin ka sa paligid mo. Hindi ka nag-iisa.” Hindi ko man ginusto, ngunit para bang kusang tumalima ang isip at mga mata ko sa kaniya. Iginala ko sa paligid ang aking paningin. Nagkakasiyahan ang lahat, pati sina tita at Kuya Symon. Pati ang buong coffee shop ay masaya ang awra dahil sa mga bulaklak at kumukuti-kutitap na mga ilaw na mistulang mga alitaptap sa dilim. Pakiramdam ko, nandito rin sina mama at pinapanood kami—natutuwa sa mga panibagong simula sa aming mga buhay. “See? Ang laki ng pamilya mo,” makahulugang tinuran ni Lizbeth nang muling madako sa kaniya ang aking tingin. “Including me.” Napangiti ako. “Ikaw talaga.” “Hindi ako nagbibiro,” naibulalas niya dahil marahil sa reaksyon ko. “But, am I worth it? Am I worth loving for?” nahihiya kong tanong sa kaniya. “Oo naman, pasaway ka lang pero mabuti kang tao. Anuman ang blessing na natatanggap mo, deserve mo `yan kaya ibinigay sa `yo.” Tumatak sa aking isipan ang mga tinuran ni Lizbeth. Alam kong sinadya niya iyon para paliwanagan ako. Sa nagdilim kong mundo, malaki ang pasasalamat ko sa Diyos dahil may mga taong nagsilbi at patuloy na nagsisilbing ilaw para bigyan ako ng liwanag sa daang aking tinatahak. Ipinapangako ko na oras na mabuo akong muli, maibibigay ko na ang aking sarili sa kanila ng buo at ako naman ang magsisilbing liwanag para sa kanila. “Miss Mirasol, pasensiya na po may nagpapaabot lang,” wika ni Miss Andrea sabay abot ng isang sobre sa akin. “Ano po `to? Kanino galing?” pagtataka ko. Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko po alam, e. Sabi ng guard, may babaeng nag-abot sa kaniya nito at nakikiusap na makarating sa `yo.” “Salamat po,” tanging tugon ko na lamang bago ko tinanggap ang kaniyang iniaabot sa akin. Nagkatinginan kami ni Lizbeth. Nang ibaling ko ang aking tingin doon ay para bang may sumikdo sa aking dibdib. Nakaramdam ako ng takot, pero hindi ko alam kung bakit. May pagdadalawang isip man akong buksan iyon, nanaig pa rin sa akin ang kuryosidad. Nanginginig ang aking mga kamay habang binubuksan ang selyadong sobre na sa haparan ay nakasulat ang pangalan ko. Sa loob niyon ay ang isang liham. Nang buksan ko ang liham ay nalaglag mula roon ang isang pamilyar na kuwintas. Nang pulutin ko iyon mula sa sahig ay saka ko lamang iyon nakilala. Dagling pumatak ang aking mga luha. Mabilis kong binuklat ang papel at ito ang mga nakasulat doon. May nilalang na responsible sa sinapit nilang aksidente. Patawad kung hindi ko sila nailigtas para sa `yo. Mag-iingat ka, nasa paligid lang sila. H’wag kang mag-alala, binabantayan kita. Sa ibaba ng kaniyang maikling liham ay ang initial na K. Binayo ng kaba ang aking dibdib. Lalong umigting ang aking hinala tungkol sa sinapit ng kinikilala kong mga magulang. Tama ako na mayroong nagmamasid sa amin at mayroong kakaiba sa paligid. Kung sino man ang babaeng nagpadala ng liham na ito at sa kuwintas ni mama, sana ay makilala ko siya. “Best, ano `yan? Ano’ng problema?” naulinigan kong pag-aalala ni Lizbeth ngunit natulala ako at hindi makasagot sa kaniya habang patuloy sa pagpatak ang aking mga luha. Nagulat na lamang ako nang agawin niya sa akin ang liham para mabasa niya iyon. Napansin kong namilog ang kaniyang mga mata nang dagling mapatingin sa akin. “Ano `yang hawak mo?” “Kuwintas ito ni mama,” sagot ko. “Hindi ako maaaring magkamali dahil ako ang pumili nito nang bilhin ito ni papa para iregalo sa kaniya noong anibersaryo ng kanilang kasal. Kung gano’n, totoo ang sinabi ng mga nakaligtas sa aksidente. May iba silang kasama sa sasakyan na maaring dahilan ng kanilang aksidente.” “Hala!” naibulalas ni Lizbeth. “Sino kaya ito? Malamang may alam siya sa nangyari at maaaring kilala niya kung sino man iyon. Ipa-review mo sa CCTV, baka makilala natin `yong babae.” “Sasabihan ko si kuya.” Kaagad kong nilapitan si kuya na kasalukuyang nakikipagkuwentuhan kay Atty. Dela Paz at sa misis nito. Magalang siyang nagpaalam sa mag-asawa. “Bakit, Mira?” nag-aalalang tinuran ni kuya. “Bakit namumutla ka?” “You need to see this.” Ibinigay ko sa kaniya ang liham at ang kuwintas ni mama. Siya man ay napamulagat din. Pareho sila nang naisip ni Lizbeth. Tumakbo siya papunta sa monitor ng CCTV at ipina-review ito. Doon ay nakita namin ang isang babaeng nakaitim. Nakasuot siya ng jacket na may hood at bahagyang natatakapan ng mahaba nitong buhok ang kaniyang mukha kaya hindi namin siya mamukhaan. Wala siyang kahit anong clue para malaman namin kung sino siya. “Sino si K?” Huminga siya ng malalim kasabay ng pagsandal sa kaniyang kinauupuan. “Sino ang mga nasa paligid lang natin at bakit ka niya kailangang bantayan? Maliban na lang kung nasa panganib ang buhay mo.” Nag-aalalang tumitig sa akin si kuya. “Sa tingin mo ba kilala niya kung sino ako?” naibulalas ko. “Masasagot niya kaya ang mga tanong ko tungkol sa kung sino ang mga magulang ko at saan ako nagmula?” Umiling siya. “Hindi ko alam, pero maaari. Kaya lang paano natin siya makikilala, Mira? Paano natin mahihingi ang tulong niya para sa kaso nina mama at papa?” “Kung binabantayan niya ako, nandiyan lang siya sa tabi-tabi. Tatandaan ko ang hubog ng kaniyang katawan at ang pananamit niya.” Pumihit na ako paalis ng kuwartong iyon. “Saan ka pupunta?” sita niya sa akin. “Babalikan ko lang si Lizbeth,” sagot ko. “From now on, hindi ka na lalabas nang mag-isa, okay?” maawtoridad niyang wika. “Kung kailangang mag-hire ako ng body guard mo, gagawin ko.” “No need po, kuya,” pagtanggi ko. Hindi ko napigilang mapasimangot. “Please, for my peace of mind,” malungkot niyang iginiit. “If you’re thinking na baka mawala rin ako sa `yo, hindi `yan mangyayari kuya,” tugon ko dahil nararamdaman ko ang labis niyang takot at pag-aalala. “Pero kung ipipilit mo, ako ang pipili. Gusto ko, `yong magiging kumportable pa rin ako.” Ngumiti si kuya, ngunit mistulang pilit. Hindi na rin ako nagtagal at nagpasyang balikan na ang aking matalik na kaibigan at ang mga taong nagkakasiyahan na walang kamalay-malay sa aming mga nalaman. Simula nang araw na iyon, palagi kong nakikita si kuya na malalim ang iniisip. Kung dati ay tambak ang kaniyang mga kailangang gawin para sa pagtuturo niya, ngayon ay dumoble pa ito. Nakadagdag pa ang kaniyang pag-aalala para sa akin. Napapansin ko rin na napapadalas ang pagbisita sa amin ng kaibigan niyang pulis na tila palaging malalim ang kanilang pinag-uusapan. Hindi ko alam kung ano na ang tumatakbo sa isip niya at kung ano na ang kaniyang susunod na mga hakbang. Hindi ko alam kung paano ito matatapos para makabalik kami sa normal. Iyong walang iniisip na panganib sa paligid at hindi nag-aalala sa kaligtasan ng bawat isa. Isang araw, nagpatawag si kuya ng meeting sa kompanya. Mayroon daw siyang kailangang i-announce sa aming lahat. Nagtataka man, kasama si Lizbeth at ang body guard na kinuha niya para sa akin, nagtungo kami sa kompanya. Nadatnan ko ang mga empleyadong nagbubulungan. Nangangamba sila sa kung ano man ang sasabihin ni kuya. Natatakot sila na baka ibenta iyon ni kuya o kaya naman ay ipasara na lamang dahil alam nilang masyadong mahirap maghanap ng trabaho sa panahon ngayon. Nakaramdam ako ng awa sa kanila. Ang ilan sa kanila ay maraming taon na ang iginugol sa pagtatrabaho sa kompanyang bunga ng pagsisikap nina mama at papa. Subalit mali ang aming mga kutob. Lahat kami ay nagulat at batid kong ang ilan ay katulad kong nakararamdam ng guilt dahil sa kaniyang hindi inaasahang anunsyo. Ganoon pa man, karamihan ay natuwa sa kaniyang mga sinabi. Isang pagpapasyang hindi niya nabanggit sa akin, maging kay Tita Mildred. Ang buong akala ko ay abala lamang siya sa maraming trabaho at alalahanin, iyon pala ay may nabubuo nang mabigat na desisyon sa kaniyang isip. Isang sakripisyo para sa mga naiwan ng aming mga magulang—ang pagtalikod sa pinakamamahal niyang propesyon upang ibigay ang kaniyang buong panahon sa negosyo. “Are you really sure about this, kuya?” makahulugan kong tanong sa kaniya. “Kailangan ko nang tanggapin na ito ang kapalaran ko,” sagot niya sa akin. “Anyway, dito ka na muna, sabay na tayong umuwi. Hintayin mo lang ako, may kakausapin lang ako sandali.” “Okay po,” tugon ko. Nagmamadali siyang lumabas ng kaniyang opisina at naiwanan akong mag-isa. Mayamaya ay nakaramdam ako ng antok kaya humilig ako sa couch. Ang sarap sa pakiramdam na maihiga mo kahit sandali ang pagod mong katawan sa trabaho sa loob ng maghapon. Kaya naman nitong nagdaang mga gabi ay napasarap ang tulog ko. Nawalan ng oras para matakot at mag-alala. “Oh my, I’m so sleepy.” Kasunod ng isang mahabang hikab ay napapikit ako. Magnanakaw ng kahit kaunting sandali para umidlip. Subalit sa loob lamang ng ilang sandali, tila ba nahulog ako sa kawalan. Alam kong napasigaw ako, ngunit para bang walang boses na lumabas sa aking bibig hanggang sa maramdaman kong bumagsak ako. Nagising ako sa couch at napabalikwas ng bangon. Ganoon na lamang ang matinding kaba sa aking dibdib. Napahugot ako ng malalim na hininga at pinakalma ang aking sarili. Nang biglang magbukas ang pinto, nagulat si kuya sa nadatnan niya. “Napa’no ka?” naibulalas ni kuya. “Wala, naidlip lang,” sagot ko. “Uuwi na ba tayo? Pagod na kasi ako.” Mag-aalas sais na nang makaalis kami sa kompanya. Palabas pa lamang kami ay may napansin na akong nakatayo malapit sa exit. Parang sumisilip sa loob, ngunit kaagad itong pumihit paalis nang makita kami. Noon ay naalala ko naman ang babaeng nakaitim sa coffee shop at ang hubog ng katawan nito kaya kaagad akong tumakbo palabas para habulin siya. Nagulat naman si kuya at naulinigan ko pa ang kaniyang boses na humahabol sa akin. Nakita ko itong tumakbo malapit sa mga naka-park na sasakyan. Doon ay may mangilan-ngilang taong naglalakad, mayroon ding mga nagtitinda at may mga sasakyang dumadaan. Sinundan ko siya sa madilim na bahagi ng daang patungo sa isang parke, ngunit hindi ko na siya nakita. “Kung nasaan ka man, magpakita ka,” marahan kong nasabi sa pag-asang nagtatago lamang siya sa kung saan at naririnig niya ako. “Harapin mo ako, hindi mo kailangang tumakbo. Kailangan ko ng tulong mo.” Nagitla ako nang may malamig na kamay na biglang humawak sa aking braso. Nang dahil sa gulat ay nagsisigaw ako at pilit kumawala sa kaniya hanggang sa pigilan ako ng pag-iyak niya.   ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD