Naalimpungatan si Deanna dahil sa lakas ng katok sa pinto ng kaniyang kuwarto. Shuta, ganito ba rito? Sino naman kaya ang kumakatok? Antok pa ako. Anong oras na kaya?
Tiningnan niya ang relong nakapatong sa bed side table niya. Alas otso na! Hala, nakakahiya!
Dali-dali siyang bumangon at pumunta ng kaniyang bathroom para doon maghilamos. Nang matapos na siyang maghilamos ay naglakad na siya papunta sa may pintuan para lumabas ng kaniyang kuwarto. Nang akmang nakahawak na siya sa doorknob para buksan ang pinto ay napatutop siya ng kaniyang dibdib dahil may kumatok ng malakas sa pinto. Naman, eh! Baka hindi pa ako umabot ng buwan dito ay may sakit na ako sa puso. Sino kaya ang katok nang katok na ito?
"Heto na, lalabas na po ako!" sambit niya kasabay ng pagbukas niya ng pinto.
INIS na inis si Amaury dahil siya ang nautusan ng kaniyang lola na gisingin si Deanna.
"Amaury, gisingin mo na si Deanna para maipakilala ko naman siya sa inyong dalawa ni Claude," utos ng kaniyang lola sa kaniya. Ang pinakaayaw niya pa naman sa lahat ay ang utusan siya para sa mga hindi importanteng bagay.
"Grandma, iutos mo na lang sa maid," pakli niya.
"Ikaw ang inuutusan ko kaya 'wag mong ipasa sa iba. Bilisan mo na," tugon sa kaniya ng lola niya. Kahit papaano ay may takot pa rin siya sa kaniyang lola kaya kahit labag sa loob niya ay susundin niya pa rin ito.
Huminga muna siya ng malalim bago tumayo mula sa pagkakaupo para gisingin ang dalaga. Bakit ba kasi tanghali nang gumising ang babaeng iyon? She's not even special para lagi siyang magpagising sa isang tulad ko.
Dire-diretso siyang tumalikod patungo sa kuwarto ng dalaga. Nakailang katok na siya pero walang Deanna na bumubukas ng pinto. Nawawalan na talaga akong pasensiya sa babaeng 'to! Bingi ba siya? Nakakabwesit ng araw! Isa pang katok, kapag hindi pa niya binuksan ay talagang sisirain ko na ang pinto ng kaniyang kuwarto!
Muli siyang kumatok pero hindi talaga binubuksan ang pinto. Medyo dumistansiya siya sa may pintuan para iposisyon ang kaniyang sarili upang sirain ang pinto. Nang akmang pupuwersahin niya na ng kaniyang kabilang braso ang pinto upang mabuksan ay biglang bumukas ang pinto at tumambad sa harap niya si Deanna. Nawalan din siya ng balanse kaya pareho silang dalawa natumba. Nadaganan niya ang dalaga. Nanlaki ang mga mata niya dahil ng iangat niya ang kaniyang mukha ay inch lang ang distansiya sa mukha ng dalaga. s**t! Nakakainis talaga! This is all her fault!
"Aray! Walang hiya ka, umalis ka nga riyan! Ang bigat mo, daig mo pa ang isang sakong bigas!" bulalas sa kaniya ng dalaga, habang kumukurap-kurap siya na nakatitig sa dalaga.
"You suddenly opened the door kaya kasalanan mo!" tugon niya at marahan siyang tumayo mula sa pagkakadapa sa ibabaw ng dalaga.
"Ako pa talaga ang sinisi mo, eh, ikaw itong parang flying squirrel na bumungad sa 'kin. Ano ba kasi ang sadya mo sa 'kin?" Tinirikan pa siya nito ng mga mata. Ang laki ng mata niya, tss.
Marahan ding bumangon mula sa pagkakahiga sa sahig ang dalaga. "O, anong tinitingin-tingin mo riyan? Ano ngang sadya mo sa 'kin?"
"You're not that special para laging magpagising sa umaga. Don't do this again dahil nakakaabala ka," pakli niya.
Ay, suplado? "Napagod lang ako sa byahe kaya tinanghali na ako ng gising, but it doesn't mean na talagang ganito ako lagi. Sige na, mauna ka nang bumaba dahil naaalibadbaran ako sa pagmumukha mo." Ang sarap paliparin ng lalaking ito, e! Naku, sobrang sakit ng likod ko. Ikaw ba naman madaganan ng kasing bigat ng kalabaw. Ano ba kasing ginagawa niya kanina? Weirdo.
Sumunod na rin siya sa pababa hanggang makarating sila ng dining area. Bumungad sa kaniya ang nakangiting si Doña Estrella. Nginitian din siya ni Claude at kininditan. May pagkamanyak din talaga ang lalaking ito. Kung kindatan niya ako, eh, parang napakagwapo niya naman! Magkapatid kaya ang dalawang ito? Walang pinagkaiba ng ugali, e!
"Good morning, Hija. Pasensiya na kung pinagising kita kay Amaury. Gusto ko kasing ipakilala ka sa kanilang dalawa," bungad sa kaniya ng matanda. Umupo siya malapit sa tabi ni Amaury dahil iyon lang ang sa tingin niya ay safe siya ng kaunti. Kung si Claude kasi ang katabi niya ay baka masiko niya nang hindi sa oras dahil napakapresko.
Amaury pala ang pangalan niya, hmp. Kung gaano kaganda ang pangalan niya, kabaliktaran naman ng asal niya.
"Ayos lang po, Grandma. Pasensiya na rin po kung tinanghali ako ng gising, dala po siguro ng pagod sa byahe. Siya nga po pala, 'wag ninyo na rin pong utusan sa susunod itong si Amaury dahil kawawa naman po siya, baka po napagod sa pag-akyat patungo sa kwarto ko," wika niya. May diin ang pagkakasabi kay Doña Estrella na batid niya ring paringgan ang binata. Naiinis lang talaga siya sa mga taong sumusunod nga rin sana sa iniuutos pero labag lang naman sa kalooban.
"Naku, Hija, ayos lang naman iyon sa apo ko. Hindi ba, Hijo?" Nakita niya itong tumango sa matanda. Wow, ha! Gago talaga. Akala mo kung mabait, eh, ang sama naman ng ugali.
Nang magkatinginan sila ni Amaury ay sinamaan niya iyo ng tingin.
"Grandma, I thought, ipakikilala mo siya sa 'min," pakli ni Claude at talagang binalingan pa siya nito ng tingin, kasabay ng pagngiti nito sa kaniya. Akala siguro ng Claude na ito, madadala niya ako sa pangiti-ngiti niya. Hell no.
"Ay, oo nga pala. Mahirap talaga kapag matanda na, masiyado nang makakalimutin," wika nito. "Amaury and Claude, gusto kong ituring ninyong hindi iba si Deanna. Siya ang anak ng aking best friend na taga-Bicol na si Delilah," pakli nito. Ni hindi man lang umimik ang dalawang binata. Ngumiti lamang si Claude at si Amaury naman ay parang walang pakialam sa sinasabi ng kaniyang lola.
"Deanna, sana ay makasundo mo ang dalawa kong apong ito. Magkapatid silang dalawa, si Claude ang panganay at si Amaury naman ang bunso," kuwento nito.
"Opo," sambit niya. Kung alam lang ni Grandma kung gaano ka-pangit ang ugali ng dalawa niyang apo.
"O, wala man lang ba kayong sasabihin kay Deanna?" sabi nito nang hindi umimik ang dalawa niyang apo. "Claude? Amaury?" dagdag pa nito habang hinihintay nitong magsalita ang dalawa.
"Welcome to Ashford Mansion, Deanna. Don't worry, Grandma, dahil magiging mabuti po ako sa kaniya," wika ni Claude. Tumingin pa ito sa gawi niya at kinindatan siya.
Tumitindig ang balahibo ko sa lalaking ito. May pakindat pa siya, nagmukha tuloy siyang ewan. Ayoko pa naman sa lalaking gano'n.
"Mabuti naman kung gano'n. How about you, Amaury?" tanong nito sa isang apo na parang napaka-plain ng mukha.
Huminga ito ng malalim at tiningnan siya sa mukha. Ni hindi man lang ito ngumiti o ano pa man.
"Naku, Grandma, kumain na nga lang po tayo," pag-iiba niya ng usapan. Alam niya namang hindi interesado si Amaury sa kaniya.
"Oo, Hija. Siya nga pala, pumili ka na ng kursong kukunin mo para ma-enroll ka na ni Lilia sa Universidad de Ashford na pinapasukan din ng dalawang ito," anunsyo nito. Nagulat naman siya dahil gano'n lang kabilis ang lahat.
"What?! Sa Universidad de Ashford rin siya mag-aaral?" gulat na sabi ni Amaury. Sa tono pa lang ng pananalita niya ay parang ayaw niya akong pumasok sa school na iyon.
"Of course, Hijo! Bakit saan pa ba siya puwedeng mag-aral?" tanong nito sa apo.
"Nakakahi..." Nagbuntong-hininga ito ng malalim. Biglang tumayo mula sa pagkakaupo at dire-diretsong tumungo sa kuwarto. Ano bang problema niya sa 'kin? Ikinakahiya niya ba ako?
"Amaury, saan ka pupunta? Amaury!" tawag ng lola pero tila wala itong narinig. "Hay naku, pasensiya ka na, Hija. Gano'n lang talaga ang ugali ng apo kong iyon," paumanhin nito.
"Ayos lang po. Ah, puwede po bang sa ibang school na lang po ako mag-aaral? Baka po kasi nakakaabala ako sa inyong apo kung sa iisang school ang papasukan namin," pakli niya.
Okay na sa 'kin na mag-aral sa mumurahing school lang kaysa naman sa sikat na university pero hindi rin lang naman ako magiging komportable dahil sa apo ni Doña Estrella. Alam ko namang ayaw nila sa 'kin lalong-lalo na si Amaury.
"No. You don't have to do that, ako na ang bahala sa iyo," biglang sabi ni Claude kaya napatingin siya rito. Hay, naku! Isa pa ito, e. Sa mukha pa lang parang hindi na mapapagkatiwalaan.
"Huwag ka ring mag-alala Hija, dahil narito naman si Claude, tiyak na hindi ka niya pababayaan. Huwag mo na lang pansinin ang isang iyon," sambit nito. Talagang kay Claude pa nagtiwala si Grandma? Hays, nagsisitaasan ang balahibo ko kapag nakikita ko ang pagmumukha ng unggoy na ito!
"At isa pa Hija, ayokong mag-aral ka sa ibang school lalo pa't malayo rito, at bukod pa roon nangako ako kay Delilah na hinding-hindi kita pababayaan. Basta, kung mayroon ka mang magiging problema rito, maging sa school o kahit saan man ay sabihin mo lang sa 'kin dahil ako na ang bahalang tumulong sa iyo," pakli nito sa kaniya.
'Yong dalawang apo ninyo po ang problema ko, Grandma. Nakakapangilabot po sila. Aniya. Kung puwede lang talaga na iyon ang kaniyang sabihin ay talagang sinabi niya na pero sampid lang naman siya sa mansion na ito kaya hahayaan niya na lang.
"Opo, Grandma," tugon niya rito. Malaking adjustment talaga ang gagawin niya. Ibang-iba ang lahat kumpara sa dati niyang kinagisnan. Sana tumagal ako rito.
"Claude, ha? Ikaw na ang bahala kay Deanna," bilin ng matanda sa apo.
"Oo naman, Grandma," nakangiting tugon nito. Tumingin ito sa gawi niya at ngumiti ng nakakaloko. Hindi niya talaga makilatis ang totoong pagkatao ng isang ito. Hindi niya alam kung mabait ba talaga ito o mabait lang ito sa kaniya dahil sa mansion na rin siya titira.
Ano ba talagang klaseng nilalang ang lalaking ito? Mahirap na magtiwala. Pakiramdam ko, hindi ako magiging ligtas sa mga kamay niya kaya mabuti na siguro ang iwasan ko rin siya. Pakli niya sa kaniyang isip.