Pagpasok niya pa lang ng gate ay manghang-mangha na siya sa laki at taas ng school buildings. Saan kaya ako rito? Grabe, ngayon lang ako nakakita ng malawak na school. Maaliwalas ang paligid at magaganda ang uniforms.
"Guard, excuse me. Saan po ba rito ang room ng BS in Accountancy?" tanong niya.
"Doon sa blue building na iyon," turo sa kaniya nito.
"Sige po. Thank you," tugon niya rito.
Iniikot-ikot niya ang kaniyang paningin sa paligid. Hindi niya namalayang may tao na pala sa harapan niya kaya nabanggi niya iyon.
"Ano ba?! Hindi ka man lang tumitingin sa dinadaanan mo! Para kang ignoranteng nakakita pa lang ng malawak na school," bulalas nito sa kaniya.
"Pasensiya na kasi hindi ko naman sinasadya." Kung makapagsalita naman ang babaeng ito, akala mo naman kung sino. Oo, maganda siya, sexy at mukhang mayaman pero hindi naman yata tama na pagsabihan niya ako ng gano'n. Sarap patulan pero mahirap na, baka makakuha kaagad ako ng kaaway ngayong unang pasok ko sa school.
"Ang tanga-tanga, e!" dagdag pa nito. Diyos ko, pigilan ninyo po ako. Ang sama talaga ng talas ng dila ng babaeng ito, hays.
"Claire!" tawag ng isang babaeng lumapit sa babaeng nabangga niya. Claire pala ang pangalan niya.
"O, Tracy. Mabuti naman at nandito ka na, nababadtrip ako, e," bungad nito.
"Bakit naman? Saka sino siya?"
"Ang tatanga-tangang nakabangga sa 'kin. Daig pa ang bulag, e!" kuwento nito.
Naku, talagang hindi ko na yata mapipigilan ang sarili ko. Isa pa, talagang sasapakin ko na siya.
"Ang aga-aga sinira na kaagad ang ara—" Hindi na naituloy ni Tracy ang sasabihin nang biglang tumakbo si Claire.
"Amaury!" sigaw ni Claire habang papalapit sa binata.
Magkakilala pala sila ng unggoy kaya pala walang ipinagkaiba ang ugali.
"Hoy, ano pa ang tinitingin-tingin mo riyan? Mabuti pa umalis ka na. Sa susunod mag-iingat ka na dahil baka masabunutan ka na ni Claire. Hindi mo ba siya kilala? Number one bully siya rito sa school," wika ni Tracy.
Ngumisi siya rito at biglang tumalikod para tumungo na sa accountancy building.
"Bastos! Kinakausap pa kita!" sigaw nito sa kaniya.
"Puwede bang manahimik ka na? Wala akong pakialam kung bully man siya o ano, okay? Narito ako para mag-aral, hindi para pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kuwentang bagay tulad ng sinasabi mo," wika niya.
Dire-diretso na siyang naglakad papasok ng blue building. Unang araw ko palang dito sa school pero parang gusto ko nang umalis. Parang ang daming toxic dito. Mayayaman pa naman sila pero ang sasama ng ugali.
Papasok pa lang siya sa building ay sinalubong na siya ng malawak na ngiti ng guwardiya. Mabuti pa si Guard, masaya ang araw.
"Good morning, Guard! Anong floor po ang room ng freshmen Block A?" tanong niya rito.
"Good morning! Ikaw ba 'yong bagong estudyante?"
"Opo," tugon niya.
"Sa fifth floor. Mag-elevator ka na lang para mabilis kang makarating doon," pakli nito.
"Ah, sige po. Thank you!"
Ang astig naman talaga ng school na ito. May pa-elevator pa talaga, pero maghahagdan na lang ako kasi hindi ako marunong mag-elevator.
Nagsimula na siyang maglakad patungong fifth floor. Hays, grabe, third floor pa lang ako. Nakakapagod naman!
Nang makarating siya sa fifth floor ay talaga namang hingal na hingal na siya. Pakiramdam niya ay mahihimatay siya. Maraming estudyante naroon na nakatingin sa kaniya. May tatlong estudyanteng babae na lumapit sa kaniya.
"Hi, ikaw ba ang bagong kaklase namin. Ang ganda mo!" bungad ng isang babaeng naka-eye glasses.
Nginitian niya ito at tumango lamang siya.
Siya si Kendra Ramirez, isang simpleng babae. Parang nerd ang hitsura niya dahil palagi siyang nakasuot ng eye glasses. Straight, mahaba at sobrang itim ng kaniyang buhok.
"Girls, look! VIP siya!" bulalas ng isa pang babae na si Suzy Vargas, habang nakaturo sa suot niyang uniform. VIP? Ano bang pinagsasasabi niya? Ano bang pagkakaiba ng uniform ko sa uniform nila?
Suzy Vargas, isa ring simpleng babae na puro kalokohan ang alam.
Napayuko naman siya at tiningnan ang itinuturo ng babae.
"VIP? Walang ipinagkaiba ang uniforms natin, ah," pakli niya.
"Mayro'n! Malaki ang ipinagkaiba. May burdang yellow star bago ang burdang pangalan mo," sabi naman ni Pamela.
Pamela Guzman, pinakamadaldal at pinakamaingay sa tatlong magkakaibigan.
"Oo, tama siya. Sa wakas, nagkaroon na rin ng VIP rito sa accountancy building, nang sa gano'n may ipagmamalaki na rin kami rito," wika pa nito.
"Bukod sa 'kin, sino pa ba ang ibang VIP rito?"
"'Yong dalawang gwapong nilalang, sina Amaury at Claude," wika ni Suzy habang kilig na kilig.
"Ah, sila ba?"
"Bakit? Kilala mo ba sila?" Suzy asked.
"Hindi," maikling tugon niya.
"May isa pang VIP rito, si Claire Daniels, ang bully ng school na ito. Mag-iingat ka roon dahil malupit iyon. Ginagamit niya ang pagka-VIP niya," paalala pa nito.
"Gano'n ba? 'Wag kayong mag-alala, simula ngayon, ako na ang bahala sa inyo. Friends?" wika niya.
"Sino ba naman ang tatanggi na maging kaibigan ang VIP?" nakangiting wika ni Pamela.
"Tara, pasok ka na sa room! Doon ka sa may tabi namin," yaya ni Pamela.
Tumango naman siya. Iyon ang unang pagkakataon na nagkaroon kaagad siya ng mga kaibigan.
"Dito ka dali!" sabik na sabi ni Suzy.
"VIP?!"
"Sana all!"
"Anong pangalan mo?"
Napangiti siya dahil sa mga reaction ng mga estudyanteng kaklase niya. Sa buong buhay niya ay first time na mangyari iyon. Pakiramdam niya ay parang artista siya.
"I'm Deanna Cervantes, sana ay magkasundo tayong lahat at maging kaibigan ko rin kayong lahat," nakangiting pakli niya.
"Siyempre naman, ang ganda mo, grabe!"
"Oo nga, mas maganda pa siya kaysa kay Claire Daniels na pangit ang ugali!"
"Simula ngayon, nasa likod mo lang kami, handa ka naming ipagtanggol sa kahit sino mang aaway sa 'yo," bulalas ng isang estudyante.
"Oo. Tiyak din na maiinggit sa iyo si Claire kaya sigurado kami na gagawa iyon ng paraan para mapatalsik ka rito sa school. Ayaw niya nang may nakakaangat sa kaniya," pakli ni Kendra.
"Salamat sa masayang pag-welcome ninyo sa 'kin dito," wika niya. Feeling niya ay magiging masaya ang pag-aaral niya sa school na ito, lalo pa at marami na siyang kaibigan.
"Saan ka nga pala nakatira?"
"Oo nga. Alam mo kapag VIP ka, ibig sabihin ay mula ka sa napakayamang pamilya at may posisyon ang mga magulang dito sa school," pahayag naman ni Suzy.
Naku, ano ba ang sasabihin ko? Bakit pa kasi ginawa akong VIP ni Grandma? Sahig, lamunin mo na ako! Hindi niya alam kung ano ang sasabihin sa mga ito.
"Basta. Pasensiya na kayo, hindi kasi ako mahilig magkuwento tungkol sa pagkatao ko. Ayoko nang nagmamalaki o ano pa man," wika niya.
"Whoa! Sige, hindi ka na namin pipilitin, basta ang importante ay VIP ka," pakli ni Suzy.
Nakahinga naman siya nang malalim. Lagot kasi siya kapag nalaman ng lahat ang totoo.