Unang araw ngayon ng pagpasok ko sa Universidad de Ashford, kaya kailangan ko talagang maaga akong gumising. Sana mabilis akong maka-adjust sa kung ano mang klaseng sitwasyon ang kahaharapin ko. Mayamang pamilya ang tinitirhan ko ngayon kaya tiyak na mayayaman din ang makakasalamuha ko. Kahit ano-ano ang pumapasok sa isip niya. Talagang pinaghandaan niya rin ang paggising ng maaga para sa pagpasok niya sa school ngayong araw.
"Grandma, hindi po kaya nakakahiya kung ako lang po ang nasa kotse kapag patungong school at pauwi? Baka po sabihin ng ibang tao ay inaabuso ko po kayo," pakli niya. Iniisip niya pa rin ang kahahantungan ng bawat kilos niya dahil alam niyang baka mapahiya lamang siya. Tiyak na malalaman din ng lahat na mahirap lamang siya.
"Naku, Hija, bakit ka naman mahihiya?" tanong nito sa kaniya.
"Gusto mo sumabay ka na lang sa 'kin," bulalas ni Claude nang bigla itong sumulpot sa harapan nila habang maneho ang motorcycle nito.
Sigurado ba siya sa sinasabi niya? Talagang niyayaya niya akong sumabay sa kaniya? Kung sa kotse ako sasakay, tiyak na maaagaw ko ang attention ng lahat tapos mapapahiya lang ako sa huli dahil baka malaman nila na isang mahirap lamang ang totoong buhay ko. Kung sasama naman ako kay Claude, baka mapagkamalang girlfriend niya ako tapos gano'n din, malalaman pa nila na nakatira ako sa mansion kasama ang dalawang magkapatid. Isa pa, alam kong sa una pa lang labag na sa kalooban ni Amaury na mag-aral ako sa school na pinapasukan nila. Hays, ang hirap maging mahirap. Saan na lang ba ako lulugar?
"Maglalakad na lang ako, sa tingin ko, malapit lang naman ang school, eh," wika niya.
"Pero Hija—" Magsasalita sana si Doña Estrella nang bigla namang nagsalita si Claude.
"Sira ka ba? Malayo ang school dito sa mansion. Kapag naglakad ka, tiyak na labas na 'yang dila mo pagdating doon," pakli ni Claude. Tumawa pa ito na parang nakakainsulto.
Huminga siya ng malalim, "Hindi naman siguro, sanay naman akong maglakad ng malayo."
"Pero Hija, baka kung mapaano ka sa daan. Marami pa naman ngayon ang naki-kidnap saka babae ka pa naman," sambit ni Doña Estrella.
"Hindi naman po. Oragon po ako, kaya siguradong hindi talaga sila mangangahas na kidnap-in ako," muling sabi niya.
"Sige, ikaw ang bahala." Huminga muna ng malalim si Doña Estrella. Sa totoo ay talagang nag-aalala ito sa dalaga pero wala naman itong magagawa, lalo na kung komportable si Deanna na maglakad na lamang kaysa ihatid ng driver gamit ang kotse.
"Ang kulit mong babae ka. Aalis na ako, kung talagang hindi ka sasabay sa 'kin," pakli ng binata.
"Oo, mauna ka na. Maglalakad na lang talaga ako," wika niya rito.
Nang sinabi niya iyon ay napailing ang binata at biglang pinaharurot ang motorcycle paalis.
"Sige po, Grandma, aalis na rin po ako," paalam niya.
"Sige, Hija, mag-iingat ka," wika nito sa kaniya.
Sana malapit lang ang school. Five minutes na siyang naglalakad pero ni wala pa siyang school o estudyanteng nakikita man lang.
Nagulat siya nang biglang may humintong motorsiklo sa may kinaroroonan niya. "Hoy, babae! Alam mo bang bawal mag-alala si Grandma dahil makasasama iyon sa kalusugan niya? Bakit ba ang tigas ng ulo mo? Nagpumilit ka pang maglakad na akala mo ay makakaabot ka sa school ng gano'n lang kadali," bulalas nito sa kaniya.
"Hindi ko naman alam kaya pasensiya na. 'Wag kang mag-alala dahil hindi ko na uulitin," sambit niya.
"Dapat lang, dahil kapag may masamang nangyari kay Grandma, ikaw ang sisisihin ko. Sampid ka lang sa mansion kaya 'wag kang nagmamatigas. Sundin mo na lang ang lahat ng gusto ni Grandma o kahit sino mang nasa mansion," dagdag pa nito.
"Tapos ka nang magsalita? Puwede ka ng umalis. At gusto ko lang sabihin sa iyo na hindi ko naman ginusto na tumira sa mansion, kung hindi lang talaga dahil sa kasunduan nila ng lola ko," pahayag niya.
"Talaga bang hindi mo kagustuhan? Sa tingin ko nga ay nag-e-enjoy ka pa nang sobra sa mga ibinibigay sa iyo ni Grandma, eh. Kung ayaw mo talagang tumira sa mansion, kahit may kasunduan ang dalawang matanda ay hindi ka papayag," sabi nito.
"Sumusobra ka na, Amaury. Ganiyan ka ba talaga? Ang sama mo. Hindi yaman ang habol ko sa inyo! Mas lalo hindi ko kailangan ang mga materyal na bagay na ibinibigay ni Grandma. Kung tatanggihan ang lahat ng iyon ay tiyak na sasama ang loob niya sa 'kin at baka sabihin niya na nag-effort pa siya kung hindi rin lang naman ako marunong mag-appreciate ng mga ibinibigay niya sa 'kin. Kung 'yan ang ipinuputok ng butsi, 'wag kang mag-alala dahil dadalhin ko lahat sa kuwarto mo ang lahat ng binigay ni Grandma. Sige na, makakaalis na!"
"'Wag na 'wag kang mangangahas na pumasok muli sa kuwarto ko," sabi nito at pinaharurot na ang motorsiklo paalis.
Gano'n talaga siya magsalita? Grabe, ipinamumukha niya talaga sa 'kin na sampid lang ako sa mansion. Ang sama pala talaga ng ugali niya. Ang sakit niyang magsalita. Ibang-iba sila ni Claude ng ugali. Ilang taon pa ang kailangan kong tiisin para manatili sa mansion. Kung alam ko lang talaga na ganito ang mangyayari, sana hindi na ako pumayag na pumunta rito.
"Hoy, flat!" tawag sa kaniya ng humintong motorsiklo sa harap niya.
"Bakit? Akala ko ba nasa school ka na?" pakli niya. Mabilis niyang pinunas ang luha niya sa kaniyang mga mata.
"Binalikan kita dahil konsensiya ko pa kung may mangyari sa iyong masama. Utos ni Grandma na sunduin kita sa daan kaya 'wag kang mag-assume na may pakialam ako sa 'yo," pahayag nito.
"Ah, gano'n ba? Sige, salamat," pakli niya.
"Teka, umiiyak ka ba?"
"Hindi," tugon niya. Nginitian niya ito para hindi mahalata.
"Imposible. Namumula ang mga mata mo, e," giit pa nito.
"Ah, napuwing lang kasi ako," dahilan niya.
"Okay. Angkas na," pakli nito.
Hindi rin siya nagdalawang-isip na umangkas sa motor ng binata. Ayaw niya rin naman kasing mag-alala ang Doña.
First time, niyang umangkas sa motorsiklo. Nang nasa probinsya pa siya ay kadalasang tricycle at jeep ang kaniyang sinasakyan.
"Yumakap ka sa 'kin," pakli nito sa kaniya.
"Ayoko nga. Mapagsamantala ka rin, 'no?"
"Ako pa talaga itong mapagsamantala. Bahala ka kapag nahulog ka." Nginisihan pa siya nito.
Biglang pinatakbo nito ang motorsiklo kaya muntikan na siyang mahulog, mabuti na lamang ay bigla siyang nakayakap sa binata.
"Bakit hindi mo man lang dinahan-dahan? Sinadya mo iyon, ano?" turan niya rito.
"Anong sadya? Sinabihan na kita na yumakap ka sa 'kin pero hindi ka naman nakinig," tugon nito.
Tinanggal niya ang braso niya mula sa pagkakayakap rito. Humawak na lamang siya sa magkabilang laylayan ng damit nito.
"Alisin mo nga ang kamay mo riyan! Magugusot ang damit ko," reklamo nito.
"Ang arte mo! Gusto mo lang talagang yakapin kita, e. Ano na lang ang sasabihin ng mga estudyante sa school natin kapag nakita tayo?"
"Sasabihin lang nila na isa ka sa mga babae ko," wika nito.
"Hays! Ihinto mo nga ang motorsiklo mo, hindi ko iyon matatanggap kapag gano'n ang nangyari." Sana talaga, naglakad na lang ako. Nakakabwesit.
"Nagbibiro lang naman ako, e. 'Wag kang mag-alala dahil akong bahala sa iyo," pakli nito sa kaniya.
"Kahit anong sabihin mo, wala talaga akong tiwala sa iyo."
"Ayos lang." Ihininto nito ang motorsiklo, "Bumaba ka na rito. Lakarin mo na lang. 'Yong black gate na iyon, university na iyon." Mabuti na lang, dito niya na ako binaba. Ayoko namang, pagtsismisan ako ng mga estudyante.
Bumaba naman siya, "Okay. Salamat." Mukhang nagkamali ako nang iniisip tungkol sa kaniya. Parang mapapagkatiwalaan pa siya, kaysa sa kapatid niyang unggoy na suplado.