Inalalayan ni Niño patungo sa sofa si Jeremy at doon pinaupo hanggang sa tuluyan syang mahimasmasan.
"Pinatawag nyo po ako?" tanong ni Jeremy.
"May ipapadala ako sa kual mo. Nabanggit din ni Nathan na dadaan ka sa Sapiro," wika ni Ethan.
"Opo. Nangako ako kina Tito Tony at Tito AJ na papasyal ako doon," sang-ayon ni Jeremy.
"May nais din akong ipakisuyo sa'yo na kailangang madala sa Sapiro. Ipadadala ko na lang sa kwarto mo. Mukhang pagod na pagod ka na," wika ni Ethan.
"Maraming salamat po," sagot ni Jeremy.
"Dito ka na tumuloy. Magpahinga ka na. Mabigat ang nangyari sa misyon nyo. Binasa ko na ang ulat ni Jude," wika ni Niño.
"Ivan, pakihatid si Jeremy sa kwarto nya," utos ni Ethan.
"Masusunod po, Kamahalan," tugon ni Ivan.
Habang naglalakad patungo sa pasilyo ng kwarto ni Jeremy ay nagkwentuhan ang dalawa.
"Hindi ko inaasahan nagagawa mo na po iyon. Salamat po," wika ni Jeremy.
"Nagpatuloy ako ng pagsasanay sa paggabay ni Master Reema. Mag-ingat ka. Nararamdaman kong hindi pa tapos ang mga kabanata noon," payo ni Ivan.
"Salamat, Kuya," wika ni Jeremy.
"Anu't- ano man ang mangyari o maramdaman mo sa mga darating na araw, ipaalam mo ito kay Jude o sa amin," payo ni Ivan.
"Bakit po?" tanong ni Jeremy.
"Mangako ka," giit ni Ivan na seryoso.
"Opo," sagot ni Jeremy kahit hindi naintindihan kung bakit.
Nakarating sa kwarto ang dalawa.
"Sige na. Magpahinga ka na. Gia marde!" ani Ivan.
Hindi na nakapag-ayos ng sarili si Jeremy na dumiretso sa higaan at nakatulog kaagad.
Gumising si Jeremy ng maaga at nag-ayos. Nagtungo sya sa training area ng palasyo kung saan naroon si Ethan na noo'y nag-eensayo kasama si Alexi. Huminto si Alexi ng maramdaman si Jeremy. Naramdaman naman sya kaagad ng tiyuhin kaya lumingon ito sa direksyon nya.
"Magpahinga na muna tayo, Kamahalan," wika ni Alexi na binaba ang sandata nya.
"Rem!" bati ni Ethan.
"Gia moria, Tito Ethan," bati pabalik ni Jeremy.
"Magandang umaga, Prinsipe Jeremy," bati ni Alexi.
"Sa inyo rin Ministro Alexi. Hindi pa rin po kayo kumukupas," puri ni Jeremy.
"Salamat, Kamahalan," nakangiting tugon ni Alexi.
"Magpapaalam na po ako, Tito. Kailangan ko na po bumalik sa Ark," paalam ni Jeremy.
"Naghihintay ang isang kotse sa pag-alis mo. Ihahatid ka ni Lennox sa Ark," wika ni Ethan.
"Hindi na sana po kayo nag-abala. Maaari naman po akong magmaneho dahil narito naman po ang motor ko sa Sentro," magalang na tanggi ni Jeremy.
"Hayaan mong ihatid ka ni Lennox sa condo mo, Rem. Baka mahuli ka dahil may aksidente sa karaniwang ruta ng mga sasakyan. Kabisado ni Lennox ang mga pasikot-sikot pabalik ng Ark. May inutos din ako sa kanya," wika ni Ethan.
"Kung iyan po ang inyong nais," ani Jeremy.
"Pakisabihan si Lennox na paalis na ang Prinsipe Jeremy, RG," ani Alexi sa isang security na naroon, "Hintayin nyo na lang sa pintuan sa harapan ang sasakyan, Prinsipe Jeremy," anya kay Jeremy.
"Cien po," ani Jeremy.
"Mag-ingat ka hijo," ni Ethan na niyakap ang pamangkin.
Paglabas ni Jeremy ay naghihintay na sa kanya ang kotse na sasakyan nya. Ipinagbukas sya ng driver ng pintuan at ipinagsara bago ito pumasok sa loob ng kotse at nagmaneho. Pagdating ni Jeremy sa gusali ng condo nya ay kaagad syang bumaba sa driver at nagpasalamat. Umakyat sya sa condo nya at nagpalit ng bag. Nagpalit rin sya ng school uniform nya bago muling bumaba.
Nagulat syang naghihintay pa rin ang kotse sa kanya.
"Ano pa pong ginagawa nyo rito?" gulat na tanong ni Jeremy.
"Ihahatid ko na po kayo sa University bago po ako bumalik sa Sentro. Doon din po ako dadaan dahil nagbilin po si Prinsesa Aly na dumaan po sa Cakehouse," ani Lennox na muling pinagbukas ng pinto si Jeremy.
Sumakay naman si Jeremy sa kotse at umalis.
Pagdating sa gate ng paaralan ay bumaba sya at muling nagpasalamat. Umarangkada ang kotse palayo sa pwesto nila.
Nagtungo sa klase nya si Jeremy. Habang nagkaklase sila sa shop ay naramdaman na naman ni Jeremy ang kirot sa ulo nya pero hindi nya ipinahalata. Nang matapos ang dalawang klase nya ay naglakad sya patungo sa canteen. Hinilot nya ang noo nya habang naglalakad nang abutan sya ni Zarah.
"Uminom ka na ng gamot?" tanong ni Zarah na may tonong pag-aalala.
"Moria!" bati ni Jeremy na kinuha ang gamit ng kasintahan.
"Ako na muna. Masakit 'ata ang ulo mo. Kanina pa ba iyan?" tanong ni Zarah.
"Medyo pero kaya ko naman," wika ni Jeremy na humawak sa sentido.
Nagtungo sila sa kubong tambayan nila. Ibinaba nila ang gamit sa lamesa.
Umakyat ang pain level ni Jeremy kaya napapikit sya. Napahawak ang binata sa ulo nya at napakagat ng labi. Inilabas kaagad ni Zarah ang medkit sa bag ni Jeremy at kinuha ang pen injector. Ibinigay naman ni Jeremy ang braso nya kay Zarah na itinurok doon ang injection. Saglit na yumuko si Jeremy ng maramdaman nya na pumasok sa sistema nya ang gamot.
"Jeremy!" tawag ni Zarah na hinawakan sa balikat si Jeremy.
"Saglit," tugon ni Jeremy na kinontrol ang reaksyon ng katawan nya.
Makaraan ang ilang saglit umupo sya at sumandal sa bangko ng kubo na nakapikit pa rin. Kinunan sya ni Zarah ng pulso.
"Magrelax ka muna at magpahinga. Hayaan mo munang umepekto ng tuluyan ang gamot mo," paalala ni Zarah.
"Salamat, Moria," ani Jeremy na lumunok bago huminga ng malalim.
Inilabas ni Zarah ang tablet nya at nagbuklat ng mga aralin nya sa internet. Pagkaraan ng ilang minuto ay muling kumilos si Jeremy at inilabas sa bag nya ang lagayan ng tubig at isang lunch box.
"Ano iyan?" tanong ni Zarah na nagtaka.
Binuksan ni Jeremy ang lagayan at nakita ang mac and cheese na paborito ni Zarah.
"Natagpuan ko sa ref ko kanina. Dumaan siguro kagabi si Kuya Addy para sumilip sa condo. Ininit ko kanina," wika ni Jeremy na inabutan ng kutsara si Zarah.
"Cien," masayang wika ni Zarah.
Napansin ni Zarah na hindi sumusubo si Jeremy.
"Ric, kain tayo," alok ni Zarah.
"Sige na kumain ka lang," tangi ni Jeremy na ngumiti.
"Sige na. Kain ka na," lambing ni Zarah.
"Medyo wala pa akong gana," tanggi ni Jeremy.
"Sumubo ka kahit kaunti. Mabigat ang susunod mong klase," udyok ni Zarah.
Dinampot ni Jeremy ang kutsara at sumubo ng mac and cheese isang beses pero hindi na ito nagsubo pang muli.
Matapos ang ilan pang subo ay tinakpan ni Zarah ang lalagyan.
"Tapos ka na?" tanong ni Jeremy.
"Para may makain ka sa susunod mong break. Hindi ka na naman siguro nag-agahan," wika ni Zarah.
"Kumain ako kanina sa Sentro bago ako bumalik dito kaya pwede mong ubusin iyan," ani Jeremy.
"Kamusta ang lakad mo?" tanong ni Zarah.
"Maayos na. Naiuwi na namin ang mga kasama namin. Kasalukuyan silang nagpapagaling sa ospital," lahad ni Jeremy.
"Mabuti naman. Eh iyan?" ani Zarah na tinitigan ang braso ni Jeremy.
"Alin?" tanong ni Jeremy.
"Iyang tama mo," wika ni Zarah na hinawakan ang braso ni Jeremy.
Napapitlag si Jeremy.
"Nadaplisan lang. Ayos lang ito, pagaling na ito," ani Jeremy na hinawakan ang braso nya.
"Dapat ay nagpahinga ka na muna ngayong araw," wika ni Zarah.
"May pagsusulit ako na naghihintay. Ayokong isabay iyon sa workshop bukas," katwiran ni Jeremy.
Tinabi ni Jeremy ang lagayan ng pagkain sa bag nya.
"Kamusta ang Physics mo?" tanong ni Jeremy.
"Na-survive ko ang test namin kaya lang nalilito ako sa formula na ito," ani Zarah na itinuro ang aralin na nais nyang matutunan.
"Ah ito ba? Ganito lang iyan," wika ni Jeremy na nilabas ang lapis nya at ipinaliwanag ang formula kay Zarah.
Matapos ng ilang minutong diskusyon ay nagring ang warning bell ng department nya. Kaagad nagligpit ng gamit si Zarah. Binuhat ni Jeremy ang mga libro ni Zarah at sinakbat ang backpack nya.
"Ihahatid na kita sa kwarto nyo," wika ni Jeremy.
"Baka mahuli ka sa klase nyo. Malayo pa naman ang gusali namin," tanggi ni Zarah.
"Ok lang. Aabot ako. Mabilis 'ata akong tumakbo," pagmamalaki ni Jeremy.
"Sige na nga," payag ni Zarah.
Nang makaabot sa kwarto si Zarah ay kaagad binigay ni Jeremy ang libro ni Zarah. Nagring ang pangalawang warning bell.
"Aalis na ako," nagmamadaling paalam ni Jeremy.
"Ok. Salamat," ani Zarah.
Tumakbo palayo si Jeremy sa pwesto ni Zarah.
"Ang lambing naman talaga ni Jeric. Sana makahanap ako ng kasintahan na tulad nya. Matalino na, hottie pa. Kung alam ko lang na magbabago sya pinatulan ko na sya noon pa," pabirong wika ni Cely kay Zarah.
"Tama sya. May bodyguard ka na, may tutor at prince charming ka pa," sang-ayon ni Tanya.
"Magtigil nga kayo," namumulang wika ni Zarah.
Pumasok ang professor nila at nagsimula ang subject nila.
Samantala sa pangalawang workshop class ni Jeremy napasabak sya sa paggawa ng makina katulong ang dalawa pa nyang kaklase para sa proyekto nila. Habang nag-aadjust ng isang turnilyo si Jeremy ay nabitawan nya ang lyabe. Napansin kaagad ito ng isang kaklase nya.
"Ric, pakitingnan ang specs natin kung tama na," utos ni George.
"Sige po," ani Jeremy na nagtungo sa laptop nila sa table at kinausap ang isa pa nilang kagrupo.
"Pakiadjust ang inaayos ni Jeric," ani George kay Allan.
"Tiningnan ko na ang specs. Katitingin ko lang," sabi ni Allan.
"Hayaan mo na muna syang makapahinga. Hindi pa sya nagbreak simula ng klase. Halos kumpleto na ang bahaging inaayos nya," katwiran ni George.
"Sabagay. Matatapos ko na rin ang bahaging pinapaayos mo," ani Allan.