“Aalis na muna ako para magtinda sa palengke. Ilan araw na kasing nilalagnat si Aling Pasing kaya ako na muna ang magbabantay sa puwesto niya. Oh, huwag kayo masyadong magbabad sa TV, ha? kailangan pa rin natin magtipid sa kuryente.” paalala ni Mandie sa dalawang kapatid habang naghahanda siya ng babaunin niyang ulam.
“Opo, ate, ay teka nga pala,” habang nagwawalis si Upeng ay yumuko ito at may kung anong inabot sa ilalim ng drawer.
“May nag iwan ng isang box ng chocolates sa labas ng pinto natin 'te. Manliligaw mo siguro.”
Napangiwi siya. Sa edad niyang bente dos ay marami talagang kabinataan ang nagpapalipad hangin sa kaniya. Pero dahil nga wala naman sa isip niya ang pakikipagrelasyon ay hindi niya pinapansin ang mga ito.
“Bigay mo na lang sa iba.”
“Huwag ate, mahal ito!” kontra ni Upeng.
“Oo nga ate, mahal na klase ng tsokolate 'yan. Ipapamigay lang natin?”
“Ha?” isinilid niya sa bag ang canister na may lamang ulam niya at lumapit kay Upeng. Nanlaki ang mga mata niya nang buksan nito ang maliit na box box at tumambad sa kaniya ang anim na tsokolateng hugis puso. Nang tingnan niya ang brand ng tsokolate ay napasinghap siya. “S-sino naman ang magbibigay ng ganiyan kamahal na tsokolate sa akin?”
“Oo nga eh, baka naman may nagkakagustong prince charming sa'yo ate?”
“Naku,” natatawang ginulo niya ang buhok ni Upeng. “Huwag na muna ninyong pakialaman iyan, ha? baka mamaya naligaw lang pala ng bahay at kunin din agad nang nag iwan.”
Magkasabay na umungol sa pagtutol ang dalawa. Umiling lang siya at nagpaalam na. Nang buksan niya ang pinto ay natigilan siya nang makita na may nakadikit na post it note sa mismong dahon ng pinto nila. Hugis puso iyon at kulay blue na siyang paborito niyang kulay.
Please say yes.. please. Please. Please. Please. napuno ng salitang ‘please’ ang maliit na papel.
Hindi niya mapigilang ngumiti. Kung totoo man na para sa kaniya nga ang sulat at tsokolate ay nakakataba ng puso ang ginawa ng nagbigay niyon.
Pero kailangan na muna pala niyang intindihin ang puwesto ni Aling Pasing sa palengke dahil malapit nang dumagsa ang mga mamimili sa palengke. Nagmamadaling naglakad na siya. Malapit lang naman ang palengke sa kanila at pwede niyang lakarin iyon kahit tirik na tirik pa ang araw.
Habang naglalakad ay isang kulay itim na kotse ang napansin niyang sumusunod sa kaniya. Nagkunwari siyang hindi iyon napansin at patuloy na naglakad. Nitong mga nakaraang araw ay nagiging palaisipan na sa kaniya ang bagay na iyon. Pakiramdam kasi niya ay may taong nagmamanman sa kaniya.
Baka naman ang totoong ama mo na iyan at gusto kang makilala?
Asa! Nagusot ang ilong niya dahil sa biglang naisip.
Nang makarating sa palengke ay agad na kumilos na siya. Isang kupas na blouse at lumang maong jeans ang suot niya. Maruming rubber shoes ang gamit niya. Ipinuyod niya pataas ang buhok para hindi iyon makaabala sa trabaho niya. Ganoon ang madalas na porma niya sa palengke.
“Nandito na sa wakas ang muse ng palengke natin.” pabirong sabi ni Iking sa kaniya. Matipid na ngumiti lang siya. Tindero ito sa katabing pwesto ni Aling Pasing at matagal nang nanliligaw sa kaniya.
“Magandang umaga.” bati niya habang inilalagay ang apron sa baywang niya. Ilan sandali pa at nakikipagsabayan na siya sa mga tinderang nagtatawag ng mamimimili. Matumal pa ang benta kaya saglit na nagpahinga siya. Nagulat na lang siya ng may isang batang nagtitinda ng mga bulaklak ang lumapit sa kaniya.
“Naku, 'toy, hindi ako bibili.” tanggi niya. Pero laking pagtataka niya nang ilagay nito sa mga kamay niya ang mga rosas. Sa dami niyon ay halos payakap na niyang kapit ang mga iyon.
“Hindi ko na po binebenta, may pumakyaw na po kasi at inutusan akong ibigay sa'yo.”
“Sino?” gulat na tanong niya.
Maging ang mga tinderang naroon ay nagtilian dahil sa inggit nang makita ang dala niyang bulaklak. At parang eksena sa pelikula na nahawi ang mga tao at natahimik ang lahat nang may isang lalaking nakauniporme na parang nagtatrabaho sa opisina ang naglakad palapit sa kanila.
“Magandang umaga po, ma'am Mandie.”
“Ho?”
“Bigatin ka na pala, ganda!” ang sabi ng isang kasama ni Iking.
“Gusto ka pong makausap ng boss ko, pwede po ba?” ang tanong ng may edad na lalaki sa kaniya. Napakunot noo siya.
“Wala po akong ideya kung ano ito pero pakisabi po sa boss ninyo na kung gusto niya akong makausap, dapat ay siya ang nandito ngayon at hindi po ikaw.” magalang na sabi niya.
“That’s why I’m here,” sabi ng isang pamilyar na tinig. Nanigas siya sa kinatatayuan nang bahagyang umusod ang matanda para bigyang daan nito ang isang matangkad at maputing lalaki.
“Taru?” gulat na napasinghap niya.
“Yes, we need to talk. Iyon tayo lang, iyon walang ibang makakarinig, pwede ba?”
Bumilis ang pintig ng puso niya. Kahit marahil hampasin niya ang kaliwang dibdib ay hindi titigil sa mabilis at nakakabinging pagkabog ang dibdib niya.
Nang makabawi sa pagkagulat ay pinamaywangan niya si Taru nang mapansin na parang nandidiri ito sa lugar na kinaroroonan nila.
Hah!
Bumaling siya kay Iking at ibinigay na muna dito ang mga bulaklak bago nagbilin na bantayan muna ang pwesto niya. Hinubad niya ang suot na apron at lumapit kay Taru. Hinawakan niya ang kamay nito para lang matigilan nang maramdaman ang kuryenteng nananalaytay sa bawat himaymay niya.
“Pwede tayong mag usap sa kotse.” suhestiyon nito habang karay karay niya ito palabas ng palengke.
“Hindi pwede. Mabaho ako at amoy isda. Gagastos ka pa sa car wash.” mariing tanggi niya.
“Magkano lang ba iyon? pwede naman akong magtaxi o ipakuha ang isang kotse sa bahay bago ako umuwi.”
“'Yan ka na naman, ginagamit mo na naman ang pera mo,”
Speaking of ‘pera’. Hmmm… tumigil sila sa isang bakanteng lote at hindi mataong lugar. Habang ang driver naman nito ay nakasakay sa kotse at sumusunod sa kanila.
“Ikaw nga, umamin ka,” pinandilatan niya si Taru ng mga mata. “Sa'yo galing ang mga bulaklak?”
“Absolutely yes.” diretsang sagot ng binata. Napalunok siya at parang natunaw na ang depensa. Nang tingnan niya ang kulay asul na mga mata ni Taru ay parang hindi na niya maalala na masama ang loob niya dito.
“E-eh..eh iyong kaninang umaga, iyong tsokolate at sulat? Pati iyong kotse na panay ang sunod sa akin?”
“Ako rin.”
Ang puso koooo!
Ang sarap maghagilap ng oxygen mask dahil para na siyang pangangapusan ng hininga. Isa na lang talaga at baka lumupasay na siya sa sahig dahil sa nanlalambot na mga tuhod niya. Itinaas ni Taru ang mga kamay na parang sumusuko na nang mapansin nito ang matalim na tingin niya.
“Ako lahat iyon, pati na rin ang feeding program at pacontest sa lugar ninyo. Ako lahat ang may ideya.”
Grrr! Nilapitan niya ito at hinawakan sa magkabilang balikat bago tinangkang tadyakan ang gitnang bahagi ng mga hita nito.
“Oh, baby! no! hindi mo naman siguro gustong maputol agad ang kaligayahan mo?” maagap na pinigilan nito ang isang tuhod niya. Agad na namula ang mga pisngi niya at inis na pinaghahampas ito sa balikat.
“Bastos!”
“Oo, bastos nga ako. Sa'yo lang naman ako nagkakaganito."
Nataranta siya sa sinabi nito. Akmang tatalikuran na niya ito ng biglang abutin nito ang kamay niya. Pinagsalikop nito ang mga palad nila at hinalikan nito ang likod ng palad niya.
Parang siya na tuloy ang nahihiya sa binata dahil amoy isda ang kamay niya . Gusto na nga niyang kumaripas ng takbo at hugasan ang kamay ng mabangong sabon para naman hindi nakakahiya kay Taru. Pero ang magaling na lalaki ay enjoy na enjoy sa pagdampi ng halik sa palad niya.
Napaigtad siya at nalilitong binawi ang palad.
“Tigilan mo na ako Taru, marami pa akong ginagawa kaya please lang huwag ka nang babalik pa."
Lumamlam ang mga mata nito kaya parang gusto niyang sipain ang sarili dahil alam niyang nasaktan ito sa sinabi niya.
“Sabi ko rin naman sa'yo 'di ba, gusto kong maging akin ka? lahat ibibigay ko para mapasaya ka basta akin ka lang. Sa akin lang.” seryosong sabi nito.
Iglap lang ay nagkaroon ng bara sa lalamunan niya.
Gusto siya nito. Period. Simpleng atraksiyon iyon na hahantong lang sa mainit na tagpo. Hanggang kailan? hanggang sa magsawa ito sa kaniya?
Malayong malayo ang salitang gusto sa mahal. Maaaring gusto lang siya ni Taru dahil may kapalit ang ibibigay nito. Isang pambihirang oportunidad. Pero hindi naman siya nito mahal. Dahil ang pagmamahal ay walang kapalit. Walang katumbas na halaga.
“Nakakainis ka na!” hindi niya mapigilan ang mapaiyak na ikinagulat naman ni Taru. Hindi niya alam kung bakit kailangan niyang umiyak sa harap nito. Stressed siguro siya at dumagdag pa ang binata kaya naging emosyonal na siya.
Gusto kong sabihin na payag ako pero alam kong hindi pwede. Ayoko nang pansamantalang kaligayahan lang sa piling mo at hindi mo maiintindihan ang bagay na iyon!
Hindi na rin niya namalayan ang paglapit ni Taru at ang mahigpit na pagyakap nito sa kaniya.
“Ginugulo na ba kita? nagiging makasarili na ba ako?” mahinang anas nito. Ipinatong nito ang baba sa ibabaw ng ulo niya at masuyong hinagod ang likod niya.
“A-ang kulit mo kasi, ayoko ngang maging other woman.”
Narinig niya ang mahinang pagtawa nito bago siya kinintalan ng masuyong halik sa noo.
“Babe, panliligaw na ang ginagawa ko kahit medyo sablay. At kapag pumayag ka ng maging sa akin ka, sisiguruhin ko sa'yo na ikaw lang.”
Dinagsa ng hindi maipaliwanag na kaligayahan ang dibdib niya. Daig pa niya ang nanalo sa lotto at gusto niyang sumigaw ng malakas para mabawasan ang emosyon sa dibdib niya.
“P-pero hindi nga pwede 'di ba?” malungkot na tugon niya. Mabagal na tumango ito at napilitang bitiwan siya.
“Pag isipan mo, willing akong maghintay kahit gaano katagal.”
Hindi makapaniwalang sinalubong niya ng tingin si Taru. Nakita niya ang senseridad sa mga mata nito at tumatak iyon sa isip niya. Kung sana nga ay ganoon lang kadali na pag isipan ang lahat....