Ang nagkakagulong mga kapitbahay ang sumalubong kay Mandie nang matanaw niya ang bakuran ng bahay nila. Patakbong lumapit siya sa kay Aling Bebang habang kausap nito ang anak parang takot na takot.
“Ano po ang nangyari?” kinakabahang tanong niya. Hindi naman magkakagulo ang mga tao sa labas ng bahay nila kung walang masamang nangyari. At bakit ganoon ang reaksiyon ng mga tao na parang naaawa sa kaniya?
“Aling Bebang?!” pasigaw na tawag niya sa pananahimik ng matanda.
“Mandie, diyos ko ang nanay mo!” umiyak ang matanda at hinawakan siya sa isang balikat.
“Nadatnan siya nila Utoy na walang malay sa kwarto ninyo. Inatake siya sa puso. Matagal na pala siyang may sakit sa puso at hindi lang niya iyon ipinaalam agad sa'yo at sa dalawa mo pang kapatid.”
Parang isang malakas na bomba iyon na sumabog sa harap niya. Naramdaman niya na may tumapik sa balikat niya pero hindi niya iyon binigyang pansin. Dapat sana ay masaya siyang uuwi ngayon para ipaalam sa pamilya na nakahanap na siya ng trabaho sa isang maliit na burger shop. Pero ang lahat ng katuwaan sa dibdib niya ay parang bulang naglaho.
Hindi niya magawang umiyak kahit pilitin niya. Pakiramdam niya ay sasabog ang dibdib niya kapag pinilit niyang umiyak. Pakiramdam niya ay sasabog siya kapag may mahinang ungol na umalpas sa mga labi niya.
Tinawag siya ng mga kapitbahay nila pero hindi niya pinansin ang mga ito. Nakatulala lamang siya at naglakad palayo. Alam niya kung saan dinala ang kaniyang ina. May isang malapit at pampublikong ospital sa lugar nila at tiyak na naroon ito at ang mga kapatid niya. Ilan sandali pa at bumilis na sa paghakbang ang mga paa niya hanggang sa tumakbo na siya.
Naramdaman niya ang unti unting paglamig ng hangin. Ang malakas na kulog na tanda nang nagbabadyang pagbuhos ng ulan. Hindi niya pinansin iyon. Mas tamang intindihin niya ang nanay niya. Napakasama niyang anak. Dapat ay pumayag na lang siya na ipagbili ang kalinisan niya kapalit ng malaking pera. Nakabayad na sana sila ng utang at may pampagamot pa ito.
“N-nay sorry…” pigil niya ang paghikbi habang tumatakbo siya.
Nang makarating siya sa ospital ay naliligo na siya sa pawis. Agad na dumiretso siya sa emergency room dahil naroon daw ang nanay niya ayon sa isang nurse na napagtanungan niya.
Umiiyak na yumakap sa kaniya ang mga kapatid nang makita siya. Nag unahan naman sa pagpatak ang mga luha niya nang makita ang ina na walang malay at nakahiga sa isang kama habang may nakakabit na oxygen mask sa bibig nito. Lumapit sa kaniya ang doktor at kinausap siya. Napakarami nitong sinabi pero wala siyang kahit anong maintindihan maliban sa kailangan daw maoperahan ang kaniyang ina sa lalong madaling panahon dahil sa lumalalang bara sa puso nito.
Nanghihinang bumitiw siya sa mga kapatid.
“D-dito lang kayo. Ililipat na nila sa ward si nanay,” bilin niya sa dalawa.
“Ate, saan ka pupunta? Papaano tayo? papaano si nanay? Wala tayong pera para sa operasyon,” napahagulhol si Utoy at parang unti unting nauubusan ng hangin ang katawan niya.
Ako na lang po ang pahirapan ninyo..huwag sila…huwag ang pamilya ko..piping dasal niya.
Mariing ipinikit niya ang mga mata at ginulo ang buhok ni Utoy. Mahinang tumikhim siya para alisin ang bara sa lalamunan.
“Dito lang kayo, ha? babalik ang ate. Hahanap lang ako ng pera,”
“Saan ate? saan?” ani Upeng.
Malungkot na ngumiti siya.
“Bahala na,”
Lumakas ang pag iyak ng mga ito nang umalis na siya. Panay rin ang iyak niya habang binabagtas niya ang daan palabas ng ospital. Saan nga ba siya kukuha ng pera ng ganoon lang kabilis?
Sinuong niya ang malakas na ulan na parang umaasa siyang doon niya makukuha ang sagot sa problema ng pamilya niya. Patawid na siya sa kabilang kalsada nang bigla ay may tumigil na sasakyan sa harap niya. Naipikit niya ang mga mata sa pag aakalang tatama ang harapan ng sasakyan sa katawan niya.
Nagulat na lang siya ng may pamilyar na mga palad ang humawak sa magkabilang balikat niya. Nahimasmasan siya at iminulat ang mga mata.
“Ano ba ang ginagawa mo? nakatanggap ako ng tawag sa driver ko at sinabi niya na papunta ka ng ospital dahil inatake sa puso ang nanay mo. My god, Mandie! Papatayin mo ako sa pag aalala sa'yo!” asik ni Taru sa kaniya. Punong puno ng takot at pag aalala ang mga mata nito.
“T-taru?” hindi makapaniwalang hinaplos niya ang kabilang pisngi nito.
Sa kabila ng malamig na tubig na pumapatak sa katawan niya ay napakainit pa rin ng pakiramdam niya. At ang init na iyon ay nagmumula sa mismong katawan ng binata.
“Yes, baby, it’s me. Natakot ka ba? nag alala ka ba? ako na ang bahala, nandito na ako. My poor baby, hindi na dapat ako umattend ng meeting kanina para mas maaga kitang napuntahan dito.”
Napaiyak siya nang maintindihan ang sinabi nito.
“P-payag na akong maging sa'yo, tulungan mo ako please? tulungan mo ang pamilya ko.” umiiyak na turan niya.
May kung anong emosyon ang kumislap sa mga mata ni Taru.
“A-are you sure?” hindi makapaniwalang tanong nito.
Mabilis na tumango siya. Natunaw ang lahat ng takot sa dibdib niya ng mahigpit na yakapin siya nito. Nakakatunaw ng lamig ang mga yakap ni Taru at pakiramdam niya ay isa itong mainit na kumot na prinoprotektahan siya sa lamig.
Naramdaman niya ang pag angat niya sa ere. Pinangko pala siya nito at hindi na niya namalayan iyon dala ng matinding pagod. Isinandal niya ang ulo sa dibdib ng binata habang naglalakad ito sa direksiyon kung saan nakaparada ang kotse nito. Gusto niyang ipahinga ang katawan at isip ngayon.
At gagawin niya iyon sa isang pinakamatamis at masarap na paraan.