PINAGPAPAWISANG ng malapot at malamig si Daisy nang magising siya ng gabing iyon mula sa isang masamang panaginip. Ah, hindi pala iyon isang panaginip. Iyon ay totoong nangyari noon-- ang pagkamatay ng kaniyang asawa.
Papunta na sila ng asawa niya sa kanilang pabrika at ito ang nagmamaneho habang nasa katabi siya nito. Sa gate pa lang ay hinarang na sila ng napakaraming trabahador na nagwewelga dahil daw sa maling pamamalakad at kulang na sahod nila.
Walang pagpipilian ang asawa niya kundi ang ihinto ang sasakyan.
“Sagasaan mo na ang mga hampaslupang iyan, Thony!” galit pang utos ni Daisy sa asawa.
Nakita niya na parang hindi ito mapakali. Panay ang himas sa dibdib habang nakangiwi. Nagpulusan na ang mga tao papunta sa kanilang sasakyan. Kinalampag at pinapalabas sila.
Humawak si Thony sa kamay niya. Nakanganga na ito at kinukuyumos ang tapat ng puso. Doon na siya nag-panic at nagsisigaw. Iyon pala ay inaatake na ito sa puso. Hindi niya agad ito nadala sa ospital dahil sa mga taong nakaharang sa kanilang sasakyan. At ang talagang sinisisi niya sa nangyari ay ang tatay ni Eloisa dahil ito ang lider ng mga taong nag-aklas! Kaya naman ganoon na lang ang galit niya kay Eloisa lalo na ngayong asawa na ito ng kaniyang nag-iisang anak.
Kailanman ay hindi niya matatanggap si Eloisa bilang parte ng kanilang pamilya. Kaya naman ginagawa niya ang lahat para pahirapan ito at sirain sa anak niya. Kung sakaling mahirapan ito, baka ito na ang kusang umalis sa buhay nila. At kung magtagumpay naman siyang sirain ito kay Theo, malamang si Theo na mismo ang mag-aalis kay Eloisa sa buhay nila. Iyon talaga ang palano niya.
Gagawin niya iyon habang hindi pa nabubuntis si Eloisa dahil kapag nabuntis ito ay mahihirapan na siyang paghiwalayin ang dalawa. Mabuti na rin na nasa malayo si Theo para mas madali niyang magawa ang kaniyang plano.
Humihingal si Daisy na para bang galing siya sa malayong pagtakbo. Ilang taon na ang nakakalipas simula ng mangyari ang bagay na iyon pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nababawasan ang sakit na nararamdaman niya sa pagkawala ni Thony.
Nasa puso pa rin niya ang sakit. Paano ba niya iyon makakalimutan, e, sa mismong tabi niya ito binawian ng buhay?
Bigla siyang nakaramdam ng galit nang maisip niya na nasa kabilang kwarto lang ang anak ng taong pumatay sa kaniyang asawa. Mahimbing na natutulog at nagpapakasarap sa sarili niyang bahay. Hindi siya makakapayag na magbuhay reyna ito. Ang dapat dito ay pinapahirapan ng husto.
MALUNGKOT na nakatulala si Eloisa sa kaniyang table sa faculty room. Wala pa siyang klase sa oras na ito kaya napili niyang magphinga muna doon. Nakakalungkot lang na mag-iisang linggo na si Theo sa Japan pero hindi man lang ito tumatawag sa kaniya. Palagi naman itong offline sa Messenger kaya iniisip niya na baka busy ito sa bago nitong trabaho. Baka nag-a-adjust pa ito doon.
“Semana Santa na ba? Bakit naman ganiyan ang mukha mo, frenny? Ang lungkot, sobra!” untag sa kaniya ni Lorraine. Sa labis na pag-iisip niya ay hindi niya namalayan na nasa kabilang table na pala ito.
Bumuntung-hininga siya. “E, kasi si Theo… Hanggang ngayon, hindi pa rin siya tumatawag sa akin. Five days na kaya simula ng umalis siya dito,” ungot naman niya.
“Baka naman busy or what.”
“Tumawag nga siya no’ng nakaraan sa mamay niya. Tapos sa akin, hindi.”
“May valid reason naman siguro ang hubby mo. Don’t worry, kung gusto mo, labas na lang tayo mamaya. Friday naman ngayon. E. Ano, tara na? Kasama natin iyong bagong teacher!” Kinikilig nitong sabi.
Napataas ang isang kilay ni Eloisa. “Bagong teacher? Meron?”
“Ay, wala!” anito sabay tawa. “Kakasabi ko lang na may bagong teacher, `di ba? Yes, frenny! At hindi lang basta bago kundi isang hot, handsome and tall new teacher!” Ipinagsalikop pa nito ang mga kamay habang tila nangangarap na nakatingin sa kisame.
“Hmp! Hindi naman ako interesado sa sinasabi mong bagong teacher. Kay Theo pa rin ako. Siya pa rin ang pinaka gwapong lalaki para sa akin!”
“Frenny, hindi ko naman sinabi na gustuhin mo `yong bagong teacher, `no. May asawa ka na kaya sa akin na lang siya. Sa tingin ko, siya na… Siya na ang hinihintay ko na wawarak sa aking p********e!”
Hindi napigilan ni Eloisa ang mapatawa dahil sa sinabi ng kaniyang kaibigan. Alam niyang pinapatawa lang siya nito para kahit papaano ay mawala ang nararamdaman niyang lungkot ng oras na iyon.
“So, ano nga? Sasama ka ba?” ulit na tanong ni Lorraine.
Sandali siyang nag-isip sabay tango. “Okay, frenny. Sasama ako,” sagot niya.
Kailangan din naman niya na lumabas kasama ang mga katrabaho niya para kahit papaano ay makalimutan niya na malungkot siya. Maglilibang muna siya kahit every weekend para hindi niya maisip palagi na nasa malayo ang kaniyang asawa.
Masayang napapalakpak si Lorraine. “Yes naman! Wala nang atrasan, ha. After ng school, gora na tayo. Hmm… Anim lang naman tayo. Ikaw, ako, `yong new teacher tapos `yong magjowa na sina Dave at Trisha. All-teachers lang!” Paliwanag pa ni Lorraine.
“Sige. Magpapaalam din muna ako sa biyenan ko at baka kung ano na naman ang sabihin niyon kay Theo, e…” aniya.
Kinuha niya ang kaniyang cellphone upang tumawag kay Daisy at sabihin dito na hindi siya sa bahay maghahapunan dahil lalabas sila ng mga co-teachers niya. Nakausap naman niya ang kaniyang biyenan at ang tanging sinabi nito ay bahala siya sa buhay niya kung ano ang gusto niyang gawin.
MATAPOS ang pagtuturo para sa araw na iyon ay dumiretso na sina Eloisa at ang mga co-teachers niya sa isang korean-restaurant para kumain ng dinner. Doon ay nakilala niya ang sinasabi ni Lorraine na bagong guro sa kanilang school na si Martin.
Kaedad lang nila si Martin at tama naman ang sinabi ni Lorraine sa kaniya. Gwapo nga si Martin at mabait pa. Nagprisinta ito na ito na ang magbabayad ng kakainin nila bilang bago lang daw ito. Magkatabi sila nito sa upuan. Pinapagitnaan nila ito ni Lorraine. Pero kahit magkatabi sila ng lalaki ay tiwala naman siya sa sarili niya na hindi siya magkakagusto dito. Walang makakahigit kay Theo. Isa pa, alam niya ang kaniyang limitasyon. Kaibigan lang ang tingin niya kay Martin.
Pagkatapos nilang kumain ay lumipat naman sila sa bar na nasa katapat lang ng naturang restaurant. Um-order sila ng dalawang bucket ng beer at pulutan. Naging masaya naman si Eloisa sa pakikipag-kwentuhan sa mga katrabaho. Matagal-tagal na rin kasi simula ng lumabas sila kasama ang mga ito.
“Guys, sandali lang, ha. Punta lang ako ng CR,” pagpapaalam ni Eloisa nang maramdaman niyang naiihi siya.
“Pasama na rin ako!” ani Lorraine. Tumayo na ito at sabay silang pumunta ng CR.
Pagpasok nila doon ay nagtig-isang cubicle sila. Sabay din silang lumabas at naghugas ng kamay. Naglabas ng powder si Lorraine at nag-apply ito niyon sa mukha.
“Ang gwapo talaga ni Martin, `no! Ang bait pa!” sabi ng kaniyang kaibigan habang nakaharap sila sa salamin.
“Oo, tama ka. Bagay nga kayo, e. Make a move na agad, frenny!” pagbibigay lakas-loob ni Eloisa sa kaibigan.
Itiniklop na ni Lorraine ang face powder at nag-lipstick naman ito. “I know pero parang hindi naman ako ang gusto niya. Ang lagkit kaya ng tingin niya sa iyo…”
Nanlaki ang mata niya. “Sa akin talaga? Hindi naman. Wala naman akong napapansin na ganoon,” tanggi niya. Napansin niya kasi na nalungkot si Lorraine.
“Pansin ko kaya. Look, kahit anong pa-cute ang gawin ko, still, ikaw pa rin ang gusto niyang kausapin. Sa kaniya siya interesado!”
“Kung totoo man na interesado siya sa akin, hindi naman ako interesado sa kaniya, e. May asawa na ako. Mahal ko si Theo, frenny. Alam mo iyan. Hindi ko magagawang magkagusto sa iba…”
“Talaga, frenny? Bet ko kasi talaga si Martin, e. Kaya sana kung magpakita man siya ng motibo sa iyo, ikaw na ang umiwas. Okay?”
“Oo naman. Makakaasa ka, frenny!” aniya.
“Salamat, frenny! Alam mo naman na bihira akong magkagusto sa lalaki, `di ba? At kapag nagkagusto ako, gusto ko ay magiging akin talaga. Kaya gagawin ko ang lahat para magustuhan ako ni Martin!”
“Push lang. Nandito lang ako para suportahan ka…” turan ni Eloisa.
Matapos ang pag-uusap nilang iyon ay binalikan na nila ang mga kasama sa table nila. Dahil sa sinabi ni Lorraine na palaging nakatingin si Martin sa kaniya ay naging mapagmatyag tuloy siya sa lalaki. At napatunayan niyang totoo nga ang sinabi ng kaibigan niya. Madalas niyang mahuli na tumitingin si Martin sa kaniya at ngumingiti kapag nagtatama ang kanilang mata. Napapahiyang umiiwas tuloy siya.
“So, kumusta naman ang buhay may asawa, frenny?” Malakas na tanong ni Lorraine sa kaniya. Halatang gusto nitong ipaalam kay Martin na may asawa na siya. Mas gusto nga niya na ganoon para kung totoong gusto siya ni Martin ay iwasan na siya nito.
“Happy. Super! Pero maraming pag-aadjust na ginagawa kasi hindi na ako sa amin nakatira. Tapos umalis agad si Theo at naiwan ako sa biyenan ko. Challenging din pero I know, worth it naman lahat…” Hindi na maintindihan masyado ni Eloisa ang mga sinasabi niya dahil medyo tinatamaan na siya ng alak. Mahina kasi siyang uminom at madali rin siyang malasing.
Mabilis niyang tiningnan si Martin at hindi nakawala sa mata niya ang paglungkot ng mukha nito. Kinuha nito ang isang bote ng beer at tinungga iyon ng walang tigil. Ubos na ang laman ng bote ng ibaba nito iyon sa lamesa.
“Order pa tayo ng dalawang bucket?” tanong ni Martin.
“Go. Push pa. Kaya pa naman namin!” sagot ni Dave na sinag-ayunan naman ng nobya nitong si Trisha.
“Ako, okay na ako. Hindi ako pwedeng magpakalasing ng sobra,” sabi ni Eloisa.
“Don’t worry, pwede ko naman kayong ihatid lahat sa bahay ninyo. May kotse naman ako, e,” ani Martin.
Wala na siyang nagawa nang tumawag na ng waiter si Martin at muli itong um-order ng dalawang bucket ng beer at pulutan. Siguro ay hindi na lang siya iinom ng masyado. Baka kasi kung ano ang sabihin ng biyenan niya kapag umuwi siyang lasing sa bahay.