Prologo
Prime Suspect
Mabilis kong inikot ang yantok na hawak ko sa kanang kamay saka malakas na pinatama ‘yon sa kalaban.
Pero mali ako ng galaw dahil akala ko ay mapapaatras ko siya kapag binigay ko ang buong lakas sa pangalawa at huling round na ito.
Subalit nasalag niya agad ang paghampas ko saka mabilis na itinulak ang yantok ko bago siya nagbitiw nang malakas na palo.
Napainda ako sa sakit nang tumama sa pulsuhan ko ang kaniyang yantok. Lumatay tuloy ang kirot sa parte kong natamaan niya.
“Tangina…”
Malutong subalit pabulong akong napamura habang napapailing na lang. Wala akong nagawa kundi ang humakbang patungo sa coach kong sinalubong ako matapos pumito nang sunod-sunod ang referee.
Nakaramdaman ako ng matinding pagkadismaya. Hindi ko maiwasang sisihin ang sarili kong tatanga-tanga.
Para akong kinalawang nang magtamo ako ng injury at tila walang saysay ang ilang linggo kong pagsasanay.
“Anong nangyari sa’yo, huh?” nagtatakang tanong ni Coach Vincent.
Napahinga ako nang malalim habang marahan niyang ginagalaw ang kamay ko. Sinisigurado niyang mahahawakan ko pa rin ang yantok kahit na binalutan niya ng bandage ang pulsuhan ko.
“Maurine, anong nangyari sa mga pagsasanay natin?” tanong niya ulit.
“I-I’m sorry, Coach.”
“Ayokong marinig ang sorry mo,” giit niya. “Sasayangin mo talaga ang ilang taon mong pagsasanay para lang sa friendly-competition na ito? Paano na ang bigating competition na sasalihan mo sa katapusan ng taon?”
Nanunuyo ang labi kong umiling. Pero hindi ko klarong makita siya dahil sa nakasuot ako ng headgear subalit boses niya pa lang ay alam kong dismayado na.
Minimal gear lang ang competition. Tanging headgear at body armor lang ang suot-suot namin. Kapitbahay na unibersidad lang din ang kalaban ko at ayon sa coach ko ay isang taon lang ang experience nito sa sport.
Kaya nauunawaan ko kung bakit dismayado si Coach Vincent. Maganda kasi ang pinakitang performance ng kalaban sa round one kaysa sa akin na dekada na sa ganitong larangan.
Nag-aarnis na ako kahit noong high school pa. Kasali na ako sa arnis club noon.
Wala naman akong balak na mag-arnis ngayong kolehiyo. Pero kailangan ko kasing makakuha ng allowance pantulong sa mga gastusin ko sa pag-aaral.
“May problema ka na naman ba sa pamilya mo?” biglang tanong ni Coach na ikinatango.
Nagdo-dorm ako ngayon dito sa bayan habang ang pamilya ko ay nasa probinsya. Mahaba kasi ang biyahe ko kung uuwi-uwi pa ako sa amin.
At sa tutuusin lang, ang malaking porsyento ng stress ko ay mula sa pamilya ko. Hindi kami okay nina Nanay at Tatay.
Masama ang loob nila sa desisyon kong manirahan dito dahil kesyo makasarili raw ako at tatakbuhan ko lang daw ang responsibilidad sa kanila sa oras na makatapos ako ng pag-aaral.
“Lagi ka namang may problema sa kanila, hindi ba?” dagdag niya. “Pero sana naman, Maurine… ihiwalay mo ang personal na problema sa nangyayaring kompetisyon ngayon.”
Mabilis akong tumango. “Yes, Coach. Babawi po ako… makakabawi pa naman ako.”
Kahit huling round na ay makakaabot pa ako. Isang punto pa lang naman ang lamang ng kalaban.
Hindi rin pwedeng masira ang 5-fight win streak ko. Batid ng lahat na lagi akong champion.
“Bumawi ka… ayusin mo na, Maurine. Hindi malinis ang bawat palo mo kanina,” mariin niyang sambit. “Ibigay mo na ang lahat. Lahat ng mga pinagsanayan natin ay ipakita mo ngayon!”
Aaminin kong medyo kinakabahan ako dahil sa minor injury ko. Pero paulit-ulit kong ibinubulong sa sarili na kailangan kong bumawi… at higit sa lahat ay manalo.
Sumenyas na ang referee sa akin na bumalik na sa sentro matapos ang maikling break na nangyari.
“Maurine.”
Napalingon ako sa coach ko. Hindi na ako lumapit kundi hinintay ko na lang ang sasabihin niya.
Magaling na coach si Coach Vincent. Kaya gusto niya rin akong suportahan sa pag-aarnis dahil sa nakikinig ako sa lahat ng sasabihin niya at nagkakasundo kami sa bawat laban ko.
“Huwag mong hayaang maging dahilan ng pagkatalo mo ang nangyayari sa pamilya mo. Sa halip ay isipin mo silang mga taong nanakit sa’yo… si Raiko Ponciano.”
Ikinuyom ko ang mga palad ko. At kung hindi ko lang pamilya ang mga magulang at kapatid ko ay baka kapantay lang ng galit ko sa lalaking ‘yon ang nararamdaman ko sa kanila.
I hate him so much. Sinisisi ko rin siya kung bakit may alitan sa pagitan namin ng kapatid ko. Kasalanan naman niya talaga dahil hindi siya nakuntento at siya ang lalaki… dapat marunong siyang magpigil.
Mahigpit kong hinawakan ang yantok nang pumito ang referee para sa pagpapatuloy ng laban. Pero sa mga puntong ‘yon ay biglang nablanko na ang isipan ko.
Itinutok ko ang yantok sa direksyon ng mga mata ng kalaban para sukatin ang distansya at paghandaan ang gagawin kong pag-atake sa kaniya.
Isang ngisi ang lumatay sa labi niya. Mukhang determinado siyang matalo ako dahil sa sobra siya ng isang puntos.
“Fight!” sigaw agad ng referee.
Mabilis kong sinalag ang strike ng kalaban na target ang binti ko. At bago pa siya makapalo ulit ay hinuli ko ang yantok niya saka nag-counter strike.
Tumilapon ang yantok niya at gumulong. Malakas na sigawan mula sa nanonood ang bumalot sa gymnasium.
Pumito ang referee. “Disarm! Dalawang puntos sa pula!”
Imbes na ngumiti ako sa tuwa ay wala akong anumang reaksyon. Masama kong sinalubong ang nanlilisik na tingin ng kalaban.
Hindi ko alam pero ibang mukha na ang nasisilayan ko. Pagmumukha na ‘yon ng ex-boyfriend ko simula nang ngumisi ang siya kanina.
Balak ko na ring huminto sa pag-aarnis kapag nakatapos na ako sa kolehiyo. Wala akong ibang naaalala kundi ang lalaking ‘yon.
I met him in the Arnis club. He was good at martial arts… not just Arnis, but also the katana. Tinuruan niya akong gumamit ng katana at tinuruan ko siyang gumaling sa pag-aarnis.
He’s half-Japanese. He was my first ex-boyfriend… and he’ll also be my last.
“Kabuuang puntos!” sigaw ng referee. “Siyam na puntos sa asul… at sa pula, siyam na puntos din!”
Nabuhayan ako ng loob dahil mas mabuti na ang tie kaysa naman talo. Malaki ang tiyansang manomina akong panalo sakaling mag-sudden death round kami.
Pero iba ang naging desisyon ng referee. Superiority daw ang basehan ng panalo. Kung sinong maganda ang naging performance ang tatanghaling mananalo.
Matipid na ngiti lang ang tugon ko sa coach kong tuwang-tuwa sa nangyaring laban kaninang umaga.
Malapit na pala gumabi subalit nandito pa rin ako sa school. Napabili ng pagkain si Coach Vincent para sa maliit na celebration kasama ang teammate ko.
Ako ang inanunsyong panalo batay sa superiority. Pero kung nagkaroon lang ng isa pang round ay mababa ang tiyansa kong manalo.
Nakita ko kung paano sumeryoso ang kalaban matapos ko siyang ma-disarm. Handa na siya kanina na puksain ako.
“Tindig mo pa lang noong huling round, Maurine? Para ka ng papatay ng tao!” palahaw ng teammate ko sabay halakhak ng tawa.
Napangisi na lang akong napailing. Nakisabay na lang din ako sa biruan at tawanan nila.
“Pamilya tayo rito sa varsity team. Kaya kung may problema ay magsabi kayo sa gwapo ninyong coach… pero kung pinansyal ‘yan, labas ako riyan.”
Nagtawanan muli ang lahat. Ganiyan siya kasaya kapag nananalo pero sobrang sama naman niyan magalit kapag talo.
“Anong balita pala sa pamilya mo, Maurine?” biglang tanong ni Coach na ikinatuon nila ng atensyon sa akin. “Okay na ba kayo ng mga magulang mo? Naintindihan ka na ba nila?”
Pilit akong ngumiti saka umiling. “Pero maaayos ko rin po ang problemang ‘yon… marahil hindi muna sa ngayon.”
Medyo may pagkapakilamero si Coach Vincent sa mga personal na buhay. Kaya kahit mga teammate ko ay alam na ay problema ako sa pamilya ko.
Nagpaalam na ako sa kanila na nagmamadali akong makauwi. Hindi naman na nila tinanong kung bakit at hindi ko na rin sinabi ang rason.
Malapit na rin kasi ang finals namin. Tuwing gabi ay nagpupunta ako sa malapit na study hub para makapag-aral.
“Maurine!”
Lumabas ako ng banyo matapos kong maligo. Ilang beses na akong tinawag ng ka-dorm ko na may tumatawag daw sa phone ko.
“Bakit mo pinatay?” takang tanong niya. “Sino ba ang caller? Boyfriend mo siguro?”
Nakiusisa ang ilan ko pang dorm mate. Apat kaming naghahati rito sa bayarin at likas na sa kanilang maingay saka mangusisa.
“Tatay ko,” seryoso kong tugon na ikinatigil nila sa panunukso.
Ayoko muna sanang kausapin ang pamilya ko. Nag-away kasi kami nitong huli naming pag-uusap sa telepono.
Nakakapagod mabuhay sa mundong ayaw kang makitang umaangat. I’m clueless why my parents don’t love me as much as they love my sister.
Napaupo ako sa harapan ng pinto para magsapatos bago sinagot ang muling tawag.
“Kanina pa kami tumatawag sa’yo ng ama mo,” bungad na boses ni Nanay. “Bakit pinapatay mo ang tawag?”
Napairap ako sa mga tanong na ‘yon. Wala man lang kumusta o ‘di kaya anong nangyari sa laban ko dahil nasabi ko ‘yon sa kanila noong huli naming pag-uusap.
“Ganiyan ka ba namin pinalaki, Maurine?” dagdag niya.
Inipit ko sa pagitan ng balikat at tainga ang phone ko dahil ayokong i-loud speak ang tawag. Siguradong hahantong na naman ang usapan sa away.
Natagalan akong magsuot ng sapatos dahil nagbuhol-buhol ang sintas nito. Nakasalansan din sa tabi ko ang bag at ilang libro ko.
“Busy lang po ako, ‘Nay. Kanina kasi ay may laban ako sa arnis… at nanalo po ako.”
“Hadlang na ‘yang pag-aarnis mo sa lahat lalo na sa pag-aaral mo. Hindi ka namin pinayagan na magtungo riyan sa bayan para lang aksayahin ang panahon at sustento ng ama mo sa’yo.”
“Kapiranggot lang po ang naipapadala ni Tatay sa akin. Kailangan ko pong mag-arnis para mabayaran ang ilang gastusin ko.”
“Hindi ba libre ang unibersidad na napasukan mo? Eh, bakit may binabayaran ka pa rin?”
“Libre nga po sa tuition pero kailangan pa ring bumili ng uniporme tapos mga libro,” paliwanag ko. “Nasabi ko po sa inyo na nanalo ako sa patimpalak. Makakabili na rin ako ng libro saka mapag-iipunan ko na rin ang nalalapit na graduation ko, ‘Nay.”
“Kausapin mo nga itong anak mo, Milan,” saad lang ni Nanay. “Kung ano-ano na lang pinagsasabi. Diyan na nga kayong mag-ama at mamimili na ako ng rekado bago pa magsara ang bilihan.”
“Ladia, isama mo na ito si Marisette! Mamaya magalit ‘yan na hindi mabili ang nais na handa para bukas!” Malakas na boses ni Tatay sa kabilang linya.
“Sandali lang, kukumustahin ko muna si Ate Maurine,” boses ng kapatid ko. “Kumusta ka na, Ate Maurine? Sa susunod na taon ay diyan na rin ako sa bayan magkokolehiyo tulad mo.”
“Huwag mong gayahin ang ate mo.”
“Bakit naman hindi, ‘Tay? Para nga hindi na ako mahirapan sa buhay,” dinig kong tugon niya. “Tatahakin ko na ang landas na tinatahak ni Ate Maurine dahil garantiya na ang tagumpay do’n.”
Pinakinggan ko ang pag-uusap nila sa linyang ‘yon. Tunog masayang pamilya sila ngayong wala na ako roon.
“Marisette, dalian mo! Masasaraduhan tayo ng tindahan sa ginagawa mo!”
“Ito na po, ‘Nay! Sandali na lang at may sasabihin pa ako kay Ate Maurine!” tugon ulit ni Marisette habang tahimik akong nakikinig.
Hinayaan kong maabala ako ng tawag kaya ngayon ay isang sapatos pa lang ang nasusuot ko. Hindi ko pa naaalis sa pagkabuhol ang kabilang sintas.
“Uhm, Ate Maurine… hindi ba’y kaarawan ko na bukas? Magde-debu na ako at nais ko lang ipaalam na pupunta rin ang nobyo ko.”
“Marisette, napakadaldal mo… nagmana ka nga sa nanay mo,” suway ni Tatay dito. “Hindi lahat ay kailangan mong sabihin. Sige na, sumunod ka na sa iyong ina at ako na ang bahala sa lahat.”
Napahilamos ako sa mukha na para bang nasira ang mood ko ngayong gabi. Para bang nawalan ako ng ganang umalis at nais na lang humilata.
Napayuko na lang ako. Hindi ko maiwasang makaramdam ng pagkaasiwa sa sinabi ng kapatid ko.
Sana nga idolo niya lang ako at hindi siya nakikipagpantayan sa akin.
“Dadalawa na nga lang kayo ni Marisette tapos mag-aalitan pa kayo ng dahil lang sa lalaki,” saad ni Tatay. “At ikaw ang matanda, dapat lang na nagparaya ka.”
Pinigilan ko ang sariling magalit. Ayokong makipagtalo muli sa kaniya dahil sa mga bagay na inilagay ko na sa nakaraan.
Legal at limang taon ang relasyon ko kay Raiko. Pero hindi naman ako ganitong kalala na magagalit kung hindi lang siya gago na pumatol sa kapatid ko.
Si Marisette ang nagpakita ng motibo subalit siya pa rin ang pumatol. At ang sa akin lang ay bakit kapatid ko pa? Sobrang daming babae sa mundo!
He knows about my family problems. Pero dahil utak-dilis siya ay pinatulan niya ang kapatid ko at kahit sabihin nilang hiwalay na kami ay hindi ako bobo para hindi isiping si Marisette pa rin ang dahilan ng paghihiwalay namin.
Sarkastika akong natawa. “Gusto n’yo pa rin po akong pumunta sa kaarawan niya bukas… matapos kong malaman na pupunta rin diyan ang nobyo niya?”
“Nais ni Marisette na dumalo sa kaarawan niya ang lahat ng mga mahal niya sa buhay,” saad ni Tatay na ikinakuyom ko ng kamao. “Bakit hindi mo na lang pagbigyan ang kapatid mo?”
“Hanggang kailan ko siya pagbibigyan, ‘Tay?” diretsahan kong tanong at hindi mapigilang magalit. “Lagi na lang bang siya? Kailangan ko ba siyang unahin kaysa sarili ko?”
Matinding pagod ang nagtulak sa akin na kontrahin siya. Kaya nahinuha ko ng magagalit siya sa tinuran ko.
“Nag-aral ka lang diyan sa bayan ay lumaki na pati ulo mo,” aniyang pagalit. “Akala mo kung sino ka ng mas mataas kaysa sa amin.”
“Hindi po ako nakikipagkompetensya sa inyo, ‘Tay…” mariin kong sambit. “Ako na ang halos nagpapaaral sa sarili ko kasi pinag-iipunan n’yo na agad ang kolehiyo ni Marisette.”
“Lagi mo na lang ikinukumpara ang sarili mo sa kapatid mo!” giit niya. “Magkaiba kayong dalawa. Hintayin mo lang na makatapos din ang kapatid mo dahil mas marami pa siyang maaabot kumpara sa’yo.”
Pinatay ko agad ang tawag. Nagsisimula na namang sumama ang loob ko sa mga mapanakit niyang salita.
“Bwesit,” inis kong bulong saka mabilis na nagsuot ng sapatos at inakay ang mga gamit ko.
Pero muling tumunog ang phone ko ng ilang minuto lang ang lumipas nang ibinaba ko ito. Sinagot ko na lang din ulit ang tawag dahil magagalit lang naman sila kapag hindi sinasagot.
“Bastos ka na kausap, Maurine! Hindi mo dapat binababaan ng tawag ang iyong magulang!” galit niyang sigaw. “Sino ba ang kasama mo riyan sa bayan, huh? Natuto ka ng lumaban!”
“Kung wala na po kayong magandang sasabihin… mabuti pang ibaba ko na ang tawag,” pinipilit kong kalmang sambit.
“Tandaan mo ito… anak ka pa rin namin at wala kang karapatan na magmataas!” paghihimutok niya sa galit. “Sino man ang sumusuway sa kaniyang mga magulang ay matinding karma ang matatamasa!”
“Ano bang ginawa ko, ‘Tay?!” napasigaw ko sa galit kasabay ng luha kong bumagsak. “Bakit ganito n’yo ako tratuhin?! Bakit pagdating sa akin ay hindi kayo patas?! Pero si Marisette… binibigay n’yo sa kaniya ang lahat!”
Wala akong pakialam kung mabulabog ko ang mga tao sa paligid. Pero hindi ko na talaga napigilan ang sarili kong sumama ang loob.
“Walang patutunguhan ‘yang selos mo sa kapatid mo, Maurine!”
Umiiyak akong tumawa na para bang masisiraan na ako ng bait. Kung may tiyansa lang akong mamili ng pamilya sa susunod kong buhay ay hinding-hindi ko sila pipiliin.
“Ako pa ang nagseselos, ‘Tay?! Si Marisette dapat ang sabihan n’yo niya! Kaya nga inagaw niya sa akin si Raiko, hindi ba?!” galit kong sigaw sa kabilang linya. “Kinunsente n’yo siya kaya akala niya ay tama ang ginawa niya!”
“Pinatawad ka na ng kapatid mo! Pinalipas niya na ang problemang ‘yon kaya sana gano’n ka rin!”
“Tangina niya!” malutong kong murang sigaw at wala na sa katinuan. “Ako pa po ang dapat patawarin?! Si Marisette dapat ang humingi ng tawad dahil hanggang ngayon ay tahimik pa rin siya sa nangyari at iniisip niya na okay lang sa akin!”
Sinundan nang mahihinang paghagulgol ko ang mga sigaw kong ‘yon. At pinabayaan kong sumilip sa bintana ang mga dorm mate kong nakikiusisa lang.
“Isantabi mo ‘yang galit mo sa kapatid mo! At siguraduhin mong makakapunta ka bukas sa kaarawan niya! Huwag mo siyang bibiguin!”
“Pasensya na ho subalit hindi ako makakauwi riyan! Kailangan ko pang mag-aral at mabuti ng iwasan ko silang dalawa!”
Matagal ko ng hindi nakikita ang hayop na lalaking ‘yon. Wala rin akong balak makita siya dahil baka mapatay ko lang siya.
“Maurine, huwag ka ngang dagdag pasakit! Munting hiling na lang ng iyong kapatid ay hindi mo pa mapagbigyan?!” bulyaw niya. “Tama ka sa sinabi mo nakaraan… sana hindi ka na lang namin binuhay ng iyong ina! Isa kang pasaway at pariwarang anak!”
Napapikit akong humagulgol habang nanginginig ang kalamnan ko sa matinding galit. Hinayaan ko na lang marinig ng mga palihim na nakikiusisa sa paligid ang mga sumunod kong sinigaw.
“S-Sana nga hindi na lang ako nabuhay para wala rin kayo sa buhay ko!” hagulgol kong sigaw habang walang tigil sa pag-agos ang luha ko. “I’m sorry to say this… pero hiling kong mamatay na lang kayo! Lahat kayo! Mawala kayo sa mundo… sa buhay ko!”
Mabilis kong pinatay ulit ang tawag saka dali-daling naglakad palayo. Hindi ko na hinintay pa ang tugon ng tatay ko dahil sigurado akong hinagpis sa galit at panunumbat lang ‘yon.
Tinungga ko ang canned beers na binili ko saka ininom ‘yon habang patungo sa study hub. Nagsuot na lang din ako ng sumbrero para takpan ang namumugto kong mga mata sa kakaiyak.
Sobrang lakas ng ihip ng hangin ngayong palalim na ang gabi. Pero mabuti na lang ay balot na balot ang katawan ko dahil sa naka-jacket at pants naman ako.
Halos wala na ring tao sa paligid. Wala rin akong pagpipilian kundi ituloy ang balak kong pag-aaral sa study hub kahit na sumama nang husto ang pakiramdam ko.
Para akong multo ngayong gabi dahil wala man lang nakapansin sa akin. Pero ayon ang sadya ko dahil ayoko ring may makakilala sa akin lalo pa wala na ako sa hulog.
I’m out of my mind. Naramdaman ko rin ang sipa ng alak ilang minuto nang buksan ko ang libro at pilit hinanap ang pahinang aaralin ko.
Pero imbes na mag-aral ako ay sumubsob agad ang mukha ko sa libro… hanggang sa hindi ko na batid ang sumunod na nangyari.
Hindi naman ako pala inom. Kung iinom ako ay tumitikim lang ako kaya madali rin akong tablan ng alak.
Kaya pagkamulat ko ng mga mata ko ay liwanag ang bumungad sa akin. Hindi ko na namalayan na umaga na pala.
Nilibot ko ang paningin sa paligid ko. Bilang na lang sa daliri ang taong nandito sa gusali at mukhang ako lang ang walang napala rito.
Natulog lang yata ako sa mahigit walong oras na lumipas. Pero ewan ko ba kung bakit masakit ang buong katawan ko na para bang ang dami kong tinarabaho.
Napahikab na lang ako habang napasapo ako sa ulo kong pumipintig. Paika-ika pa akong naglakad pauwi.
“Uminom ba ako?” sumasakit ang ulo kong bulong. “Impossible. Hindi naman ako nainom.”
Mabilis akong sumiksik sa may poste rito sa kanto nang maduwal ako. Bigla na lang akong sumuka nang walang dahilan.
Mabuti na lang ay walang tao sa paligid dahil ayokong mapaglinis ng suka.
I’m not feeling well. Baka kapag may sumubok sa pasensya ko ay malagutan ko lang ng hininga.
Pinunasan ko ang bibig ko gamit kaliwa kong bisig bago nagpatuloy sa paglalakad. Pero gano’n na lang ang pagtataka ko nang mabuksan ang phone kong hindi ko matandaang in-off ko.
Sunod-sunod na notification ang natanggap ko bukod kanila Coach ay karamihan no’n ay galing sa iisang unknown number.
“Sino namang tatawag sa akin na may ganitong numero?” puno ng pagtataka kong tanong.
Hindi ko naman matawagan ang numero dahil wala rin akong load. At hindi rin ako basta-basta sumasagot lalo na ang tumatawag sa hindi pamilyar na numero.
Natutuliro akong naglakad hanggang sa makarating ako sa dorm. Pero mas natuliro lang ako nang may mga kausap na pulis ang mga dorm mate ko.
“Si Maurine!”
Tumingin silang lahat sa akin na para bang may hindi magandang nangyari. Para bang nagbibigay simpatya ang kanilang mga tingin.
“Ano pong mayro’n?” nagugulumihanan kong tanong sa mga pulis. “May nangyari po ba?”
Tiningnan ko ang babaeng officer na lumapit sa akin habang may dalawang lalaking officer ang nasa magkabilang gilid niya.
“Kukumpirmahin lang namin ang pagkakakilanlan mo,” sambit ng babaeng pulis na ipinagtaka ko. “Uhm, ikaw ba si Maurine Leizel Culdora?”
Tumango ako agad. “Ako nga po. Bakit po? May problema po ba?”
“Dala namin ang masamang balita. Pumanaw na ang iyong pamilya pati ang lalaking kinilalang nobyo ng iyong kapatid…”
May kung anong matinis na tunog ang umalintana sa pandinig ko. Naging dahilan ‘yon para hindi ko maproseso nang maayos ang sinasabi nila sa akin.
Kung kanina pa ako wala sa wisyo ay mas nawala ako sa mga oras na nakatanga ako sa harapan nila. Para bang humiwalay ang kaluluwa ko sa katawan ko.
“Iniimbitahan ka ng police station namin sa isang imbestigasyon,” saad ng lalaking pulis. “Maaari kang humindi kung hindi ka pa handa ngunit kung ikaw naman ay papayag na, ihahatid namin kayo sa station ngayon din, Miss Maurine.”
Paulit-ulit kong sinambunutan ang sarili. Nagbabakasakali akong magigising sa nakakapanindig balahibong bangungot na ito.
Wala ako sa katinuang tumango na lang. Pero bago pa ako makapagsalita ay biglang dumilim ang paningin ko saka bumagsak sa kawalan.
“Maurine! Miss Maurine!”
Halos napapitlag ako sa kinauupuan ko nang magtaas ng boses ang detective. Kanina niya pa ako marahil tinatawag.
Pero ito ako at wala sa sarili ko. Namataan ko na lang ang sariling walang humpay sa pag-iyak habang nanginginig sa takot.
“Miss Maurine, kasama pa rin ba kita sa mga sandali ng paglilitis na ito?” mariing tanong ng lalaking detective.
Nahihirapan akong makahinga habang nakaupo sa gitna ng madilim na silid ng interogasyon.
Parang kahapon lang ay nandito ako para sa ilang katanungan nang imbitahan ako ng mga pulis sa imbestigasyon. Pero ilang buwan na ang lumipas simula mamatay ang buo kong pamilya.
I’m no longer here as a relative, a witness, or a person of interest… I’m here as the prime suspect.
Gumuho na ang mundo ko nang mamatay ang pamilya ko kahit na hindi pa nila ako inaakusahan ngayon.
Pabalik-balik ako ngayon dito sa police station habang paulit-ulit na bumabalik sa panaginip ko ang nangyaring insidente.
“Miss Maurine!” malakas niyang boses sabay bagsak ng dalawang palad niya sa lamesa. “Nakikinig ka pa rin ba?!”
Tahimik akong umiiyak at tumango na lang sa takot. Pero mas iba ang takot ko ngayong nasa akin na nakaturo ang lahat ng sinasabing ebidensya.
“Ikaw ay anak nina Milan Culdora at Ladia Culdora. Nakakatandang kapatid ni Marisette Lezaira Culdora at dati ka ring nobya ng nobyo niyang si Raiko Ponciano.”
Hindi ako nakapagsalita. Paulit-ulit ko na lang naririnig ang mga pangalan nila simula gumulong ang imbestigasyon, tipong dinadalaw na rin nila ako hanggang pagpikit ng mga mata ko.
Hindi na ako halos natutulog. Kailangan ko pang uminom ng sleeping pills para lang makatulog.
“Lahat sila’y namatay taong kasalukuyan sa inyong tahanan habang ikaw ay nasa iyong tinutuluyan sa bayan,” pagbasa niya sa dokumento. “At ayon sa autopsies, samu’t saring palo at saksak ang kinamatay nila.”
Napapikit ako habang walang tigil sa pagtulo ang mga luha ko. Kung tutuusin ay hindi ko na alam ang mga nangyayari at nawawala na ako sa sarili.
“Nakalagay dito, Maurine… na hindi ka lang marunong kundi magaling ka sa arnis at kahit sa katana?” giit niyang tanong. “Hindi ba’t kahina-hinala? Tumutugma lahat ng ginawa mo noong araw na ‘yon sa sinapit ng sarili mong pamilya.”
“H-Hindi ko po magagawa sa kanila ang paratang ninyo,” nanghihina kong tanggi.
“Nakausap mo ang pamilya mo ilang oras bago sila mamatay. Nagkainitan kayong magpamilya lalo na ng iyong ama… ayon sa mga salaysay ng mga kasamahan mo sa dorm pati na ang coach at mga kaibigan mo. Pinatotohanan nilang may malaking hidwaan ang namamagitan sa iyo at ng iyong pamilya.”
Halos umikot ang paningin ko sa mga paratang na ‘yon. Hindi ko na rin mabilang ilang beses akong nahimatay sa silid na ito simulang kuwestiyunin nila ako.
“Hindi kaya ginawa mo ang karumaldumal na krimen dahil sa hadlang ang mga magulang mo sa nais mong pagbubukod? Inagaw din ng iyong kapatid ang dating nobyo mo? Bunga ng selos kaya sa iyong kapatid at matinding poot sa kanila ang posibleng dahilan kung bakit humantong ka sa gano’ng pangyayari, Miss Maurine?”
Umiling-iling ako. “W-Walang katotohanan ang lahat ng ‘yan! Hindi ko magagawang pumatay!”
“Ilang oras bago ang krimen, hiniling mong sana mamatay na sila nang kausap mo ang iyong ama sa telepono.”
“I-Inaamin kong nag-aaway kami palagi, subalit bugso lang ‘yon ng damdamin ko,” mabilis kong depensa. “Nagalit ako, oo… pero maniwala kayo, hindi ko magagawa ang sinasabi n’yo!”
“Kung hindi ikaw ang may sala, sino pa? Ikaw lang ang nag-iisang suspect, hija,” giit ng detective bago binagsak ang makapal na dokumento sa lamesa. “Bakit hindi mo aminin kung nasaan ka noong gabi matapos mong kausapin ang iyong ama?”
Paulit-ulit akong humagap ng hangin. Napasabunot ako sa sarili ko dahil hanggang ngayon ay hindi detalyado ang alaala ko sa nangyari matapos kong kausapin si Tatay.
“Walang nagpatunay na nasa study hub ka bandang madaling araw. Hindi kaya umuwi ka sa inyo? Sapagkat magagawa mong umuwi sa inyo at gawin ang krimen sa loob lang ng walong oras!”
Tinanggi ko lahat ng paratang ng detective sa akin. Nakakabaliw ang paulit-ulit niyang pagdidiin sa akin para lang mapaamin ako sa krimeng hindi ko naman ginawa.
Kahit ano pang subok kong alalahanin ang nangyari noong gabing ‘yon ay wala akong maalala. Posibleng nabangang ako sa alak kaya ang nakasagutan ko lang si Tatay at ang gumising ako sa study hub kinaumagahan ang huli kong memorya.
Lumipas pa ang mga buwan hanggang sumapit ang summer. Umalis na pala ako sa varsity team namin at nagawa ko pa ring makatapos sa kolehiyo.
Sa isang iglap, nawala lahat ng magaganda kong plano. At ngayon ay kausap namin ang detective rito sa police station.
“Miss Mayumi Culdora, isasara na ang kaso sa ngayon. Walang sapat na ebidensya para pagulungin pa ang imbestigasyon.”
Napatango at nagpasalamat ang tiya ko sa detective. Ilang linggo ko na pala kasama siya simula nauwi siya galing Italy para asikasuhin ang kaso at isasama na rin niya ako sa pagbalik niya roon.
I don’t have any contact with her. Siya ang kumontak sa akin matapos niyang malaman nakaraan lang ang tungkol sa pagkamatay ng kaniyang kapatid.
“Isasama ko na lang po ang pamangkin ko sa Italy. Lilipad na kami bukas-makalawa dahil hindi na ako maaaring magtagal pa rito,” pabatid niya sa detective. “Isang buwan lang ang paalam ko sa aking amo. Baka mawalan ako ng trabaho kung magtatagal pa ako rito.”
Nakayuko lang ako habang nasa bandang likuran ng tiya ko at tahimik na nakikinig sa usapan nila ng detective.
“Si Maurine na lang ang tanging pamilya kong naiwan. Ayoko rin namang pabayaan siya rito mag-isa sa Pilipinas.”
Hindi ako nakagalaw nang kausapin ako ng detective na kami lang. Kinausap kasi si tiya ng pulis kaya wala akong nagawa kundi makinig sa mga pahayag niya.
“Kung umamin ka lang sana… makukuha mo ang hiling mong hustisya,” bulong ng detective sa akin nang bahagya niyang tinapik ang balikat ko.
Tumulo ang luha ko. Hindi ko alam kung ganiyan lang ba talaga umasta ang mga tulad nilang naghahain ng hustisya o malaki talaga ang hinanakit ng detective na ito sa akin.
“Sa oras na magkita tayo ulit, Maurine… sigurado na akong ikaw ang hinahanap kong salarin,” mahinang giit niya saka ngumiti.