"Ano kaya ang masasarap dito?"
Tanong ko sa aking sarili habang tulak-tulak ko ang cart ko at paikot-ikot na ngayon sa Duty Free Philippines sa Manila International Airport.
Kakababa ko lang ng eroplano galing London at dito agad ako dumeretso.
Wala naman akong papasalubungan na kamag-anak o mga kaibigan.
Nakakatawa nga dahil sa lahat ng pasahero ng flight ko kanina ako lang ang walang sumalubong sa pagbaba ng eroplano sa Pinas.
Hindi naman sumama ang loob ko dahil ano pa nga ba ang ineexpect ko diba? Ulilang lubos na ako. Nakakatakot naman kung makita ko bigla si tatay. Tatakbuhan ko sya!
Ilang minuto na din ako nag-uuli dito at wala paring laman ang cart ko.
Nakamatyag na sa akin ang isang guard. Akala ata eh magshoshoplift ako dahil kanina pa ako pauli-uli eh wala pa akong binibili.
Bwisit! Mukha ba akong patay gutom? Sa taba kong ito hindi na dapat ako pinagkakamalang maralita! Milyonarya ako mga beshies!
Napadaan ako sa aisle ng mga imported chocolates at biglang nabuhayan ako ng taba. Naglaway bigla ang aking dila sa aking nakita.
Tipid na tipid ako sa chocolates nung nasa London pa kasi ako kasi pilit kong kinokontrol ang size ko dahil mahal ang mga damit doon at dehins pag lumaki ang malaki ko nang bewang.
Napangisi ako sa sarili ko at walang pakundangan kong ibinagsak sa aking cart lahat ng madaanan kong chocolates, sweets at kung ano ano pang junk foods.
Nutritious foods lang ang walang latay sa pananalasa ko. Wala akong pake kung pinagtitinginan na ako ng mga tao dito. Susundin ko ang biglang cravings ng aking katawan sa mga pagkaing isinumpa ko simula ng nagtrabaho ako sa ibang bansa.
Sila na ang naiwas at naalis sa aking tinatahak na direksyon dahil halos mapuno na ang cart ko ng kung ano anong pagkain na tyak sa wildest dreams lang ng mga bata aakalain mong matatagpuan.
Sobrang mura naman kasi!
Isipin mo toblerone four pesos lang? Cadbury two pesos at yung Reese's ay five pesos?!
Grabe, kaya eto mukhang namimili ako ng paninda sa sari-sari store sa sobrang puno ng cart ko ngayong nakapila na ako sa cashier at ngingitian ko ang mga bata na nakatingin sa aking cart na punong puno ng chocolates at kung ano-ano pa at tinuturo ito sa mga magulang na hindi makapaniwala sa kanilang nakikita.
Matagal din akong nagpakahirap sa abroad. It's time naman para sundin ko ang gusto ko. Albeit, medyo weird na bigla ako nag crave sa sweets.
Nagkibit balikat na lang ako habang binabagsak ko na sa counter yung mga pinamili ko. Maybe talagang deprived lang ako sa matatamis.
Oh well.
"Ang dami nyo po sigurong papasalubungan," sabi sa akin ng cashier na nakangiti sa akin habang iniiscan nya mga chocolates ko.
Umiling naman ako, "Naku wala. Sakin lang lahat ng yan ate," sagot ko naman na nagpakunot ng noo nya, "Seryoso ako," sunod ko sabay tawa.
Napatawa naman ito at ang kasamang bagger.
Akala siguro ng mga ito nag jojoke ako.
Nagpatingin-tingin ako sa paligid at pinagmasdan ko ang mga masasayang pamilya, magkakabarkada, magsyota at magkakamaganak na namimili.
Kahit sanay na ako na mag-isa sa buhay, tao pa rin naman ako. Naiingit din ako at nalulungkot pag nakakakita ako ng ganitong masasayang pangitain. Napailing na lang ako sa sarili ko at binalik ko ang aking tingin sa mga iniiscan kong pinamili.
Ilang minuto pa ay natapos na din sa wakas si ate at cinompute na nya ang total.
"Eighty-eight thousand eight hundred eighty-eight pesos and eighty-eight cents po. Cash or Credit Card?" sabi nya sa akin na nagpagulat.
"Hah? Bat ang mahal?" laglag pangang tanong ko sa kahera na napangiti pa dahil akala eh nagjojoke lang ako, "Four pesos lang isa nung Toblerone ah?!"
Nagtawanan naman siya kasama ung bagger at tinuro yung presyo nung isang bar ng Cadburry, "Dollars po ang pricing diba?" natatawang sagot nya sa akin, "Ano po bang work ninyo sa abroad?"
Nilunok ko ang aking laway at huminga na lang ng malalim.
As if naman wala akong pambayad. Nadaanan na naman ako ng moment ng katangahan. Buti na lang may pambayad ako kundi katakot-takot na kahihiyan aabutin ko dito.
"Performer ate," sagot ko sabay labas ng credit card ko, "Hindi ba halata?" tapos nag pose ko ng rated pg na nagpatawa ulit sa kanila.
Nang matapos na ang transaction namin ay inofferan ako ng bagger na tutulungan sa pagdadala ng ilang kahong napamili ko palabas ng terminal pero tumanggi na ako.
Pinalagay ko na lang sa cart at nagsimula na akong maglakad palabas ng terminal. Ngayon ko lang narealize na wala pa akong uuwiang bahay dito sa Pilipinas.
Naibenta ko na nga pala yung naiwang bahay at lupa ni tatay dun sa kakila ng katrabaho ko noong nasa London pa ako last year. Ilang ektarya din yun at niliquidate ko sya papunta sa bank account ko.
Certified homeless pala ako.
Napatigil ako sa paglalakad para makapag-isip. Pwede naman sa hotel na muna ako tumuloy tapos maghanap ng mauupahan.
Bahala na.
Nag-aabang na ako ng masasakyang taxi ng biglang may tumigil na itim na Chevrolet Suburban sa tapat ko.
Baka may susunduin sa likod ko kaya minabuti kong lumipat ng pwesto sa unahan nito.
Pero laking gulat ko ng sumunod ito sa akin at muling tumapat sa harapan ko.
Ano kaya problema ng driver na ito?
Alam kong milyones ang chedeng mo at di mo na kailangan pang ipahanga sa akin ang shining, shimmering splendid na halatang brand new na kotse mo sa akin, please.
Madami na din akong nakitang mas mamahalin dyan sa abroad.
Naglakad ulit ako palayo pero pagtigil ko ay nasa tapat ko ulit ang sasakyan.
Garapal na sumimangot na ako at pinagiisipan ko na kung gagasgasan ko na ba ito.
Bumukas ang pintuan ng driver's seat at lumabas ang isang babaeng napakatangkad at morena. Napakaganda nito at nakasuot ng stewardess uniform.
Nakasuot din ito ng super high heels at halos magkandarapa na sa pagtakbo papunta sa aking direksyon at nanlaki ang mga mata ko ng mamukhaan ko kung sino ito.
"RYN!" malakas na sigaw nito sabay yakap sa akin ng mahigpit at nag-iiyak ng walang tigil, "Ikaw nga! Akala ko minumulto mo na ako! Sabi ko na nga ba buhay ka!"
Kinilabutan ako ng maalala ko ang boses na iyon, "Mi---Mila?!"
Lalong humigpit ang yakap nito sa akin, "Oo! Ako nga! Ryn!"
-0-
"Hindi na kasya sa fridge ko babae ang lintis na mga chocolates mo," inis na announce sa akin ni Mila sabay hagis ng isang malaking pack ng M&Ms na mabilis ko namang binuksan at nilantakan, "Seryoso, balak mo ba magtayo ng tindahan sa dami ng pinamili mo?"
Umiling naman ako at inayos ang aking pagkakahilata sa sofa ng mamahaling condominium unit ng aking kaibigan, "Hindi. Gusto ko lang magpakasasa sa pagkain ng mga pagkaing hindi ko nakain o kayang bilhin dati."
"Ryn, yang weight mo bantayan mo. Ang laki mo pa rin!" paalala nya sa akin na pinagkibit balikat ko lang.
"Kakaunti na nga kinakain ko almost half or less ng regular kain mo nataba pa rin ako. Ano ngayon kung kumain naman ako ng kumain? Mabubusog at maliligayahan na ako while still remaining fat," sabi ko sabay subo ng isang damak ng chocolate sa aking naglalaway na bibig.
Iniikot ko ang aking mga mata sa kabuuan ng unit na ito and I can't help but be amazed.
In short period of time ay talagang umasenso si Mila ng bonggang-bongga.
Nandito kami sa Discovery Primea Makati. Isa sa pinakamahal at exclusive Condominium sa Pilipinas. Almos two hundred fifty thousand per square meter ang presyo ng hinayupak na condo na ito na may sariling catering, chef, excecutive butler, library, spa, sky atrium, medical clinic at isang helipad!
Dito na ako pinatira ni Mila na hanggang ngayon ay single pa at enjoy na enjoy sa kanyang pagiging part-time stewardess.
Pero ang totoong rason kung bakit nya na afford itong marangyang pamumuhay na tinatamasa nya ngayon ay dahil sa isang wise decision nya na mag-invest sa noon ay papasimula pa lang na telecommunications company.
She strucked gold at tiba-tiba sya sa return of investments na maingat nyang ginamit para maipundar itong unit, dalawang mamahaling kotse at mag-invest ulit sa mga negosyo na ngayon ay kumikita na naman sya ng limpak-limpak.
Tingnan mo nga naman ang buhay.
Tinitigan ko ang babaeng derederetso pa rin sa pangangaral sa akin ng health risks ng chocolates at obesity. Sino nga ba ang makakapagsabi na ito lang yung babaeng kasama ko sa bubong noong binaha kami? Yung pinapalakas ko ang loob at itinulak sa lifeboat para siguraduhin na mabubuhay sya.
"Hoy! Ryn, nakikinig ka ba?" inis na sigaw sa akin nito ng nahalata ata na di ako nakikinig.
"Sa totoo lang hindi," amin ko sa kanya sabay subo ulit ng chocolates, "Naiisip ko na ang layo na ng narating mo since nung huli tayong magkita sa bubong Mila."
Napaluha ito bigla at pilit na ngumiti sa akin, "Ang layo na nga ano? And it's all thanks to you."
"Mila, wala akong sawang uulitin sa iyo na wala kang utang na lo---"
Pinutol agad nito ang pagsasalita ko, "Sa iyo maaring wala lang pero sa akin isang napakalaking bagay iyon Ryn. Ang dami ko nang nakilala sa buhay ko bago pa tayo nagkakilala at marami na rin nung nagkahiwalay tayo at akala kong namatay ka na dahil hindi kita mahagilap. Pero nag iisa ka lang talaga Ryn. Iba kinakaibigan ako kasi may kailangan o dahil eto nga at nakaangat na ako sa buhay. Pero ikaw, wala ka pa ring pinagbago. I owe you my life and my perspective changed for the better dahil sa mga natutunan ko sa iyo. Hayaan mo man lang ako makabawi-bawi. Kahit pa nakatibatiba ka rin sa pag aabroad mo at di mo kailangan ang aking karangyaan," nakakalokong sabi nito na kinainis ko naman at binato ko sya ng hawak kong pack ng chocolates na mabilis nitong sinambot at sinumulan na ding kainin.
"Aba! Kanina lang ay nangangaral ka ng health risks ng chocolates at ng katabaan. Bakit ka nakain nyan?" napapailing kong tanong sa kanya na kaparehas ko din ang pagdakma sa M&Ms at pagtapon nito sa kanyang bibig.
"Matagal din akong nagtiis na dinadaan-daanan ko lang sa Duty Free itong mga chocolates na ito at hanggang tingin lang ako kaya titira din ako," masayang sabi nito sabay subo ulit, "Besides, diba sabi mo din lagi sa akin dati, noong nasa apartment pa tayo sa tabi ng ilog pasig, "If you can't beat them, join them!"
Nagkatitigan kami at ilang segundo kaming nanahimik bago sabay kaming tumayo at niyakap namin ang isa't isa, "Mila! Thank you talaga nagkita ulit tayo. Hindi ko alam pano sisimulan buhay ko!" hagulhol kong iyak sa kanya and for the first time since nangyari ang mga problema ko sa London.
Naikwento ko na sa kanya lahat ng mga pinagdaanan ko at naging kapalaran ko sa aking napasok na trabaho.
Inilabas ko sa iyak lahat ng sama ng loob at hinanakit ko sa mundo na hindi ko nagawa doon dahil gusto kong ipakita sa lahat na kaya ko.
Na malakas ako at hindi ako susuko.
Pero ngayong nasa harap ako ng isang tao na kasama ko bago pa ako nangibang bansa ay hahayaan ko ang sarili ko umiyak dahil alam nya kung ano ang pinagdaanan ko sa buhay at ang aking dinanas na hirap makahanap lang ng trabaho noon.
"Wag kang mag-alala Ryn. Hayaan mong ako naman ang tumulong sa iyo. Mag-iinvest tayo sa mga kumpanyang alam kong makakapagkain sa atin habang-buhay. Baha nga hindi tayo nagawang mapaghiwalay for long, wala ka na dapat ikabahala pa. Magagawa mo na lahat ng gusto mo, makakain lahat ng naisin mo all in the comfort of this house. Hindi mo na mararanasang matanggihan sa trabaho dahil lang sa katabaan mo. No, all you need to do is sit back and watch the money flows like the water na nagpalubog sa ating tinutuluyan dati. So rest assured, wala ka nang dapat pang ikabahala pa. Kaya mo iyan. Makakabangon ka ulit," seryosong pangako sa akin ni Mila na tinutuyo na ang mga luha ko sa aking matatabang pisngi.
"Paano mo naman nasabi yan?" takang tanong ko sa sure na sure na mukha ni Mila sa akin.
Ngumiti sya sa akin at pinisil ang aking braso, "A wise woman once told me, na pag bumagsak ang eroplano wala ka nang pag-asa pang mabuhay pero sa baha makakalangoy ka pa. Ryn, mas malala ang baha kesa sa sinapit mo. Mas may pag asa kang makakabangon sa naranasan mo kesa lumutang sa tubig ng ilog pasig."
Napaiyak ulit ako at niyakap sya.
This place might not be my own house, but with Mila here, this is surely my home.