"Krayo..."
Unti-unti niyang iminulat ang kanyang mga mata nang maulinigan niya ang malamyos na tinig ng isang babae.
"Krayo, ako 'to, si Kylie," pagpapakilala pa nito sa kanya habang mahigpit na hawak ang kanyang kanang kamay. "Maraming salamat sa Diyos dahil ibinalik ka Niya sa buhay ko..."
Hindi agad siya nakapagsalita dahil sa ilang beses niyang pagbaling ng kanyang ulo pakaliwa't kanan.
"Ano'ng nangyari sa 'kin? Nasa'n ako?" aniya kasabay nang unti-unting pagbilis ng t***k ng kanyang puso, "Bakit ang dilim dito?!" sigaw niya nang mapagtanto niyang kadiliman lamang ang nangingibabaw sa kanyang paligid.
Hinawakan siya sa magkabilang balikat ni Kylie at pilit na niyayakap. "Huminahon ka, Krayo. Nandito lang ako sa tabi mo. Hinding-hindi kita iiwan," giit pa nito, na sa palagay niya ay umiiyak na rin.
Unti-unti na rin siyang nahirapan sa paghinga dahil sa paninikip ng kanyang dibdib at pananakit ng ulo niya sanhi ng sobrang pagtataka sa mga nangyayari.
Nanaginip pa rin ba siya o totoong bulag na ang kanyang mga mata? Higit pa roon, sino ba talaga siya at sino si Kylie sa buhay niya?
Mas lalo pang sumakit ang kanyang ulo nang pilitin niyang alalahanin ang panaginip niya. Subalit wala na siyang makita pa sa kanyang isipan bagkus ang tinig lamang ni Kylie ang naririnig niya habang ilang beses na tinatawag ang kanyang pangalan.
"Krayo, ako si Dra. Rosebell Crespo, isang neurologist," pagpapakilala ng isang babae na naramdaman niyang lumapit sa kanilang dalawa.
"Doktora, ano pong nangyari sa asawa ko?"
"Asawa kita?" nagtataka niyang tanong nang marinig niya ang mga sinabi ng babaeng nagpakilala bilang si Kylie.
"Huminahon ka muna, misis. Ipapaliwanag ko sa inyo ang mga posibilidad na nangyari," paunang pahayag ni Dra. Crespo, "Nang tamaan ng bala ang utak ni Krayo, napinsala nito ang ilang ugat na konektado sa kanyang mga mata, na naging sanhi rin ng pagkawala ng kanyang mga alaala," paliwanag pa nito.
Napayuko na lamang siya dahil sa panlulumo sa rebelasyong ipinahayag ni Dra. Crespo.
"Paano na po ang asawa ko? Maibabalik pa ba ang paningin at ang mga alaala niya?" ani Kylie sa pagitan ng ilang paghikbi.
"Sa ngayon ay hindi ko pa masasabi na maibabalik ang mga iyon kaya kailangan nang mahabang obserbasyon at treatment para sa posibilidad na mangyari 'yon. Kung lumala pa ang kalagayan niya, kailangan maoperahan siya uli," seryosong paliwanag ng doktora.
Naramdaman niya na muli siyang niyakap nang mahigpit ni Kylie. "Krayo, gaya ng pangako natin sa isa't-isa, hinding-hindi kita iiwan at pababayaan. Sabay nating ibabalik ang mga alaala at paningin mo," pangako pa nito sa kanya at mariing hinalikan ang kanyang noo.
Hindi na siya nakasagot pa dahil gulong-gulo na ang buo niyang pagkatao. Isa pa, wala siyang maramdamang kakaiba o kahit koneksiyon man lamang sa babaeng nagpakilalang asawa niya.
"Ako ang unti-unting bubuo sa nakalimutang mong mga alaala..."
Sa ngayon, wala siyang naiisip na gawin kundi ang sumama kay Kylie at kilalanin ito nang lubusan upang mapatunayan niya kung pawang katotohanan nga ba ang mga sinabi nito.
MAKALIPAS pa ang tatlong araw na pananatili sa ospital ay pinayagan nang umuwi si Krayo sa bahay nilang mag-asawa sa isang subdivision sa Balibago, Sta. Rosa, Laguna. Kailangan na lamang niyang ipagpatuloy ang pag-inom sa mga gamot na inireseta ni Dra. Crespo upang hindi na lumala pa ang kanyang kalagayan.
"Hon, nandito na tayo..." ani Kylie habang inalalayan siya papasok sa loob ng kanilang bahay, "Sarili nating lupa't bahay 'to na pareho nating pinag-ipunang bilhin nang magkasintahan pa lang tayo," paliwanag pa nito nang maiupo siya sa isang malambot na upuan.
"Two-storey house pala 'to. Sa first floor, matatagpuan ang salas, dining area, kusina, at isang banyo. Sa itaas naman ang master's bedroom at isang kuwarto para sa ating magiging mga anak."
"Okay..." Naisip na lamang niyang sumagot dahil sa palagay niya ay hinihintay ni Kylie ang kanyang reaksiyon sa mga sinabi nito.
"Habang hindi ka pa pamilyar sa buong bahay, gusto ko na 'wag ka munang masyadong kumilos. Kung may kailangan ka, lugar na pupuntahan o gagawing kahit ano, sabihin mo lang sa akin. Tutulungan kita o kaya ako na ang gagawa no'n para sa 'yo," paliwanag pa ng kanyang asawa.
"Naiintindihan ko..." malumanay niyang sagot.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap na bulag na siya. Paano niya maibabalik ang kanyang mga alaala kung wala naman siyang nakikita? Kung sakali mang maibalik pa niya ang mga iyon, paano niya maipapatuloy ang kanyang buhay nang hindi nagiging pabigat sa kanyang asawa? Sigurado siyang mapapagod din ito sa lahat ng gawain sa kanilang bahay at lalong-lalo na sa pag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Higit sa lahat, sino ang magtataguyod sa kanilang pamilya kung hindi niya magagampanan ang pagiging isang haligi ng tahanan?
Napayuko na lamang siya dahil sa muling pananakit ng ulo niya sanhi ng matinding pag-iisip sa mga gumugulo sa kanyang isipan.
"Ano'ng nangyayari sa 'yo, hon? Sumasakit na naman ba ang ulo mo?" nag-aalalang tanong ni Kylie nang mapansin siya nito. Marahan siyang tumango upang sagutin ito. "Sige, kailangan mo nang uminom ng gamot para mawala 'yan."
Kahit paano ay napawi ang pananakit ng kanyang ulo dahil sa ipinainom nitong gamot.
"Hon, kailangan ko munang umakyat sa kuwarto natin para ayusin ang mga gamit mo," pamamaalam nito na muli niyang tinanguan. "Ito ang I-pad ko, puwede kang makinig ng music nang hindi ka mainip sa paghihintay sa 'kin," paliwanag pa nito bago siya mabilis na hinalikan sa mga labi.
Nang marinig niyang unti-unti nang lumalayo ang mga hakbang ni Kylie ay bahagya niyang kinagat-kagat ang kanyang pang-ibabang labi.
Bakit wala pa rin akong maramdamang koneksiyon sa 'yo? sa isip-isip niya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maramdaman ang pagmamahal na posibleng nakalimutan din niya para sa kanyang asawa. Alam niyang masasaktan ito dahil doon kaya ililihim na lamang muna niya iyon.
Halos labintatlong OPM love songs ang kanyang napakinggan nang balikan siya ni Kylie. Muli rin itong nagpaalam sa kanya upang magluto na ng kanilang tanghalian.
"Paborito mong ulam ang iluluto ko kaya sigurado akong mapaparami ang kain mo," masaya pa nitong sabi bago siya muling iwan.
Ipinagpatuloy na lamang niya ang pakikinig ng musika upang mapawi ang kanyang mga iniisip.
"NAGUSTUHAN mo ba, hon?"
Hindi agad nakasagot si Krayo dahil ninamnam niya nang mabuti ang lasa ng sabaw na isinubo sa kanya ni Kylie.
"Maasim..."
"Masa---"
"Mas masarap dahil napakaasim," putol niya sa sasabihin nito, "Kung paborito ko itong ulam, siguradong maaalala ito ng panlasa ko," paliwanag pa niya sa kabila ng pag-aagam-agam sa kanyang mga sinabi.
"Salamat dahil nagustuhan mo ang niluto kong sinigang na baboy. O kain ka na uli," ani Kylie kaya muli niyang isinubo ang laman ng kutsarang itinapat nito sa kanyang labi.
Habang kumakain ay may mga impormasyon pa itong ikinuwento tungkol sa kanilang dalawa na kahit paano ay unti-unting naiipon sa kanyang alaala.
"Alam mo bang sinigang na baboy rin ang dahilan kung bakit kita sinagot noon?" magiliw nitong paglalahad sa alaalang iyon.
"Talaga?" nakangiti niyang sabi.
"Unang beses nating magde-date nang araw na 'yon. Akala ko ay dadalhin mo 'ko sa isang restaurant o parke..."
"Saan nga ba kita dinala?"
Hindi agad sumagot si Kylie bagkus ay marahan nitong pinisil ang kanyang ilong. "Sa apartment mo," natatawa nitong sagot, "Akala ko kung ano na ang balak mong gawin sa akin kaya ayaw ko pang pumasok sa loob."
"Paano kita nakumbinsi?"
"Sabi mo, ipagluluto mo ako ng mga ulam na kaya mong lutuin. Bubusugin mo ako hanggang sa ibigay ko ang matamis at mailap kong 'oo'," ani Kylie saka siya muling hinalikan sa mga labi. "Na nagkatotoo naman sa huli dahil sinagot nga kita..."
"Sana maipagluto kita uli gaya noon..." seryoso niyang sabi habang nakangiti.
"Oo naman. Tutulungan kita."
"Talaga? Baka mahirapan ka dahil bulag na ako ngayon," katwiran niya bago bumuntung-hininga.
"'Wag ka nang malungkot dahil hinding-hindi ako mapapagod na turuan ka. Sapagkat alam kong magagawa mo uli 'yon dahil sa pagmamahal mo sa 'kin," pagpapalakas-loob pa nito sa kanya.
"Maraming salamat dahil nararamdaman kong hinding-hindi mo 'ko susukuan," aniya at muling ngumiti.
"Hinding-hindi..."
"HON, sa ngayon ako muna ang magpapaligo sa 'yo a'."
Malapit nang mag-alas nuwebe ng gabi ayon sa sinabi ni Kylie kaya hiniling niya na makaligo muna bago sila matulog. Sinang-ayunan na lamang niya ang pakiusap nito sa kabila ng nararamdaman niyang pagkailang sa mga gagawin nito.
Pilit niyang ikinalma ang kanyang sarili at hinayaan ito na isa-isang hubarin ang kanyang mga kasuotan. Napapikit na lamang siya nang maramdaman niya ang pagdampi ng malamig na tubig sa kanyang katawan nang mabuksan nito ang shower sa kanilang banyo.
"Umupo ka sa bowl para malagyan ko ng shampoo ang buhok mo," utos ni Kylie na agad niyang sinunod. Sa palagay niya ay mas matangkad siya rito kaya pinaupo siya nito nang maabot ang kanyang ulo.
Siya na ang nagbanlaw sa kanyang buhok nang muli siyang patayuin nito at itapat sa shower.
Unti-unting bumilis ang pagpintig ng kanyang puso nang sabunin nito at isisin ang kanyang leeg, pababa sa malalapad niyang dibdib, sa malalaki niyang mga braso at mahahabang kamay, hanggang sa kanyang tiyan.
Kylie, ito na ba ang koneksiyong kailangan kong maramdaman? aniya sa sarili habang dinadarama ang kakaiba nitong paghaplos.
Tila unti-unti nang umiinit ang kanyang pakiramdam nang isa-isa nitong sabunin ang kanyang mga hita at paa. Naging pahinto-pahinto ang kanyang pahinga dahil sa pagpigil niya sa pananaig nito sa kanyang buong sistema.
"Okay ka lang ba? Nahihirapan ka bang huminga?" nag-aalalang tanong ni Kylie nang mapansin siya nito.
"Hindi. Sige ituloy mo---"
"Sor---"
Kapuwa sila natahimik nang biglang masagi ni Kylie ang kanyang p*********i. Naramdaman niya ang mabilis nitong pag-iwas kaya napalunok na lamang siya ng ilang beses.
Hinintay niya itong muling magsalita pero hindi nito ginawa. Itinapat na lamang siya nito sa ilalim ng shower upang mabanlawan ang kanyang buong katawan.
Pareho pa rin silang walang imik habang pinupunasan ni Kylie ng tuwalya ang kanyang katawan.
Sa mga sandaling iyon ay tuluyan nang nangibabaw ang init na kanyang nararamdaman kaya niyakap niya ang kanyang asawa. Alam niyang wala rin itong ano mang saplot kaya naramdaman niya ang init na tila nangingibabaw na rin sa katawan nito.
"Hon?"
Hindi na niya hinayaang makapagsalita pang muli si Kylie agad niyang hinalikan ang malalambot nitong mga labi.
Sa bawat pagdampi ng kanyang mga labi sa leeg nito ay marahas naman nitong hinahaplos ang kanyang likod.
"Kray-yooo..."
Ininda na lamang niya ang pagbaon ng mga kuko ni Kylie sa kanyang likod nang paglaruan ng dila niya ang korona sa kaliwa nitong didbdib. Kasabay ang marahang paghaplos niya sa isa pa nitong dibdib.
"Angkinin mo ako..." pagsusumamo pa nito habang marahan siyang hinihila patungo sa kanilang kama, na lalong nagpaigting sa kanyang pagnanasa.
Binuhat niya si Kylie at dahan-dahang ihiniga habang magkadikit pa rin ang kanilang mga labi.
"Akin ka lamang..."
Agad siyang pumaibabaw rito at muling sinimulan ang paghalik sa buo nitong katawan.
Sa ngayon, kailangan niyang kilalanin nang lubusan ang kanyang asawa upang malaman niya kung gaano ba niya ito kamahal noon.
Makalipas ang halos apat na oras na pagsasanib ay ilang beses nilang narating ang sukdulan ng kanilang kaligayahan.
Itutuloy...
©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro