Kapitulo II - Anak

1938 Words
ILANG minuto na lamang ay sasapit na ang hating-gabi subalit hindi pa rin dinadalaw ng antok si Kylie. Ilang gabi na siyang nahihirapan sa pagtulog dahil sa mga bagay na bumabagabag sa kanyang buong pagkatao. Iiwan kaya siya ng kanyang asawa kung hindi sila magkakaroon ng anak? Isa lamang ang katanungang ito sa patuloy na gumagambala sa kanyang puso't isipan. "Hindi ko kakayaning mawala ka sa buhay ko..." Pansamantala niyang inilipag sa kanyang mga hita ang librong kasalukuyan niyang binabasa upang pagmasdan ang asawa niyang si Krayo na mahimbing nang natutulog sa kanyang tabi. Halos apat na buwan ang nakalilipas nang muling ibalik ng mapagpalang Panginoon si Krayo sa kanyang buhay. Sa ngayon ay unti-unti na nitong natutunan ang pagkilos nang walang nakikita sa pamamagitan ng pagkakaroon nang matalas na pakiramdam at pandinig. May ginagamit na rin itong tungkod upang hindi mabangga sa kung ano man. Alam niyang ayaw ni Krayo na maging pabigat sa kanya kaya pilit pa rin nitong ginagawa ang mga bagay na kayang gawin ng isang taong may paningin. Sa kabila nito ay nakiusap siya na kapag magkasama silang dalawa ay siya na ang magpapakain dito dahil ayaw niya itong nakikitang nahihirapan. Siya na rin mag-aasikaso rito sa ilang bagay na hindi na nito magagawa nang maayos. Sapagkat handa niyang gawin ang lahat para sa kanyang pinakamamahal na asawa. Tanggap na rin ni Krayo na kahit hindi na bumalik pa ang mga alaala nito ay magpapatuloy ito sa buhay na kapiling siya. Sa katunayan ay iyon ang ipinangako nito sa kanya nang sumapit ang ikadalawampu't lima niyang kaarawan noong ikalabintatlo ng Oktubre. Buong-buo rin ang paniniwala nitong pawang katotohanan lamang ang mga sinasabi niya rito. Sa kabila niyon, ipinagtapat na rin niya sa kanyang asawa ang ilang bahagi ng nakaraan nito nang sa gayon ay mapanatag ang loob nito. Isang taong gulang pa lamang si Krayo nang mabulag ito dahil sa mga bubog na tumusok sa mga mata nito. Sabay silang lumaki sa isang ampunan kaya nasaksihan niya kung paano ito nahirapan na mabuhay bilang isang bulag. Siya ang sandigan nito sa lahat ng oras kaya lagi niyang hinihiling sa Maykapal na muli itong makakita. Sa katuparan ng kanyang panalangin, naoperahan ang mga mata ni Krayo nang ito ay labintatlong taong gulang na, sa tulong ng isang banyagang doktor na kalaunan ay umampon din dito. Ang pagkakataong iyon din ang naging daan upang tuluyan silang magkalayo ni Krayo. Makalipas ang sampung taon ay muli silang pinagtagpo nang mapaglarong tadhana sa pamamagitan ng kanilang pagdalo sa anibersaryo ng Santa Catalina Orphanage. Mula nang araw na iyon ay hindi na nila hinayaan pang magkalayo silang muli. Na naging daan din upang magsimula ang isang pag-iibigang matagal nang sumibol sa pagitan ng kanilang mga puso. Sa kasamaang-palad, makalipas ang ilang taong panunumbalik ng paningin ni Krayo, muli pala iyong mawawala dahil sa isang aksidenteng kinasangkutan nilang mag-asawa, labintatlong araw matapos ang kanilang kasal. Hinarangan nito ang kanyang katawan nang may nagtangkang pumatay sa kanya kaya ito ang tinamaan ng bala sa ulo at nagtamo nang matinding pinsala. Agad man itong naoperahan pero na-comatosed pa rin ito sa loob ng labintatlong linggo at nang muling magkamalay ay nabulag at nawalan pa ng ilang mga alaala. "Hinding-hindi ko na hahayaang magkalayo pa tayong dalawa..." Unting-unting sumilay ang isang ngiti sa kanyang mga labi nang mapansin niya ang makakapal na mga kilay at mahahabang pilik-mata ni Krayo, na lalong nagpaamo sa bilugan nitong mga mata. Marahan pa niyang hinaplos ang matangos na ilong ng asawa niya gamit ang kanyang kaliwang hintuturo. S'yempre hindi niyang napigilan ang kanyang sariling pananabik na dampian ang maninipis man subalit mapupulang labi nito. "Kahit ano pang malaman mo, hinding-hindi ko hahayaang mawala ka sa buhay ko. Hinding-hindi ko kakayanin..." aniya habang unti-unti nang nangingilid ang kanyang mga luha. Akma na sana niyang hahalikan ang mga labi ni Krayo nang mapansin niya ang mga mata nito. UNTI-UNTING iminulat ni Krayo ang kanyang mga mata nang maulinigan niya ang malungkot na boses ng kanyang asawa. Mabilis siyang bumangon at maayos ding sumandal sa head board ng kanilang kama. "Hon, hindi ka pa rin ba makatulog?" aniya dahil napapansin niyang ilang gabi na itong nahihirapan sa pagtulog. Kung ano man ang totoong sanhi niyon ay inililihim naman nito sa kanya. "Oo, hon. Kaya nga nagbabasa na naman ako ng libro para antukin. Ang isa sa mga bagong libro ni Xerun Salmirro, ang I Know Who Killed Me Book 2," paliwanag ni Kylie 'saka marahan nitong ihinilig ang ulo niya sa balikat nito, "Sorry kung nagising 'ata kita." "Okay lang. Ang totoo, naisip kong bumangon nang marinig ko ang mga sinabi mo kanina," paliwanag niya. Hinawakan pa niya ang kaliwang kamay nito at pinisil-pisil nang marahan. "Hinding-hindi ko rin hahayaang mawala ka sa buhay ko, Kylie," giit pa niya. Handa na siyang tuluyang kalimutan ang kanyang nakaraan sapagkat maligaya na siya sa piling ni Kylie. Unti-unti na rin niyang natutunang mahalin nang totoo ang kanyang asawa dahil sa mga natatanging katangian nito gaya ng pagigiging malambing, maalaga, maalalahanin, at maasahan. "Maraming salamat, Krayo..." Ilang sandali pa ay naramdaman niya ang pagpatak ng mga luha nito sa kanyang kamay. "Mahal na mahal kita." "Mahal na mahal din kita," sagot niya habang unti-unti niyang inilalapit ang mukha nito sa kanya, "Ikaw lang ang mamahalin ko hanggang sa ating huling hininga," pangako pa niya bago siniil ng halik ang mapupula nitong mga labi. Hinawi pa niya ang mga luha ni Kylie at mas lalong pinaalab ang kanilang mga halik. Ilang sandali pa ay unti-unti nang bumababa ang kanyang mga labi sa leeg nito. Sinamyo niya ang natatangi nitong bango na lalong nagpapaigting sa kanyang pagnanasa. "Krayo..." Sa bawat pagdampi ng labi niya sa dibdib ng kanyang asawa ay mas lalo namang dumiriin ang paghaplos nito sa kanyang likod. "Akin ka lamang..." Umigting pa ang nararamdaman nilang sensasyon nang kapuwa na silang nagtatalupan ng kanilang mga kasuotan. "Kylie, iyong-iyo lamang ako..." sagot niya sa malamyos na tinig 'saka malayang ihiniga ang kanyang asawa habang magkalapat ang kanilang mga labi. Sana sa pagkakataong ito ay makabuo na kami. Ang mga katagang ito ang namutawi sa kanyang isipan nang magkasabay nilang nakamtan ang sukdulan ng kanilang kaligayahan. Nang mga sandaling iyon ay nananalangin siya sa Diyos na biyayaan na sila ng mga anak sapagkat sa tagal ng kanilang pagsasama, gusto na niyang magkaroon ng isang buong pamilya. "HON, kailan kaya tayo magkakaanak?" Muntik nang mabitawan ni Kylie ang hawak niyang mangkok na naglalaman ng kaluluto lamang niyang adobong manok dahil sa sinabi ni Krayo. Hindi agad siya nakasagot dahil sa kabila ng ikaanim na pagkakataon nitong pagsambit sa mga katagang iyon, pinangibabawan pa rin siya ng matinding pangamba. Na unti-unti nang nagiging takot dahil sa agam-agam niya na posible kaya siyang iwan nito kung hindi sila magkaroon ng anak? Tatlong araw na ang nakalilipas nang huli silang magniig ni Krayo kaya alam niyang iyon ang dahilan ng muli nitong pagbanggit sa mga katagang iyon. Sa loob ng walong buwan nilang pagsasama, alam niya kung gaano inasam ni Krayo na magkaroon sila ng mga anak. Sa katunayan, dalawang linggo makalipas ang bawat pagniniig nila ay ito pa mismo ang nag-uutos sa kanyang gumamit ng pregnancy test upang malaman nila kung nakabuo nga ba sila. Subalit sa bawat negatibong resulta na kanilang nalalaman, ramdam na ramdam niya kung gaano kasakit dito ang katotohanang tila ipinagkakait sa kanila ang pagkakaroon ng isang anak. Gustong-gusto niya na ring maging isang ina kaya lagi niyang ipinapanalangin sa Diyos na biyayaan sila ng mga anak ni Krayo. "Sorry..." Unti-unti siyang nanumbalik sa kanyang sarili nang marinig niya ang sinsero nitong paghingi ng tawad. Huminga pa siya nang malalim upang pakalmahin ang kanyang sarili. Dahan-dahan niyang inilapag ang mangkok ng ulam sa kanilang lamesa at naupo sa upuang nasa tabi ni Krayo. "Kylie..." Hinagilap nito ang kanyang kamay at marahang pinisil-pisil, "Sorry kung---" "Tama na, hon. Naiintindihan kita kaya 'wag mo nang isipin 'yon," putol niya sa sasabihin ni Krayo upang mapanatag na ang loob nito. "Sana magustuhan mo ang niluto ko," pagbabago na lamang niya sa usapan. "S'yempre naman. Sigurado akong napakasarap nitong adobong manok. Gaya ng mga pagkain iniluluto mo para sa akin, sa atin," nakangiti pa nitong papuri kaya muli niyang nasilayan ang dimples nito sa magkabilang pisngi. "Binobola mo na naman ako 'e," biro niya kaya lalo itong napangiti. "Nagsasabi ako ng totoo dahil hinding-hindi ako maglilihim sa 'yo," natatawa pa nitong paliwanag. Muli siyang natulala nang mapagtanto niya ang mga huling sinabi ni Krayo. Ilang beses pa nga iyong naulit sa kanyang isipan. Kung tila nangangako itong hinding-hindi maglilihim sa kanya, kaya ba niyang gawin din iyon? "Hon, p'wede ko na bang tikman ang adobo?" malambing na pakiusap ni Krayo kaya mabilis niyang ihinanda ang pagkaing isusubo niya rito. "Sige, ito na o'," aniya kaya ngumanga na ang kanyang asawa. "Grabe! Ang sarap-sarap talaga nito," masayang sambit ni Krayo kaya alam niyang ganadong-ganado na ito sa pagkain. Kahit paano ay napawi ang nararamdaman niyang kalungkutan. "Thank you sa pambobola, hon," natatawa niyang sagot at siya naman ang kumain. Laman pa rin ng isipan niya ang mga sinabi ni Krayo kaya naman hindi na niya naubos ang kanyang pagkain. Matapos ang kanilang almusal ay ihinatid na niya ang kanyang asawa sa banyo upang makaligo na ito. Siya naman ay naghanda ng babaunin nitong pagkain at ng mga damit na isusuot nito sa pagpasok sa trabaho. Siya ay isang online English tutor noon subalit kinailangan niyang iwan ang trabahong iyon dahil sa pakiusap ni Krayo na maging simpleng maybahay siya kapag naikasal na silang dalawa. Gusto sana niya na muling magtrabaho para sa kanilang dalawa pero hindi pa rin ito pumayag. Malaki pa rin naman ang naipon nilang mag-asawa sa bangko sapagkat hindi iyon gaanong nabawasan nang maospital si Krayo dahil sa mga taong tumulong sa kanilang asawa. Sa kabila nito ay gusto pa rin ng kanyang asawa na magtrabaho para sa kanilang pamilya upang makapag-ipon para sa mga pangangailangan nila. Hindi na nito mababalikan pa ang dating trabaho bilang photographer kaya magkasama silang naghanap ng isang trabaho na angkop sa kalagayan nito. Sa kabutihang-palad ay nalaman niyang nangangailangan ng blind massage therapist ang Olympus Spa and Wellness na pagmamay-ari ng matalik niyang kaibigan na si Denmark Toledo o Magindara. Dahil dito kahit paano ay nababawasan ang pag-aalala niya sa kanyang asawa kapag nasa trabaho ito. Isa ang bagay na ito sa inililihim niya kay Krayo dahil ayaw niyang maramdaman ng kanyang asawa na wala na itong kakayahang magkaroon ng trabaho nang hindi niya tinutulungan. Limang minuto bago mag-alas otso ng umaga nang dumating ang isang puting L300 van sa harap ng kanilang bahay. Ito ang sasakyang susundo sa mga blind massage therapist kaya agad silang nagpaalaman sa isa't isa bago tuluyang sumakay roon si Krayo. "Mag-iingat ka kahit wala ako sa tabi mo. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para sa 'yo...." bulong pa niya sa sarili habang ihinahatid ito ng kanyang paningin palayo roon. Halos araw-araw ay ganoon na ang kanilang gawain. Gigising siya nang maaga upang magluto ng kanilang almusal at tutulungan ang kanyang asawa sa paghahanda sa pagpasok nito sa trabaho. Sa tanghali naman ay dadalhan niya pa rin ito ng pagkain doon. Mahirap kung minsan lalo na kung napupuyat siya dahil sa hirap sa pagtulog pero hinding-hindi siya mapapagod dahil mahal na mahal niya si Krayo. Itutuloy... ©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD