HALOS mag-iisang buwan pa lamang si Krayo bilang isang massage therapist sa Olympus Spa and Wellnesss pero marami na siyang naging kaibigan dito. Unti-unti na rin niyang natututunan ang iba't ibang uri ng pagmamasahe kaya marami na ring kustomer ang pumupuri sa kanyang serbisyo. Ilan pa sa mga ito na nagbibigay ng tip na malugod naman niyang tinatanggap.
"Thank you, Krayo. Mas lalo nang guminhawa ang pakiramdam ko ngayon. Sa uulitin a," masayang sabi ng isang lalaking pulis nang matapos ang pagmamasahe niya rito. Kinuha pa nito ang kanan niyang kamay upang ilagay ang isang perang papel bilang tip.
"Maraming salamat din po, Sir Ardan," magiliw niyang sagot bago niya ipinasok ang pera sa kanang bulsa ng suot niyang itim na jogging pants. "Mauna na po ako..."
Nang makapagpaalam ay agad siyang inakay ng assistant receptionist na si Kizzia Gale upang dalhin sa waiting area upang makapagpahinga muna bago muling magtrabaho.
Ilang minuto pa lamang siyang nakakaupo roon nang muli niyang maisip kung ano nga ba talaga ang naging reaksiyon ni Kylie dahil sa kanilang pinag-usapan kaninang umaga.
"Krayo, ang lalim yata nang iniisip mo?" puna sa kanya ni Kizzia Gale kaya agad na napaangat ang kanyang ulo.
"O-okay lang ako, Kizzia," matipid niyang sagot at saka bahagyang ngumiti.
"May problema ka 'no? Halatang pilit 'yang ngiti mo e'," pagpapalagay pa nito.
Hindi siya nakasagot dahil hindi niya alam kung dapat ba niyang sabihin dito ang nararamdaman niyang pag-aagam-agam tungkol sa hindi nila pagkakaroon ng anak ni Kylie.
"'Wag mo nang isipin---"
"Kizzia, may ipapagawa sa 'yo si Madam Dara," sabi ng receptionist na si Dorothy kaya naantala ang sasabihin ni Kizzia Gale.
"Krayo, maiwan muna kita rito a'," pamamaalam nito na tinanguan na lamang niya bago ito tuluyang lumabas sa kuwartong iyon.
Bakit nga kaya hindi pa nabubuntis si Kylie?
Sa loob ng walong buwan nilang pagsasama, ilang beses sa isang linggo rin sila magtalik ni Kylie. Siya pa nga mismo ang nagsasabi rito na gumamit ng pregnancy test upang pareho nilaman kung may nabuo na nga ba sa sinapupunan ng kanyang asawa.
"Hindi kaya baog ako?" malungkot niyang sabi at muling napayuko.
"Krayo..." Agad siyang napalingon sa bandang pintuan nang maulinigan niya ang muling pagbubukas ng pinto kasabay ng pagtawag sa kanya ng isa sa mga massage therapist na si Anthony De Belen.
"'Wag kang mawalan agad ng pag-asa," makahulugan nitong sabi na tila narinig ang kanyang mga sinabi kanina lamang, "Ilang buwan pa lang naman kayong magkasama ng asawa mo kaya enjoy-in n'yo muna ang isa't isa," payo pa nito.
"Sabagay may punto ka naman, Tony," sang-ayon niya rito, "Pero iba kasi sa pakiramdam na mayroon na kaming anak ni Kylie. Sigurado akong mas magiging masaya kaming dalawa dahil buo na ang aming pamilya," paliwanag pa niya.
"Sabagay totoo 'yan, Krayo. 'Pag-uwi mo sa bahay n'yo galing trabaho, sasalubungin ka ng anak mo. Sa pamamagitan ng mga simpleng pagtawag niya sa 'yo ng 'Papa' hanggang sa mumunti niyang ngiti, mapapawi agad ang pagod mo," pagkukuwento pa ni Anthony na sa pagkakaalam niya ay mayroon ng isang anak na babae.
"Gustong-gusto ko nang maranasan 'yon," natatawa niyang sabi.
"Hindi porke't wala pang nabubuo ay baog na ang isa sa inyo. Posibleng may iba pang dahilan gaya ng kahinaan o kakulangan mo sa sperm," paliwanag nito.
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Alam mo ba, halos limang taon din kaming naghintay ng asawa ko na magkaroon ng anak. Ayon sa isang doktor, marami akong sperm pero hindi naman healthy kaya binigyan niya ako ng gamot para lumakas ang mga 'yon."
"Okay. Nagkaanak na kayo pagkatapos no'n?"
"Hindi pa rin kaya ilang beses pa kaming nagpatingin sa iba't ibang doktor at kung ano-anong paraan na ang ginawa namin pero sa huli ay wala pa ring nabuo."
"Ang tagal din pala ng paghihintay at pagsubok n'yong magkaanak..."
"Sobrang tagal nga pero hinding-hindi kami nawalan ng pag-asa. Lalong-lalo na sa pananalig sa Diyos na kung mamarapatin Niya, bibiyayaan Niya kami ng mga anak. Hanggang sa noong nakaraang taon nga, ibinigay sa amin ang panganay naming si Diane. Saka nitong nakaraang linggo lang, nalaman din naming dalawang buwang buntis uli si Reina," masaya pang paglalahad ni Anthony.
"Congratulations, p're. Magiging tatay ka na uli."
"Thank you," ani Anthony at tinapik siya sa kanang balikat, "Ngayon pa lang sasabihin ko na sa 'yong isa ka sa mga magiging ninong niya," natatawa pa nitong sabi.
"Sige ba. Okay lang sa 'kin."
"Kaya 'wag kayong mawalan ng pag-asa dahil magkakaroon din kayo ng anak sa tamang panahon na ibibigay siya ni Lord," paalala pa nito kaya kahit paano ay gumaan ang kanyang kalooban, "Sa ngayon, kailangang n'yong magpatingin sa espeyalista nang malaman n'yo kung ano nga ba dahilan ng hindi niya pagbubuntis."
"Tama ka. Sige sasabihin ko kay Kylie ang tungkol do'n paghatid niya ng tanghalian ko."
Tuluyan nang nawala ang agam-agam sa kanyang isipan dahil mga ipinaliwanag ni Anthony kaya mas lalo siyang nasabik na magkaroon ng mga anak. Kung ipagkakaloob ng Diyos, gusto sana niyang magkaroon ng kambal na mga anak nang sa ganoon ay hindi mahirapan si Kylie sa panganganak sapagkat sapat na ang dalawang anak para sa kanya.
"BESH, ano pang plano mo sa nalalapit na birthday ni Oppa Krayo?" ani Magindara nang mailapag na ni Kylie ang ihinanda nitong dalawang baso ng orange juice at dalawa ring hiwa ng chocolate mousse sa maliit na mesa sa kanilang harapan.
Saglit na natahimik si Kylie upang pag-isipan ang mga sinabi ng kanyang kaibigan. Isang simpleng selebrasyon lamang ang alam niyang gustong mangyari ni Krayo pero gusto niyang gawing espesyal ang araw na iyon.
"Balak ko siyang dalhin sa isang lugar na malaking bahagi ng aming buhay. Doon kami mananatili ng ilang araw hanggang sa maramdaman niya kung gaano ko siya kamahal," nakangiti niyang sabi na tila naiisip na ang magiging reaksiyon ni Krayo sa mga sandaling iyon, "Sabay naming susubukan ang iba't ibang bagay roon. S'yempre pa, gusto kong 'makita' ng puso niya ang unti-unting paglubog ng araw habang magkayakap kaming dalawa," paliwanag pa niya.
"Ang romantic nang naisip mo, Besh. Bet na bet ko 'yon. Sana may makasama rin akong sa gano'ng eksena," kinikilig na sabi ni Magindara bago tuluyang isubo ang maliit na bahagi ng kanyang cake. "Sige, tutulungan kita nang bonggang-bongga."
"Thank you, Besh. Sana lang hindi niya mahalata ang surprise ko sa birthday niya," ani Kylie 'saka inilapag sa mesa ang kanyang cell phone na naglalaman ng larawan ng espesyal na lugar sa kanilang buhay ni Krayo.
"Sisiguraduhin kong 'di siya makakahalata," ani Magindara dahil may naisip na itong plano, "Bibigyan ko siya ng one week vacation leave para makapagpahinga siya. S'yempre ang totoo ay para makapamasyal kayong dalawa," paliwanag nito habang kumukumpas-kumpas pa ng mga kamay. "Kakausapin ko rin ang mga empleyado ko na 'wag na 'wag sabihin kay Krayo na may ihinahanda kang supresa para sa nalalapit niyang birthday," dagdag pa nito.
"Thank you, Besh. Mamaya kakausapin ko na 'yong event organizer doon nang matulungan din nila ako sa paghahanda," paliwanag pa niya.
Sabay silang napatingin sa telebisyon nang ipakita roon ang isang commercial ng fast food chain kung saan masayang kumakain ang isang pamilya.
"Kailan kaya mabubuo ang aming pamilya?" ani Kylie kasunod ang isang malalim na buntung-hininga.
"Hanggang ngayon ba ay umaasa pa rin si Krayo na magkakaanak kayo?" seryosong tanong ni Magindara kahit pa alam nito ang kasagutan doon.
"Oo," malungkot na sagot ni Kylie.
Kaninang tanghali ay kinausap na siya ni Krayo tungkol sa pagpapatingin nila sa mga doktor upang malaman ang dahilan kung bakit hindi pa rin siya nagbubuntis.
"Ako rin naman umaasa kahit pa alam kong hinding-hindi na mangyayari 'yon," giit pa niya. Wala siyang lakas ng loob na sabihin iyon kay Krayo kaya pumayag na lamang siya sa gusto nitong pagpatingin na sa mga espesyalista.
"Ayaw mo ba talagang mag-ampon na lang?" mungkahi ni Magindara.
"Gusto ko pero hindi ko alam kung papayag si Krayo."
"Bakit naman?"
"Naikuwento ko sa kanya ang madilim kong nakaraan bilang isang ampon. Sabi niya sa akin, ayaw niyang mag-ampon dahil ayaw niyang maranasan ng mga aampunin namin ang naranasan ko noon. Nawalan ako ng halaga sa mga umampon sa akin nang magkaroon na ang mga ito ng kanilang sariling mga anak. Nagbago ang pakikitungo sa akin at sa huli inabuso pa ako," malungkot pang pagkukuwento ni Kylie.
"Sabagay, tama si Krayo. Kahit pa ipangako n'yo na 'di magbabago ang tingin n'yo sa aampunin n'yo, 'di n'yo maiiwasang maramdaman nila 'yon," sang-ayon sa kanya ni Magindara, "Siguro papayag siya kung sasabihin mo ang totoo..."
Napalunok si Kylie dahil sa mga huling sinabi ng kanyang kaibigan. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
"O' ba't namutla ka agad?" natatawa nitong tanong sa kanya, "Sabihin mo kayang baog ka kaya never kayong magkakaanak."
"Siraulo ka talaga. Akala ko kung ano na'ng pinagsasabi mo," giit niya rito.
"Tama naman ako 'di ba? Hindi na siya aasa pa kung malalaman niya 'yon," nakangisi pa nitong sabi.
"Tama ka pero sigurado akong masasaktan siya nang todo, na ayokong maramdaman niya. Pa'no kung maisip niyang iwan ako?"
"Alam ko kung gaano ka niya kamahal kaya sigurado akong hinding-hindi niya gagawin 'yon," giit ni Magindara.
Natahimik na lamang si Kylie dahil pinangingibabawan pa rin siya ng takot na iiwan siya ni Krayo sa oras na malaman nitong hindi niya ito mabibigyan ng mga anak. 'Wag na kaya nilang ituloy ang pagpapatingin sa mga doktor?
ALAS-DIYES ng umaga nang makarating ang mag-asawang Krayo at Kylie sa isang sikat na resort sa Playa Laiya, San Juan, Batangas ang Morris Paradise.
"Hon, p'wede ko na bang malaman kung nasa'n tayo?" natatawang sabi ni Krayo nang maramdaman niyang huminto na ang sinasakyan nilang bangka.
Ilang oras din ang kanilang naging biyahe makarating lamang sa lugar na bahagi ng surpresa ni Kylie para sa nalalapit niyang ikadalawampu't limang kaarawan. Sinang-ayunan niya ang gusto nitong pagbabakasyon tutal maliit lamang na halaga ang kanilang babayaran para sa travel package na nakuha nito.
"Mamaya-maya pa kaya konting-tiis lang," natatawa ring sagot ni Kylie habang inalalalayan siya paalis doon.
"Sige na nga. Maghihintay pa ako," sagot niya bago magsimulang maglakad habang nakalubog ang mga paa sa dagat.
Nang marating nila ang dalampasigan ay mahigpit siyang niyakap ng kanyang asawa.
"Sigurado akong magugustuhan mo rito dahil malaking bahagi ito ng ating pagmamahalan," malambing pang bulong nito sa kanya.
"Mas lalo akong na-excite malaman," nakangiti niyang sabi at sumabay sa muling paglalakad ni Kylie.
Makalipas ang ilang minutong paglalakad sa buhangin ay pinahinto siya nito at sinabihang umupo sa isang matigas na upuang gawa sa kawayan. Tinabihan pa siya nito roon at ihinilig ang ulo sa kanyang balikat.
"Hon, narito tayo ngayon sa Morris Paradise, isang resort sa Playa Laiya, San Juan, Batangas," ani Kylie at pinagtagpo ang kanilang mga daliri at palad, "Ito ang lugar kung saan mo iniligtas ang buhay ko, mahigit labintatlong taon na ang nakakaraan," dagdag pa nito.
"Talaga? Ano'ng nangyari ng araw na 'yon?"
"Sige, ikukuwento ko sa 'yo," sagot nito at saglit na natahimik. Naulinigan pa niya ang pagbuntung-hininga ng kanyang asawa bago muling magsalita, "Twelve years old lang tayo noon makarating dito sa resort. Isang charity event ang isinagawa ng may-ari nito, ang pamilya Morris at ang Santa Catalina Orphanage ang napili nilang bigyan nito."
"Ang bait naman ng pamilyang 'yon."
"Oo. Napaka-down to earth talaga nina Doña Elyzabeth, Don Philiffe at ang anak nilang si Señorito Dmitri," sang-ayon nito sa kanya at muling nagpatuloy, "Niyaya akong lumangoy nina Rudy Cris at Alfred pero tumanggi akong sumama sa kanila dahil nga hindi ako marunong lumangoy..."
"Pero pinilit ka nilang dalawa?"
"Inagaw nila 'yong bracelet na ibinigay mo sa 'kin kaya napilitan akong sumama sa kanila," pagpapatuloy ni Kylie, "Akala ko ibibigay na nila 'yon pero hinila nila ang salbabidang suot ko papunta sa malalim na parte ng dagat."
Marahan niyang hinaplos ang likod ng kanyang asawa nang maramdaman niyang naiiyak na ito.
"Iniwan nila ako ro'n kaya takot na takot ako. Hanggang sa napulikat ang mga paa ko kaya basta na lang akong lumubog pailalim..." paglalahad niya sa pagitan ng ilang paghikbi, "Akala ko mamamatay na talaga ako no'n... Hanggang sa naramdaman kong may isang kamay na humila sa akin paitaas. Bago pa ako nawalan ng malay ay naaninag ko ang mukha mo na alalang-alala."
"Mabuti na lang pala nailigtas kita. Kung may nangyaring masama sa 'yo, mananagot sila sa akin," giit niya dahil kahit paano ay nakaramdam siya ng galit sa ginawa ng mga taong iyon kay Kylie.
"'Yan din ang eksaktong sinabi mo sa 'kin noon."
"Siguro nang mga panahong 'yon ay mahalaga ka na sa 'kin kaya ayokong mawala ka sa buhay ko," matalinghaga niyang sabi na mas lalong nagpaiyak dito.
Hinawakan pa niya ang mukha ni Kylie at marahang pinunasan ang mga luha nito.
"Hinding-hindi ko hahayaang magkalayo tayong dalawa."
"Maraming salamat, hon," ani Kylie at isang matamis na halik ang ipinagkaloob nito sa kanyang mga labi kaya muli niya itong niyakap nang mahigpit.
Kasabay nang pagkakalas ng kanilang mga bisig ang paglapit ng isang lalaki.
"Good morning po sa inyo, Mr. and Mrs. Magalona. Welcome to Morris Paradise," magiliw nitong pagbati sa kanilang mag-asawa, "Ihahatid ko na po kayo sa inyong magiging kuwarto," paliwanag pa nito.
"Thank you, Sir Ace," ani Kylie at inakay na siya upang sundan ang kanilang nakausap, na si Ace Antipolo.
Itutuloy...
©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro