Kapitulo IV - Surpresa

1751 Words
ISANG LINGGONG nanatili ang mag-asawang Magalona sa Morris Paradise kaya napagdesisyunan nilang subukan ang iba't ibang activities sa buong resort gaya ng parasailing, pagsakay sa hot air balloon at iba pa. Bilang bahagi ng pag-iipon nila ng mga alaala, kinunan ni Kylie ng mga larawan ang kanilang mga karanasan. Inilarawan at ipinaliwanag din niya kay Krayo ang kanyang nakikita at ang mga nangyayari sa kanilang paligid. Bawat araw ay sabay nilang sinasaksihan ang unti-unting paglubog ng araw habang magkatabing nakaupo sa dalampasigan. Bawat gabi naman ay sa iba't ibang bahagi ng resort sila naghahapunan habang nasa ilalim ng sinag ng buwan. Sa kanilang ikahuling gabi ay isang simpleng hapunan ang ipinahanda ni Kylie sa dalampasigan upang sabay nilang salubungin ang mismong kaarawan ni Krayo, na ikalabintatlo ng Nobyembre. "Hon, maraming salamat sa mga regalo mo sa 'kin..." nakangiting sabi ni Krayo habang mahigpit na hawak ang kanyang kamay. "Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga karanasan natin dito sa Morris Paradise dahil ikaw ang kasama ko sa mga 'yon. Wala man akong nakikita, nararamdaman ko naman kung gaano mo ako kamahal." "May isa pa akong surpresa kaya 'wag ka munang magpasalamat," natatawa niyang sabi 'saka hinalikan ang mga labi nito, "Ilang minuto na lang, malalaman mo na rin 'yon," bulong pa niya sa tainga nito. "Ang suwerte ko namang birthday celebrant dahil ang daming surpresa ng asawa ko," malambing na sagot ni Krayo at niyakap pa siya nang mahigpit. "Mahal na mahal kita, Kylie." Muli niyang hinalikan ang mga labi ni Krayo bilang hudyat sa pagsisimula niya ng countdown hanggang sa pagtuntong ng hatinggabi. "Krayo, alam ko kung gaano mo inaasam na magkaroon tayo ng isang kumpletong pamilya..." panimula niya nang magkalas ang kanilang mga labi. "Malapit nang matupad 'yon dahil isang buwan na akong buntis." "Totoo ba 'yong mga sinabi mo, hon?" halos naiiyak na sabi ni Krayo dahil sa nararamdaman nitong kaligayahan. "Magiging mga magulang na tayong dalawa? Magiging tatay na ako?" "Oo," mabilis niyang sagot at muling niyakap nang mahigpit ang kanyang asawa, "Nakiusap akong ipagpaliban muna ang pagpapa-check-up natin dahil sa pagbabakasyon pero ang totoo ay nagpa-check up na ako bago tayo pumunta rito kasi gusto ko ngang malaman kung bakit wala pa rin tayong nabubuo..." paliwanag pa niya rito. "Sorry kung sa na-pressured ka dahil sa mga sinabi ko," paghingi uli ng paumanhin ni Krayo nang maalala nito ang kanilang napag-usapan noong isang linggo. "'Wag mo nang isipin 'yon, hon. Naiintindihan kita kaya nga nagpatingin na ako dahil gustong-gusto ko na ring magkaanak tayo," paliwanag niya. "Okay. Ano'ng sabi sa 'yo ng doktor?" "Ayon sa OB Gyne na nakausap ko, baka may mali lang sa paggamit natin ng pregnancy test o peke ang nabili natin kaya hindi natin nalamang buntis na pala ako." "Gano'n ba? Mabuti na lang naisip mong magpatingin na. Sa susunod na pagpunta mo sa kanya, sasamahan na kita." "Okay. Sige samahan mo 'ko." "Gustong-gusto ko na siyang makita, makasama," ani Krayo habang marahang hinahaplos ang kanyang tiyan. Hindi na napawi ang mga ngiti sa labi ng kanyang asawa dahil sa pagkasabik nitong makapiling ang kanilang magiging anak. "Maraming salamat sa espesyal mong regalo." "Aalagaan at mamahalin natin siya nang lubusan upang maramdaman niyang siya ang buhay natin." "Hinding-hindi natin siya pababayaan at iiwan gaya ng pangako natin sa isa't isa." Muli siyang siniil ng halik ni Krayo upang selyuhan ang kanilang mga pangako. HANGGANG sa pagbabalik sa kanilang bahay ay nangingibabaw pa rin ang kaligayahang nararamdaman ni Krayo dahil sa pagbubuntis ni Kylie. Hindi niya akalaing iyon na ang tamang panahon na ipagkakaloob ito ng Diyos sa kanilang mag-asawa. "Hon, ano'ng ipapangalan natin sa kanya?" nakangiti pa niyang tanong kay Kylie habang nakadikit ang kanyang kaliwang tainga sa tiyan nito. "Kung magiging babae siya, Kayla. Kryon naman kung magiging lalaki para hawig sa pangalan nating dalawa," masaya rin nitong sagot. "Kung kambal na lalaki at babae, pareho nating magagamit ang mga pangalang naisip mo," paliwanag pa niya. "Oo nga 'no? Pa'no kung kambal pala 'tong ipinagbubuntis ko?" "Kung sakali man, mas magiging masaya ang ating pamilya," sagot niya at marahang hinaplos ang tiyan nito. "Ano'ng oras nga pala ang check-up mo bukas?" "A-alas otso ng umaga," biglang sagot ni Kylie makalipas ang ilang minutong pag-iisip. "Kung sasamahan mo talaga ako, kailangang magpaalam ka na mamaya sa boss mo na a-absent ka sa trabaho mo," paliwanag pa nito. "Sige, mamaya bago tayo kumain ng hapunan ay tawagan mo ang number ni Madam Dara nang makausap ko siya." Ipapakiusap na lamang niyang dagdagan pa ng isang araw ang kanyang vacation leave. Alam niyang maiintindihan siya ng kanyang amo dahil simula nang makilala niya ito ay ay mabait na ito sa kanya. "Okay," matipid na sagot ni Kylie at naramdaman niyang tumayo ito, "Maiwan muna kita rito sa kuwarto. Magluluto na ako ng hapunan natin," pamamaalam pa nito sa kanya. "Sige, hon. Itutuloy ko na lang ang pagtutupi ng mga damit natin," nakangiti niyang sagot at umaayos nang pagkakaupo sa kanilang kama, "Tawagin mo na lang ako kapag tatawagan mo na si Madam Dara," bilin pa niya sa kanyang asawa. "Okay," matipid na sagot ni Kylie bago tuluyang lumabas sa kanilang kuwarto. MAS LALO pang natuwa si Krayo nang malaman nila mula sa 4D ultrasound ni Kylie na kambal nga ang ipinagbubuntis nito. Siya mismo ang kumausap sa OB Gyne nito na si Dra. Annie Cama upang malaman nila ang mga kailangan gawin at isaalang-alang upang maging ligtas ang pagbubuntis ng kanyang asawa. Naging masaya rin ang una nilang Pasko dahil sa maagang regalo ng Panginoon sa kanilang mag-asawa. Kasabay nito ang pagsisimula ng paglilihi ni Kylie kung saan simpleng buko juice at vanilla ice cream lang ang laging hinihingi nito kaya hindi na nahirapan pa si Krayo. Humingi na lamang siya ng tulong sa kaibigan niyang si Anthony upang mabili ang mga iyon para sa kanya. Limang buwan na ang sanggol sa sinapupunan ni Kylie nang mapagdesisyunan ni Krayo na kailangang may makasama na ito sa bahay sa mga oras na wala siya rito. Isang dalagang nagngangalang Gloribeth Casoy o 'Betchay' ang nakuha nilang makakasama ni Kylie. Anak ito ng isa sa mga kasamahan niya sa trabaho na si Aling Gloria. Babayaran nilang mag-asawa ang labindalawang oras nitong pananatili sa kanilang bahay sa halagang limang daang piso bawat araw, na ibabawas na lamang nila sa kanilang naipong pera sa bangko. "TATLONG buwan na lang, makakasama na natin sina Kryon at Kayla," nakangiting sabi ni Krayo habang marahang hinahaplos ang malaking tiyan ni Kylie. Hinintay niyang magsalita ang kanyang asawa pero hindi nito ginawa. Ipinagpatuloy lamang nito ang pagbabasa sa librong kasalukuyan nitong binabasa, ang Plagiarist ni Xerun Salmirro. "Hon, sino-sino nga pala ang kukunin nating ninong at ninang nilang dalawa?" Muli siyang naghintay ng ilang minuto pero hindi pa rin nagsalita si Kylie. Nararamdaman niyang hindi pa ito tulog kaya nakapagtatakang hindi siya kinaukausap nito. May nasabi ba akong masama? Naiistorbo ko yata siya sa pagbabasa, sa isip-isip pa niya dahil sa pananahimik nito. Umaayos na lamang siya nang pagkakahiga at yumakap sa mga hita ni Kylie. Inisip na lamang niya na baka bahagi ng pagbubuntis nito ang pabago-bago ng emosyon. Sapagkat ilang beses na rin niyang napapansin na mabilis mairita o mag-init ang ulo ng kanyang asawa mula nang magdalang-tao ito. "MAMA Kylie, kanina ka pa namin hinihintay..." Ang malapad na ngiti sa mga labi ni Krayo ang bumungad kay Kylie nang siya ay magising makalipas ang ilang oras na pagpapahinga dahil sa hirap sa panganganak. Tuluyan nang napawi ang kanyang nararamdaman nang masilayan niya ang mga mumunting mukha nina Kayla at Kryon. Dahan-dahan pang inilagay ni Krayo sa kanyang mga bisig si Kryon kaya hinalikan niya ito nang mariin sa noo. "Mamahalin namin kayo nang higit pa sa aming mga sarili," nakangiti niyang sabi at hinalikan din mariin ang noo ni Kayla. "Hinding-hindi namin kayo pababayaan o iiwan. Lalong-lalo na, hinding-hindi namin hahayaang masaktan ng kahit sino man," dagdag pa ni Krayo. Unti-unting tumulo ang kanyang mga luha dahil sa kakaibang kaligayahan. Hindi niya akalain magiging isa rin siyang ina at makukumpleto ang kanilang pamilya. "Hon, ako ang pinaka---" Naantala ang kanyang pagsasalita at agad nanlaki ang kanyang mga mata nang mapansin niya ang mabilis na pagkalat ng isang itim na usok sa buong kuwarto. "Ano'ng nangyayari, hon?" pag-usisa ni Krayo na tila napansin ang kanyang pansamantalang pananahimik. "Hon, hawakan mo nang mabuti si Kayla," giit niya habang pilit na bumabangon sa kanyang higaan. "Kailangan nating makaalis dito!" "Bakit? Ano'ng nangyayari?" natataranta na ring sabi ni Krayo. Hindi na siya sumagot pa bagkus ay agad niyang inakay ang kanyang asawa palabas sa kuwartong iyon. Subalit nang papalapit na sila sa pintuan ay bigla itong bumukas at mabilis na hinigop nang makapal na usok ang kanyang asawa't mga anak. "KRAYO! KRYON! KAYLA!" Tinangka pa niyang iligtas ang mga ito subalit marahas na nagsara ang pintuang iyon at mabilis na kumalat ang kadiliman sa buong paligid. "KRAYO! KRYON! KAYLA!" Hapong-hapo si Kylie nang siya ay magising mula sa isang bangungot. Agad niyang binalingan si Krayo na nasa kanyang tabi subalit nakapagtatakang wala ito roon. Muling lumukob ang takot sa kanyang buong sistema nang maisip niyang nawawala ito. "Hon, nasa'n ka?" Mabilis siyang tumayo sa kanilang kama at patakbong pinuntahan ang banyo pero wala rin si Krayo roon. Grabe na ang kanyang pag-alala kaya patakbo pa rin siyang bumaba sa unang palapag ng kanilang bahay. "Krayo?! Magpakita ka na sa 'kin. Please..." pagsusumamo niya sa pagitan ng ilang paghikbi, "Hindi ko kaya nang wala ka sa buhay ko... Ikamamatay ko---" Hindi na niya naituloy ang kanyang sasabihin dahil sa biglaang pagsakit ng kanyang tiyan. Nanlaki pa ang kanyang mga mata nang hawakan niya iyon dahil wala nang nakaumbok doon. Nawawala sa kanyang sinapupunan sina Kryon at Kayla! "Ano 'ng nangyari sa mga anak ko?!" gulong-gulo niyang sabi at marahas na napalusay sa sahig dahil sa panginginig ng kanyang buong katawan. "TAMA NA!" Ilang beses siyang napasigaw dahil sa tila paghahalukay sa loob ng kanyang tiyan. Tila ba paulit-ulit na tinutusok ang kanyang bituka at mga lamang-loob. "Ibalik mo ang mga anak ko..." muli niyang pagsusumamo matapos siyang sumuka ng buo-buong dugo. Hindi na siya nakabangon pa at tuluyang napatihaya sa sahig na naglalawa sa kanyang dugo dahil sa paghihina ng buo niyang katawan. Impit siyang napasigaw nang maramdaman niya na tila may malaking bagay na unti-unting lumalabas sa kanyang pagkababae... "Krayo, patawarin mo ako..." bulong niya nang maaninag niya ang maamong mukha ng kanyang asawa bago siya tuluyang nalagutan ng hininga. Itutuloy... ©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD