Kapitulo V - Kryon & Kayla

1646 Words
"KYLIE..." Unti-unting niyang iminulat ang kanyang mga mata nang maulinigan niya ang malamig na boses ng asawa niya. "Krayo..." Agad sumilay ang isang matamis na ngiti sa kanyang mga labi nang makita niyang nasa mga bisig nito ang kanilang mga anak. "Kanina ka pa namin hinihintay," nakangiti pa nitong sabi. Dahan-dahan niyang kinuha sa kaliwang bisig nito si Kryon upang hindi na ito mahirapan pa. "Mamahalin namin kayo nang higit pa sa aming mga sarili," nakangiti niyang sabi at hinalikan din mariin ang noo ni Kayla. "Hinding-hindi namin kayo pababayaan o iiwan. Lalong-lalo na, hinding-hindi namin hahayaang masaktan ng kahit sino man," dagdag pa ni Krayo. Unti-unting tumulo ang kanyang mga luha dahil sa kakaibang kaligayahan. Hindi niya akalain magiging isa rin siyang ina at makukumpleto ang kanilang pamilya. Natulala si Kylie nang maalala niya ang parehong eksena sa kanyang panaginip, halos tatlong buwan na ang nakalilipas. "Hon, ano'ng iniisip mo?" usisa ni Krayo nang mapansin nitong nanahimik siya. "Okay ka lang po ba, Ate Kylie?" ani Gloribeth na lumapit pa sa kanya at kinuha si Kryon sa kanyang mga bisig upang ibalik sa higaan nito. "Gusto ko nang umuwi sa bahay," mabilis niyang sagot nang hawakan ni Krayo ang kanyang kamay. "Sige, hon," sagot ng kanyang asawa at iniabot si Kayla sa kanilang katulong. "Betchay, samahan mo ako sa opisina ni Dra. Cama," utos pa nito. "Opo, Sir Krayo." Nang makaalis ang mga ito sa kanyang kuwarto ay pinilit niyang bumangon. Kahit nahihirapan pa ay nilapitan niya ang maliit na higaan nina Kryon at Kayla. Sabay niyang ipinahawak ang kanyang mga hintuturo sa mga kanang kamay ng mga ito. "Maraming salamat sa pagdating n'yo sa aming buhay. Kayo ang magiging daan upang mas lalo akong mahalin ng inyong ama..." Muli niyang hinalikan nang mariin ang kanilang mga noo, "Hinding-hindi ko hahayaang mawala kayo sa amin..." Sumilay ang isang matamis na ngiti sa kanyang mga labi nang mapansin niyang tila nakikita na siya nina Kryon at Kayla dahil nakatitig ang mga ito sa kanya. "Mamahalin ko kayo nang higit pa sa buhay ko..." pangako pa niya sa mga ito. Gusto sana niya na muling kargahin sina Kryon at Kayla subalit hindi niya magawa sapagkat mahigpit pa ring hawak ng mga mumunti nilang mga kamay ang kanyang mga daliri. Hanggang sa pagbabalik nina Krayo at Gloribeth ay naroon pa rin siya sa harap ng mga ito. SA MALAKING simbahan ng Sta. Rosa de Lima Parish ginanap ang sakramento ng pagbibinyag kina Kryon at Kayla na dinaluan ng mga malalapit na kaibigan at katrabaho ng kanilang mga magulang. "Ngayon ay mga ganap ng Kristiyano sina Kryon at Kayla..." Sabay na niyakap nina Krayo at Kylie ang kanilang mga anak matapos iyong sabihin ni Father JK Samones. Ilang sandali pa ay sama-sama silang nagpakuha ng larawan kasama ang mga mumunting anghel ng pamilya Magalona. SA ISANG sikat na restaurant ginanap ang handaan para sa kambal. Sa pinakagitna ng isang malaking kuwarto, makikita ang mga anghel na sina Kryon at Kayla na magkasamang nakahiga sa isang malaking kuna, na pinalamutian ng ilang pares ng mga pakpak. Ang kanilang mga magulang naman ay pareho ring nakasuot ng mga puting kasuotan at nakaupo sa tabi ng kanilang higaan. "Hon, maiwan muna kita rito. May kailangan lang akong kausapin," pamamaalam ni Kylie na agad namang sinang-ayunan ni Krayo. Pinakinggan na lamang niya ang pag-uusap ng kanilang mga bisita upang hindi mainip sa paghihintay sa kanyang asawa. "Hello, Krayo." Agad siyang napalingon sa kanyang kaliwa nang marinig niya ang malalim na boses ng isang lalaki. Hindi pa niya naririnig ang boses nito kaya sigurado siyang hindi niya ito kilala nang personal. "Isa ka ba sa mga kaibigan ng aking asawa?" pagpapalagay na lamang niya. "Oo. Ako si Ram, isa mga estudyante ni Kylie noong online English teacher pa siya," sagot nito. "Talaga? Matagal na ba kayong magkaibigan ni Kylie?" pag-uusisa niya sapagkat gusto niya itong makilala nang lubusan sapagkat walang nababanggit ang kanyang asawa na kaibigan nito na may ganoong pangalan. "Siguro mag-iisang taon na rin kaming magkaibigan," sagot nito at pansantalang tumahimik, "Aaminin ko, hirap na hirap akong magsalita ng English noon pero hindi ako sinukuan ng asawa mo. Napakalaki ng utang na loob ko sa kanya ngayon dahil nang matuto ako ng tamang pagsasalita at paggamit ng English ay nakapag-abroad na ako. Kaya mula nang araw na iyon ay unti-unti na akong napalapit sa kanya," pagkukuwento pa nito na tila ba masayang binalikan ang mga alaalang iyon. Gaano kalapit? giit niya dahil base sa pagsasalita ni Ram ay nakakasiguro siya na may lihim itong pagtingin sa kanyang asawa. "Krayo..." Hindi na siya nakapagsalita pa nang marinig niya ang boses ni Kylie, na agad tumayo sa kanyang likuran at humawak pa sa mga balikat niya "Hello, Kylie. Nakapag-asawa ka na pala," ani Ram na tila ba ngayon lamang nito nalamang ikinasal na silang dalawa. Kaibigan nga ba talaga ito ng kanyang asawa? "Oo," matipid na sagot ni Kylie na alam niyang naiirita na sa taong kaharap nila dahil sa paminsan-minsan nito pagkuyom ng mga kamao. "Sorry kung---" "Puwede mo na kaming iwan, Ram. May kailangan lang akong sabihing importante sa asawa ko," giit ni Kylie kasunod ang malalim na pagbuntung-hininga. "Pasens'ya na kung nakaabala ako," agad na sagot ni Ram, "Gusto ko lang sanang makausap si Kylie tungkol sa isang importanteng bagay. Okay lang ba 'yon sa 'yo, Krayo?" dagdag pa nito. "S-sige," matipid niyang sagot sa kabila ng pag-aagam-agam sa totoo nitong motibo. "Thank you, p're. Sige, maiwan ko na kayo." Nang marinig niya ang unti-unting paghakbang ni Ram palayo roon ay saka lamang inalis ni Kylie ang mga kamay nito sa kanyang mga balikat. "Hon, okay ka lang ba?" usisa niya dahil gusto niyang makasiguro sa kanyang hinala kanina lamang. "Kaibigan mo ba talaga ang taong 'yon?" "Oo," matipid na sagot ni Kylie. Hindi napawi ang kanyang pagtataka sa kabila ng isinagot nito. Sigurado siyang may mali sa mga nangyari. "Ano nga pala 'yong sasabihin mo sa 'kin?" "Sorry, hon. Nakalimutan ko na dahil biglang sumakit ang ulo ko," paliwanag ni Kylie na tila ba nagkakaila lamang sa kanya. "Gano'n ba? P'wede na tayong umuwi kung gusto mo?" "Hindi na. Nakakahiya naman kung aalis na tayo nang hindi pa natatapos ang handaan," katwiran nito. "Sabagay. Sige magpapabili na lang ako ng gamot kay Betchay nang makapagpahinga ka muna bago tayo umuwi," paliwanag na lamang niya upang mapanatag ang loob nito. Tinabihan na siya ni Kylie at humiga sa kanyang mga hita. Agad din niyang tinawag ang kanilang katulong upang magpabili ng gamot para sa sakit ng ulo nito. "Matulog ka muna," aniya habang marahang hinahaplos ang ulo nito. Hindi niya hahayaang makausap pa ni Ram si Kylie dahil napagtanto na niyang hindi ito dapat pagkatiwalaan. LABINTATLONG minuto bago sumapit ang ikatatlo ng madaling-araw, sabay na umiyak ang kapuwa isang dalawang buwang gulang na sina Kryon at Kayla pero hindi sila narinig ng kanilang mga magulang. Mahimbing ang tulog ng mag-asawa dahil sa magdamag na pag-ulan. Ang kanilang malaking kuna ay nasa tabi lamang ng kama ng mga ito pero nakapagtatakang hindi sila narinig ang kanilang mga magulang. Nang tumuntong ang ikatatlo ng madaling-araw ay sabay ring huminto ang pag-iyak nina Kryon at Kayla dahil sa malaking anino na tumama sa kanilang mga mumunting mukha, na mula sa isang bagay na nasa labas ng bintana. Matama nilang pinagmasdan ang nasabing anino na tila ba nakikipaglaro sa kanilang dalawa dahil sumayaw-sayaw iyon habang nakatunghay sa kanila. Sumilay ang mga mumunting ngiti sa kanilang mga labi, na unti-unti ring naging pagtawa... "KRYON... Kayla..." Naalimpungatan si Kylie nang maulinigan niya ang pagtawag ng isang malamyos na tinig sa pangalan ng kanilang mga anak ni Krayo. Agad siyang bumangon upang tignan ang mga ito sa kanilang kuna. Paano nagkaroon ng mga balahibo rito? Napakunot ang kanyang noo nang mapansin niyang may mga puting balahibong nakaipit sa mga kanang kamay nina Kryon at Kayla. Inilibot niya ang kanyang paningin sa buong kuwarto upang suriin kung posible nga bang may nakapasok doon na kalapati o kahit ano pang uri ng ibon. Makalipas ang ilang minuto paghahanap ay sigurado na siyang tama ang kanyang hinala na imposibleng may nakapasok na ibon doon. Imposible ring mula pa iyon sa mga pakpak na inilagay sa kuna ng kambal noong binyag ng mga ito dahil halos dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang mangyari iyon. "Sa'n nga kaya nanggaling ang mga 'to?" aniya habang matamang pinagmamasdan ang mga balahibong iyon sa kanyang palad. Nanlaki ang kanyang mga mata nang mapansin niyang lumipad ang mga balahibo palayo sa kamay niya dahil sa malamig na hanging tumama sa mga iyon at sa balat niya. "Kylie..." Unti-unting nanindig ang kanyang mga balahibo nang maulinigan niya ang isang malamyos na bulong sa kaliwa niyang tainga. Hindi na siya nakapagsalita pa at tuluyang nanigas sa kanyang kinatatayuan dahil sa pangingibabaw ng matinding takot sa buo niyang sistema. "Hon, nasa'n ka?" Pansamantala siyang nakahinga nang maluwag nang marinig niya ang pagtawag ni Krayo. "N-nandito ako sa harap ng kuna ng kambal," malumanay niyang sagot sa kabila ng panginginig ng kanyang boses. Hindi pa rin siya lumilingon kaya hindi niya alam kung bumangon na rin ba ito mula sa kanilang kama. "Nagising ba sila?" "Hindi naman." "Umuulan pa rin ba? Ang lamig pa rin e'," usisa ni Krayo kaya napilitan na siyang lingunin ito. Paanong nabuksan 'yon? Imposibleng nabuksan 'yon ng hangin kanina? nagtataka niyang tanong nang mapansin niyang nakabukas na ang malaking salaming bintana sa kanilang kuwarto, na sa pagkakaalam niya ay nakasara kanina. "Hindi na," matipid pa rin niyang sagot saka mabilis at buong tapang na isinarang muli ang bintanang iyon. "Okay. Halika ka na rito nang makatulog uli tayo." Hindi na siya sumagot pa bagkus ay mabilis na bumalik sa kanilang kama. Nagtalukbong na lamang siya ng kumot at niyakap nang mahigpit si Krayo upang unti-unting mapanatag ang kanyang loob. Itutuloy... ©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD