ILANG araw na ginambala ang isipan ni Krayo ng totoong motibo ng lalaking nagpakilala bilang si Ram. Nang usisain niyang muli si Kylie tungkol sa taong iyon ay sinabi nitong naging estudyante nga nito si Ram noon pero hinding-hindi raw sila naging magkaibigan.
"Sino ka ba talaga sa buhay ni Kylie?" giit niya sapagkat hindi pa rin niya maiwasang magselos sa taong iyon. Lalo na nang malaman niya mula kay Gloribeth na kahapon ay may nagpadala ng isang bouquet ng pulang rosas sa kanyang asawa. Walang nakalagay na card kaya hindi nito malaman kung kanino ba galing iyon pero siguradong-sigurado siya na si Ram ang nagpadala niyon.
Muli siyang nakaramdam ng pananakit ng ulo kaya naisipan niyang magbabad na lamang sa ilalim ng shower upang mapawi iyon.
Hinding-hindi ko hahayaang makalapit ka pa sa asawa ko, giit pa niya.
Agad niyang kinapa ang pihitan ng shower nang bigla na lamang mawala ang tubig na nagmumula roon. Ilang beses niyang pinihit iyon pero nakapagtatakang wala pa ring lumabas doon.
Nagbakasakali na lamang siyang nawalan ng suplay ng tubig sa kanilang buong bahay kaya dahan-dahan niyang kinapa ang isang maliit na pulang drum na nasa isa sa mga sulok ng banyo at malapit sa bandang pintuan. Ipinagpatuloy niya ang pagbabanlaw sa kanyang katawan gamit ang kaunting tubig na mula roon.
"Krayo..."
Agad siyang napalingon nang maulinigan niya ang pagtawag ng isang malamyos na tinig sa kanyang pangalan.
"Ky---" Hindi na niya naipagtuloy ang kanyang sasabihin nang maramdaman niya na may maligamgam na likidong tumama sa kanyang dibdib.
Sigurado siyang mula iyon sa shower kaya mabilis siyang lumayo roon. Subalit napakunot pa ang kanyang noo nang mapansin niyang malagkit at kakaiba ang amoy nito---malansa at amoy-kalawang.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang maisip niya kung ano nga ba ang likidong iyon. "Dugo? Pa'nong nagkaroon ng dugo sa shower?" buong pagtataka niyang tanong.
Kanino ang dugong lumalabas sa shower?
Bumilis ang pagtibok ng puso niya nang maisip niya ang posibleng kalagayan ng kanyang mag-iina. Mabilis niyang hinanap ang pintuan at paulit-ulit na tinangka iyong buksan.
"Kylie! Ano'ng nangyayari sa inyo?!" Buong puwersa niyang binangga ang pinto pero hindi pa rin iyon mabuksan.
"Krayo..." Sa ikalawang pagkakataon ay narinig niya ang pagbulong ng isang tinig sa kanyang pangalan kaya tuluyan nang nanaig ang takot sa buo niyang sistema.
"KRAYO!"
"KRAYO... Bakit ang tagal mong maligo?"
Tila nanumbalik ang ulirat ni Krayo nang marinig niya ang mga katagang iyon. Hindi agad siya nakapagsalita dahil nakapagtatakang nasa ilalim pa rin siya ng shower habang basang-basa ng malamig na tubig at hindi ng malagkit na dugo.
Totoo nga ba 'yong nangyari kanina? Imposible namang nakaidlip ako habang naliligo?
Kung ano-anong katanungan na naman ang nangibabaw sa isipan niya kaya muling sumakit ang kanyang ulo.
Nang marinig niya ang pagbukas ni Kylie sa pinto ay saka lamang niya naisip na patayin ang shower.
"Hon, ano'ng nangyayari sa 'yo?" usisa ng kanyang asawa nang mapansin nitong hawak niya ang kanyang ulo, "Nakainom ka na ba ng gamot mo?"
Marahan siyang umiling kaya inakay na siya nito palabas sa kanilang banyo.
"'Wag mo na uling kalimutang uminom ng mga gamot mo. Okay?" payo nito habang pinupunasan ang katawan niya ng tuwalya, "Napapadalas na 'yang pananakit ng ulo mo e'... Wala ka bang naaalalang kahit ano?"
Dapat nga ba niyang sabihin ang mga nangyari kanina? Paano niya iyon ipapaliwanag kay Kylie kung siya mismo ay hindi maintindihan ang mga totoong nangyari?
"Wala," matipid niyang sagot upang mapanatag na ang loob ng kanyang asawa.
"Okay. Basta 'pag may naalala ka na, sabihin mo agad sa 'kin nang matulungan kitang maalala 'yon nang lubusan," paliwanag pa nito.
Tumango na lamang siya at ipinagpatuloy ang pagbibihis ng kanyang mga damit-pantulog.
Sabay silang napatingin sa malaking kuna ng kanilang mga anak nang marinig nila ang pag-iyak ng mga ito.
"Hon, ako na muna ang bahala," ani Kylie at agad na nilapitan sina Kryon at Kayla.
Nang makapagbihis na ay agad ding siyang sumunod sa kanyang asawa dahil alam niyang mahihirapan na naman ito sa pagpapatulog sa kanilang mga anak.
"Tahan na mga anak. Nandito na si Daddy n'yo," pang-aalo niya sa kambal, na agad ding huminto sa pag-iyak nang sabay niyang hawakan ang kanilang mumunting mga kamay.
"Naniniwala na akong ikaw talaga ang makapagpapatahimik sa kanilang dalawa," ani Kylie saka siya inalalayan upang makarga niya si Kayla.
"Oo nga e. Nakakatuwa silang dalawa," nakangiti niyang sagot habang marahang inuugoy sa kanyang mga bisig si Kayla.
Halos limang minuto lamang niyang ginawa iyon at sinabayan pa ng pag-humming bago nakatulog nang mahimbing kanilang unica hija.
Nang mailapag niya itong muli sa kuna ay agad namang iniabot ni Kylie si Kryon sa kanyang mga bisig. Gaya ng kakambal nito, ilang minuto lamang din ay mahimbing na ang tulog nito.
Nang mailapag niyang muli si Kryon sa kuna ay mariin siyang hinalikan ng kanyang asawa. "Thank you, hon. Mahimbing na ang tulog nila."
Mahigpit pa siyang niyakap nito, "Ikaw talaga ang lagi nila hinahanap-hanap. Nakakaselos na," natatawa pa nitong sabi, na batid niyang nagtatampo.
"Selos agad?" Ihilig niya ang ulo ni Kylie sa kanyang dibdib at hinalikan ang noo nito, "'Wag kang magselos, Mommy sigurado akong mas magiging malapit sila sa 'yo 'pag lumaki na silang dalawa," paliwanag niya upang hindi na ito magtampo pa.
Ayon pa kay Kylie, kapag nasa trabaho siya ay ipinapasuot niya sa kanilang mga anak ang mga isinuot niyang damit-pantulog upang maamoy pa rin ng mga ito ang kanyang amoy.
"Gano'n talaga siguro ang mga sanggol sa kanilang ama. Hinahanap-hanap nila ang amoy mo dahil minsan ka lang nila nakakasama," paliwanag din ni Kylie.
"Siguro nga," sang-ayon niya rito.
"Kray---" Muntik ng mapasigaw si Kylie nang bigla niya itong kargahin mabuti na lamang naselyuhan na niya ang mga labi nito.
Dahan-dahan niya itong ihiniga sa kanilang kama nang makalapat pa rin ang kanilang mga labi.
"Ikaw talaga, hon. Lagi mo 'kong binibigla," natatawang sabi ni Kylie nang tigilan niya ang pagkagat-kagat sa labi nito.
"I love you so much," nakangiti niyang sabi kaya pinisil nito nang bahagya ang kanyang ilong, "Ano nga plano natin sa birthday mo?" usisa pa niya nang maalala niyang halos dalawang linggo na lang ay ika-dalawampu't anim na kaarawan na nito.
Ilang minutong natahimik si Kylie bago ito malambing na sumagot.
"Wala na akong mahihiling pa. Makasama ko lang kayo sa araw na 'yon ay ako na ang pinakamasayang tao sa buong mundo."
"Alam ko 'yon pero gusto ko sana na magsimba tayo sa araw na 'yon," mungkahi niya.
"Bakit? Sige."
"Gusto kong magpasalamat sa Diyos dahil ibinigay niya kayo sa buhay ko," seryoso niyang sabi. Sa kabila nito, isang regalo pa ang gusto niyang ibigay sa kanyang asawa sa kaarawan nito.
"Okay. Gusto ko ring magpasalamat sa Kanya dahil kinumpleto Niya ang buhay ko nang ibigay Niya kayo sa 'kin," paliwanag din ni Kylie at marahang hinaplos ang kanyang likod.
Alam niya ang ibig nitong ipahiwatig kaya muli niyang sinakop ang mga labi nito sapagkat bago pa ang araw na iyon ay isang regalo ang ipagkakaloob niya rito sa gabing iyon.
DAHAN-DAHANG pumasok si Krayo sa loob ng isang kuwarto na pinaghatiran sa kanya ni Kizzia Gale.
"Good morning po," magalang niyang pagbati nang makalapit siya sa harap ng massage bed kung saan kasalukuyang nakahiga ang bago niyang kustomer, na isang lalaki ayon kay Kizzia Gale. "Ako po si Krayo," pagpapakilala pa niya pero hindi pa rin siya inimik nito.
Naipaliwanag na sa kanya ni Kizzia Gale ang mga kailangan niyang gawing masahe kaya nang iwan siya nito ay agad niya iyong sinimulan.
Hindi naman siya nahirapan sapagkat sinusunod naman ng kanyang kustomer ang mga iniutos niyang gawin nito. Nakaramdam lamang siya ng pagkailang dahil nga hindi man lang ito nagsasalita. Sumagi pa isip niya baka bigla na lang itong magalit kapag nasaktan ito dahil sa madiin niyang pagmamasahe.
Makalipas ang halos isa't kalahating oras na pagmamasahe ay saka lamang nagsalita ang taong iyon.
"Krayo, ano ang kaya mong isakripisyo para sa asawa mo?" matalinghaga nitong tanong na nagpakunot sa kanyang noo. Naramdaman pa niyang bumangon ito sa kama kaya bahagya na siyang umatras palayo rito.
Ilang minuto siyang natahimik dahil agad niyang nakilala ang boses nito. Pilit pa niyang pinakalma ang kanyang sarili dahil ayaw niyang gumawa ng isang bagay na ikakatanggal niya sa trabaho sa oras na ireklamo siya nito.
"Sa palagay mo ba, habambuhay kang titiisin ni Kylie? Hindi mo pa siya kilala nang lubusan..."
Unti-unting nang nag-init ang kanyang ulo dahil sa mga sinabi nito. "Ano'ng ibig mong sabihin, Sir Ram?" giit niya sa mahinahon pa ring boses pero may diin ang pagkakasabi niya sa pangalan nito.
Tinawanan siya ni Ram kaya nainsulto siya. "Iiwan ka rin niya kapag napagod siya sa pag-intindi sa 'yo," sarkastiko pa nitong sabi kaya hindi na siya nakapagpigil pa.
Mabilis niyang kinuha ang kanyang tungkod at naglakad palayo roon kahit pa nahirapan siyang hanapin ang pintuan dahil sa panggigigil kay Ram.
"Kahit nga ang sarili mo, 'di mo kayang tulungang gawin ang isang simpleng bagay," natatawa pa nitong sabi bago pa siya tuluyang makalabas sa kuwartong iyon.
Makakaganti rin ako sa 'yo, Ram! sigaw ng kanyang isipan.
Muntik pa niyang masuntok ang pintuan pero napinigilan pa rin niya ang kanyang sarili. Ikinuyom na lamang niya ang mga kamao habang pinapakalma ang buo niyang sistema. Sa kabila nito, ipinangako niya sa kanyang sarili na balang araw ay magtutuos silang dalawa ni Ram. Ipapamukha niya rito na tanging siya lamang ang nag-iisang lalaking mamahalin ni Kylie hanggang sa kanilang mga huling hininga.
HINDI na ipinaalam ni Krayo sa kanyang asawa ang ginawang pang-aalipusta ni Ram dahil ayaw niyang mag-stress ito lalo na't malapit na ang ikadalawampu't anim nitong kaarawan.
Ilang araw bago sumapit ang kaarawan ni Kylie ay unti-unti at palihim na niyang ihinanda ang isang espesyal na regalo para sa kanyang asawa na isinagawa niya sa tulong nina Betchay, Anthony at iba pa niyang kasamahan sa trabaho.
"Hon, ready na ako," ni Kylie nang muli siyang lapitan nito habang nakaupo siya sa kanilang sofa.
Marahan siyang tumayo at niyakap ito nang mahigpit, "Hindi man kita nakikita ngayon, 'nakikita' naman ng puso ko na ikaw ang pinakamagandang babae sa aming mundo," malambing pa niyang sabi, "Happy twenty-sixth birthday, my one and only, Kylie Montañez - Magalona."
"Ang sweet naman ng asawa ko. Thank you so much, hon," malambing din nitong sagot saka siyang hinalikan sa mga labi.
Magkahawak kamay pa silang naglakad palabas ng kanilang bahay kung saan naghihintay ang isang kotse na inarkila ni Kylie upang ihatid sila sa simbahan ng Sta. Rosa de Lima Parish Church. Sa passenger's seat sila naupo kasama ang kanilang mga anak. Samantalang katabi naman ng driver ang katulong nilang si Betchay.
"MARAMING salamat sa pagmamahal, Krayo."
Isang mariing halik sa mga labi ang iginawad sa kanya ni Kylie nang matapos ang misang isinagawa ni Father JK.
"Ako ang dapat magpasalamat sa 'yo..." nakangiti niyang sagot at saka niya kinabig ang baywang ng nito, "Ikaw lang ang nag-iisang babae sa puso't isipan ko."
Hindi ito sumagot pa bagkus ay muli siyang hinalikan nang mariin.
"Uuwi na ba tayo?" ani Kylie nang magkalas ang kanilang mga labi.
"S'yempre hindi pa, hon."
"Saan mo gustong kumain?" tanong nito habang dahan-dahan silang naglalakad palabas ng simbahan.
"Hindi pa ako nagugutom kaya sa ibang lugar tayo pupunta?" nakangiti niyang sagot. Ito na ang tamang pagkakataon upang ipakita niya kay Kylie ang espesyal niyang regalo.
"Ano'ng ibig mong sabihin? Saan tayo pupunta ngayon?" natatawa nitong tanong.
"Mamaya mo na malalaman. Sa ngayon ay kailangan na nating bilisang sumakay sa kotse," natatawa na rin niyang sagot.
Nang makasakay na ay palihim niyang kinuha ang panyong nasa loob ng kanyang pantalon.
"S'yempre pa, kailangan muna kitang piringan..."
Naunawaan naman ni Kylie ang gusto niyang gawin kaya inilapit nito ang ulo sa kanyang harapan upang mapiringan niya ang mga mata nito.
"Okay po. Ikaw na ang bahala sa akin, hon," malambing pang sabi ng kanyang asawa.
Hindi na siya sumagot pa at sinenyasan na lamang niya si Betchay upang ipaalam sa drayber kung saan sila pupunta.
Halos kalahating oras din ang naging biyahe nila bago nakarating sa isang malaking amusement park sa kanilang bayan. Si Betchay naman ang tumulong sa kanilang maayos na pagbaba sa sasakyan at paglalakad patungo sa b****a ng lugar na iyon.
"Sir Krayo, nasa loob na po tayo," ani Betchay na hudyat upang alisin na niya ang piring ng kanyang asawa.
"Hon, sana magustuhan mo ang isa sa mga regalo ko..." aniya habang unti-unti iyong inaalis.
Hinalikan muna nito ang kanyang mga labi bago ito nagsalita, "S'yempre naman dahil hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na 'to."
"Alam kong hindi pa rin nawawala ang takot mo sa heights pero gusto kong magkasama uli nating labanan 'yon ngayon..." pauna niyang paliwanag nang maalala niyang ang panginginig ng mga kamay ni Kylie noong nagparasailing silang dalawa sa Morris Paradise.
"So, sasakyan nating lahat ng rides dito?" natatawa nitong sa kanya.
"Hindi, hon. Ang ibig kong sabihin, sasakay tayo sa ferris wheel kung saan puwede mong matanaw ang buong lugar na 'to," sagot niya.
"Sige payag ako dahil basta kasama kita, hinding-hindi ako matatakot," ani Kylie habang marahang pinipisil ang kanyang kanang palad. "Pero bago tayo pumunta ro'n, kakausapin ko muna si Betchay," paliwanag pa nito bago bumitaw sa kanyang kamay.
"Betchay, sa loob ng kotse n'yo na lang kami hintayin ng kambal. Alam mo na ang mga kailangan mong gawin at ang ayokong mangyari kaya ingatan mo sila nang mabuti a," maotoridad na bilin ni Kylie sa kanilang katulong.
"Opo. Naiintindihan ko po, Ma'm Kylie," malumanay na sagot ni Betchay. "'Wag po kayong mag-alala kasama po namin si Kuya Antonio."
"O sige, bumalik na kayo uli sa kotse."
Nang muli siyang hawakan ng kanyang asawa ay nagsimula na silang maglakad palayo roon. Habang naglalakad ay palihim pa niyang hinawakan ang isang maliit na kahong nasa loob ng kanang bulsa ng kanyang pantalon.
Itutuloy...
©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro