Prologo
Hindi maipaliwanag ni Krayo ang nararamdaman niyang kaligayahan kaya napaiyak na lamang siya habang matama niyang pinagmamasdan ang dahan-dahang paglalakad ni Kylie palapit sa kanyang kinaroroonan. Isang matingkad na ngiti pa ang namutawi sa mga labi nito habang magkatagpo ang kanilang mga mata. Ang kanilang pag-iisang dibdib sa araw na ito ang magsisilbing simula ng kanilang panibagong buhay...
"I love you, Kylie. Hinding-hindi kita iiwan," pangako pa niya nang makatabi na niya sa harap ng altar ang kanyang napakagandang mapapangasawa.
"I love you too, Krayo. Hinding-hindi rin kita iiwan hanggang sa ating huling hininga," nakangiti pa nitong sagot sa kanya.
Habang ginaganap ang kanilang kasal ay tila unti-unti nang napapawi ang mga pinagdaanan nilang paghihirap at ang ilang taon nilang pagkakalayo sa isa't isa.
"Krayo, do you take Kylie Montañez to be your lawful wedded wife to have and behold from this day on, for better or for worse, for richer or for poorer, in sickness and in health, as long as you both shall live?" tanong sa kanya ni Father Paul John Maniago, na isa sa mga malalapit nilang kaibigan na naging saksi rin sa kanilang pagmamahalan.
"Opo, Father Paul," nakangiti niyang sagot habang matamang nakatitig sa tila tsokolateng mga mata ni Kylie.
"Kylie, do you take Krayo Magalona to be your lawful wedded husband to have and behold from this day on, for better or for worse, for richer or for poorer, in sickness and in health, as long as you both shall live?"
"I do, Father Paul," buong puso rin namang sagot ni Kylie habang mahigpit na magkahawak ang kanilang mga kamay.
Mas lalo pang umigting ang kanilang kaligayahan nang sabay nilang isuot sa bawat isa ang mga singsing na simbolo ng pagsasanib ng kanilang mga puso.
"I now pronounce you husband and wife. You may kiss your bride."
Agad na itinaas ni Krayo ang belong nagkukubli sa mukha ni Kylie upang ihandog dito ang halik na tuluyang magbibigkis sa kanilang mga buhay.
"Kylie?" Subalit nanlaki ang kanyang mga mata nang mapansin niyang tila unti-unting naglalaho ang mga mata ng kanyang asawa. "Ano'ng nangyayari sa 'yo?" nag-alala niyang tanong habang hinahaplos ang mukha nito.
"Ano'ng ibig mong sabihin?" umiiyak nitong sabi dahil sa matinding takot.
"Naglalaho ang buong mukha mo," giit ni Father Paul, na agad din silang nilapitan.
"Ano?!" sigaw ni Kylie at nanlulumong napaupo sa sahig.
"Hon, hindi ko hahayaang mawala ka sa akin," giit niya habang mahigpit itong yakap.
"Bakit nangyayari 'to sa 'kin?" Umiyak na lamang ito sa kanyang bisig dahil pareho nilang hindi maipaliwanag ang mga nangyayari.
Halos lahat ng tao sa loob ng simbahan ay nagulat sa nagaganap kaya nagkagulo na rin ang mga ito at lumapit sa kanilang mag-asawa.
"'Wag mo 'kong iiwan..."
"Hinding-hin---" Mas lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakayakap kay Kylie nang mapansin niyang halos kalahati na nang katawan nito ang naglalaho.
"Kra---"
"KYLIE!"
Umalingawngaw ang bahaw na tinig ni Krayo sa buong simbahan nang tuluyan nang maglaho sa mga bisig niya ang katawan ng kanyang pinakamamahal.
Itutuloy...
©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro