Bakasyon: Dagaran

2041 Words
Dagaran // Roberto's POV Kanina ko pa siya pinagmamasdan at kanina pa ako nagtataka kung bakit siya ngumingiti sa harapan ng bagay na hawak-hawak niya. Nagpalit ako ng anyo bilang matanda saka siya nilapitan. "Kay ganda ng inyong mga ngiti," bati ko sa kanya at mukhang nagulat pa ito dahil muntik na niyang mabitawan ang kanyang hawak. "Nagulat ba kita?" "Kayo po pala yan Manong Dags," saad niya. "Kanina pa kayo?" "Hindi naman katagalan," sagot ko. "Napansin ko kasi na kanina ka pa napapangiti diyan sa hawak mo. Ano ba iyan?" Ngumiti ulit siya nang tinuro ko ang kanyang hawak-hawak. "Ito kasi ang larawan ng babaeng gustung-gusto ko." Kaya naman pala. Kakaiba talaga ang tao kapag nagmahal, ngumingiti mag-isa na parang nasisiraan ng bait. "Siguro napakaganda ng dilag na iyan kaya ganyan na lang ang iyong ngiti," puna ko pa. "Ay sinabi niyo pa!" Iniharap niya sa akin ang kanyang hawak, "tignan niyo po. Ang ganda, di po ba?" Tinitigan ko ang larawan ng babae at talagang maganda nga ito kahit hindi masyadong malinaw ang kuha. Maamo ang mukha, may kaunting katangusan ang maliit na ilong at ang mga mata nito'y kay sarap titigan. Napatingin ako sa magandang hugis ng labi nito at napaisip ako, 'ito ba 'yong hinahalikan ng mga tao?' "Walang duda," sabi ko. "Kaya pala napakasaya mo habang pinagmamasdan 'yan." "Hindi lang 'yan maganda, mabait pa," pagmamayabang pa niya. "Kaya lang hindi ko siya malapitan. Stolen shot nga lang 'to eh." "Bakit naman? Sa ganda mong lalaki, tiyak na mapapansin ka niya." "Ano kasi..." napakamot siya sa kanyang batok. "Nahihiya ako at saka natatakot din baka hindi niya ako pansinin." "Kalalaki mong tao nahihiya ka?" hindi makapaniwala kong tanong. "Kung ako lang ang may ganyang mukha, hindi ako mahihiyang lumapit sa babaeng 'yan. At saka sabi mo mabait, oh anong kinakatakot mo?" "Natatakot akong masaktan siya." Lumapit siya sa mga nakatanim na halaman. "Para kasi sa akin, isa siyang napakagandang bulaklak tulad nito," sabi pa niya habang pinagmamasdan ang pinakaborito n'yang bulaklak sa lahat. "Ayaw kong siyang pitasin kung di ko siya kayang alagan at pahalagahan." Bakit ba ganito ang mga tao? Kapag di nila makita ang taong gusto nilang mahalin, namomoblema sila. Kapag nakita naman nila ito ay namomoblema pa rin sila dahil sa iba't ibang rason. Ganito ba talaga kakumplikado ang pag-ibig sa kanila? O sadyang magulo lang sila mag-isip. "Sa tingin mo ba'y hindi mo siya kayang alagaan?" tanong ko. "Kayang-kayang ko syempre kaya lang natatakot ako baka masaktan ko lang ang katulad niya." "Kung sigurado ka sa sarili mo, dapat hindi ka nangangamba ng ganyan." Tinapik ko siya sa kanyang balikat. "Sa tingin ko natakot ka na baka ikaw ang masaktan." "Gano'n?" "Kung talagang mahal mo siya, lapitan mo siya, kaibiganin mo at saka ka magtapat sa kanya." "Mapapansin niya kaya ako?" Natawa na lang ako sa tinuran niya. Ang taong 'to, napakaduwag. "Oo naman. Basta magpakatotoo ka lang sa kanya. Ipakita mo ang totoong ikaw at tiyak kong magugustuhan ka rin niya." Napangiti siya sa sinabi ko. "Kapag nagkita kami ulit ay lalapitan ko na talaga siya." "Tiyak akong sasagutin ka niya dahil mabuti kang tao," saad ko. "Maraming salamat manong ah, nagkaroon ako ng lakas ng loob," sabi niya. "Sa totoo lang mag-iisang taon ko na siyang pinagmamasdan sa malayo. Pero ngayon lalapitan ko na talaga siya." "Walang anuman, Robert." Naglakad siya paalis sa halamanan at nagbalik din ako sa aking tunay na anyo. Lagi akong dumadalaw dito sa taniman ng mga bulaklak para makihalubilo minsan sa mga tao. Mabubuting tao ang pamilya ni Robert at marunong sila rumespeto sa mga katulad namin na hindi nila nakikita kaya minsan tinutulungan ko sila ng palihim sa pagpapatubo ng mga halaman at pangangalaga rito. Kinabukasan nagawi ako sa sakayan ng bus. May nakita akong babaeng bumababa ng bus at nakilala ko kaagad ang kanyang mukha. Kay ganda talaga niya, kaya pala ganoon na lamang ang mga ngiti ni Robert. Mabilis akong nagpalit ng anyo at si Robert ang unang pumasok sa isip ko. Nilapitan ko ang babae habang bitbit ang mga tupig. Inalok ko siyang bumili ngunit tinanggihan niya naman ito. Kaya naglakad na lang ako palayo. Nakita ko siyang sumakay ng tricycle kaya sinundan ko siya hanggang sa makarating kami sa bahay nila. Pamilyar sa 'kin ang bahay na 'to. Dito nakatira ang babaeng kinahuhumalingan ng aking kapatid na si Kulugo. Pinagmasdan ko lang siya nang biglang lumapit sa 'kin si Jolly. "Si Tita Ann!" "Kilala mo siya?" tanong ko sa kanya. "Opo. Siya ang nag-iisa kong tita," masaya niyang sabi. "Gusto ko siyang lapitan Dagaran, miss na miss ko na si tita." Nag-isip muna ako. "Sige." "Gawin mo akong tao," "Alam mong hindi yan pwede." Mukhang nalungkot siya dahil hindi na siya nagsalita ulit. "O sige na, pero saglit lang." Ginawa ko nga siyang tao ngunit natakot lang ang babae nang makita siya. Parang may mali sa mahikang nagawa ko. Naisipan kong pumasok sa kanyang kwarto habang nasa baba sila at kumakain. Inayos ko ang kanyang mga gamit at nilagay ito sa aparador na aking nilikha. Kinagabihan muntik pa siyang kunin ng mga alagad ni Kulugo. Buti na lang nandoon ako at napaalis ko ang dalawang lambana. Sa tingin ko tinatakot siya ni Kulugo at balak siya paalisin dito. Kinabukasan tinitigan ko siya habang nasa loob ako ng salamin. Repleksyon niya ang kanyang nakikita pero hindi niya alam na ako pala iyon. Nagagalak ako habang nakatitig siya sa 'kin at di ko napigilan ang aking sarili sa kindatan siya. Lahat ng pwede kong gawin ay ginawa ko para sa kanya upang matulungan siya. Nang minsang nakita ko siyang naglalakad at mukhang may problema, dinala ko siya sa taniman ng mga halaman nila Robert. Tuwang-tuwa siya nang makita niya ang naggagandahang mga halaman sa paligid. Muntik pa niyang hawakan ang paru-paru nang lapitan siya ni Jolly. Buti na lang napigilan ko ito, dahil kung sakaling nahawakan niya ito'y mamamatay ang paru-paru o baka mapahamak siya. Napapangiti pa siya habang pumipitas ng bulaklak. Tingin ko sila talaga ang nakatadhana ni Robert dahil pati bulaklak ay parehas sila ng gusto. Ngunit di maiiwasan ang pagsubok na darating. Habang nag-uusap kami sa halamanan ay dumating ang mga alagad ni Kulugo. Wala na akong ibang nagawa kundi ang patulugin si Ann at itago pansamantala sa aking silid. Kapag hahayaan ko siyang makauwi sa kanila ay susundan siya ng mga ito at tiyak kong may masama silang balak sa babae. Hindi ko rin magagamit ng buo ang aking kapangyarihan kapag katawang tao ang anyo ko. "Mahal na Prinsipe, hindi niyo dapat dinala ang babaeng 'yan dito. Alam niyo sa oras na makapasok siya rito ay hindi na siya makakalabas pa sa kaharian natin." "Ito lang ang tanging paraan para iligtas ko siya mula sa aking kapatid. Batid kong may masama silang balak kay Ann." "Ngunit Mahal na Prinsipe-" "Manahimik ka na lang Kolokoy at tulungan akong paalisin ang mga alagad ni Kulugo." "Ngunit marami ang mga alagad ni Pinunong Kulugo." "Tawagin mo ang ibang Bantay ngayon na!" "Masusunod po." Ilang oras din ang lumipas bago namin nataboy ang mga kalaban. Nasa kanlurang bahagi ang palasyo ni Kulugo habang sa akin ay nandito sa silangan. Ang Amang hari naman ay nasa hilaga. Ang iba sa kalaban namin ay namatay. Habang ang ilan sa amin ay nasugatan at isa na ako ro'n. "Dagaran, bakit may digmaang nagaganap?" biglang sumulpot si Jolly. "May balak na masama na naman ba ang grupo nila Kulugo sa mundo ng mga tao?" "Ah, wala naman. May iniligtas lang akong tao," tugon ko. Pangkaraniwan na rito ang magkaroon ng kaguluhan. Simula nang mapili ni ama si Kulugo maging pinuno ay puro kawalang hiyaan na ang ginagawa niya. Palihim niya itong pinaplano kaya hindi ito alam ng ama. Bago pa siya makagawa ng masama ay kinokontra ko na siya kaya nauuwi sa digmaan. "Sinong tao ba ang niligtas mo?" tanong pa ni Jolly. Anyong tao siya ngayon dahil nandito siya sa kaharian ngunit kapag pumunta siya sa mundo ng mga tao ay anyong paru-paru siya. Maliban na lang kung gagamitan ko siya ng mahika para maging tao pansamantala. "Si Ann," tugon ko. "Ang Tita Ann ko?" nanlaki ang kanyang mga mata. "Gusto ko siyang makita." Dinala ko siya sa aking silid at sabay kaming nagulat dahil gising na pala ito. Palakad lakad sa harap ng higaan na tila nag-iisip. "R-Roberto? Bakit napakaputi mo at parang tumangkad ka? Si Jolly ba 'yang kasama mo? B-buhay ka?" dali dali siyang yumakap sa pamangkin niya. "Bakit nandito ka? At bakit sobrang puti mo na? Hindi ka ba naaarawan dito?" "Ann, hindi na tao si Jolly." "Paanong hindi? Anong ginawa mo sa kanya?" Pinaliwanag ko sa kanya ang lahat. Ang pagkuha ni Kulugo kay Jolly at ang balak nito sa kaluluwa ng bata. Buti naabutan ko at naagaw pa. Wala na siyang buhay no'n ngunit nasalba ko naman ang kanyang kaluluwa mula kay Kulugo. "Nagpakita ako sa 'yo noong unang dating mo sa bahay. Nakatayo ako sa hagdan noon at sabik na sabik akong yakapin ka tita pero natakot ka sa 'kin." "Ikaw pala talaga 'yon? Pa'no kasi may nakita akong dalawang kamukha mo no'ng galing ako sa kwarto. Natakot ako no'n kasi bakit naging dalawa ka?" Parehas kaming nagtaka ni Jolly. "Hindi ako 'yon tita. Nasa may hagdanan lang ako." "Kung ganoon may nananakot sa 'yo Ann," sabat ko sa usapan nila. "Ha? Eh, sino naman?" "Kung makikita ko siya ay pipigilan ko siya sa kanyang masamang balak. Sa ngayon, gusto ko magpakatatag ka at wag matakot harapin anumang pagsubok na darating." "Ah okay. Ang layo ng sagot mo sa tanong ko. Teka," hinawakan niya ang aking noo. "May Sugat ka. Gagamutin ko." Kumuha siya ng panyo mula sa kanyang suot, balak niya sanang punasan ang aking noo. "Ay nawala 'yong sugat. Galing!" "Di mo na kailangan pang mag-abala Ann. Kaya namin pagalingin ang aming mga sugat sa isang kumpas lang." "Pero gusto ko rin makabawi sa ginawa mong pagtulong kay Jolly." Ngayon naiintindihan ko na kung bakit gustong-gusto ito ni Robert. Masaya kasama ang babae at busilak talaga ang kanyang puso. Kahit natatakot siya sa multo ng batang napatay ay nilakasan niya ang kanyang loob para lang makamit nito ang hustisya. Tunay ngang nararapat siya kay Robert dahil parehas silang mabubuting tao. Ngunit inaamin ko na maging ako ay nahuhulog na rin sa babae. Kaya naman hindi ko na talaga napigilan ang aking sarili nang magkausap kami sa huling pagkakataon. "Maari ba kitang halikan?" tanong ko sa kanya at hindi siya nakasagot. Pero hinalikan ko pa rin siya. Damang dama ko ang lambot at tamis ng kanyang labi. Kay sarap niyang halikan. Ganito pala ang pakiramdam kapag may kahalikan ka. Masaya, masaya at masaya. Alam kong ito na ang huling araw na makakapiling ko siya kaya sunulit ko na ang pagkakataon. Makalipas ang isang buwan nagkita ulit kami ni Robert at masaya niyang ibinalita sa 'kin ang pagmamabutihan nila ng babae. Nagpatulong pa siya kung ano ang magandang bulaklak ang magugustuhan nito kaya tinuro ko ang paborito rin niyang bulaklak. Nang araw ding iyon ay sinagot siya ng babae. Natutuwa ako habang pinagmamasdan silang dalawa. Sa wakas, nagtagpo rin ang dalawang pusong umiibig. Ngunit inaamin ko rin na nakaramdam ako ng kaunting kirot. Umaasa na lang ako na sana makatagpo rin ako ng katulad ni Ann. "Nabura mo ang kanyang alaala noong nailabas mo siya sa kaharian natin?" usisa pa ni Kolokoy nang minsang nagpapahangin ako sa harap ng aking palasyo. "Kung ganoon ay nakalimutan na niya ang nangyari sa inyo?" "Hayaan mo na 'yon Kolokoy, ang mahalaga nakaalis siya ng ligtas dito at masaya na siya ngayon." "Ngunit bakit niyo 'yon ginawa Mahal na Prinsipe?" "Alam mo naman na 'yon lang ang tanging paraan para makaalis siya ng ligtas at buo dito." "Sabagay, hindi siya makakalabas ng maayos mula sa mundo natin pabalik sa mundo nila nang hindi nahihiwalay ang kaluluwa niya sa kanyang katawan. Ang pag-iisa ng inyong mga katawan ang tanging solusyon. Ngunit paano kung may mabuo, ano ang gagawin niyo?" Humugot ako ng malalim na hininga bago sumagot, " saka ko na iisipin kapag nangyari na." ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD