Marahang iminulat ni Isabela ang kaniyang mga mata. Kumunot pa ang kaniyang noo nang bumungad sa kaniya ang kulay gray na kisame. Nagtaka siya sapagkat wala namang kisame ang kanilang bahay. Ipinaling niya ang paningin sa kanang bahagi ng kinaroroonan niya. Mas lalo siyang nagtaka sapagkat hindi naman ganito kaganda at kalawak ang kwarto niya. Nais sana niyang bumangon ngunit hindi niya magawang iangat ang sariling katawan. Nanghihina siya at pakiramdam niya ay matutumba lamang siya kung ipipilit niyang tumayo. At doon niya naalala ang huling nangyari bago siya mawalan ng malay. Nasa likod siya ng mall, at nang maghiwalay sila ng landas ni Ruel ay doon siya nakaramdam ng matinding hilo. At kung hindi siya nagkakamali ay si Uno ang huli niyang nakita bago siya mahimatay. “Kwarto niya ba i

