Chapter 4

2071 Words
Nanigas ang buong katawan ko dahil doon. Ilang segundo din ang itinagal ng pagtititigan namin ng lalaking iyon bago ako tuluyang makabawi sa sarili at makaalis sa lugar na iyon. Nagmamadali akong pumasok sa loob ng classroom at sakto din naman na dumating na ang teacher namin para sa susunod na subject namin. Nawala na din si Vernice na hindi na nakapagpaalam sa akin. Malakas ang bawat pagkabog ng dibdib ko dahil sa kaba ko sa nakita ko. Ano ba namang mga klaseng estudyante ang mga iyon? Kay babata pa nila pero nagagawa nang makipaghalikan. Ayaw unahin ang pag-aaral! At dito pa talaga nila nagawang magkalat sa school huh. Natapos ang sumunod na klase namin nang halos wala akong masyadong naunawaan dahil sa paulit-ulit na bumabalik sa isipan ko ‘yong mga bagay na nakita ko kanina na hindi ko dapat nakita. Iyon ang pinakaunang pagkakataon na nakakita ako ng naghahalikan sa personal. Sa mga palabas sa TV ko lang naman kasi iyon nakikita o ‘di kaya’y nababasa ko lang sa mga libro. Tumunog ang bell ng school, hudyat na lunch break na. Kaya naman mabilis at maingay na tumayo ang mga kaklase ko saka lumabas ng classroom. Kinuha ko ang maliit na bag ko na may lamang lunch box ko na inihanda ni Nanay kaninag umaga para sa akin, saka na din ako tuluyang lumabas ng classroom. Ang ibang mga estudyante dito sa Prime High Academy ay madalas na kumakain sa cafeteria ng school. At ang iba naman na tulad kong nagbabaon ng pagkain ay sa food court nagpupunta para doon kumain. Bawal kasi kumain sa loob ng classroom ang mga estudyante dito dahil kasama iyon sa rules ng paaralan. Magkatabi ang cafeteria at ang food court. Iyon nga lang at naka-aircon sa cafeteria, while sa food court ay nasa labas lang at nasa ilalim ng mga puno ang mga mesa at upuan. Nagtungo ako sa food court at agad naman akong kinawayan ni Vernice nang makita ako nito. “Dito, Myrtle!” nakangiting tawag nito sa akin. Ngumiti ako sa kanya saka nagmadaling lumapit. Maraming mga estudyante ang lumalapit sa kanya at bumabati sa kanya. Pero kalimitan sa mga iyon ay mga lalaki. “Nag-reserve ako ng pwesto para sa ating dalawa,” nakangiting usal niya. “Thank you!” masayang tugon ko naman saka ako naupo sa tapat niya. “Oo nga pala, saan ka ba nagpunta kanina at bigla kang nawala?” tanong niya sa akin. Sandali naman akong natigilan doon dahil agad kong naalala ‘yong nakita kong dalawang estudyante na naghahalikan kanina sa may hagdanan. “Huy, Myrtle. Okay ka lang ba?” muling tanong niya pa sa akin nang matigilan ako. “H-Huh? Ahh… k-kasi tumawag si Nanay sa akin kanina kaya… lumabas ako sandali,” nauutal na tugon ko sa kanya. “Sure ka ba na si Tita Martha ‘yong tumawag sa iyo?” Napatingin ako sa kanya. “Huh? Oo naman. Bakit? Sa tingin mo ba ay may iba pang tatawag sa akin bukod sa inyong dalawa ni Nanay?” tanong ko pabalik dito saka ko inumpisahang buksan ang lunch box ko. “Malay ko ba kung may new friends ka na, o ‘di kaya’y may nanliligaw na sa iyo,” tugo niya sa akin. “Nagpapatawa ka ba? New friends? Manliligaw? Ano ‘yon? Nakakain ba ang mga iyon?” Natawa si Vernice sa sinabi ko at maya-maya lang ay lumapit ang isang lalaki sa amin na may dalang lunch ni Vernice. “Thank you!” matamis na nakangiting balin ni Vernice sa lalaki. Nahihiyang napakamot ng ulo ang lalaki. “W-Wala iyon. Basta ikaw,” mahinang usal nito saka ito mabilis na tumalikod at nagsimula nang umalis. “Sino iyon?” nagtatakang tanong ko kay Vernice. “Classmate ko. Nakapila ako kanina sa cafeteria pero ang sabi niya ay siya na lang daw ang bibili ng lunch ko. Kaya ayun, hinayaan ko siya sa gusto niya,” tugon ni Vernice sa akin saka siya nag-umpisang kumain. Marahang napatango na lamang ako sa sinabi niya saka ako nagsimulang kumain din. Habang kumakain kaming dalawa ay panay naman ang pagbati ng mga estudyanteng napapadaan at napapapwesto malapit sa amin, kay Vernice. At ni isa man sa mga iyon ay walang bumati, ngumiti o tumingin man lang sa akin. Na para bang isa lamang akong invisible at tanging si Vernice lamang ang nakakakita sa akin. Nauna akong matapos sa pagkain kay Vernice dahil tuloy-tuloy lang naman ako sa pagkain. Habang siya ay maya’t-maya na naaabala sa pagkain dahil sa mga bumabati at kumakausap sa kanya. Niligpit ko ang lunch box ko saka ko kinuha ang libro sa maliit na bag ko at nagsimulang magbasa na muna. Isang poetry book ang binabasa ko ngayon mula sa isang sikat na manunulat. “Wait lang, Myrtle huh. Patapos na din ako,” sabi ni Vernice sa akin pagkatalikod at pagkaalis ng mga huling kumausap sa kanya. “Sige, go lang,” tugon ko naman dito nang hindi siya tinatapunan ng tingin dahil abala ang mga mata ko sa pagbabasa sa librong hawak ko. “Hi, Vernice!” “Oh, hi Levi!” Mahina akong napabuntong hininga nang marinig na may lumapit na naman kay Vernice na isang lalaki. “Patapos ka na mag-lunch? Sayang hindi ka namin naabutan.” “Ngayon pa lang kayo maglu-lunch?” “Oo eh, ngayon lang kasi natapos ang laro namin.” Nawala na sa librong binabasa ko ‘yong atensyon ko dahil mas naririnig ko ang usapan ni Vernice at ng lalaking Levi ang pangalan na lumapit sa kanya. Kaya naman marahan ko na lamang ibinaba sa tapat ng mukha ko ang librong binabasa ko at nag-angat ako ng tingin sa harapan ko. Pero agad na nanlaki ang mga mata ko nang matanaw ko ang isang grupo ng mga kalalakihan na siyang naglalakad ngayon patungo sa amin. “Mga tropa ko nga pala,” wika no’ng Levi kay Vernice saka ito bumalin sa mga lalaking nakalapit na sa amin. “Guys, this is Vernice.” Agad kong ibinalik ang libro sa tapat ng mukha ko saka ko pilit na kinalma ang puso ko. Hindi ako makapaniwala na makikita ko siya ngayong araw dito. “Hi Vernice, naikukwento ka palagi ni Levi sa amin.” “Oh, really?” “Yup, I’m Jack by the way.” “Ako naman si Owen. And this is Calix.” Sandaling tumalon ang puso ko nang marinig ko ang pangalan niya. “Hi guys, nice to meet you all,” wika ni Vernice sa kanila. Marahan ko silang sinilip sa harapan ko habang may libro pa rin sa tapat ng mukha ko. “Totoo nga ang sabi nila. You’re so gorgeous,” puri ng nagpakilalang Owen kay Vernice. “Thank you,” nangingiting tugon naman ni Vernice sa mga ito. Nakita ko si Calix na siyang nakangiti at pagkuwan ay biglang tumalon ang tingin nito sa akin. Halos sandaling hindi tumibok ang puso ko dahil doon. Agad kong itinago ang mga mata ko sa librong hawak ko na pinanghaharang ko sa mukha ko. “May kasama ka pala,” narinig kong sabi ni Calix kay Vernice. Alam na alam ko ang tinig niya kaya kahit nakapikit o kaya’y hindi nakatingin, ay alam kong siya ang nagsalita. “Oh, yes. This is Myrtle—” “Mauna na ako, may gagawin pa nga pala ako!” mabilis na putol ko kay Vernice saka ako mabilis na tumalikod at tumayo. Dinampot ko ang maliit na bag ko na pinaglalagyan ko ng lunch box ko saka ako mabilis na tumakbo palayo sa kanila. Halos hindi ko naman maramdaman ang puso ko sa sobrang lakas ng pagkabog nito. Calix John Villanueva, grade 12 HUMSS student at ang tinaguriang campus crush ng Prime High Academy. Siya lang naman ang nag-iisang lalaki na nagpapatibok ng ganito kalakas sa puso ko. Dahil isa lang din naman ako sa napakaraming estudyante na nagkakagusto sa kanya. Oo boring, bookworm at nerd akong estudyante. Pero tulad ng ibang mga babae ay marunong din naman akong magkagusto. Lalo na sa isang tulad ni Calix na halos lahat na yata ng maganda at mabuting katangian ay tinaglay. Gising na gising siguro siya noong mga panahon na nagpaulan ng kagandaang asal, katalinuhan, kagwapuhan at talento ang Diyos. Almost perfect na kasi siya. Hindi naman siya ituturing na campus crush ng Prime High Academy ng wala lang. Una kong nakita at nakilala si Calix noong grade 8 pa lamang ako at grade 9 siya noong mga panahon na iyon. “Sigurado ka bang grade 8 ka lang din? Bakit mukha kang manang?” “Manang, manang!” “Dati ka sigurong palaka noong past life mo.” Malalakas na tawanan at pang-aasar ang ibinabato sa akin ng mga kapwa estudyante ko. Hindi ko alam kung bakit ang hilig nila akong asarin at awayin sa tuwing nakikita nila ako. Hindi ko sila mga kaklase, nasa lowest section sila at sa tuwing nakikita o nakakasalubong nila ako ay walang pagkakataon na hindi nila ako iinsultuhin. Katulad ngayon na nakasalubong ko sila pagkagaling ko ng library. Niyakap ko ang mga librong hawak-hawak ko saka ako nagpatuloy sa paglalakad at pinili na huwag na lamang silang patulan. Kay lalaking mga tao pero wagas kung manlait. Nagpatuloy ako sa paglalakad palayo sa kanila pero sinusundan lamang nila ako patuloy na inaasar ako. Hanggang ang isa pa sa kanila ay nagawa akong tisudin. Nabitawan ko ang mga librong hawak ko dahil doon at nagkaroon ako ng sugat sa tuhod. Sa halip na tulungan ako at kaawaan ay malalakas na tawanan pa ang ibinato nila sa akin. Pigil-pigil ko ang mga luha ko nang mga sandaling iyon. Ayaw ko talaga sanang umiyak pero nararamdaman ko ang pagkatok ng namumuong emosyon sa akin. “Anong ginagawa ninyo? Layuan n’yo nga siya.” Isang tinig ng lalaki ang nagpaangat ng tingin sa akin. Nakita ko ang isang gwapong nilalang na siyang naglalakad papalapit sa amin. Pinulot niya isa-isa ang mga librong nabitawan ko saka siya humarap sa mga lalaking nangbu-bully sa akin. “Huwag ka ngang makialam dito. Sino ka ba? Ha?” “Huy, tara na! Kaibigan ‘yan ng pamangkin ng may-ari ng school.” “Ano?” “Tara, tara! Bilis!” Mabilis na nagsipagtakbuhan palayo ang mga lalaking nang-iinsulto sa akin hanggang sa marahan akong nilapitan ng gwapong lalaki. “Ayos ka lang ba?” marahang tanong niya na siyang nagpakabog sa dibdib ko. Tinulungan niya akong makatayo at pagkatapos ay dinala niya ako sa clinic ng school para magamot ang sugat na natamo ko. Nang matapos na malagyan ng gamot ang sugat ko ay lumabas na ako ng clinic at nagulat ako nang makitang naroroon pa rin ang gwapong lalaki na tumulong sa akin at matiyagang naghihintay sa akin. “Ito ‘yong mga libro mo,” nakangiting sabi niya pagkatapos niyang lumapit sa akin. Kinuha ko ang mga libro ko sa kanya at hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Ni hindi ko magawang makapagpasalamat dahil parang napipi ako bigla sa harapan niya. “Sa susunod ay huwag ka nang papayag na aapihin ka pa nila ulit ng ganoon,” bilin niya pa sa akin saka siya tuluyang nagpaalam. At pagkatapos nga ng araw na iyon ay hindi na siya nawala pa sa isipan ko. Mula noon ay lihim ko na siyang sinusundan at pinagmamasdan sa malayo. Hanggang sa nalaman ko na nga kung ano ang pangalan niya at ang ilang mga maliit na bagay tungkol sa kanya. Iyon ang unang beses na tumibok ng malakas at ng kakaiba ang puso ko. At sa pagkakataon na iyon ay alam kong nabihag na niya ang puso ko. Gusto ko si Calix pero wala akong confident para harapin siya. Kaya naman sa tuwing may mga pagkakataon na makaka-engkwentro ko siya ay umiiwas at lumalayo kaagad ako. Gusto ko siya pero kuntento na ako sa pasulyap-sulyap lamang sa kanya. Nagpatuloy ako sa pagtakbo patungo sa classroom nang bigla naman akong may mabangga na isang malaking bulto. Tumama ang noo ko sa malapad at matigas nitong dibdib. “Are you blind or what?” nahimigan ko ng pagkainis ang tinig ng taong nabangga ko. Marahan akong nag-angat ng tingin sa kanya habang inaayos ko ang suot kong salamin. “Sorry—” Hihingi sana ako ng paumanhin sa kanya pero natigilan ako nang makita kung sino siya. Shocks. Siya na naman?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD