Kumunot ang noo niya nang mag-angat ako ng tingin sa kanya at magsalubong ang mga tingin namin. Hindi tulad kanina ay wala na siyang suot na sunglasses ngayon. Kaya naman kitang-kita na ang magaganda niyang kulay tsokolate na mga mata. Na kapag tinitigan mo ay para ka talagang mahi-hypnotize. Kaya naman bago niya pa ulit ako mabiktima ay kaagad na akong lumayo at nag-iwas ng tingin sa kanya.
“You again?” tanong niya sa akin.
“S-Sorry,” paghingi ko ng paumanhin habang nag-iiwas ng tingin dahil sa hindi ko sinasadyang pagbangga sa kanya. Mabilis akong humakbang paalis na sana sa harapan niya nang bigla naman niya akong pinigilan.
“Wait,” malamig na wika niya at kusa namang huminto ang mga paa ko sa paglakad dahil doon. Marahan akong humarap sa kanya ngunit ang mga mata ay pilit na iniiwas na tumitig sa kanya.
“H-Huh?”
Humakbang siya ng isang hakbang papalapit sa akin. Napansin at naramdaman ko naman ang pagtingin at ang pagtigil ng ibang mga estudyante na nasa paligid namin. Tila masugid nila kaming pinanonood na dalawa at nakaramdam ako ng pagkailang dahil doon. Nagulat pa ako nang bigla niyang isa-isang tinanggal ang butones ng suot niyang school uniform vest at kuhain ang kamay ko para ilagay iyon doon. Literal na nanlaki ang mga mata ko nang hawakan niya ako sa palapulsuhan upang iabot sa akin ang vest niya.
Pakiramdam ko ay nagkanda buhol-buhol ang dila ko at hindi ko malaman ang sasabihin sa kanya. Kung tatanungin ko ba siya kung bakit niya ginawa iyon o kung tatanungin ko siya kung anong gagawin ko sa vest niya.
At ang sumunod niyang ginawa ang siyang nagpanigas naman sa akin. Mas lumapit pa siya hanggang sa itinapat niya ang sarili sa tapat ng tainga ko.
“Ibalik mo sa akin kapag nalinis mo na,” saad niya kasabay ng paglayo at pagngisi niya.
“H-Huh? T-Teka… b-bakit—”
“Labhan mo at ibalik mo sa akin ng malinis at maayos,” mabilis niyang putol sa akin.
“Huh?!” hindi ko makapaniwalang tanong sa kanya. Tama ba ako ng narinig? Pinapalabhan niya sa akin ang vest niya? Pero bakit?!
“Nadumihan mo,” simpleng tugon niya pa sa akin na mas lalong ikinabilog ng mga mata ko. Agad kong tiningnan ng maayos at sinuri ang vest niya hanggang sa makita ko ang isang pulang mantsa doon. Na para bang nagmula iyon sa lipstick ng isang babae.
Saan nanggaling ito?! Paano ko siya nadumihan ng ganito eh wala naman akong kahit na anong lip gloss o lipstick na inilalagay sa mga labi ko. Saka… nabangga ko siya at hindi ko naman siya kiniss!
Gulat akong nag-angat ng tingin sa kanya. “S-Sandali. Hindi ako ang may gawa—” Natigilan ako nang sa pag-angat ko ng tingin ay nawala na ito sa harapan ko at sa halip ay prente na itong naglalakad palayo sa akin. Gusto ko sana siyang habulin at tanungin pero parang bigla na lang napako at nanigas ang mga paa ko sa kinatatayuan ko. Dahilan upang hindi ko magawang makakilos kaagad. Kaya naman sa huli ay wala akong nagawa kung ‘di ang pagmasdan na lamang ito na unti-unting lumalayo sa akin.
Ibang klase! Ngayon lang ako naka-encounter ng ganoong klaseng tao. Anong problema niya? Bakit niya sa akin pinapalabhan ito eh hindi naman ako ang may kasalanan kung bakit may mantsa ito ng ganito.
Narinig ko ang mahihinang ingay sa paligid ko at nang lingonin ko ang mga estudyante sa paligid ko ay nakatingin sa akin ang mga ito na tila ba pinagbubulungan at pinag-uusapan nila ako. Ang ibang babae pa ay masama at matalim akong tiningnan na siyang hindi ko lubusang maunawaan kung bakit.
Ano bang problema ng mga ito? Ano bang nangyayari sa earth?
Ilang sandali pa nang biglang tumunog ang bell ng school, hudyat na natapos na ang one-hour lunch break kaya kahit na gusto kong habulin ang gwapong weirdo na lalaki na iyon ay wala na akong ibang nagawa pa kung ‘di ang bumalik na lamang ng mabilis sa classroom.
Mabuti naman at saktong naunahan ko pa sa pagdating sa classroom ang susunod na teacher namin para sa susunod na subject namin. At aaminin kong dahil sa gwapong weirdo na lalaki na iyon ay hindi ako masyadong nakapakinig sa klase niya. Panaka-naka kasing pumapasok sa isip ko ang ginawa niya kanina. Ang mga pagtatagpo namin at ang mga magaganda niyang mga mata. Ang magaganda niyang mga mata na kapag tinitigan mo ay tiyak na mapupunta ka sa kawalan. Na para bang wala kang ibang makikita kung ‘di ang mga mata na lamang niya.
Marahan kong iwinasiwas ang aking ulo upang mawala sa isipan ko ang mga bagay na tungkol sa kanya. Bakit ba ako humaling na humaling sa kanyang mga tsokolateng mga mata. Gwapo nga siya pero ang weirdo naman niya. Imagine? Palalabhan niya sa akin ang vest niya na hindi naman ako ang may gawa kung bakit iyon nadumihan.
Nilingon ko ang vest niya na nakapatong sa ibabaw ng bag ko sa tabi ko. Dahil dito ay amoy na amoy ko ang pabangong gamit niya. Pakiramdam ko ay nasa paligid ko lamang siya. Pakiramdam ko ay malapit lang siya sa akin.
Nagpaalam na sa amin ang guro namin nang matapos ang oras ng klase namin sa kanya. Pagkalabas nito ay agad namang umingay ang buong classroom na para bang ngayon lamang sila naging malaya sa pagkilos at pagsasalita.
May susunod pa kaming subject at habang naghihintay ay tamad kong kinuha ang isa sa mga libro ko at binuksan ang mga pahina no’n. Maingay ang mga kaklase ko dahil sa kanya-kanyang pagkukwentuhan ng mga ito. At ako? Sanay naman na ako na mag-isa at walang kausap maliban lamang noon na kasama at kaklase ko si Vernice. At sa tuwing walang kumakausap sa akin ay ang mga libro ko na lamang ang pinagtutuunan ko ng pansin.
Siguro, iyon din ang naging dahilan kung bakit mas nahilig ako sa pagbabasa ng mga libro. Dahil wala naman kasi ang may gustong makipag-usap sa akin kaya upang malibang ako ay nagbabasa na lamang ako. Malungkot noong una pero ngayon ay sanay na sanay na ako at mas gugustuhin ko na lang talaga na magbasa kaysa makipag-usap sa iba.
“Dalian mo baka bumalik na siya!”
“Sandali, lagyan mo pa dali.”
Napaangat ako ng tingin sa dalawang lalaki na nasa unahan ko. Naglalagay sila ng glue sa isang papel at pagkatapos ay ipinapahid nila iyon ng patago at palihim sa upuan na nasa tapat ko.
“Nandyan na siya! Nandyan na siya! Dali!” sigaw pa ng isang lalaki at pagkuwan ay natataranta silang bumalik sa kani-kanilang upuan at pwesto nila. Magkatabi ang dalawa na naupo sa dalawang upuan na nasa gilid ko. Sa tapat ng bakanteng upuan sa tabi ko. Palihim silang natatawa at pinagmamasdan ang isang babae na siyang naglalakad patungo sa upuan na nakita kong nilagyan nila ng glue.
Umawang ang mga labi ko nang akmang uupo doon ang babae na walang kaalam-alam sa inilagay ng dalawang lalaki sa upuan niya. At bago pa man ito makaupo ng tagumpay doon ay agad ko itong inawat.
“Sandali!” Napalakas yata ang boses ko dahil maging ang iba naming mga kaklase ay naagaw ko ang atensyon.
Walang buhay akong nilingon ng babae. Tila naghihintay ng paliwanag ko sa ginawa kong pagsigaw sa kanya. Marahan kong nilingon ang dalawang lalaki na nakatingin na din ngayon sa akin. Tingin na tila may pagbabanta. Napalunok ako. Hindi na dapat ako nakialam pero kawawa naman kasi ang babae kung madudumihan ang palda niya. Ah bahala na!
Tumayo ako at lumapit ako sa babae saka mahinang bumulong sa kanya, “Bago ka umupo, punasan mo muna ang upuan mo,” saad ko saka ko siya inabutan ng wipes at tissue.
“At bakit ko naman gagawin iyon?” taas kilay nitong tanong sa akin.
“Uhm… k-kasi… uhm…” Hindi ko masabi sa kanya ang tunay na dahilan dahil nararamdaman ko ang pagbabantay ng mga tingin sa akin ng dalawang lalaki na siyang naglagay ng glue sa upuan ng babae.
“Tabi nga,” maarteng taboy sa akin ng babae kasabay ng pagbabalik niya sa kamay ko nang wipes at tissue na inabot ko sa kanya kanina, at nang akmang uupo na siya ay mabilis ko siyang pinigilan muli.
“Huwag!” Saka ko sabay punas ko ng wipes at tissue sa upuan niya. Narinig ko ang pagsinghap niya at naramdaman ko ang pagkamangha niya nang makita ang malagkit na glue na siyang bahagyang hirap kong pinupunasan dahil natutuyo at madikit na ito.
Nang matapos ako sa ginawa ay napayuko na lamang ako at saka ito tinalikuran. Hindi ko alam kung bakit hindi ko mapigilan ang pagiging concern citizen ko sa iba kahit pa madalas ay hindi naman nila ako tinatrato ng ayos dahil sa pisikal na itsura ko. Sino ba naman kasi ang gaganahan na makipagkaibigan at makipag-usap sa isang nerd, boring at manang na katulad ko?
Nagpunta ako sa may sulok sa likuran ng classroom para itapon ang gamit na wipes at tissue sa basurahan. Pagharap ko ay nagulat ako dahil nasa harapan ko na ngayon ang dalawang lalaki na naglagay ng glue sa upuan ng kaklase naming babae.
“Ang KJ mo naman. Bakit kailangan mong makialam sa trip namin?” nakangising tanong sa akin ng isang lalaki.
Napalunok ako. Ito na nga ba ang sinasabi ko.
“Baka gusto niya sa kanya natin gawin iyon?” saad naman ng isa.
Lumawak ang ngisi ng isang lalaki. “Ayaw ko nga. Sino ba siya para pag-aksayahan natin ng panahon?” tugon ng lalaki saka ito muling bumalin sa akin. Tinulak ako nito sa isang balikat ko. “Hoy, nerd. Isa pang makialam ka sa amin, may kalalagyan ka na. Naiintindihan mo ba?” pagbabanta nito sa akin.
Hirap akong napalunok at nang akmang marahan na tatango na sana ako ay nagulat ako nang biglang may lumipad na notebook mula sa kung saan at nasapul no’n ang ulo ng lalaki. Dahilan upang mapangiwi ito at halos matumba.
“Oh s**t!” mura nito.
“Sabi na nag-uumpisa ka na naman na papansin ka.” Napalingon kami sa babaeng pagti-tripan sana nila kanina.
“Ikaw! Nakakasakit ka na talaga!” reklamo ng lalaking binato niya.
“Talagang masasaktan ka sa akin,” ani ng babae saka ito lumingon sa isa pang lalaki. “At ikaw? Gusto mo din masaktan?” mataray na tanong ng babae saka niya akmang hahampasin ng hawak nitong makapal na libro ang lalaki pero mabilis na umiwas ang lalaki.
“Sandali, Kiara! Ito naman hindi na mabiro! Si Diego nakaisip no’n eh!” wika ng lalaki.
“Aba at nanlaglag ka pang gago ka,” inis na sabi naman ng lalaking Diego ang pangalan.
“Sabi ko kasi sa iyo kung naglagay na lang tayo ng butiki sa loob ng bag niya, eh ‘di nakaganti tayo ng malala—” sabi ng isang lalaki ngunit hindi na nito naituloy ang sinasabi dahil hinampas na ito ng malakas ng babaeng Kiara ang pangalan.
“Aray! Si Diego lang dapat ginugulpi mo eh!” reklamo nito.
“Ba’t ako lang?! Aray! Tama na, Kiara, hindi mo naman naupuan eh!” ani Diego.
“Mga loko-loko kayo. Gusto niyo talagang nasasaktan huh,” sabi naman ni Kiara habang pinaghahamapas ang dalawang lalaki.
At napatulala na lamang ako sa harapan nila habang pinagmamasdan silang tatlo na nagkukulitan at naggugulpihan. Sa nakikita ko, mukha naman silang magkakaibigan talaga na siyang nag-aasaran at nagti-tripan lamang.
Napayuko ako at lihim na napangiti. Si Vernice lang naman kasi ang kaibigan ko at hindi kami ganito magbiruan ni Vernice. Kaya hindi ko alam na may mga ganito palang klase ng pagkakaibigan. Humakbang ako palayo sa kanila na ngayon ay masaya nang nagkukulitan. Pero agad din akong natigilan nang awatin ako ng babae.
“Sandali.” Marahan akong lumingon sa kanila. Humakbang siya papalapit sa akin saka niya tiningnan ang suot kong I.D at binasa ang pangalan ko doon. “Myrtle Grace Nievez,” nag-angat siya ng tingin sa akin saka marahan na ngumiti at naglahad ng kamay sa akin na siyang ikinabilog ng mga mata ko. “Ako si Kiara Davis,” pagpapakilala niya ng pormal sa akin.
Nalilito man ay inabot ko na lamang ang kamay ko sa kanya at nakipagkamay. Mas lalong lumapad ang ngiti sa akin ng babae. Isang ngiti na para bang nakikipagkaibigan ito sa akin.