CHAPTER 13

2969 Words
KASALUKUYAN AKONG NAKASAKAY sa magarang sasakyan ni Ser Judas, nanlalamig ang aking mga kamay at hindi halos mapakali. Patungo kami sa ospital kung saan nakalagak si Derreck. Kahit mahigpit ang pagtutol ng mga magulang ng binata o paniwalain ang sariling hindi na tutuparin ng kasintahan ang kaniyang mga ipinangako’y mayroon pa ring natitirang pag-asa sa pusong makakasama ko si Derreck sa mga susunod na panahon. “Ready ka na Zarina?” naputol ang malalim na iniisip sa tanong ni Ser Judas. Hindi ko man lamang namalayang matagal na palang nakahinto sa paradahan ang kinalululanang sasakyan. “O-opo.” “Ihahatid kita malapit sa kuwarto ni Derreck ngunit kailangang ako muna ang mauna para makasiguro tayong wala roon sina Tita Marian.” Magkasabay kaming tumungo sa pasilyo subalit bago lumapit ay naunang humakbang ang lalaki hanggang sa mapatapat sa malaking salamin na nagsisilbing dibisyon sa inuukopang silid ni Derreck. Nakamasid lamang sa binata ngunit mapapansing nagbago ang ekspresiyon ni Ser Judas, tila hindi malaman ang kaniyang sasabihin habang patuloy na nakamasid sa kuwarto ng kaibigan. “Maari na po ba akong makapasok sa loob?” anas ko. “Ah, k-kasi Zarina mayroon pa yatang ginagawa si Derreck. Isa pa, masyado yata tayong napaaga sa---“ “Gusto ko po sanang ilagay muna sa mesita niya ang mga pinamili kong prutas.” bahagyang itinaas ang basket na dala upang ipaalala sa binatang bumili ako gamit ang unang sweldo para kahit paano’y mayroong maipasalubong sa nobyo. “K-kasi—“ anito ngunit hindi malaman ang kakaibang ikinikilos. Tagusan ang aking mga titig dahil bigla ang bumundol na kaba sa dibdib rason upang hindi na makakibo si Ser Judas sapagkat ako mismo ang lumapit mula sa kinatatayuan nito. Nais pa sanang pigilan ng binata ngunit hindi niya nagawan ng paraan dahil tuluyan kong nasaksihan ang mga pangyayari sa loob ng silid. Hindi halos makahinga sa dumapong panibugho sa puso lalo’t namasdan ang pagkakamabutihan ni Derreck at Shantal, mukhang masaya ang binata habang sinusubuan ng dalaga dahilan upang kusang tumulo ang namumuong luha sa’king mga mata. Mahigpit ang pagkakahawak sa basket ng prutas animo doon kumukuha ng lakas dahil sa mga nasaksihan, hanggang sa nagpasiya na lamang akong talikuran ang nakamamatay na tagpo. Iwinawaglit ang nararamdamang bigat sa puso saka pilit na ngumiti nang mapansing nakatingin lamang si Ser Judas sa gawi ko tila mababakas ang awa sa kaniyang mga mata. “S-sorry, Zarina. W-wala akong masabi para gumaan ‘yang nararamdaman mo.” “A-ayos lamang po ako. Umuwi na po tayo, Ser Judas.” “P-Pero—“ “Salamat po sa pagpapatuloy sa’kin ng halos isang buwan sa pamamahay niyo.” Diretso ang aking tingin sa pasilyo at basta nalamang inilapag sa gilid ng pintuan ang mga dalang prutas, bago tuluyang lumayo. Samantala, tahimik lamang na nakasunod ang lalaki animo tinitimbang ang aking mga kilos. Sa mga oras na iyon ay, walang kahit anong salita ang maaaring makapagpagaan ng dinadalang bigat sa dibdib at ang tanging papawi lamang no’n ay ang mismong gumawa niyon, subalit malabong mangyari ang bagay na iniisip dahil simula sa araw na ito ay tuluyan ko nang pinuputol ang ano mang kaugnayan sa binata. “Zarina, gusto mong kumain muna bago umuwi sa bahay?” alok ni Ser Judas ngunit hindi ko magawang sumagot dahil baka bigla na lamang humagulgol sa harap ng binata. Nang hindi kumibo’y tila naintindihan ng lalaki ang kasalukuyang pinagdadaanan kaya’t hindi na kinulit pa maging nang makauwi sa pamamahay nito. Nagpasiya rin akong bumukod ng matutuluyan sapagkat hindi magandang tignan lalo’t kaibigan ni Derreck ang binata. Hindi malayong magkaroon nang komplikasyon sa pagitan ng dalawa kung patuloy akong makikipisan sa lugar ni Ser Judas. Matapos ang nakitang tagpo ay hindi na nagpatumpik-tumpik sa pagsasabi sa binata nang nabuong pasiya. Hindi pa man inabot ng umaga’y nagsabi na ritong mayroon akong nahanap na mauupahan malapit sa bar kahit ang totoo’y ngayon pa lamang magtatanung-tanong sa mga kasamahan sa trabaho. Noong una’y tumutol ang lalaki subalit dahil sa pamimilit ko ay napapayag na umalis sa poder nito. “Maari ka namang manatili sa unit kahit kailan mo gusto, pero hindi kita mapipigilan sa kung anong tingin mo makabubuti sa’yo, Zarina. Kung kailangan mo ng tulong, kontakin mo ‘ko rito…” ani Judas habang iniaabot ang isang kapirasong papel. “Maraming salamat, Ser Judas. Huwag po kayong mag-aalala, kapag nagkaroon ako ng libreng oras ay dadalaw po ako sa inyo.” Ngumiti lamang bilang tugon ang binata, bago ako tuluyang lumayo kipkip ang iilang mga gamit. Hinatid nito malapit sa bar subalit kahit anong pamimilit ay hindi sinabi sa lalaki kung saan mismo nagtatrabaho upang sa gayon ay hindi na magkaroon ng kahit anong koneksiyon sa sino mang kakilala ni Derreck. Mabuti na rin ang ganoong hakbang para tuluyang makalimot sa binatang nagkaroon ng malaking tipak sa’king batang puso. HALOS NAKASANAYAN KO NA ANG trabahong nakatoka sa bar, maging ang mabuting pakikisama sa mga katrabaho. Paminsan-minsan ay nagagawi si Apple at Aubrey sa puwesto upang kumustahin ako ngunit sandaling oras lamang dahil masyadong mahigpit si Madam Lolly. Tanging si Honey lamang ang binibigyan ng kalayaang maglamyerda sa malalayong lugar dahil bukod sa paborito ang dalaga’y malaking pera ang nakukulimbat ng huli sa mga regular na parokyano. “Zarina, kunin mo nga muna ang mga order ng table number 8.” tawag ni Madame Butch mula sa bintanang nakapagitan sa kusina at harapang espasyo kung saan nakasalansan ang mga alak. Natigilan sa mga ginagawa at nagmamadaling sinunod ang amo’. Pinalitan kaagad ni Ciara sa gawain habang kinuha ko naman ang menu sa gilid. “Madame’, papunta na po ako.” Bahagyang tumango ang tagapahamala, kalauna’y maliksing tumungo sa mesang aasistehan subalit malayo pa lamang ay halos ayoko nang ihakbang ang mga paa malapit sa taong nakapuwesto roon. ‘Kailangan mong gampanan ang trabaho mo, Zarina’ Malalim na bumuntong-hininga bago naglakas-loob na lumapit sa kumpol ng mga kalalakihang nakaupo sa harap ng ekslusibong mesa. Natigilan ang isa sa mga pamilyar na mukha maging ang mga kasamahan nito lalo ang pinaka-iiwasang tao sa mga buwang nagdaan. Hindi na mababakas ang ano mang sugat o pasa sa mukha ng lalaki ngunit ang iniwan niyang pilat sa puso ay hindi na yata maghihilom. Tumikhim ang isa sa mga kaibigan ng binata at halatang ginawa niya lamang iyon upang mabawasan ang tensiyong nabuo nang magsalubong aming mga paningin. “Hi Zarina, tagal nating hindi nagkita, ah? Dito ka pala nagtatrabaho?” anas ni Ser Andrew na kasama sa umpukan habang si Derreck ay nanatiling walang kibo mula sa kaniyang inuupuan. “Opo, Ser. Ano pong order ninyo?” Ayokong palawigin ang usapan lalo’t hindi komportableng nakikita ang dating kasintahan. Hindi ko rin maintindihan kung bakit patuloy na dumadayo ang mga ganitong de-kalibreng mga negosyante sa mga maliliit na bar. Mukhang katuwaan lamang nila ang ganitong gawain, tulad nang kung paano niya pinaniwala sa salitang “pag-ibig” para makuha ang gusto o mairaos ang tawag ng laman. “Lahat ng masasarap na pulutan ninyo saka tatlong bucket muna ng alak.” sabad ni Ser Xavier. Sinuntok lamang sa balikat ang binata ni Ser Troy sapagkat mababakas ang kalokohan sa tonong ginamit ng huli. “Iyon lamang po ba? Wala na po kayong idadagdag?” kaswal na saad sa grupo nang hindi tumitingin sa gawi ni Derreck. “Pareng Derreck, baka ikaw may idadadagdag ka pa? Sabihin mo na kay Zarina para maibigay na niya!” nakakalokong saad ni Ser Xavier. Dili kumibo si Derreck at seryosong tumingin sa gawi ko ngunit dagliang iniwas ang paningin dito sapagkat hindi ko matagalan ang kaniyang nakapangnunuot na klase ng tingin. ‘Ikaw pa ang may ganang magalit sa’ting dalawa?’ Hindi ko mapigilang magpuyos ang damdamin dahil sa tila pagpapakita nang binata ng kaniyang aroganteng ekspresyon na parang ako ang mayroong malaking atraso sa’ming dalawa. “That’s enough for now.” matipid na sagot ng binata. Hindi na lamang kumibo at basta nilisan ang kanilang puwesto upang sa gayon ay matapos na’ng interaksiyon sa mga kalalakihan partikular kay Derreck. Nang makabalik sa kusina’y hindi malaman ang mga kakaibang kilig sa mukha ng ilang kasamahan maging si Madame Butch na halos hindi maipinta ang pagkinang ng mga matang napapalibutan ng makapal na kolorete. “Ciara, makikisuyo naman sa mga order sa otso.” pabalewalang saad sa katrabaho. Wala pa sa alas-kuwatrong kumilos ng mayroong pagmamadali ang babae na parang atat na atat na makasilay sa mga kostumer sa nasabing mesa. “Zarina, ang jackpot mo naman. Ako na kaya ang magdala ng mga order?” “Oo ba!” “Talaga?” Mabuti ring hindi na magkaroon ng pagkakataong makasalamuha ang mga ito, dahil patuloy lamang nagpapaalala ng sakit na nararanasan kung makita ang binata. Tahimik kong ipinasa kay Ciara ang naturang tray na hawak saka dumiretso sa loob ng kusina. Ilang minuto ang nakalipas nang muling bumalik ang babae, mahahalata ang kasiyahan sa kaniyang mukha nang ilapag sa harap ko ang dalang tray kanina. “Grabe, Zarina! Lahat yata ng mga nasa table number 08, gising na gising noong nagsabog ng kagwapuhan sa mundo.” anito. Bahagyang ngumiti bilang tugon ngunit nanatiling walang kibo sa mga papuring naririnig mula rito. Ayokong aminin sa sariling kahit ilang buwan nang nakalipas ay ganoon pa rin kalakas ang epekto ni Derreck sa puso ko. Sinong makalilimot sa lalaking kumuha ng puri mo? Lalaking nanakit sa puso mo? “Hoy, Zarina! Kanina pa ‘ko tanong nang tanong sa’yo, ni hindi ka kumikibo.” “B-Bakit?” “Wala naman, napansin ko lamang na panay ang lingon ni gwapo rito.” saad ni Ciara. “S-Sinong gwapo?” “Nakasuot ng kulay pulang v-neck fitted shirt.” “Wala akong ideya, Ciara. Magtrabaho na lamang tayo dahil baka makita tayo ni Madame Butch.” Umirap lamang ang babae saka napangiti bago muling bumalik sa kaniyang puwesto. Palihim akong tumingin sa gawi ng mga kagrupo ni Derreck at muntik ikatalon ng puso ang pagtayo ng binata mula sa kinauupuan animo papalapit sa entrada kung saan nakasalansan ang mga alak. Naroroon din ang bartender kaya’t bahagyang nakampante dahil hindi naman ako ang mag-aasiste sa kaniya. Umupo ang lalaki sa harapan ng katrabaho kung saan siya mismong nagtitimpla ng iba’t-ibang klaseng inumin para isilbi sa mga kustomer. “Give me some scotch please?” anang binata gamit ang baritonong boses. Pilit kong iniiwas ang mga mata sa binata ngunit talagang nananadya ang pagkakataon ng tawagin ni Berto malapit sa mga alak. “Zarina, makikisuyo naman sa mga baso. Ikaw muna ang magpunas sandali dahil tinatawag ako ni Madame Butch.” “Ha? S-sige.” Tahimik akong dumiretso sa gilid upang asikasuhin ang mga basong nakasalansan sa tray. Hindi mapigilan ang mabilis na pagkabog ng dibdib dahil damang-dama ang kaniyang mga matang nagmamasid sa’king bawat galaw. ‘Di mawari kung anong dapat ilarawan sa ganitong klaseng senaryo ngunit pilit kong isinasantabi ang kung ano mang emosyon sa mga oras na iyon. “Mukhang sanay na sanay ka na sa trabaho mo,” saad nito kapagkadaka. Hindi ko namalayang lumapit ang lalaki sa harapan habang pinaglalaruan ang inumin nito. Di siya diretsong nakatingin sa gawi ko, imbis ay nasa mismong alak. “Opo Ser.” “Bakit ka umalis sa mansiyon?” Katahimikan ang namayani sapagkat ayokong sumambulat ang hinanakit na naipon sa puso dahil sa maikling tanong ng binata. “Gaano na ba kahirap sagutin ang tanong ko, Zarina? Hindi mo man lamang ako hinintay na gumaling at basta ka na lamang lumayo?” Hindi ko na matagalan ang mga paratang na nanggagaling sa binata subalit pilit kong kinakagat ang dila upang hindi umiimik. “Malapit na ‘kong maniwala kina mama’ at papa na pera ko lamang ang habol mo. Ikaw ang una kong hinanap nang magsing ako, pero hindi kita namulatan sa ospital dahil sumama ka sa kaibigan ko. Nakakagago lamang na ang bilis mong magpalit dahil ba iniisip mong baka hindi na ‘ko magising ha, Zarina?” anito bago inisang lagok ang alak ngunit nanatiling nakaupo ang binata sa harapan at sadyang napapitlag ako matapos padarag na ilapag ang nasimot na baso. “Bakit hindi ka magsalita?” “Wala akong dapat ipaliwanag.” “Dammit! Sumama ka sa hudas na ‘yon at nagsama kayo ng halos isang buwan. Pucha! Zarina! Anong tingin mo sa’kin, manhid, ha? Nanginginig ang aking mga kamay sa galit na kinikimkim dahil sa mga maling paratang ng lalaki laban sa’kin. ‘Di ko alam kung saan o paano sisimulan ang mga salitang nais ibato kay Derreck ngunit naumid yata ang dila maging hanggang sa nadulas na lamang sa kamay ang pinupunasang baso, kung kaya’t nakalikha ng ingay dahil sa mga nagkalansingang inumin na tulad nito. “Zarina, anong problema?” saad ng kasamahan na kababalik lamang sa kaniyang puwesto. “W-wala, Berto. Itong mga ibang inuman, tapos ko nang punasan.” anas ko saka nagmamadaling ibinigay sa lalaki ang nahulog na baso, kalauna’y mabilis na pumasok sa kusina upang tuluyang maputol ang interaksiyon sa binata. Matapos ang nangyaring insidente’y ipinagpasalamat na hindi na inutusan ni Madame Butch na lumabas pa sa loob ng kusina rason upang ‘di na magkaroon ng interaksiyon sa grupo ni Derreck. Ayoko rin namang maulit ang pakiramdam matapos makita ang kakaibang galit sa kaniyang mga mata na parang ako talaga ang mayroong kasalanan kahit alam sa sariling siya mismo ang dapat makaramdam ng ganoong emosyon sa mga nasaksihan sa ospital. Lumipas ang mga oras hanggang matapos ang oras sa pagtatrabaho ngunit parang mas nais na lamang manatili muna sa bar ngunit baka magtaka ang mga kasamahan kung sasabihin ang ganoong rason kaya’t napilitan akong magpaalam kay Madame Butch. “Zarina, tumungo ka rito nang maaga dahil maraming mga gawain bukas dahil sa promo natin.” “O-opo, Madame Butch.” “Ingat.” Matapos marinig ang pamamaalam ng amo ay nagmamadali akong dumiretso palabas ng bar at hindi na nagmasid sa mga kostumer nang sa gayon ay hindi na mabagabag kung naroroon pa ang mga kalalakihang iniiwasan partikular sa dating kasintahan. Doon lamang ako nakahinga ng maluwag matapos makaalpas sa pinagtatrabahuhan saka gumilid sa kalsada at mabilis sumuot sa madilim na eskinita patungo sa inuupahang maliit na espasyo. Napili ang naturang tinutuluyan sapagkat malapit lamang sa mismong bar, tipid at hindi komplikado ngunit ang tanging hindi lamang sang-ayon ay pagiging delikado nito sapagkat mayroong kadiliman sa lugar na madalas pinagyayarihan ng nakawan o krimen. Paling-linga sa paligid nang matigilan dahil mayroong humarang sa daraanan ko kaya’t hindi maiwasang kabahan sapagkat napansing tanging kami na lamang ang naroroon sa makipot na eskinita. “Makikiraan po…” nanginginig na saad sa lalaking nakayuko ngunit imbis na tumabi’y mabilis nitong hinablot ang aking palapulsuhan na naging dahilan upang makaramdam ng kakaibang takot sa estranghero. “B-bitawan mo ko!” “Damn you for making me feel miserable, Zarina!” “D-Derreck?” Naaninag ang kaniyang madilim na mukha matapos tamaan ng nakasungaw na liwanag galing sa poste malapit sa entrada ng eskinita. “Si Judas ba ang inaasahan mong susunod sa’yo rito?” makakapa ang pait sa kaniyang tono. “Huwag mong idamay rito ‘yong taong nagmagandang-loob lamang para—“ “I bet kung ano ang naging kapalit!” Nanginginig ang mga aking tuhod ng dumagundong ang kaniyang baritonong boses subalit mas lamang ang galit na namayani sa puso kung kaya’t ‘di ko napigilang dumapo ang palad sa pisngi ng binata. Makikitang nagsigalawan ang panga ng lalaki at napatiim-bagang sa'king nagawa, halos mataranta ako nang mahigpit na hinawakan ni Derreck ang aking palapulsuhan animo mananakit ngunit taliwas sa inaasahan ko ang kaniyang ginawa sapagkat walang imik na hinatak palabas ng eskinita. Matigas ang bisig ni Derreck kung kaya't kahit anong gawing pagpupumiglas ay sapilitan niyang hinahatak palapit sa nakaparadang sasakyan. "Hoy! Anong ginagawa mo kay Zarina?" anas ng isang tambay na kakilala ko. Hindi pinansin ng binata ang paninita nang lalaki kaya't naalarma ako nang magsilapitan ang mga kasamahan nito. Ayokong mapahamak na naman ang lalaki rason upang magpasiyang pigilan ang mga iyon. "Zarina, binabastos ka ba nang lalaking 'to?" anang nakasuot ng barangay tanod na uniporme ngunit isa rin sa mga nag-uumpukan tuwing inuman. "H-Hindi po. Mayroon lamang kaming pinag-uusapan." anas ko. "Sigurado ka? Baka tinatakot ka lamang niyan, ha? Nandito lamang kami kapag may ginawa sa'yong masama." tinignan ng lalaking hubad-baro si Derreck mula ulo hanggang paa tila sinisipat ang katayuan ng binata. Tumango lamang ako upang iparating sakanilang maayos ang lagay sa kamay ng binatang kasama kaya't nagsibalikan ang mga kalalakihan sa kanilang puwesto. "Kung gusto mo 'kong makausap hindi sa sasakyan mo." seryosong saad dito. Mabilis binaklas ang mga kamay ni Derreck saka tahimik na bumalik sa eskinita. Samantala, tahimik lamang na nakamasid ang binata habang nakasunod sa'kin. Ilang minuto ang nakalipas nang tuluyang makarating sa inuupahang espasyo. Maliit lamang ang tinutulugan ko at halos hindi magkasiya ang malaking katawan ni Derreck sa pintuan papasok sa loob. Bahagya pang yumuko ang lalaki dahil sa maliit na kisame ng silid, kapagkadaka'y tahimik na kinuha ko sa mesa ang pitsel upang salinan ng mineral na binili lamang sa kanto. "Nakakatulog ka ba nang mahimbing rito? Ni wala kang electric fan or what?" biglang naging maamo ang tono ni Derreck taliwas kanina na parang manananakit. "Ayos lamang ako. Anong pakay mo? Bakit ka sumunod sa'kin?" Hindi makahuma nang mabitawan ko ang pitsel dahil mariing hinatak at binalandra ng binata ang aking balingkinitang katawan sa dingding. "Parusahan ka" "D-Derreck b-bitiwan 'mo 'ko!" "Parusahan ka sa pag-iwan mo sa'kin! Parusahan ka sa pagsama mo sa kaibigan ko at parusahan ka dahil sinaktan mo 'ko" "W-Wala akong alam sa mga pinagsasa-" Hindi ko naituloy ang mga salitang naiwan sa'king bibig sapagkat tuluyan nang nasakop ng binata ang aking nakaawang na labi. Piping umuusal na pigilan ang ginagawa ng lalaki sapagkat ayaw ko nang magpaalipin sa nararamdaman para sa binata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD