CHAPTER 12

3912 Words
DINALA AKO NI JUDAS sa kaniyang tinitirhan na mayroong pagkakapareha sa kasintahan. Tulad ni Derreck, may kalakihang espasyo ang inuukopa ng binata na sadyang nakalagak sa magandang gusali. Ayon sa lalaki'y hindi niya masyadong ginagamit o tinutuluyan ang naturang lugar kung kaya't libre raw akong manatili roon pansamantala, habang hindi pa nagigising mula sa pagkakaratay ang nobyo. "Dumito ka muna pansamantala, Zarina. Mainit ang mata sa'yo nina Tita Marian." litanya ni Judas. Bahagyang tumango saka inilibot ko ang mga mata sa mga kakatwang disenyo ng kaniyang tinutuluyan. "I'm not staying here. I have, I mean...hindi kasi ako naglalagi rito." "Kailangan kong bisitahin si Derreck." "I don't think..argh sorry hindi kasi ako diretsong makapagsalita ng tagalog. What I mean is, parang imposibleng makakalapit ka kay Derreck. Pasensiya ka na, Zarina. Hindi naman sa pagiging kontra pero isa ang pamilya nila sa mga malalaking tao sa lipunan." imporma ng kaibigan nito. Hindi mapigilang mapahikbi sa mga bagay na mayroong kinalaman sa binata. Gusto ko man makita ang kasintahan ngunit para yata akong lulusot sa karayom kapag nagkataon. "N-nakikiusap ako, Judas..." hilam sa luha ang mata. Napakagat-labi ang lalaki at halatang hindi mapakali dahil pabalik-balik na naglalakad sa'king harapan. "Okay, fine. Susubukan nating makalapit pero hindi muna sa ngayon. Uhm, maybe sa ibang araw, dahil kailangan mong magpahinga." pahayag nito. Hindi na nakipagmatigasan sa binata at kalauna'y kusang pumasok sa silid na ibinigay ni Judas. Hindi maikakailang mabigat ang damdamin, ngunit kinakailangan kong bumawi ng tulog upang may lakas kinabukasan. Ayokong basta na lamang sumuko at hayaang hindi makita ang lalaki, rason upang determinadong bumalik sa ospital kinabukasan. Ipinikit ko ang mga mata ngunit nanatili ang utak sa kakaisip kung paano tuluyang masisilayan ang lalaking minamahal. KINABUKASAN, hindi na hinintay magising si Judas at basta na lamang tumungo sa pinagdalhan sa binata. Sinubukan kong magsuot ng panlalaking damit para lamang makalusot sa mga nagbabantay sa lalaki. Walang paalam na kinuha ang ilang damit sa drawer ng binata. Hindi ko man gawain ang makialam ng gamit nang ibang tao'y desperadang nilunok ang prinsipyo upang madalaw lamang o masilayan ang kasintahan. Nang ihinto ng kinalululanang sasakyan sa tapat nang gusali'y maingat na inilibot ang mga mata, upang makasigurong walang kakilalang nagbabantay sa binata. Palinga-linga sa pasilyo hanggang sa makarating sa inuukopang kwarto ni Derreck. Kitang-kita ang kalagayan ng lalaki na hanggang ngayon ay wala paring malay. Maingat sanang papasok sa loob ng ICU ngunit nagkabungguan kami ni Manang Sonya sa bungad ng pinto. "M-manang..." "Zarina, a-anong ginagawa mo rito?" "Manang Sonya, gusto ko lamang po makita si Derreck...nakikiusap po ako." pahayag sa matanda ngunit walang patid ang mga luhang kumakawala sa mata. "Naku, Zarina...paano 'to! Ako ang malalagot kina Donya Marian kapag naabutan ka rito." saad ng ginang. "Saglit na saglit lamang po ako...parang awa mo na, Manang Sonya." Ilang segundong nag-isip ang matanda at hindi malaman ang gagawin sa mga oras na 'yon hanggang sa pumayag ang ginang ngunit ang mahigpit na bilin nito'y 'wag masyadong magtatagal dahil baka maabutan ng mag-asawa. "S-salamat, Manang Sonya," anas ko. "S-sige na hija, bilisan mo lamang." Niyakap ko muna ang matandang babae bago tuluyang pumasok sa loob ng ICU. Doon ay nasilayang maigi ang kalagayan ng nobyo, hindi mapigilang maawa sa sinapit nito. "D-Derreck...patawarin mo 'ko. Kung hindi dahil sa'kin wala ka ngayon sa ganitong sitwasyon." walang patid ang mga hikbing kumakawala habang kinakausap ang walang malay na lalaki. "G-gumising ka na...mahal na mahal kita." bulong ko ngunit ang tanging maririnig lamang ay ang tunog ng operato na nakakabit sa katawan ni Derreck. Ilang minuto ring dinadama ang kamay o noo ng binata habang nagkukuwento dahil sa lubos na pangungulila rito, subalit naputol ang katahimikan ng marahang kumatok si Manang Sonya sa mismong salamin mula sa labas upang sabihin na kailangan ko nang umalis. "Pangako, babalik ako para dalawin ka." habang masuyong hinahaplos ang buhok nito. Pikit-matang tinalikuran ang kasintahan saka lumabas mula sa silid. Kakikitaan ng simpatya at humingi ng pasensiya ang ginang ngunit naiintindihan ko ang pinanggagalingan ng kaniyang pag-aalala. "Pasensiya ka na Zarina, ha? Hindi ko man gustong paalisin ka pero kinakailangan mo munang lumayo." "O-opo, Manang Sonya...maraming salamat po ulit. Babalik na lamang po ako kapag nakahanap ng tiyempo." anas ko. "Osige. Ingat ka, hija..." Napakagaan ng aking mga panyapak at hindi man lamang namalayang nakalabas na nang gusali. Hindi muna dumiretso sa pansamantalang tinutuluyan dahil kinakailangan kong makapag-isip ng paraan upang mabuhay, ngayong wala na si Derreck para umalalay. Huminto ako sa isang mataas na gusali at doon ay sinubukang magtanong sa mga establisyemento, subalit kapag naririnig nilang halos hindi nakatuntong man lamang sa highschool ay nawawalan bigla ng gana o makailang beses tinanggihan kahit pa makikitang mayroon silang bakanteng trabaho. Ayokong umasa sa kaibigan ng binata sapagkat malaking abala na kay Judas kung pati kakainin ay siya rin ang sasagot. Halos ginabi na rin sa daan at hindi maiwasang kumalam ang sikmura. Bahagyang kinapa ang bag na dala ngunit ng makita ang laman ng pitaka'y mabilis nagbago ang isip. 'Zarina, kailangan mong tipirin 'to.' Kung gagastusin ko ang natitirang pera'y tiyak hindi na makakabalik sa tirahan, kaya mabuting magtiis na lamang kahit hilung-hilo na sa gutom. Maya-maya'y tumawid sa kabilang kalsada at doon nagpahinga dahil bukod sa gutom ay matinding pagkahapo rin ang isa sa mga iniinda. 'Di ko halos namalayang napipikit-pikit na rin sa matinding kapaguran. Hindi ko alam kung ilang minuto na sa ganoong ayos nang may maulinagang pamilyar na boses sa gilid ng kinauupuan. Marahang binukas ang mata at sa nanlalabong paningin ay namasdan ang bulto ng babae sa gilid. Ibinaba ito nang magarbong sasakyan at sadyang nagpasalamat sa mismong nagmamaneho. "Salamat, boss!" anang babae bago sumibad palayo ang naturang sasakyan. "A-apple?" usal sa sarili. Nang maglakad ang dalaga sa gilid ng kalsada'y sinadyang lapitan ang kaibigan. "Apple!" tawag ko rito. Nahinto sandali ang dalaga saka lumiwanag ang mukha. "Z-zarina? A-anong ginagawa mo rito? Saan ka galing?" sunud-sunod na tanong ng kaibigan. Mababakas din ang matinding pag-aalala sa kaniyang ekspresiyon, rason upang mapaluha ng wala sa oras dahil kahit pala mapait ang mundo ay mayroon pa ring matatawag na kakampi. "Sandali, nasaan na 'yang boyfriend mo? A-anong nangyari sa'yo?" tanong nito. Hindi ako halos makapagsalita sapagkat nauunahan ng mga hikbi kung kaya minabuti ni Apple na yayain sa mas maayos na lugar. Tumungo kami sa isang karinderya malapit sa gilid ng kalsada, at kahit nahihiya sa babae'y hindi na nakatanggi sa pagkaing binili nito, sapagkat kanina pa walang kain magmula umaga hanggang gabi, para lamang makahanap ng mapapasukang trabaho. Hinintay ako nang kaibigang makakain ng maayos hanggang sa matapos habang nilalamtakan naman ni Apple ang biniling pares. "Mukhang nanggaling ka sa malayo, ah?" matamang saad nito. Walang puknat ang pag-oobserba ng kaibigan tila inaarok ang mga naranasan sa mga nagdaang buwan. "N-naghahanap ako ng trabaho." "Teka, isinama ka na no'ng nobyo mo, hindi ba? H'wag mong sabihing niloko ka ng gagong 'yon?" ani Apple. "H-hindi." "Ano ba talagang nangyari?" usisa nito. Ayoko mang isalaysay sa kaibigan ngunit napilitan akong magsabi sa babae at habang ikinukuwento rito ang mga naranasan sa kamay ng mga taong 'yon ay kakikitaan ng awa sa kaniyang mga mata. "Gago pala talaga ang mga hinayupak na 'yon! Hindi porket nanggaling sa kasa, literal na marumi na! Tsk!" galit na galit ang klase ng tonong maririnig sa dalaga. "K-kailangan kong makaipon para madalaw si D-Derreck ng maayos." "Pucha, Zarina! Hindi mo alam 'yang gulong pinapasok mo. Hayaan mo na ang lalaking 'yon sa saya ng nanay niya! Ikaw pa ang mapapahamak sa ginagawa mo," payo ni Apple. "P-pero---" Nagpumilit pa rin ang kaibigang 'wag nang balikan ang binata. Hindi lamang naman 'yon ang pakay sapagkat ang mga sariling gamit ay naiwan sa mansiyon. Mahalaga sa'kin ang mga iyon dahil sila ang mga sagot sa tunay na pagkatao ko. "Kung ako sa'yo, manahimik ka na lamang, Zarina. Alam mong wala kang laban sa mga matapobreng katulad nila." "Apple, hindi mo 'ko naiintindihan. Kailangan kong balikan ang mga gamit ko. Kailangan ako ni Derreck--" Natameme ang dalaga subalit muli ring nagsalita at parang naging maamo ang tono. "Osiya, kung talagang buo ang pasiya mo at hindi kita mapipigilan sa kung ano mang plano mo, tutulungan na lamang kita makahanap ng trabaho." "T-Talaga?" Nagliwanag ang mukha sa mga narinig sa kaibigan. "Pero uunahan na kita, hindi nga lamang sing-disente ng trabaho sa opisina ng nobyo mo. Medyo alam mo na..." "K-kahit ano, 'wag lamang tungkol sa--" "Alam ko. Ayoko rin namang mapahamak ka!" "Salamat, Apple..." anas ko saka mahigpit na niyapos ang nag-iisang kaibigan. Matapos ang maikling kuwentuhan ay isinama ni Apple sa isang bar malapit din sa kasang pagmamay-ari ni Madam Lolly. Hindi na magagalaw ng ginang sapagkat binayaran na ni Derreck ang kalayaan sa mga ito. Malaya akong makapipili ng trabaho sa kahit saang lupalop ng maynila. Pumasok sa pintuan ng naturang lugar. Ayon sa babae'y kaiba ito sa casa'ng pinanggalingan sapagkat ang tawag dito ay bar. Tulad nang huling lugar na pinuntahan bago magulpi ang kasintahan. Ang karaniwang kostumer ay pulos nag-iinuman at mayroong mga kumakanta o sumasayaw sa harapan. "Puwede na siguro sa'yo 'to?" "A-anong trabaho?" "Waitress." "Ha?" "Taga-silbi. Kukunin mo lamang mga gusto nilang pagkain tapos, ihahain sa kanila." Naputol ang tanungan ng mayroong lumapit na bading sa kinatatayuan namin. "Beki, paki-assist naman 'tong chikadora friend ko." "Ispluk mo na kung anong kailangan ng babaelyang dala mo." anito habang nakataas ang kilay at halatang nagtataray ngunit mababakas ditong nagbibiro lamang sa pagiging gano'n. "Kailangan ng datung, beki!" saad ni Apple. "Bakit hindi sa kasa ni Lolly?" "Utas, beks. Gusto walang ganito," anas ng dalaga saka mayroong isinenyas gamit ang kamay animo may' halong sekswal na konotasyon hanggang sa nagtawanan ang mga ito. Wala akong maintindihan sa mga usapan nila subalit ang nais lamang sa mga oras na iyon ay magkaroon ng mapagkakakitaan. "Anong pangalan mo?" tanong nito. "Z-zarina Gallon po." "Marunong ka bang mag-assist ng costumer?" Hindi na hinintay ni Apple na makapagsalita saka mariing inakbayan ng kaibigan. "Ano ka ba? Wala kang tiwala sa'kin, bakla? Marunong 'to si Zarina." aniya. Bumaling ang tingin ng dalaga sa gawi ko saka mabilis na kinindatan tila nagsasabing siya ang bahala sa lahat. "Osiya, susubukan ko muna 'yang kaibigan mo. Ayoko pa naman ng tatamad-tamad dito." susog nito. Ilang huntahan ang naganap sa dalawa bago nagbigay ng mga habilin sa mga dapat gawin kung sakaling sasalang na sa trabaho. Itinapat ni Madame' Butch ang simula ng aking gawain sa Sabado at Linggo para masubok daw niya ang aking kakayahan. Walang pagtutol at kaagad sumang-ayon sa mga kondisyones ng tagapamahala sa bar. Lubos ang pasasalamat ko sa kaibigan at bago kami maghiwalay ay talagang hinatid pa ni Apple sa sakayan. Hindi maintindihan ang sumingit na kasiyahan sa puso habang lulan ng sasakyang magdadala sa'kin sa pansamantalang tinutuluyan. Nang makapasok sa loob ng pamamahay ay naabutan si Judas na mayroong ginagawang kung ano sa kusina. Matamang lumingon sa gawi ko saka nagmamadaling lumapit. "My god! Saan ka nagpunta, Zarina? Hindi ka man lamang nagpaalam." "Pasensiya na Ser Judas. N-nagpunta ako sa ospital para silipin si ---" "Hindi ba't sinabi kong delikado 'yang ginagawa mo? Paano kung nakita ka nina Tita Marian? Zarina, nandito ka sa pamamahay ko kaya kahit paano responsibilidad kita. " pahayag ng binata. "Pasensiya na talaga Ser Judas. Naghanap na rin ako ng trabaho para kahit paano mayroong pangtustos sa mga pangangailangan ko." "Hindi mo naman kailangan magtrabaho muna. Sa ngayon, ang isipin mo ay makuha ang lahat ng gamit mo sa mansiyon ni Derreck," anang binata. "P-Pero—" anas ko. "Well, I won't mind. I mean, hindi ko hawak ang magiging desisyon mo, lalo sa usaping 'yan." malinaw na saad ni Judas. Hindi ako nakakibo sa binata ngunit nahalata yata nito ang pagiging balisa kung kaya inanyayahang magpahinga ng lalaki, na hindi ko tinanggihan dala narin siguro ng pagod sa buong maghapong paglalakad sa kalsada para lamang makahanap ng mapapasukang trabaho. HINDI NAGING MADALI ang ilang araw ko sa trabaho ngunit buti na lamang ay mabait ang kakilala ni Apple. Kahit medyo mataray si Madame' Butch sa ibang katrabaho'y siya namang magaan ang pakikitungo sa'kin. Pakunwari lamang sa galit-galitang paninita ngunit paalalahanan kapag wala nang mga tao. Madalas nahihinto sa trabaho at iniisip kung anong kalagayan ng binata. Halos ilang araw na ring nangangati ang aking mga paa upang pumuslit sa ospital para silipin man lamang ang binata. Ngayon ang araw ng aking unang sweldo sa ilang araw na ipinasok ko kaya't medyo madami-dami ang ipinapagawa ni Madame' Butch lalo't biyernes ngayon, tiyak maraming dadayong mga parokyano ng bar. "Zarina, abot mo nga 'to kay Berto." saad ng isang kasamahan sa kusina. "S-Sige, Ciara." Ngumiti lamang ang dalaga bago magalang na ibinigay ang tray na naglalaman ng mga pulutan. Nakangiti namang inaabangan ng waiter na si Berto ang mga iyon, sinabayan pa ng pagkindat bago kinuha ang pulutan. Hindi na lamang pinapansin ang ilang pahaging ng mga kalalakihan na trabahador ni Madame' Butch dahil hindi gano'n ang layunin ko sa pagtatrabaho. Isa pa, nakalaan lamang sa iisang tao ang aking puso. Awtomatikong nabuo sa isip ang maaliwalas na mukha ng kasintahan ngunit naputol ang mga tumatakbo sa isip ng marinig ang pamilyar na boses ni Madame' Butch. "Isang bucket pa 'raw sa table 7. Zarina, ikaw na nga muna ang mag-asikaso ng mga customer!" anas ng amo kaya't nagmamadali akong kumilos at kinuha ang mga alak. "Opo, Madame' Butch!" Tumingin lamang ito saka bahagyang tumango, bago ako lumapit sa customer. Nahinto sandali at hindi malaman ang gagawin nang mamasdan ang pamilyar na mukha ng isang lalaking nakaupo sa mga grupo ng kalalakihan. Ang kaniyang pilat sa mukha, at matiim na mga titig ang nagbibigay sa'kin ng kakaibang takot kahit pa bahagyang madilim sa naturang bar. 'Tila mga tauhan niya ang mga kasama nito sa umpukan. Anong kaugnayan niya sa ginoong ipinakilala sa'kin ni Derreck noon? Tahimik lamang akong lumapit at marahang inilapag ang iilang mga bucket na dala-dala. "Salamat, miss biyutipul!" saad nang mama' na sinabayan ng pagsipul. Hindi halos makatingin sa gawi ng lalaking may pilat, dahil nakadarama ako nang takot tulad ng takot kapag tuwing umuuwi galing sa paglalakô sapagkat makikita ko si Tatay Lando. Maliksi ang aking kilos at agad tumalilis palayo sa mga nag-uumpukan na kalalakihan. Halos mabilis lamang na lumipas ang oras hanggang sa umabot ng madaling araw, kung saan pasara na'ng bar. Tinatapos ko na lamang ang pagpupunas sa huling mesa na panay upos ng sigarilyo at basyo ng alak. "Tama na 'yan, Zarina. Si Ciara na'ng tatapos niyan!" sita ni Madame' Butch saka nahinto sa pagpupunas at marahang lumapit sa gawi nito. Pinauna ako sa pila ng mga katrabahong lalaki, hanggang sa makarating sa mismong harapan ng may-ari. Kapagkadaka'y mayroong iniabot na sobre si Madame Butch, ayon rito'y isinama na rin daw ako sa papaswelduhin sapagkat nagpakita ng kasipagan sa ilang araw na pagtungo sa bar ng maaga para makatulong sa iba pang gawain. "M-Maraming salamat po." "Bumili ka ng damit mo, Zarina. Galing pa yatang baul 'yang suot mo 'day." pasuplang saad nito ngunit mababanaag pa rin ang kabaitan sa tono. Samantala, bahagyang sinipat ang kupasing blusa saka tumango sa may-ari. "O-Opo, Madame' Butch." "O siya, umuwi ka na at marami pang nakapila sa likuran mo." Nagmamadali akong tumalilis palabas ng bar, ni hindi pinansin ang mga pambubuyong pamamaalam ng mga kapwa tagasilbi na halos karamihan ay kalalakihan. Kipkip ang unang katas ng pinaghirapan habang nasa gilid ng kalsada. Hindi ko maipaliwanag ang sayang nararamdaman ng mga oras na iyon. Ang unang sumagi sa isip ay bumalik sa mansiyon upang bawiin ang mga natirang gamit, higit lalo ang ipinamana ni nanay na kuwintas at iba pang mahalagang kagamitan noong musmos pa lamang. Sumunod doon ay ang pagpuslit sa ospital upang masilayan ang kasintahan. Puno ng kasiyahan ang aking puso habang naglalakad sa madilim na eskinita. Hindi alintana ang mga istambay sa gilid ng kalsada. Sa halos ilang linggong pabalik-balik sa lugar na iyon ay namukhaan ko na'ng mga taong madalas magawi roon. Umiiwas nga lamang mapadaan sa dating casa na pinagdalhan sa'kin ni Aling Tintay, tanging si Apple nga lamang ang nakakasama ng madalas kapag wala itong raket sa gabi. Mabilis akong sumakay ng jeep nang makita ang grupo ni Bogart habang naglalakad palabas ng mismong pagmamay-aring casa ni Madam Lolly. Alam nilang nasa kabilang bahagi lamang ako ng lugar nagtatrabaho ngunit walang pagtutol ang ginang dahil buung-buo ang ibinayad ni Derreck para makawala sa mga galamay nito. KINABUKASAN AY maagang tumungo sa tirahan ng binata, sapagkat Sabado ang libreng araw ko. Ilang minuto na ring nakikiusap sa guwardiya sa bungad ng malaking gate, subalit ni hindi man lamang payagang makapasok dahil wala raw ibinilin na kahit ano galing sa may-ari ng mansiyon na maaari akong pumasok sa loob ng eksklusibong lugar. "Nakikiusap po ako, manong. Kailangan ko lamang po talaga makuha ang mga gamit ko sa loob." "Pasensiya na, miss. Walang ibinilin na kahit sino man ang papapasukin sa loob, lalo kung hindi naman kakilala ng mismong mga residente." mahigpit na saad ng lalaki. "Kasintahan po ako ni Derreck Garcia." Nagkatinginan lamang ang dalawa tila hindi makapaniwala sa mga sinasabi ko. Nanatiling pirmi ang desisyon ng mga guwardiya na hindi maaaring pumasok hanggang sa kalaunan ay mayroong magarang sasakyan na huminto sa gate. "Miss, tumabi ka muna dahil nakaharang ka sa mga daraang residente!" pakiusap ng tagabantay kaya't marahan akong tumabi sa gilid ngunit ni hindi natinag o umalis dahil importante sa'king makuha ang mga gamit sa mansiyon. Bumaba ang bintana ng sasakyan at namataan ang pamilyar na mukha ng isang binata. Mayroong ibinigay sa mismong guwardiya kaya't nakasilip ako nang pagkakataong tawagin ang naturang lalaki na nakalulan sa awto. "Ser...ser?" "Miss, sinabi nang tumabi ka muna sa gilid. Boss, pasensiyahan niyo na po ang babaeng 'to. Kaninang-kanina pa nagpupumilit makapasok sa loob." "Ser, ako po ito....si Zarina." pilit pinapakilala ang sarili. "Zarina? Gotcha! Derreck's girl!" pumitik sa kawalan ang binata. "P-Po?" "Ang ibig kong sabihin--girlfriend." Mababakas ang pagkalito sa mukha ng guwardiya hanggang sa nagsabi ang lalaking maaari akong sumakay sa kaniyang sasakyan upang ihatid sa mansiyon ng binata. Maya-maya'y walang nagawa ang mga bantay dahil residente rin mismo sa loob ang kaibigan ni Derreck. "Salamat po ser. Kailangan ko lamang po talaga makuha ang mga gamit ko." "Lyndon ang pangalan ko." "L-Lyndon, salamat." "Hindi ka na ba nakatira sa poder ni Derreck? He's still in the hospital-- I mean, hanggang ngayon nasa ospital pa rin siya at nagpapagaling." kaswal na saad nito. Bahagyang natahimik sa mga narinig sapagkat mahirap na tanong para sa'kin ang mga nabanggit ng binata. "Oh sorry, Zarina. I didn't mean to be an intruder. I mean, 'wag mo na lamang sagutin." Malungkot na ngumiti lamang sa lalaki bilang tugon hanaggang sa nabanaag sa ekspresyon nito ang matinding awa marahil sa komplikadong sitwasyong nararanasan. "Ayos lamang po. Pumunta lamang ako rito para kunin ang mga gamit ko." "I see." Hindi na muling nagpasimula ng usapan ang lalaki maging hanggang sa makarating at huminto sa tapat ng malaking gate nang mansiyon ni Derreck. "Hintayin na lamang kaya kita rito?" alok ni Lyndon ngunit mariin akong tumanggi dahil masyadong abala kung pati sa pagkuha ng gamit ay manghihingi pa nang tulong. Tuluyang nagpaalam ang lalaki, bago ako lumakad sa patungo sa nakasarang gate. Mabilis namukhaan ng guwardiya kaya't mayroong bungad na ngiti ang matanda. "Zarina? Ang tagal mong hindi nagpakita ah? Kumusta ka?" "Ayos lamang po ako manong. Kukunin ko po sana ang mga naiwang gamit ko." Masiglang pinagbuksan ng tagabantay. Marahan akong pumasok sa loob ng mansiyon. Namataan ang mga kasamahan na kakaiba ang tingin sa gawi ko ngunit hindi alintana ang mga iyon sapagkat ang tanging pakay lamang ay makuha ang personal na kagamitan at hindi kung ano pa man. Sumalubong ang mayordoma ni Derreck sa entrada, halos aabot na yata sa kisame ang pagkakataas ng kilay. "Anong ginagawa mo rito? Hindi ba't pinalalayo ka na ni Donya Marian kay Senyorito Derrreck?" nakaismid na saad. "Kukunin ko lamang ang mga personal na gamit ko." magalang na saad sa ginang. "Personal na gamit? Ah, iyon bang mga abubot mo? Ipinatapon ko na sa hardinero..." Nangunot-noo sa narinig mula sa babae, hindi ko mapigilang magpantig ang tenga dahil 'di biro ang mga sinabi niya patungkol sa importanteng bagay para sa'kin. "A-Anong ibig mong sabihin?" "Hindi ko malaman kung anong nakita sa'yo ni Senyorito Derreck. Bukod sa mahina ang kukote mo, may deperensiya ka na rin yata sa pandinig. Ang sabi ko, ipinatapon ko sa hardinero..." "Hindi mo puwedeng gawin iyon sa mga gamit ko..." Halos nanginginig ang labi ko sa galit sa ginawa ni Ma'am Lydia kaya't walang pasabing binalya ko siya upang makapasok sa loob ng mansiyon para siyasatin ang dating kuwarto. "Hindi ka maaaring pumasok sa loob!" "Hindi mo 'ko mapipigilan. Mataas ang respeto ko sa'yo pero 'wag mo 'kong sagarin! Hindi mo puwedeng itapon ang mga gamit ko!" singhal sa babae na kaagad nataranta sa ikinilos ko. "B-Bilin ni Donya Marian ay hindi ka maaaring makatuntong--" "Kahit ipagbawal niyo 'ko rito hangga't gusto niyo. Wala akong pakialam! Kailangan kong makuha ang mga gamit ko!!!" halos nangangatal ang aking boses at parang gustong magwala kung sakaling totoo ang sinabi ng mayordomang itinapon nga niti ang personal na gamit ko. Tuluy-tuloy lamang sa taas habang nakasunod ang mayordoma, panay ang pananakot ngunit bingi ako sa lahat ng kaniyang mga salita. Hanggang sa pinigilan niya 'ko ngunit walang pakundangang kumawala sa mariin nitong hawak. "Subukan mong pigilan ako!" anas ko. "Tatawag ako ng guwardiya!" "Tumawag ka! Wala akong pakialam!" Nanlaki ang mga mata ng ginang saka tumalilis pababa ng hagdan tila desedidong patalsikin sa mansiyon, dahilan upang magmadaling makapasok sa loob ng inuukopang kuwarto noon. Nang makapasok sa loob ay kinalkal ang drawer at halos mabunutan ng tinik ng makita ang supot na naglalaman ng pranela at kuwintas. Matapos makuha ang mga iyon ay kaagad akong bumaba sa unang palapag. Doon ay nasalubong ko si Ma'am Lydia kasama ang guwardiya maging ang mga magulang ni Derreck na kararating lamang yata. "What the hell is she doing here? 'Di ba ang kabilin-bilinan ko ay 'wag papasukin ang babaeng 'yan sa pamamahay ng anak ko?" diretsang nakatingin sa mayordoma. "Pasensiya na po Donya Marian, nagpupumilit po kasi siyang makapasok!" lumipat ang mala-asidong tingin ng ginang sa gawi ko. "Damputin 'yan palabas ng mansiyon." saad ng ama Derreck sa malamig na tono. Makikita ang disgusto sa mukha ng guwardiya ngunit wala siyang magagawa kundi sundin ang inuutos ng dalawang matanda. "Zarina, pasensiya ka na, ha?" hahawakan sana ang aking braso ngunit mariing inilayo. "Naiintindihan ko manong. Hindi niyo na po ako kailangang ipagtabuyan dahil kusa akong aalis!" ngunit diretsong nakatingin sa mga magulang ni Derreck. Umirap lamang ang ginang, samantala, walang reaksiyon sa mukha ng ginoo. Hindi na nagawang lumingon at dumiretso palabas ng entrada ngunit halos mapapikit sa huling mga salita ni Donya Marian. "Ayoko nang makikita ang pagmumukha mo sa kahit saang sulok ng pamamahay na 'to. Layuan mo ang anak ko dahil wala kang maidudulot na maganda sa kaniya. You almost killed my only son!" singhal nito. Kusang tumulo ang luha ko ngunit hinayaan lamang na dumaloy sa pisngi kahit pa makita ng mga dating kasamahan sa mansiyon. Wala rin namang makitang awa sa mga mukha nito imbis ay panghuhusga o pagkadisgusto. Kipkip ang mga gamit pagkatapos ay lumabas sa mansiyon. Dahan-dahan ang aking mga lakad tila nililipad ang panyapak at wala halos maramdaman habang sinasariwa ang mga masasayang panahong na kasama ang binata. "Zarina, hindi ka dapat naniwala sa mga pangako niya..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD