December 22, 2011
NAPAPANGITI si Odessa habang kinakalikot ni Lucas ang hawak na cellphone. Tapos na kasi siyang ipaliwanag dito ang gamit noon. Una niyang tinuro kung paano ang pagtawag at pag-text gamit iyon. Sinigurado din niyang naka-set sa Filipino ang lengwahe ng cellphone para kahit papaano ay mababasa nito iyon nang maayos.
Nagawa na din sa wakas ang nasira niyang iphone kaya naman may magagamit na muli siya. Hinanap naman niya ang lumang cellphone at ibinigay niya iyon kay Lucas. Text at tawag lang ang kayang gawin ng cellphone pero sa tingin niya ay sapat na iyon. Ang mahalaga ay maaari niyang tawagan ang lalaki para sa seguridad nito. Pakiramdam kasi ni Odessa ay kailangan ni Lucas ng proteksyon dahil hindi pa ito ganoon ka sanay sa pamumuhay ngayon.
Tumayo si Odessa sa sofa at lumapit sa binata. “O ano? Nakuha mo na?”
“Malapit na,” sagot nito habang nakatitig pa rin sa cellphone.
“Sige, d’yan ka lang muna at lalabas ako ng bahay. Bibili lang ako ng tinapay sa may kanto.”
Isang tango lang ang sagot ni Lucas at lumabas na siya ng bahay.
Habang naglalakad patungo sa bakery ay napangiti si Odessa. Natutuwa siya sa eagerness na pinapakita ni Lucas na matuto. Naging malapit na rin ito sa kanyang Papa dahil sa pagtulong-tulong nito sa kanilang maliit na repair shop. Nabanggit na rin ng kanyang ama na maaaring bibigyan na nito ng kaunting allowance si Lucas dahil sa effort nito. Isang magandang senyales iyon na nagugustuhan na ng kanyang ama ang binata. Malaki na ang tsansang hahayaan na ng ama na manatili si Lucas sa kanila.
“Pabili ng limang monay, Ateng,” tawag niya sa dalagang nagbabantay sa bakery. Kababata niya si Ateng at anak ito ng may-ari. Tulad niya ay nasa college na rin ito at kumukuha ng kursong education sa St. Matthews.
Habang naghihintay sa in-order ay tumunog ang cellphone ni Odessa. Ganoon na lang ang pagkabigla niya nang mag-reflect ang pangalan ni Lucas sa screen. Agad niyang pinindot ang mensahe upang mabasa iyon.
“Salamat, Odessa.”
Hindi maipaliwanag ni Odessa ang kiliting nararamdaman habang binabasa ang text message. Kung mula sa ibang tao iyon galing ay magiging ordinary lang iyon. Pero iba ang feeling niya ngayon dahil unang-una, ibig sabihin noon ay natuto na nga si Lucas. At ikalawa, nagpapakita si Lucas ng gratitude sa lahat ng tulong na ibinigay niya rito.
Pinindot ni Odessa ang reply button at nagsimulang tumipa ng sagot.
Salamat lang? Wala bang pa-hugs jan?
Nanlaki ang kanyang mga mata nang mabasa ang tinype na reply. Kaya naman agad niya iyong binura. Nasisiraan na talaga siya. Kahit pa hindi alam ni Lucas ang meaning ‘hug’ ay pwedeng pwede pa rin itong magtanong. Sa ikling panahong magkasama sila ng binata ay napapansin niyang madali itong matuto dahil sa likas na angking talino.
Mula siyang tumipa para sa isang reply.
Masaya akong nakatulong sa’yo.
Ilang sandali pa ay muling sumagot ito.
Hindi ka lang maganda sa panlabas, napakabuti rin ng iyong puso. Kahit sa pinanggalingan kong panahon ay hindi pa ako nakakakita ng isang tulad mo.
“Ang laki naman ng smile mo, Odessa. Bagong textmate?”
Nag-angat siya ng tingin at nakitang si Ateng pala iyon. Nakabalot na ang monay na order niya.
“Textmate? Hindi.” Pinilit niyang hindi ngumiti nang todo dahil siguradong kukulitin siya ni Ateng. Markadong madaldal iyon at baka lumaganap pa sa buong barangay ang isang chismis.
“Sus! Siguro manliligaw mo ‘no?”
“Hindi nga.” Manliligaw pa lang.
Gustong batukan ni Odessa ang sarili dahil sa kung ano-anong iniisip.
Nang ibigay na sa kanya ang in-order na tinapay ay nginitian siya ng babae. “Uy, Odessa…”
“Hindi ko nga manliligaw, Ateng.”
“Sira! Hindi iyon. Gusto ko lang na i-hello mo ‘ko kay Lucas.” Malapad ang ngiti nito na para bang kinikilig.
“A-ano?”
“Send my regards to Lucas. Di ba nga? Malayo mo siyang kamag-anak? Ireto mo naman ako sa kanya.”
WHAT? Siya pa talaga ang gagawin nitong bridge? At bakit naman siya papayag? Aagawan pa siya ng role?
Eh bakit? May girlfriend ba si Lucas? Kung maka-ayaw ka eh wagas!
Sinulyapan niya si Ateng. Maputi ito at maganda din. What if magkainteres si Lucas dito? Pero ang pinakamalaking tanong ay bakit ba siya affected? Bakit ayaw niya sa ideyang magkakaroon ang mga ito ng relasyon.
Ano bang pinag-iisip ko? Ang dapat inaatupag ko ay ang auditions sa Manila bukas para sa pagmo-model! Hindi itong kaharutan.
She cleared her thoughts and breathed deeply. Kailangan niyang magfocus. December 23, 2011 will be the luckiest day for her dahil matatanggap siya bilang modelo. Todo suporta naman sa kanya ang kanyang lola at papa kaya mas lumakas ang kanyang loob. Maski ang nanay niya na nasa US ay nagpahatid na rin ng good luck.
“Uy, Odessa? Bakit ang seryoso naman ng mukha mo? Paki-hi ako kay Lucas ha?”
“Oo na. ‘Yon lang naman pala eh.” Iyon lang at binayaran na niya ang tinapay at saka kinuha ang supot niyon. Aalis na sana siya nang napahinto ang kanyang mga paa.
Ano bang pinaggagagawa mo, Odessa?
Pero huli na ang lahat tinawag na niya ang pansin ni Ateng. Lumingon naman agad ang babae.
“Ano ‘yon, Odessa?”
“Pasensya ka na pero… ang totoo may girlfriend na si Lucas. Hindi na siya available.
Oh gosh! Pwede na talaga siyang tamaan ng kidlat ngayon.
“ANG BILIS mong natuto ah,” puri niya kay Lucas habang kumakain sila ng snacks.
“Ang galing kasi ng nagtuturo sa akin.”
Uminom na lang siya ng juice para itago ang ngiti. Hindi niya alam kung bakit conscious na conscious siya sa harap ni Lucas.
“Uhm… Odessa…”
Shocks! Bakit ba kahit lumalakas ang kabog ng kanyang dibdib kahit pangalan pa lang niya ang binabanggit nito?
“A-ano ‘yon?”
Tumitig sa kanyang mga mata si Lucas. “May sasabihin sana ako sa ‘yo.”
“H-ha? A-ano ‘yon?”
“Wow! Ang sarap naman nitong binili mong monay, apo.”
Para siyang nahulog sa kinauupuan nang marinig ang boses ng kanyang Lola. Akala kasi niya ay mahimbing itong natutulog. Nap time kasi nito tuwing hapon.
“Kain po kayo, La. Teka kukuha lang ako ng baso para makainom kayo nitong juice.” Si Lucas iyon na agad tumayo at nagtungo sa kusina.
“Naku! Ang bait mo talaga, Lucas,” nakangiting sabi ng kanyang lola sabay upo sa kanyang tabi.
Ilang sandali pa ay tumunog ang kanyang cellphone.
Sandali siyang natigilan nang tumunog muli ang kanyang cellphone. Isang text message na naman ang sinend ni Lucas.
Gusto kong ipagdasal natin ang tagumpay mo para bukas. Magsimba tayo bukas ng madaling araw.
Napaangat siya ng tingin nang muling bumalik si Lucas sa sala. May hawak na itong baso at ibinigay iyon kay Lola. Nakatitig naman ito sa kanya habang nagsasalin ng juice sa baso.
Pinigilan niyang mapangiti at nagsimulag tumipa ng reply.
O sige. Sabay tayo bukas sa Simbang Gabi.
Namutawi ang isang ngiti sa labi ni Lucas nang mabasa nito ang kanyang message. Nagsisimula na itong magreply nang magsalita ang kanyang lola.
“Aba! Ang lumang cellphone ba iyan ni Odessa? Patingin nga.”
“H-ho? Ah… eh…”
“Akin na muna, patingin.”
Sumulyap sa kanya si Lucas. Para bang nagdadalawang isip itong ibigay ang cellphone sa lola niya. Siya man din ay hindi komportableng makita ng kanyang lola ang usapan nila ni Lucas. Kaya naman agad na siyang pumagitna.
“Ah, La. Napaayos ko na ho pala ang cellphone ko. Tingnan niyo po.”
“Aba, oo nga ano?” sagot nito sabay kuha sa cellphone niya.
Siya man din ay nag-aalala na mabasa ng kanyang lola ang mga text message. Hindi pa sila parehong handa ni Lucas na sabihin dito ang totoo. At kung maaari niyang itago ang sikretong iyon para sa kapakanan ng binata ay gagawin niya.