FERNAN
Hindi ako makapaniwala nang sabihin ni Mommy na ikakasal na kami ni Bernadette at may date na. Hindi ko maiwasang mainis kay Mommy. Bakit nagdedesisyon siyang hindi muna ako kinukunsolta. Wala ba akong karapatang tumanggi? Hindi ko mahal ang babaeng iyon! I hate her!
“I told you, Mom, I will not marry her. I will take responsibility for our baby. Marriage is not an option for it.”
Napabuga ako ng hangin.
“Bakit si Isabella pa rin ba? Fernan, I remind you, mas pinili niya ang lalaking nanakit sa kanya over you. Magising ka sa katotohanan na ginamit ka lang ng babaeng iyon! She doesn’t love you. Walang pakialam ang Isabella na iyon sa naramdaman mo kaya kalimutan mo na siya. Magkakaanak na kayo ni Bernadette at magbubuo na ng pamilya. Bernadette is for you because she loves you and will not hurt you. Even at the start I don’t like Isabella dahil alam kong sasaktan ka lang ng babaeng iyon. Nangyari na nga, hindi ba?”
Hindi totoo ang sinabi niya. “Hindi masamang babae si Isabella. She's been good to me,” sagot ko sa paratang niya kay Isabella. Ako ang dapat sisihin dito at hindi si Isabella. Biktima lang sila ng pagkakataon at walang pagpipilian si Isabella kundi sumama sa asshole na Chris na iyon! Kung wala lang sa eksena ang lalaking iyon ako ang pipiliin niya.
“Mabuti? Saan ang mabuti roon? Sinaktan ka niya Fernan at pinaasa. Wake up! Si Bernadette ang tamang babae para sa iyo dahil mabuti siyang tao at hindi manloloko.”
I see anger in her eyes. Bakit gusto niya si Bernadette para sa akin? Ilang beses ko nang sinabing na hindi ko mahal ang babaeng iyon. Ayaw kong matali sa taong hindi ko mahal at hindi kailanman mamahalin. Tanging si Isabella lang ang mahal ko kahit nasa iba na siya. Naramdaman ko na naman ang sakit dito sa puso ko.
“Sa ayaw at sa gusto mo pakakasalan mo si Bernadette. Kung ayaw mong magalit ako sa iyo, sundin mo ang gusto ko! Para rin naman sa iyo ito at hindi sa akin. Ayokong lumaki ang apo ko na walang makagisnang ama. Look at yourself magmula nang iwan ka ng Isabella na iyon ay hindi mo na maayos ang sarili mo. Walang direction ang buhay mo. Pinababayaan mo na ang sarili mo. Nasaan ang babaeng iyon para tulungan ka? Nandoon siya sa lalaking nanloko sa kanya. Imulat mo ang mga mata mo sa katotohanan. Tanging si Bernadette lang ang tanging totoong nagmamahal sa iyo.”
“Don’t worry sa huwes lang kayo ikakasal at pili lang ang bisita. Alam ko namang ikinahihiya mo si Bernadette sa mga tao. Sana makita mo naman ang kahalagahan niya. She’s a good woman na kahit sino mamahalin siya. Hindi si Isabella ang palaging nasa isip mo. Wala namang pakialam sa iyo ang babaeng ’yun mula nang pinili niya ang lalaking nanakit sa kanya. Paulit-ulit na lang tayo Fernan. Hindi na magiging kayo at kahit tumambling at sumuka ka pa ng dugo riyan ay hindi mangyayari ang gusto mo.” Dagdag pa niya.
Kahit ano pa ang sabihin ni Mommy ay hindi magbabago ang pasya ko. Hindi ko pakakasalan si Bernadette at kahit magkakaroon pa kami ng anak. Susuportahan ko naman ang bata kahit hindi kami nagsasama.
“Pag-iisipan ko Mommy,” sabi ko. Ayokong magpadalosdalos ng desisyon. Baka pagsisihan ko lang ang maling desisyon ko sa buhay, ayokong mangyari iyon.
Hindi na nagsalita si Mommy nang sabihin ko iyon. Tinalikuran ako at agad na lumabas ng opisina ko. Marahas akong napahilamos sa mukha. Bakit ba pinapakomplikado ni Mommy ang lahat? Bakit hindi na lang niya ako hayaang mamili ng babaeng para sa akin. Sa ngayon ay hindi ko pa kayang palayain ang nararamdaman ko para kay Isabella. Sobrang hirap akong makalimot. Mahal na mahal ko siya.
Pinagkaabalahan ko na lang ang mga papeles na nasa harapan ko. Kahit inis na inis ako sa nangyari ngayong araw.
Pagkauwi ng bahay tanging yabag lang ang maririnig ko sa buong kabahayan. Nasaan na kaya ang babaeng 'yun?
Nagtaka ako dahil walang sumalubong sa akin. Dati ay nasa labas pa lang ako ay sinasalubong na ako ni Bernadette. Bakit ko ba iniisip kung walang Bernadette na sumalubong sa akin? Mas mabuti ngang wala ang babaeng iyon.
Nang makapasok sa bahay ay agad dumiretso sa upuan at naupo. Ibinaba ko ang dalang bag sa center table. Isinandal ang nananakit na likod ko at saka ipinikit ang mata. Sobrang pagod ang nararamdaman ko dahil sa dami ng trabahong ginawa sa araw na ito.
Ilang minuto ring nakaupo ako sa sofa, ngunit wala pa ring lumalapit sa akin. Nakakapagtaka lang. Nagpasya akong tumayo at pumunta ng kusina. Baka nasa kusina ang babaeng iyon.
Pagkapasok sa kusina ay nagulat ako nang makita si Bernadette na nakabulagta at walang malay tao. Napansin ko ang dugo sa pagitan ng mga hita niya. Umawang ang labi ko sa kabiglaanan. Sa sobrang pagkabigla ay hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko. Ilang segundo ring nakatitig lang ako sa walang malay na si Bernadette.
Nang mahimasmasan ay agad ko siyang binuhat. Bigla ay nakaramdam ako ng takot. Hindi ko alam para saan ang takot na naramdaman ko. Takot ba akong mawala si Bernadette o takot ako sa magiging reaksyon ni Mommy kapag nalaman ang nangyari kay Bernadette?
Pabalik-balik ako sa paglalakad sa pasilyo ng ospital kung saan dinala ko si Bernadette. Halos kalahating oras na ngunit hindi pa rin lumalabas ang doktor. Tinawagan ko si Mommy para ipaalam ang nangyari kay Bernadette kahit may alinlangan ako. Hindi ko na pinakinggan ang sermon at galit niya sa akin. Ang nasa isipan ko ay kung ayos ba si Bernadette at ang batang dinadala niya?
Kung bakit hindi man lang nag-iingat ang babaeng iyon. Alam niyang buntis, pero nakukuha pang magtrabaho nang mabigat. Wala akong kasalanan dahil siya itong mapilit magtrabaho sa bahay kaya hindi dapat ako ang sisihin sa nangyari.
Lumapit sa akin ang doktor nang lumabas sa emergency room. Inalis ang facemask at hinarap ako.
“Dok, kumusta na po siya?” Tanong ko. Napansin ko ang lungkot sa mga mata ng doktor. Hindi pa man niya sinasabi ay parang bad news ang hatid niya.
“I am so sorry. Ginawa namin ang lahat para iligtas ang anak niyo. Your wife had a miscarriage due to dehydration. Kung naidala nang mas maaga sa ospital ay baka mailigtas pa ang batang nasa sinapupunan niya.”
Sa sinabi ng doktor ay gusto kong sabihing hindi ko asawa si Bernadette. Hindi ko man tanggap ang ipinagbubuntis ni Bernadette ay nakaramdam ako ng kaunting panghihinayang at awa para sa batang nasa sinapupunan niya.
Nanghina ang mga tuhod ko. Napahawak ako sa wall upang maging suporta. Naupo ako sa sahig at natulala na lang. Pakiramdam ko ay may kinalaman ako sa pagkawala ng bata.