Chapter 2

2227 Words
Aaminin kong hindi madali para sa akin ang mamuhay ng mag-isa. Pero kakayanin ko para sa aking Ina at para sa aking hinaharap. Ayokong dumepende habang buhay sa aking Ama. Ayokong may naisasabi siya sa akin. Sa dalawang buwan na pagtira ko sa maliit na silid. Naisip ko na hindi mo kailangan ang ibang tao para lamang mabuhay sa mundong ito. Ang kailangan mo lang gawin ay hanapin kung sino ka at anong dahilan kung bakit ka nandito. Hanapin mo kung anong nagpapasaya sa iyo. Pero ang tanong ko. Papaano? “Kumusta ka na rito?” tanong ni Kuya Asher. Inilibot ang paningin sa buo kong silid. Tumayo ako saka tinapon ang hawak na yosi. Tumingin siya roon at umiling. Kaunti lamang ang aking mga gamit dito. Hindi ko naman kailangan ang pang-dekorasiyon. Basura lamang iyon. Binagsak ko ang aking sarili sa sopa. Sinandal ang ulo at pumikit. Rinig ang malalim niyang bugtong-hininga. “Kailan ka pa natutong manigarilyo?” Hindi ko siya pinansin. Puyat ako kagabi dahil sa trabaho. Nag-aaral naman ako sa umaga. Pinagsasabay-sabay ko minsan ang pagta-trabaho at pag-aaral sa tuwing may pagsusulit kami kinabukasan. “Jayden.” Umungol ako saka sinuklay ang aking buhok gamit ang dalawang kamay. Hindi pa rin inaalis ang aking ulo sa pagkakasandal sa sopa. Masakit ang aking ulo dahil wala pa akong sapat na tulog. “Pampagising lang, Kuya,” mahina kong sabi saka humikab. Pilit kong minumulat ang aking mata upang tingnan siya na nakatayo sa aking harapan. Ang isang kamay nito ay nakahawak sa kaniyang baywang at ang isa naman ay hinihimas ang batok. “Magpahinga ka rin minsan, Jayden. At bawasan mo nang kaunti ang paninigarilyo kung gusto mo pang magtapos ng pag-aaral.” Tumango ako saka umayos ng upo. Itinukod ang dalawang siko sa aking tuhod at hinimas ang aking sintido. “Dadalhin kita sa hospital,” aniya. “Mag-aalala sa iyo si Tita Bernadeth.” Ngumisi ako at mahinang tumawa. Kailanman hindi nag-aalala sa akin ang aking Ina. Yumuko saka naiiling na tumingala sa kaniya. “Gagaling din ako, Kuya Asher. Kailangan ko lang ng kaunting tulog.” “Ilang oras?” Umiling siya. “Hindi sapat ang isang oras na tulog.” “Hindi ako papasok bukas. Magpapahinga ako maghapon,” pagsisinungaling ko upang hindi niya ako piliting pumunta sa hospital. Umiling lang ito sa akin at umupo sa aking tabi. Tinaas ko ang isa kong kilay nang mapansin ang kaniyang suot. Kulay itim na jacket na may tatak na bungo at may nakalagay na pangalan ng kanilang grupo na tanging sila lamang ang puwedeng mag-suot. Inabot nito ang isang kaha kong sigarilyo na nakapatong sa lamesa. Dumukot sa kaniyang bulsa at nilabas ang pangsindi ng sigarilyo. Nakade-kuwatro na sinandal ang likod sa sopa. Bumuga ng usok saka lumingon sa akin nang mapansin ang aking titig. “Ano?” “Lalaban ka na naman?” tanong ko. Ngumisi lang siya sa akin at pinagpatuloy ang paninigarlyo. Maraming beses siyang lumaban ngayong buwan na hindi naman niya ginagawa dati. Mabibilang sa daliri ang araw na lumalaban siya noon. Kumunot ang aking noo habang hindi inaalis ang titig sa kaniya. May hindi ba siya sinasabi sa akin? “Mukhang masaya ka ngayon, ah,” pansin ko. Halata sa pagngisi nito na maganda ang araw niya ngayon. “Wala naman,” sagot niya. “Hindi ako naniniwala sa’yo, Kuya. Kilala ko ‘yang mga ngiti mo.” Nakangiti niyang nilagay ang hawak niyang sigarilyo sa ibabaw ng lamesa. “Importante ang gabing ito para sa akin,” saad niya. ”Gagawin ko ang dati ko pang gustong gawin.” Kumunot muli ang aking noo sa kaniyang sinabi. “Ano’ng ibig mong sabihin?” Nagkibit-balikat siya sa akin at tumayo. Nilagay sa bulsa ang dalawang kamay saka tumingin sa akin. “Magpahinga ka na. Huwag ka munang matrabaho ngayon,” sambit nito. ”Halatang-halata na puyat ka, Jayden.” “Sige,” tanging sabi ko sa kaniya. Isang beses lang itong tumango sa akin. Tumalikod at naglakad palabas. Hindi pa rin maalis sa aking isip ang kaniyang sinabi sa akin kanina habang nakahiga ako sa aking kama. Hindi ako makatulog dahil doon. Ano ang hindi niya pa nagagawa dati? Ano’ng gagawin niya? Bumalikwas ako nang bangon ng sumagi sa aking isip ang kaniyang kaibigang namatay. Hindi kaya kakalabanin niya ang pinakamalakas na grupo sa underground fight club? Nababaliw na ba siya?! Nagkukumahog kong kinuha ang susi ng aking sasakyan saka mabilis na sinuot ang pang-itaas kong damit. Nagmamadaling binuksan ang pinto ng kotse. Pinaharurot ito at galit na hinampas ang manibela dahil sa mabagal na usad ng ibang sasakyan. Malakas kong pinindot ang busina dahilan ng sila’y magtabihan sa daan. Umigting ang aking panga. “T*ngina!” sigaw ko. Bakit ngayon ko lang ba ito naisip? Dati niya pang gustong gumanti sa Eternity Group para sa kaniyang kaibigan. Hindi ko akalain na gagawin niya ngayon iyon ng walang tulong ko. Sobrang duming makipaglaban ang grupong iyon. Kahit sabihin pa na buhay ang kapalit kapag nalaman na nandaya sa labanan. Wala silang sinusunod na batas. Nagmamadali kong binuksan ang pinto nang itigil ko ito saka mabilis na tumakbo papunta sa gusali. Agad na hinarang ng dalawang guwardiya ang kanilang sarili sa pintuan. Malamig ang aking mukha na tumigil sa kanilang harapan. “Umalis kayo sa daan,” malamig ang tono kong sabi. Hindi sila nakinig sa akin. Seryoso ang mga mukha nitong tumingin sa akin. “Bawal nang pumasok sa loob, Mr. Lennon.” “Bakit?” Pinapayagan nila akong dumaan dati kahit huli akong dumating. Masama ang aking kutob sa mangyayari ngayon. “Pinagbabawal na po kayong pumasok mula ngayon.” Kinuyom ko ang aking kamao sa galit. Inutusan ba sila ng Eternity Group para hindi ako makapasok ngayon? Isang hakbang akong umatras. Iniisip kung papaano ako makakapasok sa loob ng gusali. Tanging ang pinto lang na ito ang lagusan at labasan. Lumingon ako sa ibang bantay. Hawak ng mga ito ang mahahabang armas. Kung lalaban ako sa dalawang nasa harapan ko. Babarilin nila ako ng walang kahirap-hirap. Dahan-dahan akong tumalikod sa mga ito. Nakatingin ako sa mga nagkalat na taga-bantay. Hindi naman ako makakapasok sa loob kung hindi ko kakalabanin ang dalawang guwardiya. Nagngitngit ang aking ngipin. Dumilim ang aking mukha. Kailangan ako ng aking Kuya sa loob. Isang kisap-mata akong humarap sa kanila saka tumakbo nang mabilis. Akma nilang kukunin ang kanilang baril sa may baywang ngunit agad ko silang sinipa sa tiyan. Malalaki ang mga ito kaysa sa akin ngunit mas magaan ako sa kanila. Kaya mas madali kong mabasa ang susunod nilang kilos. Malakas kong sinuntok sa mukha ang isang lalaki. Kita sa gilid ng aking mata ang pagtutok ng baril sa akin ng mga taga-bantay. Kinuha ko ang kuwelyo ng isang lalaki saka pinangsalag ito sa aking sarili upang hindi ako mataman ng mga bala. Sunod-sunod ang putok ng baril mula sa kanila. Malakas kong hinampas ang isa pang lalaki dahilan ng mawalan ito ng malay. Bumagsak sa sahig ang kapit kong lalaki kaya mabilis akong lumipat sa nahimatay upang gawin din siyang pangsalag. Umaatras ako habang kapit ko ang lalaki. Tadtad ng bala ang kanilang katawan. Naliligo sila sa kanilang sariling dugo. Tumalikod ako saka tumakbo nang tuluyang makapasok sa loob. Rinig ang malakas na sigawan ng mga taong nanonood sa labanan. Napatigil ako nang makita si Kuya Asher na kinakalaban ang isang lalaki sa gitna ng napakaraming tao. Tumingin ako sa grupo ng Eternity na nanonood sa kanila. Napalingon ako sa aking likuran nang makita ang mga taga-bantay na pumapasok. Mabilis akong nagtungo sa ibabang bahagi upang pumunta sa grupo ni Kuya Asher. Tumingin sila sa akin na may gulat ang mga mukha. “Papaano ka nakapasok?” tanong ng kasamahan ni Kuya Asher. “Bakit pinayagan niyo siyang makipaglaban sa mga h*yop na iyan?!” sigaw ko. Nawala ang gulat sa kanilang mukha saka umiling. Lumingon kay Kuya Asher. Duguan ang ulo nito dahil sa sugat na natamo. Tumingin ako sa kalaban niyang lalaki. Walang galos ito o kahit pasa man lang. “Wala kaming nagawa, Jayden. Gusto niya talagang lumaban sa grupong iyan. Kahit ano pang gawin o sabihin namin. Hindi siya nakikinig.” “Ang totoo niyan,” sabi ng isang lalaki na ikinalingon ko, ”matagal niya na itong plano.” Lumingon sa akin ang lalaki saka tipid na ngumiti. “Gusto niyang ipaghiganti ang pagkamatay ng kaniyang kaibigan.” Sabay kaming napalingon nang magsigawan ang mga taong nanonood sa kanila. “P*uta!” sigaw ng mga kasama ni Kuya Asher sa grupo. Napatayo sila habang galit na nakatingin sa lalaking nakatayo sa harap ni Kuya Asher. Nakatingin ito sa aking Kuya na nakaluhod habang kapit-kapit ang kaniyang tiyan. Lumingon ako sa mga guwardiyang patuloy na naghahalughog sa mga tao upang hanapin ako. Tumingala si Kuya Asher saka pilit na tumayo. Halata na nahihirapan na siyang makakita at makakilos. Muling lumakas ang sigawan ng mga tao. “T*ngina! Lumaban ka, Asher!” sigaw ng kausap kong lalaki kanina. Kita ang pagngisi ng kaniyang kalaban. Lumapit ito sa aking Kuya at yumuko. Mayabang na nakatingin kay Kuya Asher. Ilalayo sana ng lalaki ang kaniyang ulo upang umayos ng tayo ngunit nahagip ng kamao ni Kuya Asher ang kaniyang mukha dahilan ng pagbagsak nito sa sahig. Gulat akong nakatingin sa kaniyang kalaban na lalaki. Basag ang mukha nito habang walang malay. Napatayo sa nangyari ang kabilang grupo. Hindi basta-bastang kamao lamang ang ginamit niya dahil hindi agad puputok ang mukha nito kung walang bakal na ginamit at imposibleng mamamatay agad ang lalaki. “Ano na namang kalokohan ang ginawa mo, Asher?!” galit na sigaw ng lalaking kausap ko kanina. Tuluyang tumayo si Kuya Asher. Nakangising nakatingin sa kabilang grupo. Itinaas ang gitnang daliri. Nagsigawan ang lahat ng mga tao. Hindi ko akalain na magagawa niya ito. Kailanman, hindi siya nagdaya sa mga laban. Ang pandaraya ang pinaka-ayaw niya sa lahat ngunit ano ito? Bakit niya ginawa ito? Inalis niya ang benda na nasa kamao. Napasinghap ang lahat ng taong nanonood nang bumagsak sa sahig ang bakal na nagmula roon. Animo’y mababangis na hayop na nagsuguran ang miyembro ng Eternity kay Kuya Asher. Akmang tatakbo ako upang ipagtanggol siya nang marinig ang putok ng baril galing sa labas ng silid na ito. Walang magawa ang lahat ng tao maging ang mga humahabol sa aking lalaki nang pagbabarilin ng mga pulis ang paligid. Agad kaming napayuko dahil do’n. Lumingon ako kay Kuya Asher na nakatingin sa mga pulis na pumapasok. Mabilis itong tumakbo sa isang lagusan upang tumakas. Ang grupo ng kaniyang kalaban ay agad na naglabas ng baril saka siya pinutukan dahilan ng pagtama nito sa kaniyang binti at pagbagsak sa sahig. Sumugod ang mga tao sa mga pulis nang marinig ang pagbaril. Naglabas din ng baril ang iba at kinalaban ang mga pulis. “Jayden!” tawag sa akin ng grupo ni Kuya Asher. Sinenyasan ako ng mga ito na sumunod sa kanila. Lumingon ako kay Kuya Asher na umaatras habang nakaupo sa sahig at nakatingala kay Anderson. Hawak nito ang baril at nakatutok sa aking Kuya. Tumakbo ako palapit sa kanila. Hindi pinansin ang pagtawag sa akin ng Black Omega. Sinuntok ko nang malakas ang isang lalaki ng harangin niya ako palapit sa anak ng kanilang pinuno. Galit ang aking mukha habang hindi inaalis ang tingin kay Kuya Asher. Hindi ba siya nag-iisip? Kapahamakan ang ginawa niya. Putok ng baril at daing ang maririnig sa buong paligid. Napatigil ako nang biglang may malakas na sumabog. Saglit akong nabingi dahil do’n. Nagkalat ang bubog sa paligid. Mas lalong lumakas ang sigawan sa buong paligid ngunit hindi pa rin tumitigil ang pagpapalitan ng bala ng mga pulis at armadong mga lalaki. Patuloy pa rin ang aking paglalakad kahit lumalabo ang aking mata dahil sa alikabok sa paligid. Maraming mga bangkay na nasa sahig dahil sa pagsabog. “Kuya Asher!” sigaw ko saka umubo. Lumingon siya sa akin na may gulat ang mukha. Madumi ang buong katawan. Umaagos ang kaniyang dugo sa ulo dahil sa paglaban kanina. Lumingon sa akin si Anderson saka ngumisi. Malamig ang aking mukhang lumapit sa kanila. Ngunit hindi pa ako naka-dalawang hakbang muling sumabog ang buong paligid. Napapikit ako nang madala ang aking katawan dahil sa pagsabog. Ramdam ang malakas na pagtama ko sa pader. Dama ang pagputok ng aking noo. Masakit ang buong katawan nang bumagsak ako sa sahig. Wala akong marinig sa buong paligid. Hindi ko alam kung ako na lang ba ang natitira rito. Ipinalibot ko ang aking paningin. Pilit na inaaninag kung nasaan si Kuya Asher ngunit wala akong makita. Napadaing ako nang igalaw ko ang aking kamay upang gumapang. Nasaan ka na, Kuya Asher? Hindi ka puwedeng mamatay. Marami pa ang umaasa sa iyo sa mansyon. Ikaw lang ang tanging taong nakakaintindi at tumutulong sa akin. Ikaw lang ang tanging tao na nagparamdam sa akin na may pamilya ako. Pinipikit-pikit ko ang aking mata dahil dumidilim ito. Hindi ko maigalaw ang aking kamay. Tila namanhid ang buo kong katawan dahil hindi ko ito maramdaman. Nahihirapan akong huminga na para bang walang hangin sa paligid. Ito na kaya ang huli kong paghinga? Hindi ko na ba ulit makikita ang aking Ina? Siguro kailanman hindi ko mararamdaman kung ano ba talaga ang pakiramdam ng mayroong pamilya. “Jayden.” Rinig kong tawag sa akin saka nawalan ako ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD