Prologue
Maraming mga taong naiinggit kung anong meron ako. Pero magugustuhan ba nila ang aking buhay kapag nalaman ng mga ito na anak lang ako sa labas? Gugustuhin ba nilang maging ako kapag nakita nila kung anong tingin sa akin ng sarili kong magulang?
“Jayden! Saan ka na naman pupunta?!”
Hindi ko siya pinakinggan at nagpatuloy sa paglalakad palapit sa aking Lamborghini. Araw-araw na lang siyang ganiyan. Sa akin niya sinisisi kapag natatalo sa sugal. Wala naman akong pakialam sa perang winawaldas niya.
“Bumalik ka rito! Wala ka talagang galang!” sigaw niya.
Lumingon ako sa kaniya. Naglalakad ito palapit sa akin.
Ipinatong ko ang aking braso sa ibabaw ng sasakyan.
Namumula ang mukha niya. Lumalabas ang ugat sa noo. Halata ang galit. Mas matangkad siya sa akin. Matipuno at kagalang-galang ang tindig itong tumigil sa aking harapan.
“Pagbubulakbol na naman ang aatupagin mo?!” Bumuntong-hininga ako. Lalo siyang nagalit sa akin. “Bakit hindi ka tumulad sa iyong Kuya Asher?! Nag-aaral siya nang mabuti. Iniisip niya parati ang kinabukasan ng ating kompaniya!”
“May pupuntahan lang ako, Dad,” sabi ko. “Hindi ako magtatagal.”
Kumunot ang noo niya. Inis na nakatingin sa akin. “Hindi magtatagal? Gabi-gabi ka na lang umaalis sabi ng iyong Ina sa akin. Saan ba galing ang katigasan ng ulo mo, Jayden?”
Kita sa gilid ng aking mata ang paglabas ng tunay niyang asawa. Kasama si Alexa, ang kapatid kong babae sa unang asawa ni Dad.
“Susundan ko lang si Kuya Asher.”
Ngumisi si Dad sa aking sinabi.
“At ano? Magsusumbong ka na naman na pinagalitan kita?” pang-iinsulto niya. “Labing walong taon ka na! Hindi laging kampi sa iyo ang Kuya mo.”
“Hindi ko kailangang magsumbong sa kaniya. Sabihin mo ang gusto mong sabihin. Wala naman akong pakialam kung anong sasabihin mo.”
“Tarantado ka talaga!” Tinaas ang isang kamay at akmang sasampalin ako gamit ang likod ng kaniyang palad nang mapatigil siya nang biglang sumulpot si Mommy sa aking harapan.
“Sasaktan mo na naman ang iyong anak, Pablo,” ani ni Mommy.
“Anak?” Tinuro ako ni Dad. Madilim ang aking mukha na nakatingin sa kaniya. “Hindi ko siya anak! Kailanman hindi ko siya naging anak!”
“Kailan mo ba tatanggapin na nagka-anak ka sa akin?” wika ni Mommy. “Dugo at laman mo rin siya, Pablo. Ituring mo naman siyang tunay mong anak!”
“Hindi ko kailangan ang katulad niya, Mom,” malamig ang tono kong sabi.
Inis na nilingon ako ni Mommy saka ibinalik ang tingin kay Dad.
“Hindi ko rin gusto na pinanganak ka sa mundong ito! Nagkanda-malas-malas ang buhay ko no’ng dumating ka!”
“Ayusin mo ang pananalita mo sa anak mo, Pablo!” sigaw ni Mommy.
“Pamamahay ko ito! Kaya ako ang masusunod!” singhal ni Dad. Binaling ang tingin sa akin at tumingin muli kay Mommy.
“Kung nakinig ka lang sana sa akin noon. Wala na sanang sakit sa ulo ngayon, Bernadeth!” aniya.
Kinuyom ko ang aking kamao at dumilim ang aking mukha dahil sa kaniyang sinabi. Ilang beses niya na bang pinamukha ‘yon sa’kin? Sanay na ako.
“Sino ka pa—”
Tinalikuran siya ni Dad. Mabibigat ang bawat hakbang nitong pumasok sa mansyon.
Ngumisi ang kaniyang asawa na kanina pa nakikinig sa aming usapan. Umirap ito sa akin at sumunod sa loob.
Nag-aalalang tingin naman ang binigay ni Alexa sa akin. Tipid akong ngumiti sa kaniya. Bahagya siyang tumango sa akin at pumasok din sa loob.
“Makinig ka naman sa Daddy mo, Jayden.” Lumingon ako sa aking Mommy. Nakapamaywang siya. Nakatayo sa aking harapan. Sinuklay ang buhok gamit ang kamay habang naiinis na nakatingin sa akin.
Kasama ang sarili kong Ina sa mga taong ayaw sa akin pero mahal ko siya. Kailanman hindi ako magagalit sa taong nagluwal sa akin.
“Sinusunod ko naman siya, Mom. May pupuntahan lang talaga ako.”
Umiling siya na para bang pagod na sa aking mga dahilan.
“Baka palayasin tayo ng Daddy mo rito. Alam mo namang ayokong mabuhay sa maruming lugar.”
Tumango ako.
Gusto niyang ipalaglag ako dati ngunit nagbago ang kaniyang isip no’ng nalaman niya na si Dad ay isang bilyonaryo.
Pinilit niyang pumasok sa buhay ni Dad. Nagwala siya sa harap ng mansyon para lamang panagutan ako. Pinagkalat niya rin sa lahat na may anak si Dad sa labas.
Walang magawa si Dad kun’di panagutan si Mommy dahil masisira ang kaniyang reputasyon at pangalan. Lalong-lalo na ang kaniyang kompaniya.
Sinabi ni Kuya Asher sa akin noon na naghiwalay ang kaniyang magulang sa nangyari. Sa una, hindi pumayag ang kaniyang Ina na patirahin kami rito pero wala siyang magagawa kun’di sumunod sa gusto ni Dad.
Labag sa kalooban ni Tita Malou na makita kami araw-araw sa loob ng mansyon. Hindi niya kami pinapansin sa tuwing nagkakasalubong sa daan. Parang hangin lamang kami sa kaniya.
“I’m sorry, Mom,” sabi ko. Yumuko ako at nagtiim-bagang.
“’Wag ka ulit sasagot sa Daddy mo,” aniya. “Natalo lang iyon sa sugal. Lalamig ang ulo no’n mamaya.”
Hindi ako umimik kaya nagpatuloy siya.
“Pupuntahan mo na naman ang Kuya Asher mo?”
“Oo.”
“Hayaan mo na lang siya kung anuman ang kaniyang ginagawa.”
Walang alam sila kung ano ang ginagawa ni Kuya Asher. Sino ba naman ang mag-iisip na kasali siya sa fraternity. Hindi ba?
Ang akala ng lahat nag-aaral siya sa kaniyang paaralan at gumagawa ng proyekto sa bahay ng kaklase ngunit kabilang siya sa grupo ng Black Omega.
Kasama si Kuya Asher sa mga pumapatay ng tao. Sumasali rin siya sa underground fight club. Kung saan kailangan mong patayin ang iyong kalaban upang manalo.
Ang kapalit nito ay malaking pera at igagalang ka ng mga tao na nasa underground.
Isa siya sa kilalang tao roon. Marami na siyang napatumba at nakaalitan.
Gusto kong sumunod sa kaniya. Hindi dahil gusto ko ang ginagawa niya kun’di dahil gusto ko siyang pigilan.
Hindi siya nakikinig sa akin sa tuwing sinasabi ko na mamamatay siya dahil doon. Sobrang delikado ang kaniyang ginagawa. Halos lahat nang pumapasok sa underground fight club ay mga kriminal at kilalang nagbebenta ng droga. Paano kapag nalaman iyon ng mga pulis? Malaking problema iyon kay Dad.
“Aalis na ako, Mom.” Tumalikod ako sa kaniya. Binuksan ko ang pinto ng sasakyan at pumasok.
Naiiling siyang umatras. Nanonood sa aking sasakyan habang papaalis sa mansyon.
Mahigpit ang hawak ko sa manibela.
Kung hindi ko siya sinundan noon dahil sa kuryoso. Hindi ko malalaman na nakikipaglaban siya gabi-gabi sa loob ng underground fight club.
Maraming beses na akong nakapasok do’n dahil kilala nila ako bilang kapatid ni Kuya Asher.
Nakatayo ako sa harap ng isang malaking gusali. Dito ginaganap ang malaking labanan sa pagitan ng dalawang grupo. Pribado ang lugar na ito at malayong-malayo sa kabihasnan.
Maraming naglilibot sa buong gusali. Mga nagbabantay sa lugar. Hawak ang mahahabang armas. Nakabalibot ang mga bala sa kanilang katawan.
Napalingon ako nang may malakas na tumapik sa aking likod. Walang buhay ang aking mukhang nakatingin sa kaniya. Kakalabanin ka nila kung pakikitaan mo sila ng kahinaan.
“Nandito ka na naman,” ani ng kaharap kong lalaki. Puno ng tattoo ang kaniyang buong katawan. Kulay pula ang kaniyang mga mata. Halata na gumagamit siya ng droga.
Kabilang siya sa pinakamataas na fraternity sa buong Pilipinas. Ang Eternity Group.
“Hindi ako lalaban sa iyo.” Malakas siyang tumawa. “Maliban na lang kung gusto mong makaharap ako sa gitna ng madla.”
“Tss.”
Naglakad ako palapit sa building. Hindi siya pinansin.
Tumatawa siya sa aking likuran. “Isang laban lang!” sigaw niya.
Hindi ako nandito para makipag-away. At hindi ko sasayangin ang aking pawis at oras sa kaniya.
Tumingin sa akin ang nagbabantay sa pinto ng gusali saka tumango.
Nilagay ko ang aking kamay sa bulsa habang papasok sa maingay na lugar.
Nagsisigawan ang lahat. Halos mabingi ako sa lakas ng ingay. Maraming tao ang nandito upang manood sa laban.
Nasa gitna ang dalawang taong nagpapalitan ng suntok at sipa. Duguan at bugbog ang mga mukha nila. Tanging ang katawan lamang ang kailangang gamitin sa laban. Ang lalabag sa panuntunan...ay papatayin.
Bumaba ako upang pumunta sa grupo ni Kuya Asher. Sumisigaw siya kasama ang ilang mga lalaki.
Nagtayuan ang lahat nang tumakbo ang isang lalaki palayo sa kalaban.
“T*ngina! Bakit tumatakbo ang isang ‘yan?!”
“Patayin na ‘yan!”
“Sayang ang pusta ko!”
“Mahina pala ang h*yop na ‘yan!”
Rinig kong sigaw ng mga ito. Naliligo sa sariling dugo ang lalaki. Halos hindi niya maimulat ang kanang mata dahil sa pasang natamo. Tanging short lamang ang kaniyang suot at may benda ang dalawang kamao.
Nilingon ako ni Kuya Asher. Natatawa sa kaniyang pinapanood na laban.
Unti-unting nawawala ang kaniyang ngiti habang palapit ako sa kaniya.
Umiling sa akin nang tumigil ako sa kaniyang harapan. Hindi nagbago ang blangko kong mukha.
Matangkad siya kaysa sa akin. May kahabaan ang itim na buhok. At kamukhang-kamukha ni Daddy.
Inakbayan niya ako saka tinapik ang balikat. Inilapit ang kaniyang bibig sa aking tainga upang mapakinggan ko ang kaniyang sasabihin.
“Hindi ka ba nagsasawa na pagsabihan ako?” sabi niya at mahina siyang tumawa.
Diretso ang aking tingin.
Hindi ako magsasawang pigilan ka. Importante sa akin ang pamilyang ito. Kahit ayaw nila sa akin. Paano na lang kapag nawala ka? Ikaw ang paborito ng lahat at ikaw ang inaasahan ni Daddy na sumunod sa yapak niya.
Tumingin din si Kuya Asher sa nagpapalitan ng suntok. Walang awa na sinipa ng lalaki sa mukha ang lalaking tumakbo kanina. Natumba ito na ikinasigaw ng mga tao. Animo’y mga manok lamang ang kanilang pinapanood.
Nilapitan ito ng lalaki saka hinawakan ang ulo. Lalong lumakas ang sigaw ng lahat. Lumingon ako sa aking katabi. Nakangisi itong nanonood sa lalaki.
Umigting ang aking panga ng bahagyang pinaikot ng lalaki ang ulo nito. Malakas na bumagsak ang lalaki sa sahig.
“Gan’yan dapat!”
“Tumakbo pa kasi!”
Pinapanood ko ang paghila nila sa walang buhay na katawan upang alisin sa gitna habang ang isa ay mayabang na nakatayo at nakatingin sa kinaroroonan namin.
Ngumisi ito saka tinuro si Kuya Asher.
Muling lumakas ang sigaw ng mga tao habang nakatingin kay Kuya Asher. Inalis niya ang braso sa aking balikat. Nakangisi ngunit madilim ang mukha na nakatingin siya sa lalaki.
Lumingon ako sa grupo ng lalaking iyon at nakilala kung saang grupo siya kabilang. Galing siya sa Eternity Group.
Seryoso ang kanilang mukha na nakatingin sa aking kapatid. Ang ilan sa kanila ay may hawak na sigarilyo.
Nahagip ng aking mata ang kanilang pinuno na minsan lang lumalagi sa lugar na ito.
Katabi niya ang kaniyang lalaking anak na nakangising nakatingin sa akin.
Ilang segundong nagsukatan kami nang tingin.
Lumingon sa akin si Kuya Asher. Nakangisi pa rin ito.
Tinapik niya nang mahina ang aking balikat. “Tara na.”
Tumango ako kay Kuya Asher. Hindi pa rin inaalis ang titig sa lalaki. Mayroon sa titig niya na hindi ko gusto. Umigting ang aking panga sa inis. Titig niya pa lang gusto ko na agad suntukin ang mukha niya.
“Jayden,” madiing sabi ni Kuya Asher.
Lumingon ako sa kaniya at muling tumango.
Naka-akbay siya sa ‘kin hanggang makalabas kami ng gusali. Kalmado ang kaniyang mukha, kilos, at tindig ngunit alam kong gusto niya ring pumatol sa grupong iyon.
Galit siya sa Eternity Group dahil pinatay ng mga ito ang kaniyang kaibigan na walang kalaban-laban.
Wala silang pinapalampas hangga’t hindi nila napapatumba. Kahit kaunti lamang ang atraso nila sa isang tao.
Lumingon ako sa mga lalaking naka-suit saka nakita na naman ang lalaking nakangisi sa akin kanina. Muling kumulo ang aking dugo. Kinuyom ko ang aking kamao. Napapalibutan sila ng kanilang mga tauhan. Alerto ang mga itong nakatingin sa paligid.
Hinarang ni Kuya Asher ang aking paningin sa lalaki gamit ang kaniyang malaking katawan.
Inis akong tumingin sa kaniya ngunit agad iyong nawala.
“Huwag mo silang titigan,” seryosong sabi niya. “Maaari ka nilang pagdiskitahan. Wala silang pinipiling tao. Kahit wala kang kasalanan sa kanila. Puwede ka nilang patayin katulad ng pagpatay nila sa aking kaibigan”
“Naiinis ako sa anak ng pinuno nila.”
Biglang nagseryoso ang kaniyang mukha ng sabihin ko iyon.
“Hindi ko gusto ang paraan ng tigtig niya sa ‘kin,” dugtong ko.
“Hayaan mo na lang. Mayabang talaga si Anderson. Gusto niya laging may away.”
“Tss.”
Binuksan ko ang pinto ng aking sasakyan. Padabog kong sinarado iyon. Mahigpit ang paghawak ko sa aking manibela. Nakatingin pa rin siya sa aming kinaroroonan.
Nilingon ko ang aking kapatid nang buksan niya ang pinto at naupo.
“Sabihan mo agad ako kapag kinausap ka niya o inimbitahan sa laban.”
Dumilim ang kaniyang mukha. Nakatingin sa kanilang sasakyan na papaalis. Sinundan niya nang tingin ito hanggang sa mawala.
Nakangiting lumingon siya sa akin. “Dito muna ako sasakay. Hindi ko dinala ang aking sasakyan kasi tinatamad ako.”
Umiling lamang ako at nagsimulang magmaneho.
Ayaw niyang malaman ni Dad ang ginagawa niya sa buhay. Siyempre magagalit si Dad at siguradong itatakwil siya kapag nalaman iyon.
“Bakit ka sumali sa underground fight, Kuya Asher?” tanong ko.
“Gusto kong magpakasaya…”
Sumulyap ako sa kan’ya. Nakapikit siyang nakasandal sa backrest habang ang dalawang kamay ay nakalagay sa likod ng ulo.
“Nasaan ang saya sa ginagawa mo?”
“Labanan.”
Kumunot ang aking noo ngunit tumango rin agad.
Hindi ko kailangan tanungin kung bakit siya masaya sa pakikipaglaban dahil magkakaiba naman ang kahulugan natin sa salitang masaya.
Kailangan lang nating igalang ang dahilan sa likod ng kanilang kasiyahan. Hayaan silang gawin ang anumang nais nilang gawin. Buhay nila iyon, hindi atin.