Maaga akong nagising upang pumasok pero mga sigawan ang bumungad sa akin sa kusina. Galit ang mukha ni Kuya Asher na nakatayo sa harapan ni Daddy habang si Tita Malou ay naiiling na nanonood sa kanila.
Lumapit ako kay Alexa saka nilapit ang bibig sa kaniya tainga upang bumulong.
“Mauna ka nang pumasok.” Tumango siya at tumayo upang umalis.
Nag-aalala ang kaniyang mukha na nakatingin kay Kuya Asher at lumingon sa akin. Ngumiti ako sa kaniya. Napakabata niya pa para makita ang kaguluhan ng pamilyang ito.
Lumingon ako kay Mommy nang nilapag nito ang mangkok sa ibabaw ng mesa.
Kita ang pag-irap ni Tita Malou sa kaniya pero hinayaan niya lang ito. Sanay na naman si Mommy sa pagtrato ni Tita Malou sa kaniya.
“Anong ibig sabihin nito, Asher?!” Tinapon ni Daddy ang isang sobre sa harapan ni Kuya Asher. “Kasali ka sa isang walang k'wentang fraternity?!”
Nalaglag sa sahig ang isang litrato dahilan nang makita ko ito. Naglalakad si Kuya Asher papunta sa underground fight club.
“Hindi ako kasali sa mga fraternity, Dad,” sabi ni Kuya Asher. ”P-Pumunta ako diyan para…pigilan si Jayden.”
Nanlaki ang aking mata sa kaniyang sinabi. Binaligtad niya ang katotohanan. Galit na lumingon sa akin si Daddy.
Humihingi nang tawad na nakatingin sa akin si Kuya Asher. Siguro ako na lang ang dapat ang sisihin dito. Mas lalaki ang gulo kung sabihin ni Kuya Asher na kasali talaga siya sa fraternity. Mawawalan siya ng mana at hindi siya puwedeng maging pinuno ng kanilang kompaniya. Kapag nalaman ni Daddy na kasama siya sa grupo, gugulo lalo ang pamilyang ‘to.
“Totoo ba ang sinabi ng iyong Kuya, Jayden?” tanong ni Dad.
Sumenyas si Mommy na itanggi ko ang paratang ngunit kailangan ko talagang magsinungaling.
Nakangising nakatingin sa akin si Tita Malou.
“Gulo na lang parati ang dinadala ng batang iyan sa atin, Pablo!” aniya.
Nakatitig sa akin si Daddy. Naglabasan ang kaniyang ugat sa noo. Pumula ang mukha dahil sa galit.
“Sagutin mo ako, Jayden!”
Napatiim-bagang ako at dahan-dahang tumango.
Inis akong tiningnan ni Mommy.
Natatawa namang tumayo si Tita Malou sa kaniyang upuan.
“Nagpapatira ka ng isang mamamatay-tao sa iyong mansyon?!” sigaw nito. “Ano na lang ang sasabihin ng mga tao kapag nalaman na kabilang siya sa isang grupo ng fraternity? Maaapektuhan ang ating kompaniya, Pablo. Baka maging mahirap tayo dahil sa batang iyan!”
Hindi ito nilingon ni Daddy.
“Totoo ba ang sinasabi mo, Jayden?” tanong ni Mommy. Nakatitig siya sa akin habang dahan-dahang tumatango na parang binibigyan ako nang pagkakataon na ibahin ang aking sagot.
Kinuyom ko ang aking kamao. Umigting ang aking panga saka tumango kay Daddy. “Oo. Kasali ako sa grupo ng Black Omega .”
“Salot ang batang iyan sa atin, Pablo! Sinabi ko na sa iyo noon pa ngunit hindi ka naki—”
“Tumahimik ka, Malou!” sigaw ni Daddy.
Tinikom nito ang kaniyang bibig.
Lumapit si Mommy sa kaniya. “Labing walong taong gulang pa lamang ang anak natin, Pablo. Hindi niya alam ang kaniyang ginagawa. Hayaan mo at aayusin ko i—”
“Bata pa?” nakangising sabi ni Dad, lumapit siya sa akin. Diretso ang aking tingin sa kaniya. Kita sa gilid ng aking mata ang akmang paglapit sa akin ni Kuya Asher na may pag-aalala ang mukha ngunit hinigit siya ng kaniyang Ina.
“Kung ganoon,” ani ni Daddy, “puwede na kayong umalis sa aking mansyon.”
“Pag-usapan muna natin ito, Pablo,” desperadong sabi ni mommy. “Maayos pa ito. Ipapaalis ko siya sa kaniyang sinasabing grupo.”
“Hindi puwedeng umalis basta-basta sa isang grupo ng fraternity,” sabat ni Tita Malou. “Baka patayin lang iyang anak mo.”
“Mommy!” nagbabantang sigaw ni Kuya Asher sa kaniyang Ina.
“Totoo naman, ah. Sinasabi ko lang ang mga alam ko sa mga fraternity.”
Tama ang sinabi ni Tita Malou. Hindi puwedeng aalis ka na lang sa isang grupo kapag ayaw mo. Makakaalis ka lamang kung patay ka na. Papaano aalis si Kuya Asher kapag sinabi niya ang totoo? Papatayin siya kung bibitaw siya sa kanilang grupo. At isa pa, importante sa kaniya ang makipaglaban.
“Aalis ako rito,” pagsalita ko.
Tinuro ako ni Dad. “Huwag na huwag kang magpapakita sa akin! Hindi mo ako kilala kapag nagalit ako, Jayden!”
Nang-iinsulto akong ngimisi. “Hindi mo rin ako kilala kapag nagalit, Dad.”
“Lumayas ka rito! Wala kang k'wenta!”
Isang beses akong lumingon kay Kuya Asher saka tumalikod. Naglakad palabas ng kanilang pamamahay. Kailan ba akong naging mabuti sa kaniyang mga mata? Hindi niya ako tinuturing na kadugo. Isang palamunin lamang ang tingin niya sa amin ni Mommy. Nakakasakal na sila. Hindi ko kailangan ang kanilang pera para mabuhay.
“Jayden!” sigaw ni Mommy nang makalabas ako. Tumigil ako at pagod na lumingon sa kaniya.
“Bumalik ka sa loob at humingi nang tawad sa iyong Daddy. Bawiin mo ang sinabi mo sa kaniya kanina,” aniya.
Umiling ako. “Para saan pa, Mom? Para sigawan muli ako at ipamukha na nakadepende ako sa yaman niya. Kahit piso ng ari-arian niya, hindi ko ginalaw!” Inis kong sinuklay ang buhok gamit ang kamay sa sobrang galit sa sariling ama. “Hindi natin kailangan ang h*yop na lalaking iyon!”
“Kailangan ko siya, Jayden,” nagmamakaawang sabi niya. “Ayoko muling bumalik sa mabahong lugar. Ito ang pangarap ko. Ang magkaroon ng mansyon.”
“Hindi atin ito, Mom. Hindi ka nila tinatrato nang maayos di-”
“Wala akong pakialam! Mas matitiis ko pa sila pero ang kahirapan?” Umiling siya. Nagmamakaawang tumingin sa akin. Umiwas ako ng tingin sa kaniya. Naiinis sa sarilii. “Please, Jaden. Huwag mong gawin sa akin ito. Mamamatay ako kapag tumira ulit sa squater!”
“Magtatrabaho ako, Mom. Kaya ko namang magtrabaho. Huwag na tayong tumira rito.”
“Kahit ngayon lang naman, Jayden. Makinig ka sa akin. Para rin sa iyo ito.” Inabot niya ang aking kamay at bahagyang pinisil.
“Para sa akin?” ani ko, umiling sa kaniya. “Sarili mo lang ang iniisip mo, Mom.”
Galit na binitawan ang aking kamay saka umatras nang kaunti. “Wala ka talagang k'wenta!”
Pagod lang akong nakatingin sa kaniya. Ilang beses niya na bang sinabi sa akin iyon? At ilang tao na ba ang sinigawan ako?
“Kaya nating mabuhay ng wala si Dad, Mom.”
Tumulo ang kaniyang luha saka tumalikod sa akin at pumasok sa mansyon.
Galit kong hinampas ang ibabaw ng aking kotse. Kailan ba makikinig sa akin ang sarili kong Ina? Binuhay lang naman niya ako upang gamiting dahilan kay Daddy. Para panagutan siya at magkaroon ng pera.
“I’m sorry, Jayden.”
Rinig ko sa aking likod. Yumuko ako habang nakahawak pa rin sa ibabaw ng aking kotse. Malalim ang bawat paghinga ko dahil sa galit.
“Hindi ko kayang umalis sa fraternity. Alam mo naman kung anong gagawin nila kapag umalis ako sa grupo. At iyon lang ang tanging nagpapasaya sa akin.”
Tumango ako saka umayos nang tayo. Lumingon sa kaniya.
“Naiintindihan ko, Kuya.” Tipid siyang ngumiti sa akin. Lumapit at tinapik ang aking balikat. “Kailanman hindi kita ipapahamak. Ikaw lang ang tanging taong tumanggap sa akin sa mansyong ‘to.”
Tumango siya. “ Maraming salamat, Jayden.” Ginulo nito ang aking buhok na mahina kong ikinatawa. “Kapatid talaga kita!”
Tumigil siya at lumingon sa aking sasakyan. “Ako nang bahala sa titirhan mo. Puwede namang tumira ka muna sa aking condo.”
“Kaya kong maghanap ng trabaho, Kuya.” Ngumiti ako sa kaniya.
“Kung ‘yan ang gusto mo. Wala na akong magagawa. Ako na ang kakausap kay Daddy tungkol kay Tita Bernadeth.”
Tumango ako sa kaniyang sinabi. Magpapayaman ako upang tumira kami ni Mommy sa isang bahay na magkasama. Ayaw niya talagang tumira sa dati niyang kinagisnang pamumuhay. Ang gusto niya ay sa isang malaking mansyon.
Nakapasok ang isa kong kamay sa bulsa habang naglalakad palapit sa aking sasakyan. Katatapos lang ng aming klase. Kailangan kong maghanap ng bagong titirhan. Hindi puwedeng araw-araw akong matulog sa aking kotse.
Sakbit ang aking bag sa isang balikat nang makita ko ang grupo ng mga kalalakihan na papalapit kay Kuya Asher. Nakangisi lang ito na nakatingin sa kanila. Naghihintay siyang makalapit ang mga ito sa kaniya.
Mabilis akong naglakad palapit sa kinaroroonan nito nang makita ang pagdausdos ng bakal mula sa loob ng kanilang suot na polo. Tumakbo ang mga ito sa kinaroroonan ni Kuya Asher.
Agad na lumaban si Kuya sa mga lalaki. Akmang hahampasin ng isang lalaki siya ngunit malakas ko itong sinipa dahilan ng kaniyang pagbagsak sa sahig.
Lumingon sa akin si Kuya Asher. “Umalis ka rito, Jayden!”
Hindi ako nakinig sa kaniya at pinagpatuloy ang pag-ilag. Suntok at sipa ang binibigay ko sa kanila sa tuwing nakakahanap ako ng tiyempo.
Pinapalibutan kami ng ilang estudyante upang manood.
Lumapit sa akin si Kuya Asher. Nakangising umiling sa akin. “Gumagaling ka na sa pakikipaglaban.”
Ngumisi lang ako sa kaniya habang nakatingin sa ilang lalaki. May pasa ang iba dahil sa aking kamao.
Lumingon ako sa aking polo. Kumalas ang unang tatlong butones ng aking polo dahil nahila ito kanina ng isang lalaki.
“Baka sumasali ka sa ibang grupo ng hindi ko alam, Jayden.”
“Huwag kang mag-alala, Kuya,” ani ko. “Wala akong balak na sumali sa mga ganiyan.”
Sabay-sabay silang nagsuguran sa aming dalawa.
Umilag ako nang mabilis nang makita ko sa gilid ng aking mata ang mahabang bakal na papalapit sa mukha ko. Umatras ako upang makalayo sa lalaki.
“Bibigyan mo pa ng pasa ang aking kapatid, ha!” sigaw ni Kuya Asher saka tumalon nang mataas at sinipa nang buong lakas ang ulo ng lalaking muntik nang makatama sa akin.
Nawalan ito ng malay at bumagsak sa sahig. Ngumiti siya sa akin at lumapit. Nakabulagta ang lahat ng lalaki.
“Ayos ka lang?” tanong niya.
Tumango ako habang inaayos ang nagusot na polo. “Sino sila?”
“Eternity Group,” aniya. “Naghahanap ‘ata ng away.”
Naglakad siya palapit sa kaniyang bag na nasa sahig. Kinuha iyon at muling lumapit sa akin.
“Hindi man lang ako napagod,” sabi niya. “Tara na.”
Kinuha ko rin ang aking bag at pumunta sa aking sasakyan. Pumasok sa loob at binuhay ang makina.
Napalingon ako nang bumukas ang pinto. Pumasok si Kuya Asher. “Tinatamad akong mag-maneho.”
Sinandal nito ang ulo saka pumikit. Naiiling kong pinaandar ang aking sasakyan.
Siguradong hindi siya titigilan ng grupong iyon hangga’t hindi siya papatayin.
Pagkarating na pagkarating ng aking sasakyan sa mansyon. Si Dad at ang kaniyang Ina kaagad ang bumungad sa amin. Galit ang mga mukha ng mga ito. Ganoon din ang aking Mommy na nakatayo malayo sa kanila. Kita sa gilid ng aking mata ang pag-ayos ng upo ni Kuya Asher.
“Madadamay ka na naman dito, Jayden.” Lumingon siya sa akin. “Dapat kasi pinilit kitang umalis sa away.”
Bahagya niyang sinabunutan ang kaniyang sarili.
“Kahit itulak mo ako sa away kanina. Hindi ako makikinig sa iyo,” saad ko. “Sabihin mo na lang sa kanila na nadamay ka lang sa away ko, Kuya.”
“Ako ang Kuya sa atin pero ikaw ang nagtatanggol sa ating dalawa.”
Mahina akong tumawa sa sinabi niya.
“Pinagtanggol mo rin naman ako kanina do’n sa lalaki.”
“Wala pa iyon sa kalingkingan ng naitulong mo sa akin,” aniya.
Itinigil ko ang aking sasakyan. Agad na lumapit sa amin sina Dad, Tita Malou, at Alexa nang lumabas kaming dalawa.
Nag-aalalang tiningnan ni Tita Malou ang buong katawan ni Kuya Asher saka lumingon sa akin.
“Napaaway lang kami, Dad.” Ani ni Kuya Asher ngunit huli na iyon dahil lumapat sa aking mukha ang likod ng palad ni Dad.
Napasinghap ang lahat sa kaniyang ginawa. Ramdam ang kaniyang pagsampal sa aking pisngi.
“Dad!” sigaw ni Kuya Asher.
“Hindi mo kailangang saktan si Kuya Jayden, Dad!" si Alexa. Hinigit ito ng kaniyang Ina upang patahimikin.
Lumapit sa akin si Mommy. Galit ang kaniyang mukha.
Tinuro ako ni Dad. Mapula ang kaniyang mukha. “Pinapahiya mo ang aking pamilya! Ang kapal ng mukha mong idamay pa ang anak ko!”
“Walang may kasalanan, Dad. Pinagtanggol lang ako ni Jayden sa mga tambay,” pagsisinungaling ni Kuya Asher.
“Huwag mo akong lokohin, Asher. Kasali siya sa fraternity. Maraming mga basag-ulo do’n!” Nanlilisik ang mga mata niya akong tiningnan. “Buhat ngayon hindi ka na puwedeng lumapit sa malas na ito, Asher.” Turo nito sa akin.
Malamig ang mga mata kong nakatingin sa kaniya. Kinuyom ko ang aking kamay. Tumingin sa aking Ina. Umiling lang ito saka umatras. Walang balak akong ipagtanggol katulad nang ginagawa ng ibang magulang.
“Anak mo rin siya, Dad. Itrato mo naman siya katulad ng tunay na anak,” ani ni Kuya Asher.
Hindi na mangyayari iyon. Basura ang tingin nila sa akin. Labag sa kanila na buhayin ako.
Nagngitngit ang aking ngipin at isang hakbang na umatras.
Isang beses na tumingin sa sarili kong Ina. Hindi ako umaasang ituturing mo akong bilang anak. Ngunit kahit isang beses man lang ipagtanggol mo ako.
Tumalikod ako saka binuksan ang pinto ng sasakyan at pumasok. Mahigpit ang pagkakapit sa manibela saka pina-harurot ang aking kotse.