“Hindi mo ba dadalhin dito ang iyong Ina, Jayden?”
Tuwid ako nakaupo sa pang-isahang sofa. Kaharap niya ako habang siya ay umiinom ng kape. Nakadekuwatro at nakasuot ng business suit.
Umiling ako. “Hindi niya ako gustong makita.”
Ngumisi siya.
Nagtiim-bagang ako habang nakatingin sa kaniya. Umayos siya ng upo. Natatawa ang kaniyang mukha.
“Mas gugustuhin niya pang mamatay sa mabahong lugar na iyon kaysa makita ka?”
Kinuyom ko ang aking kamao dahil sa kaniyang sinabi. Mariing tinikom ang aking labi.
“Pilitin mong sumama siya sa mga guwardiya natin, Jayden. Ngunit kung ayaw talaga hayaan mo na ang Ina mong mamata—”
“Maraming mga nakapaligid sa kaniyang guwardiya, Dad,” pagputol ko sa kaniya, malamig ang aking boses. Ngumisi muli siya ngunit nagpatuloy ako. ”Nakapalibot silang lahat kay Mommy ng patago.”
“Jayden, Kita mo naman kung sino ang kalaban nating grupo, hindi ba?” Hindi ako sumagot. “Isang bomba lamang ng lugar na iyon ay ubos ang mga nakatira roon. Baka walang kang kamalay-malay diyan na patay na ang iyong Ina sa mga kamay ng Eterni—”
Tumayo ako na ikinatigil niya. Iniisip ko rin ang kapakanan ni Mommy sa kaniyang tinitirhan ngayon. Naintindihan ko kung bakit ayaw niya akong makita. Kaya nagpadala ako ng maraming mga propesiyonal na guwardiya kung saan siya nakatira.
Araw-araw kong pinupuntahan ang lugar na iyon upang makasigurado kung ayos lang si Mommy ngunit hindi ako nagpapakita sa kaniya.
“Pilitin mo siya, Jayden,” seryosong ani ni Dad. Nakatitig siya sa kaniyang hawak na baso. “Hindi mo namang gustong mawalan ng Ina. ‘di ba?"
Tumango ako. Blangko ang aking mukha. “Dadalhin ko po siya rito, Dad.”
Tumango siya saka tumingala sa akin. “Mag-iingat ka.”
Pinilit kong hindi gumawa ng reaksiyon dahil sa narinig mula sa kaniyang bibig. Kinuyom ko ang aking kamao saka tumango. “Babalik agad ako, Dad.”
Tumalikod ako ngunit hindi pa ako nakakalapit sa pinto nang muli siya nagsalita. "Hindi ka ba magpaaalam muna sa nobya mo?"
Hindi ako gumalaw sa aking kinatatayuan saka umiling. “Hindi niya kailangang malaman na umaalis ako sa hospital na ito.”
Pinagpatuloy ko ang paglalakad. Lumabas ng silid nito. Hanggang ngayon hindi pa rin gumigising si Tita Malou. Hindi naman lumalabas ng silid si Alexa. Pinagsabihan ko siya no’ng isang araw na huwag ng lalabas sa kaniyang silid. Kahit sa loob ng hospital na ito ay hindi ligtas.
NIlagpasan ko ang pinto ng silid ng aking kapatid at nobya.
Seryoso ang aking tingin na lumabas ng gusali. Dinukot ko ang aking susi sa aking bulsa saka pinatunog ang aking sasakyan. Maraming nakapaligid na sniper na tauhan ni Dad sa buong hospital na ito ngunit marami ring mga sniper na galing sa mga kalaban.
Kapag lumalabas si Dad ng hospital ay kailangan niya pa ng panangga upang hindi matamaan ng bala mula sa mga kalaban. Ang pamilya ko ang unang puntirya ni Anderson. Sinabi niya rin sa akin na hindi niya muna ako papatayin noon. Kaya malaya akong nakakalabas ngunit kahit ganoon alam ko kung paano siya maglaro.
Hindi niya ako papatayin ngunit kaya niyang ipatikim sa akin ang sugat, galos, at ilang mga pagsabog. Gano’n siya maglaro.
Pinaharurot ko ang aking sasakyan. Buo na ang aking desisyon na pipilitin ko si Mommy na sumama sa akin. Ayaw niya man akong makita. Tama si Dad, matindi ang aming kalaban kahit palibutan pa siya ng maraming guwardiya.
Itinigil ko ang aking sasakyan sa may tabi ng kalsada. Maraming mga tao ang nakatingin sa aking sasakyan. Mga nag-iinuman, nagsusugal, at nakikipagtsismisan.
Napansin ko ang kinuha kong propesiyonal na guwardiya, hawak nito ang isang karton. Nagpapanggap silang lahat dito upang hindi mapansin ni Mommy.
Tumingin ang mga ito sa akin saka pinagpatuloy ang kanilang ginagawa. Walang nagtangkang lumapit sa akin dahil kapag ginawa nila iyon malalaman ni Mommy.
Naglakad ako. Gusto ko mang magmadali patungo sa bahay ni Mommy ngunit makakaagaw ako ng atensiyon ng mga narito.
Kinuyom ko ang aking kamao. Nakatingin sa mga batang naglalaro. Tumigil ang mga ito ng mapansin ako. Seryoso ang aking mata habang nakatingin sa daan. Simple lang ang aking suot. Ngunit may nakasuksok na baril sa may tagiliran ko.
Nahagip ng aking mata ang mga lalaking nag-iinuman. Sila ang nakaaway ko no’ng unang punta ko rito. Mayabang na nakatingin sila sa akin.
Binalewala ko lang sila saka pinagpatuloy ang paglalakad. Hindi na lumapit ang mga ito sa akin. Natakot ‘ata sa aking Mommy.
“Kuya Jayden.”
Napayuko ako nang marinig ang maliit na boses ng isang bata. Hinihigit nito ang dulo ng puti kong damit. Marumi ang kaniyang damit. Madungis ang kaniyang mukha.
“Betty," ani ko sa bata. Lumaki ang ngiti nito sa labi kaya nakita ang bulok niyang mga ngipin. “Kumusta si Mommy?’
Tinaas nito ang kaniyang kamay saka ang kaniyang hinlalaking daliri. "Ayos lang siya, Kuya Jayden. Katatapos lang nga niyang magsugal kanina, e.”
Tumango ako saka tipid na ngumiti. Tumingin sa aking paligid. Nakikiramdam sa mga taong nakatingin sa akin. Dumilim ang aking mukha nang mapansin ang tingin sa akin ng isang lalaki. Kita ko ito mula sa gilid ng aking mata. Hindi ko siya nilingon upang hindi niya mapansin na nakita ko ang hawak niyang baril.
Tinago nito ang hawak na baril sa ilalim ng kaniyang baywang at saka tumalikod. Suot niya ang maruming damit kagaya ng mga nakatirang squatter dito.
“Ganoon ba?”
Masayang tumango sa akin ni Betty. Ilang segundo akong napatitig sa kaniya. Napakabata niya pa para paligiran ng mga masasamang tao. Hindi ligtas ang lugar na ito.
Nagtiim ang aking bagang. Pilit na ngumiti kay Betty. Hindi niya inaalis ang tingin sa akin. Halata ang paghanga sa kaniyang kumikislap na mata.
Yumuko ako sa kaniya saka ipinatong ang aking kamay sa ulo niya. Mahinang tinapik ito na ikinahagikgik niya. Dinukot ko ang wallet na nasa bulsa ko saka kumuha ng isang libo roon.
Nanlaki ang kaniyang mata habang nakatingin doon. Halata ang kasiyaan sa kaniyang mukha.
"May iuutos ako sa iyo," saad ko. Kumikislap ang kaniyang mga matang tumingin sa akin. Naghihintay ng susunod kong sasabihin. "P'wede mo ba akong bilhan ng chocolate sa malayong tindahan?"
Mabilis siyang tumango. Ngumiti ako sa kaniya saka binigay ang isang libong piso sa kaniya. Kinuha niya iyon saka tinitigan nang matagal.
Tuwing pumupunta ako rito, binibigyan ko siya ng dalawang libo. Siya ang nagsasabi sa akin kung ano'ng ginagawa ni Mommy sa buong maghapon. Siya rin ang tagamasid sa kaniya habang nagsusugal ito o umiinom.
"Bibilisan ko po ang pagbili. Babalik ako agad, Kuya Jayden."
Ipinatong ko ang aking kamay sa kaniyang ulo. "'Wag kang magmadali. Makakapaghintay ako."
Tumango lang siya saka tumakbo palayo sa lugar na ito. Pinagmamasdan ko lamang ang kaniyang likod habang masayang lumalayo mula sa kinaroroonan ko.
Malakas ang aking kutob na magkakagulo mamaya sa lugar na ito. At ang tulad niyang musmos pa lamang ay hindi nararapat sa ganoong pangyayari.
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Ramdam ang pagsunod ng isang lalaki sa akin ngunit hindi ko pinahalata iyon.
Ang ilang nadadaanan kong mga lalaki ay mga tauhan ko. Hindi nila ako tinitingnan dahil mahahalata kami.
Nakapamulsa akong lumapit sa maliit at sira-sirang bahay. Nagkalat ang putik sa paligid. Amoy ang mabahong basura mula sa kanal.
Hindi ako kumatok sa pinto at basta na lamang pumasok ng bahay ni Mommy. Butas-butas ang pader ng kaniyang bahay, gayundin ang bubong. Nagkalat ang mga damit sa upuan at pang-ilalim na suot. Nagkalat din ang sapatos at ilang gamit.
Kumunot ang aking noo habang nakatingin sa damit na panglalaki na nasa sahig. Lumapit ako roon saka dinampot iyon. Bakit naman may ganitong damit dito? Hindi gusto ni Mommy na nagsusuot ng malalaking damit dahil ang sabi niya ay hindi iyon nababagay sa kaniya.
Tumaas ang isang kilay ko nang napabaling sa brief, pantalon, at sinturon. Dumilim ang aking mukha nang makuha ang nangyayari ngayon.
Narinig ko ang ungol mula sa isang kuwarto. Kinuyom ang aking kamao. Nagngangalaiting tinapon ang damit sa kung saan. Bumabalik na naman si Mommy sa dati niyang ginagawa. Akala ko ay tumigil na siya. Akala ko ay tanging pagbibisiyo na lamang ang kaniyang pinagkakaabalahan dito!
Mabibigat ang bawat hakbang akong kumapit sa pinto. Buong lakas na tinulak iyon dahilan ng pagkasira at pagtilapon nito sa sahig.
Galit akong nakatingin sa matabang lalaki na nakapatong sa ibabaw ng aking Mommy. Hubo't buhad ito. Nawala ang kaniyang ngisi nang makita ako. Pumutla bigla ang kaniyang mukha.
"Jayden!" Agad na binalot ni Mommy ang kaniyang katawan gamit ang manipis na kumot. Magulo ang kaniyang buhok at kalat ang kaniyang make-up. "Ano'ng ginagawa mo rito?!"
Tinulak ni Mommy ang lalaki sa dibdib nang hindi ito umalis sa kaniyang ibabaw. Nagkukumahog na umalis si Mommy sa ibabaw ng kama.
Mariin ang aking titig sa lalaki. Nawala ang pagkalaki ng kaniyang mata saka ngumisi.
"Sino naman ang batang ito, Bernadeth?"
Nagtagis ang aking panga.
"Umalis ka na, Bernardo!"
Umupo nang maayos ang lalaki. Tinungkod ang kaniyang dalawang kamay sa kama habang mayabang na nakatingin sa akin.
"Bakit naman ako aalis? P'wede naman tayong mag-threes*me kasama ang batang kalaguyo mo ngayon."
Walang emosiyon akong ngumisi sa kaniya dahilan ng bumakas ang kaunting takot sa mukha nito na pilit tinatago.
Natatarantang nakatingin sa akin si Mommy. Hindi ko siya pinansin.
Itinagilid ko nang bahagya ang aking ulo habang nakatitig sa lalaking nasa ibabaw ng kama pa rin.
Dinukot ko ang aking baril na nakatago sa ilalim ng aking damit saka itinutok ito sa kaniya.
Napaatras siya. Bakas na talaga ang takot sa mukha nito. Halata ang kaniyang paglunok habang nakatingin sa hawak ko. Mabilis na nagpawis ang kaniyang noo. Nakalantad pa rin ang kaniyang buong katawan na walang saplot. Hindi ko alam kung talagang t*ti ang mayroon siya ngayon o daliri lamang.
"Anak niya ako," malamig kong sabi. Lalong lumaki ang kaniyang mata. Nakanganga ito na tumingin sa aking Ina.
"Ang sabi mo wala kang anak, Bernadeth!"
Hindi ako nagsalita. Matagal ng tinuturing ni Mommy ang kaniyang sarili na walang anak buhat ng mamamatay si Kuya Asher.
Hindi siya pinansin ni Mommy at inirapan lamang. Tumingin siya sa akin. "Ibaba mo iyang baril mo, Jayden."
Hindi ako nakinig sa kaniya. Ginalaw nang kaunti ang hintuturong daliri na ikinanginig ng lalaking nasa harapan namin.
"Jayden!" si Mommy. "Pinapakita mo talaga sa akin na mamamatay-tao ka!"
Napasulyap ako sa sarili kong Ina. Galit ang kaniyang mukha na nakatingin sa 'kin. Labag sa loob kong binaba ang aking baril.
"Labas," matigas kong sabi.
Nagmamadali itong bumaba sa kama. Muntik pang mapasubsob sa sahig.
Matalim ang aking mata na nakasunod lamang sa lalaki hanggang sa tuluyan na itong lumabas.
Napatingin ako kay Mommy nang lumapit ito sa akin. Nakabalot pa rin sa kaniya ang kumot.
Mahigpit kong kinuyom ang aking kamao nang maramdaman ang palad niya na tumama sa aking pisngi. Namayani sa buong silid ang malakas napaglapat ng palad niya.
"Sino ka para pumasok na lamang sa pamamahay ko?! Wala kang karapatan na tumapak sa pamamahay ko, Jayden! At mas lalong wala kang karapatan na magpakita sa akin dahil sa mga ginawa mo!" singhal niya. Walang mababakas na kahit anong emosiyon sa aking mukha. Hindi ako galit sa kaniya. Kahit sampalin pa ako ng ilang beses ng sarili kong Ina. "Ikaw ang dahilan kaya ako narito! Ikaw ang dahilan kaya bumabalik ako sa gawain ko rati! Ikaw, Jayden! Ikaw ang sumisira sa buhay ko!"
Malakas na hinampas niya ang aking dibdib. Hindi ako nagpatinag at hinayaan lamang siya. Paulit-ulit niyang ginagawa iyon hanggang sa marinig ko ang kaniyang pagtangis at paghikbi.
Unti-unting tumitigil ang kaniyang paghampas sa akin, nanghihina ang kaniyang braso na tumigil.
"Bakit ba naging ganito ang buhay ko?" hikbi ni Mommy. Tumingin ako sa kaniyang mukha. Umaagos ang kaniyang mga luha Lalong kumakalat ang kaniyang make-up ngunit halata pa rin ang angking ganda ng aking Ina. "Ginawa ko naman ang lahat noon upang yumaman. Binenta ko ang sarili ko sa mga lalaking may mga asawa para lamang may makain. Bakit ganito pa rin? Bakit nandito na naman ako sa mabahong lugar na ito."
Hinawakan ko ang kaniyang braso na nasa dibdib ko. Humahagulgol na siya.
Tumingala siya sa akin. Bakas ang paghihirap sa kaniyang mukha. Nakaramdam naman ako ng kirot habang nakatingin sa sariling kong Ina. Alam kong tinatago niya lamang ang hinanakit niya sa mahabang panahon. Nakikita ko siya dati sa mansyon na umiinom tuwing gabi.
"Kinapalan ko ang mukha ko para lamang makipagsiksikan sa mansiyong iyon, Jayden. 'Yon ang pangarap ko. 'Yon ang gusto kong pamumuhay," saka siya umiling. "Bakit inalis mo sa akin ang pinaghirapan ko?"
"Iuuwi na kita, Mommy," tanging saad ko sa kaniya. Umiling siya sa akin. Binawi ang kaniyang braso dahilan ng pagbitiw ko sa kaniya. Pinaglandas niya ang kaniyang kamay sa buhok saka pinunasan ang luha sa pisngi.
"Wala na akong uuwian. Ito na ang tahanan ko."
"Gagawa tayo ng sarili nating tahanan, Mom."
Ngumisi lamang siya saka bigong tumingin sa akin. "Imposible. Alam kong hindi ka na sinusustentuhan ni Pablo. Tumigil ka na sa pag-aaral, 'di ba?"
Hindi ako umimik sa kaniyang tanong na ikinatawa niyo nang mahina.
"Sinusundan kita minsan." Nanlaki ang aking mata sa kaniyang sinabi. "Nag-aalala pa rin ako kahit galit ako sa'yo. Kaya paano ka makakapagpatayo ng tahanan, Jayden? Hindi ka nag-aaral at disi-otso ka pa lang."
Hindi ba puwedeng magsimula muna sa maliit hanggang ito ay lumaki? Hindi naman importante ang bahay kung malaki o maliit, e. Basta natatawag itong tahanan. Basta kasama mo ang mga mahal mo buhay.
"Pakiusap, Mommy. Sumama ka na sa akin. Hindi ligtas ang lu—"
Napatigil ako nang marinig ang putok ng baril mula sa labas ng bahay. Napakapit nang mahigpit sa aking braso si Mommy dahil sa gulat.