Chapter 14

2078 Words
Malakas kong sinipa ang lalaki nang makita ko itong umaaligid malapit sa hospital kung saan naroroon ang aking pamilya at nobya. May hawak itong sniper gun habang nakatutok ang kaniyang baril sa kuwarto ni Dad. Mahigpit ang pagbabantay ng aming mga guwardiya. Patagal nang patagal din ay parami nang parami ang binabayaran ni Dad upang magbantay sa hospital at upang hanapin kung saan nagtatago ang Eternity Group, maging sa ibang bansa ay nag-hired si Dad upang doon magsaliksik. Madilim ang aking mukha habang nakatingin sa walang buhay na katawan na nakahandusay sa aking harapan. Nawalan ito ng malay dahil sa aking ginawa kanina. Binasa ko ang aking labi gamit ang aking dila saka bahagyang tinagilid ang aking ulo. Hindi ko na mabilang sa aking mga daliri ang pinatay ko ngayong isang linggo. Mula nang mangyari ang pagsabog na iyon ay napapadalas ang paglabas ng grupo ng Eternity. Nagiging aktibo na ang mga ito. Lumapit ako sa nakadapang lalaki, hindi ko alam kung buhay pa ang isang ‘to pero tutuluyan ko pa rin. Yumuko ako saka hinawakan ang kabilang gilid ng kaniyang ulo. Walang emosiyon ang aking mata habang nakatingin sa batok nito. Walang buhay akong ngumisi saka biglang pinaikot ang kaniyang ulo dahilan ng pagtunog ng kaniyang leeg. Binagsak ko ang ulo niya sa sahig habang hindi inaalis ang ngisi sa labi. “Hindi mo kasi ginalingan sa pagtago.” Naiiling akong umalis doon. Sinong mag-aakala na sa murang edad ay kaya kong makapatay. Walang pagsisisi na makikita sa aking mukha. Hindi ako nakokonsensya sa ginawa ko sa kanila. Kung pababayaan ko sila, mawawala naman ang aking pamilya. Kamatayan lang nila ang tanging solusiyon upang hindi nila magawa ang kanilang balak. Dinukot ko ang isang kahang sigarilyo sa aking bulsa habang naglalakad pabalik sa hospital. Kumuha ako ng isang stick ng sigarilyo saka sinindihan ito. Bumuga ako ng makapal na usok. Agad na nawala ito sa ere dahil sa malakas na hangin. Agad na tumakbo patungo sa akin ang mga bodyguard ni Dad. Nakaitim ang mga ito. Halatang matataas ang kalidad. Gayundin ang kanilang hawak na armas na binili pa ni Dad sa ibang bansa. Bahagyang yumuko sa akin ang isang lalaki. Kumunot ang aking noo nang makita ang pagkataranta sa kan'yang mukha. Halos mabasa ang kaniyang buhok dahil sa pawis. Namumutla ang kaniyang mukha. “Mr. Lennon, Sumugod po ang Grupo ng Eternity sa sinasakyang kotse ng inyong Da—" Mabilis ako tumakbo. Tinapon ang hawak na sigariyo. Ramdam ang pagsunog sa akin ng lalaki. Hindi naniniwala sa akin si Dad. Hindi siya nagpapapigil sa akin. Patuloy pa rin ang paghahanap niya sa aming mga kalaban. Kahit pinagbabawalan na siya ng doktor at kahit minsan ay nakikita kong nanghihina ang kaniyang katawan. “T*ngina,” galit na bulong ko. Mabilis na binuksan ng lalaki ang pinto nang makita ang paglapit ko rito. Sumulyap ako sa gusali ng hospital saka tumingin sa pinagkakatiwalaan ni Dad. “Hahanapin ko ang pamilya mo kapag hindi mo sila nabantayan," malamig kong sabi. Sumalado ito sa akin. Pumasok na ako saka malakas na sinarado ang pinto. Pinaharurot ko ang aking sasakyan papalayo sa hospital. Ang ilang kotse ng mga guwardya ay nakasunod sa akin. Napatiim-bagang ako at lalo pang binilisan ang takbo. Kinuha ko ang earpiece na nasa dashboard saka iyon nilagay sa tainga. Mahigpit ang pagkakapit ko sa manibela, nilalampasan ang mga sasakyan. Wala ng paki kung maaksidente man ako ngayon o makaaksidente ako. Kailangan ako ni Dad! “Street Concillo, Mr. Lennon,” ani ng nasa kabilang linya. Bigla kong iniliko ang aking sasakyan dahilan ng masagi ko ang nagtitinda sa gilid ng kalsada. Mabilis na umiwas ang mga tao nang makita ang aking sasakyan. May isa pang lalaking bumato sa aking sasakyan gamit ang hawak niyang buko na nasa plastik. Tss. Mga hadlang. Walang kurap-kurap kong pinagpatuloy ang aking pagmamaneho. Kinuha ko ang aking baril sa may gilid. Nananatiling nakasunod sa aking likod ang mga sasakyan nila. Nagtatakbuhang mga tao ang makikita sa paligid ng kalsada. Halata ang takot sa kanilang mga mata. Sunod-sunod din ang putok ng baril sa may ‘di kalayaun. Nagpapalitan ito ng mga bala. Binilisan ko ang aking takbo patungo sa kotse ng mga kalaban. Nakatigil naman ang kotse ni Dad sa gitna ng kalsada. Nakaupo siya sa gilid ng kotse kasama ang isang sugatang guwardiya, ang isa naman ay nakikipagbarilan sa mga ito. Nagkalat ang dugo sa sahig. Dalawa lamang ang natira sa maraming nagbabantay kay Dad. Sa galit ay nilampasan ko ang kanilang kotse, dumiretso sa mga kalaban. Hinigpitan ko ang paghawak sa manibela saka niyapakan ang clutch upang lalo pa itong bumilis. Ang mga lalaki na nasa harapan ko na may hawak na baril ay pinagbabaril ang aking kotse. Tumatalsik lamang ang bala sa aking sasakyan, walang tigil nilang ginagawa iyon. Taranta ang mga itong pumasok sa kanilang sasakyan nang makitang hindi ako aatras na banggain sila. Nagkukumahog ang mga itong nag-uunahan sa pagpasok. Ang dalawa namang lalaki ay tumakbo na papalayo sa takot na mapasali siya sa aking pagbangga sa kanila ngunit agad na pinagbabaril sila ng guwardiya ni Dad. Akmang tatakbo palayo ang isang lalaki ngunit huli na ang lahat. Walang pagdadalawang-isip kong binangga ang kanilang sasakyan. Hindi ako nagpatinag ng tumama ang aking sasakyan sa kanila. Nagkaroon din ng kaunting basag ang salamin ng aking sasakyan dahil sa malakas na impak ng pagbangga ko sa kanila. Dumilim ang aking mukha habang pinagmamasdan ang mga itong pumapailalim sa aking sasakyan. Bahagyang lumundag ito na aking ikinangisi. Ngayon, alam niyo na ang lasa ng kamatayan. Itinigil ko ang aking sasakyan saka lumingon sa side mirror upang tingnan ang kaninang lalaking pumailalim sa aking sasakyan. Nagkalat ang dugo nito. Umaagos mula sa kaniyang bibig iyon. Bukas ang kaniyang mata, bali ang kaniyang braso habang walang buhay na nakatagilid sa gitna ng kalsada. Kung gusto ni Anderson ng laro ay pagbibigyan ko siya. Kung gusto niya ng ganitong laro ay tatapatan ko siya. Lumaki ang aking ngisi nang may gumalaw na braso mula sa loob ng sasakyan na binangga ko. Pinipilit nito ang kaniyang sarili na lumabas kahit na puro dugo ang kaniyang katawan. Hindi katulad ng aking sasakyan ay mas sira pang tingnan ang kanila. Malaki ang mata nang tumingin sa akin ang lalaki. Hinawakan ko ang kambiyo saka tinapakan ang clutch upang muling banggain ito. Pinatunog ko ang aking kamao habang nakatingin sa halos hindi na maitsurahang sasakyan. Marami rin silang mga kasamahang napatay ng mga guwardiya namin ngunit mas marami ang napatay nila sa'min. Inatras ko nang kaunti ang aking sasakyan saka ito pinaliko. Nakatayo na si Dad habang nakatingin sa kinaroroon ko kanina. Gulat ang kaniyang mukha, may mantsa ng dugo ang suot niya. Pakinig mula sa malayo ang tunog ng sasakyan ng mga pulis. Binuksan ko ang aking bintana. Hindi makapaniwalang nakatingin sa akin si Dad. “Dad, kailangan na nating umalis.” Isang beses itong kumurap saka pumasok sa loob nang pagbuksan siya ng isa naming tagabantay. Pumasok rin ang mga ito. Mabilis kong pinaliko muli ang sasakyan saka nilampasan ang binangga ko kanina. Mabilis ang aking pagmamaneho. Sumilip ako sa rear mirror. Tumigil doon ang ilang mga sasakyan ng mga pulis ngunit ang iba ay hinabol kami. “Tss." Binilisan ko ang aking takbo upang hindi nila kami maabutan. "Mga wala kayong kuwenta!" singhal ni Daddy sa kaniyang mga guwardya. Nakayuko ang mga ito habang ang dalawang kamay ay nasa likod. Matikas ang kanilang mga tindig. "Nag-ensayo ba talaga kayong lahat! Mga de p*ta!" si Daddy saka ako tinuro. "Kung hindi pa dumating ang aking anak, hindi pa matatapos ang hayop na labanan na 'yon!" Napatuwid ako sa aking kinatatayuan nang marinig ang tawag niya sa akin. Bahagyang nanlaki ang aking mata habang nakatingin pa rin sa sumisigaw kong Ama. Tinawag niya akong anak?! Mali ba ang dinig ko?! Nananaginip ba ako?! Kinuyom ko ang aking kamao sa labis na galak na tinawag niya akong gano'n. Kailan ba ang huling sinabihan niya ako ng anak? Hindi ko na matandaan o wala talagang nangyari noon na tinawag niya akong anak. "Wala kayong silbi!" Napahawak ito sa gilid ng mesa na aking ikinataranta. Ngunit hindi ako lumapit sa kaniya. "Umalis kayo sa harapan ko." Nandito kami ngayon sa conference room ng aming hospital. Nauubusan na ng pasensya si Dad sa grupong iyon. Lalo pa at puro sugod at pananakot ang ginagawa ng kanilang pinuno. Hindi ito lumalabas sa kaniyang lungga. "Dad, magpahin—" "Ilang taon ka nang kasali sa Black Omega?" Umupo siya saka walang emosiyon ang mukhang tumingin sa akin. "Ilang tao na ang napatay mo?" Diretso ko siyang tiningnan. Nakikita ko sa kaniya si Kuya Asher ngunit alam kong magkaibang-magkaiba ang kanilang ugali at pananaw sa buhay. Nagtiim-bagang ako. Ipagtatapat ko na ba na nagsinungaling ako sa kaniya noon? Nananatili ang aking labi na nakatikom. Umiling siya saka ngumisi. Tumingin sa kawalan. Sinandal ang likod sa backrest ng upuan. Wala siyang natamong sugat kanina ngunit nakatulog siya bago makapunta sa hospital dahil sa labis na pagod niya. "May mamamatay-tao talaga akong anak noon?" Kinuyom ko ang aking kamao. Mahina siyang tumawa saka umiling muli. Yumuko siya, may ngisi sa labi. "Bakit nagulat ka pa?" ani ko. Tumingin siya sa akin. "Hindi ba ay iyon din ang ginawa mo? Ang pumatay?" Bigla itong tumawa na ikinatahimik ko. "Magkaiba tayo kung paano patayin ang mga kalaban natin," aniya. "Nakikita ng marami ang iyong ginagawa habang ako ay palihim na inililibing ng buhay ang mga gustong lamangan ako." "Tss." Umiwas ako ng tingin dito. "Maraming beses ko 'yong nagawa," malamig kong sabi. Tinutukoy ang pagbangga ko sa mga kalaban naming mga lalaki kanina. Sinisisi ko pa rin ang aking sarili sa nangyari kay Kuya Asher. Ako rin ang dahilan kung bakit siya nawala. "Bakit mo pa ako niligtas, Jayden?" seryoso ang kaniyang boses na ikinalingon ko. Mariin itong nakatingin sa akin. Umangat nang kaunti ang gilid ng labi nito ngunit walang mababakas na emosiyon sa kaniyang mukha. "Bakit hindi mo na lang akong hinayaang mamatay sa gitna ng barilan na iyon? Hindi ba kinasusuklaman mo ako bilang Ama? Galit ka sa akin kaya nararapat lamang na hayaan mo akong mamatay do—" "Galit ako sa'yo?" pagputol ko sa kaniya saka tumango, "ngunit nawawala rin agad iyon kapag naiisip ko na pamilya kita. Hindi ako nagtatanim ng sama ng loob kahit kanino, Dad. Lalo na sa aking pamilya." Nakatitig lamang ito sa akin. "At bakit naman kita hahayaang mamatay sa labanan na iyon? Hindi ako magdadalawang-isip na iligtas ka, kahit 'ata murahin mo ako buong buhay o palayasin mo ako kung saan man ako magpunta. Kahit na… hindi mo ako itinuturing na tunay na anak." Kinuyom ko ang aking dalawang kamay na nasa loob ng bulsa ko. "Kahit hindi mo ako tinuturing na pamilya, Dad. Ililigtas ko pa rin kayo kahit buhay ko pa ang kapalit." Ilang segundong nananatili ang kaniyang mata sa akin. Blanko ang kaniyang mukha. Iniwas nito ang kaniyang paningin sa akin. Umiling ako saka huminga nang malalim. At nag-desisyong lumabas ng silid. Bakit gusto niyang pabayaan ko siya na mamatay? Nababaliw na ba siya? Hindi niya ba iniisip ang kaniyang asawa at natitirang anak? Muli akong nagsindi ng sigarilyo habang naglalakad sa hallway. Ramdam ang pagod sa aking katawan ngunit kailangan ko pang magbantay sa paligid lalo na't nagsunod-sunod ang kanilang pagsugod sa amin. Tumigil ako sa tapat ng pinto ng aming silid. Ilang oras lamang ang tinatagal ng aming pagkikita. Kung hindi niya pa ako hintayin ay hindi kami magkakausap at magkikita kahit na iisa lamang ang aming lugar. Nagbibigay din ako ng oras sa aking dyowa minsan kapag binibisita ko siya, hindi lamang tuwing gabi. Isang beses akong bumuga ng usok. Akmang hahakbang sana ako nang biglang lumabas ang pinto. Bahagyang napatalon si Olivia nang makita ako. Napahawak ito sa kaniyang dibdib. Itinago ko ang aking kamay na may hawak na sigarilyo sa aking likod. Nakangiting humarap sa kaniya. "Hi," ani ko. Ngumiti ito sa akin saka niyakap ako. Gamit ang libreng kamay ay niyakap ko rin siya. "Na-miss mo ba ako?" namamaos na tanong ko. Tumango siya habang yakap ako. "Saan ka galing?" Ibinaon ang mukha sa aking leeg. "Sa labas lang nagbabantay," pagsisinungaling ko sa kaniya. Hindi ko na sinasabi sa kaniya sa tuwing napupunta ako sa gulo o sumusugod ang Eternity sa amin dahil umiiyak ito. Sinasabing natatakot siyang mapahamak ako. Gustuhin ko mang 'wag mapahamak ay hindi iyon maiiwasan lalo pa't malad*monyo ang aming kalaban.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD