Dumilim ang aking mukha nang marinig mula sa kaniya iyon. Humigpit ang pagkakapit ko sa kaniyang baywang saka hinapit siya palapit sa akin habang mariin ang titig sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit niya tinatanong ang mga bagay na ito.
Nakatingin din sa aking mga mata ang mga mata niyang kumikislap dahil sa luha. Ang natural niyang labi ay lalong pumula.
Nagtiim-bagang ako.
"Sino'ng may sabing mamamatay ka?" malamig kong sabi.
"Paano nga? Paano kapag nangyari iyon?"
Nananatili ang mga mata ko sa kaniya. Iniisip ko pa lang na mawawala ang babaeng mahal ko ay natatakot na ako. Paano pa kaya kapag nawala siya? Paano kapag dumating ang araw na bigla na lang siyang umalis sa akin?
"Mababaliw ako," ani ko sa mahinang boses. Hinaplos ko ang kaniyang likod gamit ang hinlalaki kong daliri. "Hindi ko kakayanin kapag hindi kita nakikita araw-araw."
Bumagsak ang isang butil ng luha sa kaniyang pisngi. Agad ko iyong pinunasan. Pinapanood niya lamang ako habang ginagawa ko 'yon.
Inangat niya ang kaniyang kamay saka hinaplos ang aking panga. Ang bakanteng kamay nito ay nilagay sa aking balikat. Madilim na sa buong pigid. Tuluyang nawala ang haring araw. Lalong lumamig at lumakas ang simoy ng hangin.
"Kung mangyari man iyon, lagi mong tatandaan na mahal na mahal kita, Jayden."
Tumaas ang isang kilay ko saka umiling sa kaniya. "Bakit mo ba sinasabi ang mga bagay na 'yan? Walang puwedeng manakit sa'yo hangga't nandito ako, Olivia. At hindi ako makakapayag na mawala ka sa akin."
Tipid siyang ngumiti saka marahang tumango. Hindi na siya nagsalita. Kumunot ang aking noo habang nakatingin sa maganda niyang mukha. Hindi mapakali ang aking pakiramdam. Nakikita ko sa mga mata niya na may gusto pa siyang sabihin. Gusto kong ipagtapat niya lahat sa akin ang mga problema niya ngunit ayokong masakal siya sa akin.
Iginagalang ko ang kaniyang pribadong pamumuhay. Dumating ako sa buhay niya para mahalin siya, kaya kasama na roon ang intindihin, iligtas, at iparamdam sa kan'ya ang kasiyahan.
"Hmm?" Napangiti ako nang pumungay ang kaniyang mga mata kasabay ng kaniyang paghikab. Kinusot nito ang kaniyang mata na parang bata dahilan ng paglaki ng aking ngiti. "Inaantok na ba ang mahal ko?"
Ngumuso siya saka unti-unting tumango na ikinatawa ko.
"Naputol ba ang tulog mo kanina?"
Umiwas siya ng tingin sa akin saka tumango. Pumula lalo ang pisngi.
"Ganitong oras kasi kita nararamdaman na pumapasok sa ating kuwarto," saka tumingin sa akin. "Hihintayin sana kita para sabay na tayong matulog."
Pinadaan niya ang kaniyang hintuturong daliri sa ilalim ng aking mata dahilan ng magtindigan ang aking balahibo. Nananatili ang aking ngiti sa aking labi habang pinagmamasdan siya.
"Kulang ka sa tulog, Jayden," nakangusong dugtong niya. "Hindi naman masamang magpahinga minsan. Sobrang dami ng inyong tauhan kaya puwede ka namang magpahinga kahit ilang minuto lang."
"Sabay tayong matutulog?" tukso ko sa kaniya
Umiwas siya ng mata sa akin. Animo'y kamatis na ang kaniyang pisngi dahilan ng mahinang kong pagtawa. Pinanggigilan ko ang dalawang pisngi nito na lalong ikinanguso niya.
"Saglit lang akong matutulog dahil kailangan ko pang magbantay sa buong hospital."
Tumingin siya sa akin. Nakabusangot na ang kaniyang mukha na parang bata na pinagdamutan ng candy.
"Bukas ka na lang kaya magbantay? Sabay tayong kumain pagkagising natin. Kailangan mo na talagang matulog. At alam kong wala sa tamang oras ang pagkain mo. Baka nga hindi ka na kumakain, e."
"'Yon ba ang gusto ng baby ko?" banayad na sabi ko. Mabilis siyang tumango sa akin. Hinawakan ko ang kaniyang kamay saka pinagsalikop ko ang aming mga daliri. Inilapit ko ang aking labi sa kaniyang noo saka humalik doon. "Matutulog tayo."
Sabay kaming naglakad patungong silid namin. Nakangiti ito habang pasulyap-sulyap sa akin. Halata ang galak sa kan'yang mukha ngunit nandoon pa rin ang bakas ng pag-iyak niya kanina.
Hinahaplos ko ang kaniyang buhok habang nakatitig sa kaniya. Hindi ko maalis ang aking ngiti habang pinagmamasdan siyang natutulog. Payapa ang kaniyang mukha. Nakahawak sa aking kamay.
Gusto ko pang titigan ang mukha ng nobya ko. Matagal akong nawalan ng oras sa kaniya. Ngunit hindi siya nagalit sa akin bagkus ay naiintindihan niya pa ang sitwasyon ko. Napakasuwerte ko talaga sa kaniya.
Hindi ko namamalayan na nakatulog na pala ako sa kaniyang tabi.
Naalimpungatan ako nang marinig ko ang mahinang boses ni Olivia. Kinurap-kurap ko ang aking mata upang masabay ito sa liwanag na hatid ng araw mula sa bintana. Umayos ako ng higa saka napahikab. Inaantok pa rin ako ngunit kailangan ko na talagang magising. Nakabawi na naman ako sa aking pagpupuyat nitong nakaraang gabi.
"Hindi ko na itutuloy," mahinang ani ni Olivia na hindi ko narinig. Natatakot sigurong magising niya ako. Sinuklay ko ang aking buhok gamit ang kamay saka namumungay ang mga matang tumayo. Tanging pantalon lamang ang aking suot. Wala rin akong sapin sa paa ng maglakad ako palapit kay Olivia.
Dalawang beses na sumulyap ito sa akin nang mapansin ang aking presensiya. Nakatapat sa kaniyang tainga ang kaniyang cellphone. Mabilis niya iyong pinatay saka nakangiti tumingin sa akin.
Binuka ko ang dalawa kong braso saka naglalambing na niyakap siya. Ipinatong ko sa kaniyang balikat ang aking baba.
Rinig ang mahinang pagtawa nito. "Good morning, Jayden."
"Na-miss kita," ani ko saka hinalikan ang balikat niya. "Good morning din."
"Kumusta ang tulog mo? Nakabawi ka ba sa pagpupuyat mo?"
Kumalas ako ng yakap saka hinalikan siya sa labi. Ngumiti ako saka tumango.
"Nagdala ng pagkain ang mga tauhan ng Daddy mo." Lumingon siya sa mga pagkain na nasa tabi ng lamesa. Malawak ang lugar na ito. May malaking television, sofa, cr, at kama.
Lumapit ako saka tiningnan isa-isa ang mga iyon. Nakalagay ito sa isang lalagyan. Halatang hindi niya pa binubuksan.
Binuksan ko ang isang pagkain saka tinikman iyon. Pinakiramdaman ko ang aking sarili upang malaman kung may lason ba ang pagkain. Kailangan kong hindi magtiwala sa lahat ng nakapaligid sa akin. Lalo pa ay hindi ko kilala kung sino ang aking kakampi.
"Masarap," ani ko saka umupo. Binuksan isa-isa ang lahat ng pagkain. Ang mga dinadala ng pagkain sa silid na ito maging sa silid nina Daddy at Alexa ay sinusuri ko muna. Kasama na iyon sa aking pagbabantay sa kanila.
"Hindi na kita napapagluto."
Tumingala ako. Palapit ito sa akin. Nilahad ko ang aking kamay na agad niyang kinuha. Pinaupo ko siya sa aking tabi saka sinubuan.
"Ayos lang sa akin," sabi ko. "Makakapaghintay ako sa luto mo. Aayusin ko lang ang lahat ng ito at babalik na tayo sa bahay."
Tumango lang ito sa akin. Masaya kaming kumain na magkasama. Hindi ko siya hinayaang hawakan ang mga kubyertos. Ako ang nagsusubo sa kaniya. Hinayaan lang naman niya akong gawin iyon.
"May balita na ba tungkol sa Eternity Group?” tanong ni Dad sa kan'yang mga tauhan. Tuwid ang tayo ng mga ito sa kaniyang harapan.
Walang emosiyon naman ang aking mukhang nakikinig lamang sa kanila.
Wala pa ring malay si Tita Malou. Ginagamot na siya ng mga nakuha ni Dad na doktor galing sa ibang bansa. Mahina pa rin ang katawan ni Dad dahil kagigising niya pa lang. Kailangan niyang magpahinga ngunit nagpumilit siya na mag-asikaso upang mahanap ang grupong nagsunog sa aming mansiyon.
“Nahanap na po namin kung saan sila nagtata—"
“‘Yon naman pala, e! Bakit hindi niyo pa sugurin at patayin?! May hinihintay pa ba kayo?! Binayaran ko kayo para patayin ang mga hangal na ‘yon!”
Kalmado lang ang mga nakuhang tauhan ni Dad. May mga karanasan ang mga ito sa pakikipaglaban. Galing din sila sa ibang bansa kaya hasang-hasa sila sa pang-eensayo.
“Hindi basta-basta ang kalaban natin, Mr. Lennon. Isa sila sa pinakamayaman sa bansa kaya maraming silang mga koneksiyon sa paligid. Hindi natin alam kung may tauhan kang kakampi nila. At kung susugod man kami kailangan namin ng matinding plano. Hindi kami sumusugod sa labanan ng walang pinag-uusapan.”
“Kaya nga binayaran ko kayo, ‘di ba?! Kahit bilyong dolyar pa ang ibayad ko sa inyo, patayin niyo lamang sila!”
“Ginagawa namin ang lahat upang bantayan ang mga kilos nila at kung kailan kami susugod.”
Nagtiim-bagang lamang si Dad sa mga ito. Hindi na siya nagsalita. Umupo ito sa gilid ng kaniyang kama. Agad akong lumapit sa kaniya upang bigyan sana ng tubig nang makita ko ang kaniyang paghahabol-hininga. Minuwestra niya akong huwag lumapit sa kaniya.
Tumingin siya sa mga tauhan na nasa harapan niya lang. Tanging galit at poot lamang ang makikita sa kaniyang mukha. “‘Wag kayong babalik dito ng walang dalang magandang balita.”
Bagyang yumuko lamang ang mga ito saka naglakad palabas ng pinto.
Lumingon siya sa akin, hindi nagbago ang mukha.
“Kailangan niyong magpahinga, Dad. Baka lalong luma—"
“Sasama ka sa kanila."
Mariin kong pinagdikit ang aking labi nang magsalita siya.
”Patayin mo ang mga iyon, Jayden,” malamig na sabi niya.
“Opo, Dad.”
Tumayo siya. Akma akong lalapit muli sa kaniya ngunit pinatigil niya ako. Malaki ang binawas na timbang niya ngunit hindi nagbago ang maawtoridad na awra nito.
“Kailan ko ring kumilos.” Lumingon siya sa kaniyang asawa.
“Pero Dad, mahina pa ang katawan mo. Pinagbawalan ka ng doktor na ‘wag mu—”
Hindi niya ako pinansin. Naglakad siya palabas ng pinto. Naiwan akong mag-isa sa loob ng silid kasama si Tita Malou na payapa ang mukha habang walang malay. Nagkaroon din siya ng sugat sa likod at mga paso.
Sinuklay ko ang aking buhok gamit ang kamay.
Nagtungo ako sa silid ng aking kapatid. Abala ito sa panonood ng telebisiyon. Isang beses lamang itong sumulyap sa akin. Mabilis na ibinalik ang mata sa kaniyang pinapanood.
Umupo ako sa kaniyang tabi saka sinandal ang likod. Ipinatong ang dalawang kamay sa likod ng sofa saka malakas na bumuntong-hininga dahilan ng paglingon muli sa akin ni Alexa.
“Kumusta si Dad?” tanong niya. Muling ibinalik ang mata sa tv. “Pinagbawalan niya akong pumasok sa kanilang silid. Wala pa rin bang malay si Mommy?’
Pinikit ko ang aking mata. Ilang minutong hindi nagsalita. Pinatay niya ang pinapanood niya. Ramdam ko ang titig niya sa akin ngunit hindi ako nag-abalang tumingin sa kaniya. Bakas sa kaniyang mata ang pamumugto nito. Hindi ko kayang titigan siya na gano’n ang ayos. Gabi-gabi ko rin siyang naririnig na umiiyak sa kaniyang silid sa tuwing bibisitahin ko sana siya. Pumapasok lamang ako rito kapag alam ko na tulog siya.
Minsan ay naaabutan ko siyang binabangungot. Tinatawag ang pangalan ni Kuya Asher.
“Kumusta ka na rito?” tanong ko, hindi sinagot ang kanina niyang tanong sa akin. “Nababagot ka na ba?”
“Sino bang taong hindi maiinip dito?” Nagngitngit ang aking ngipin, naiinis sa sarili. Bakas sa kan'yang boses ang lungkot. “Pero kaya pa namang magtiis. Wala naman akong pagpipilian.”
Malakas na bumuntong-hininga ito. Iminulat ko ang isa kong mata upang silipin siya. Nakasandal din ang likod nito sa sofa habang nakatingala sa kisame. Nakahalukipkip ang kaniyang mga braso. Suot ang damit ng hospital na ito.
Muli kong ipinikit ang aking mata. “May kailangan ka ba para hindi ka mainip dito?”
“Wala,” sagot niya. “Gusto ko lang ibalik ang dati kong buhay.”
Tumango lamang ako. Hindi ko alam kung ilang araw kami mananatili rito ngunit gagawin ko ang lahat upang maibalik sa ayos ang buhay ng pamilya ko.
“Bakit hindi mo sinagot ang tanong ko kanina?” mahinang ani niya.
“Ayos lang sila.”
“Tss. Lumabas ako kanina.”
Inangat ko ang aking ulo saka tumingin sa kaniya. Umayos ako nang pagkaupo habang ang isang kilay ay nakataas. “Lumabas ka kanina ng walang paalam sa akin?”
Hindi nito ako pinansin. “Napakinggan ko lang na maraming yabag ng mga sapatos na papunta sa kanilang silid kaya nakinig ako saglit sa may pinto. Sumisigaw si Dad sa kaniyang mga tauhan. Nag-research ako tungkol sa eternity group noon kaya hindi na ako nagulat na mahihirapan ang mga tauhan niya kahit pa mga propesyonal sila.”
“Pinaplano na nila kung paano sila kakagat sa bitag.”
Huminga ito nang malalim. “Kailan kaya ito matatapos?”
Tumahimik ako. Maging ako ay hindi ko rin alam. Napaayos kami nang tayo at sabay na tumingin sa may bintana niya nang mapakinggan ang matinding pagsabog mula sa labas. Mabilis akong lumapit sa gilid ng bintana saka sumilip sa labas.
“Ano ‘yon?’ nanginginig na tanong ni Alexa.
“‘Wag kang lalapit dito."
Tumigil ito sa paglalakad. Pupunta sana sa aking puwesto.
Mga nagtatakbuhang mga tao ang makikita sa baba. Ilan sa mga tauhan namin ang nakabulagta habang ang dalawang kotse ay nagliliyab. Doon nanggaling ang pagsabog. May mga tama ng baril ang mga nakahandusay. Hindi ko napakinggan ang putok ng baril kanina. Siguro ay sinabay nila ng pagbaril sa pagsabog ng aming sasakyan.
Nagkalat ang mga tauhan namin sa baba. Sinusuri ang ang pulso ng ibang nakabulagta.
“Kuya Jayden, nandiyan na ba sila?” Lumingon ako kay Alexa. Nanginginig ang kaniyang kamay habang kinakagat ang kaniyang kuko. Namumutla ang kaniyang mukha habang nakatingin sa akin. Lumapit ako sa kaniya.
“Hindi sila makakapasok dito, Alexa, “ pagpapatahan ko sa kaniya. Tumango siya. “‘Wag ka na ulit lalabas ng silid hangga’t hindi ko sinabi. Aasikasuhin ko lamang iyon."
Akmang aalis ako ng hawakin niya ang aking kamay na ikinatigil ko. Masuyo ko siyang nginitian.
“Babalik ako agad, Alexa. Dadalhan din kita ng paborito mong pagkain."
Tumango siya, naiiyak ang kaniyang mga mata. “B-Baka mapaano ka, Kuya Jayden.”
“Mag-iingat ako.”
Unti-unti niyang binitawan ang aking kamay habang tumatango sa akin. Tumalikod ako saka naglakad palabas ng pinto. Dumilim ang aking mata saka nagtiim-bagang. Kinuyom ko ang aking kamao saka malakas na sinuntok ang apat na tagabantay sa silid ng aking kapatid.
Kinuha ko ang baril na nakatago sa aking baywang at itinutukan ang baril. Duguan ang kanilang mga labi ngunit hindi natinag sa kanilang kinatatayuan.
“Babaon sa katawan niyo ang bala ko kapag hindi niyo inayos ang inyong trabaho," mariin ngunit mahina kong sabi.
“Pasensiya na, boss. Nagpumilit si Miss Alexa na lumabas ng silid.”
“Kayo ang papatayin ko kapag may masamang nangyari sa kaniya.” Tumayo sila nang tuwid saka sumaludo sa akin.
Mahigpit ang pagkakapit ko sa aking baril habang naglalakad papunta sa elevator. Tinatakot na naman nila kami. T*ngina nila! Bakit hindi magpakita na lamang ang Anderson na ‘yon! Dinadamay niya pa ang pamilya ko!