Nagtatagis ang aking panga habang galit na naglalakad patungo sa kuwarto ng aking kapatid. Ang mga h*yop na Eternity na iyon naglagay ng bomba sa isang sasakyan na nakaparada sa tapat ng hospital!
Hindi iyon sumabog dahil agad na inalis ng mga tauhan ni Dad ang wire no’n. Ang sabi nila ay mababang klaseng bomba lamang ang kinabit ng mga ito. Kung gano’n, nananakot lamang sila!
Kinuyom ko ang aking kamao. Isang linggo na ang nagdaan mula no’ng masunog ang mansiyon. Nananatili pa rin kami rito sa hospital dahil hindi pa gumigising si Daddy at Tita Malou. Dito ko na rin pinatira muna si Olivia upang makasigurado ako sa kaniyang kaligtasan.
Madilim ang aking mukha habang nakatingin sa daan. Nakakulong na siya rito mula ng maging kami. Nawala ang kalayaan niya na lumabas dahil sa akin. At dahil sa pagiging abala ko sa pagbabantay sa paligid ng hospital ay madalang ko na lang siyang nakikita.
Pumupunta lamang ako rito saglit upang tingnan siya. Ngunit ang bumubungad sa akin ay ang natutulog at mahimbing niyang mukha. Hindi ko pa siya naririnig na nagrereklamo dahil hindi pa siya lumalabas ng silid. Pinapadala ko lamang siya ng kaniyang mga kailangang gamit. Pati na rin pagkain kaya hindi siya masyadong nakakagalaw dito.
Hinawakan ko ang doorknob, akmang pipihit ito nang lumabas ang aming doktor mula sa kuwarto ni Dad.
Binitawan ko ang doorknob saka ito hinarap. Walang emosiyon ang aking mukha habang nakatingin dito. Abala sa pagbabasa ng hawak niyang papel ang doctor.
Tumingin ito sa akin saka bahagyang tinaas ang nahuhulog niyang salamin sa mata.
“Nandito ka na pala, Mr. Lennon.” Mahina siyang tumawa saka sumulyap sa kuwarto ni Dad at ni Tita Malou. Muli niyang ibinaling ang tingin sa akin. “Gising na ang iyong Ama.”
Napaayos ako ng tayo saka muling tumingin sa pintuan ng kanilang kuwarto.
“Ipapatawag sana kita kanina ngunit nandito ka na pala. Hinahanap ka ng iyong Ama,” ani nito saka nilampasan ako.
Tumingin muna ako kung saan ang kuwarto ng aking nobya saka lumapit sa pinto ni Dad. Nandito pa rin ang apat na guwardiya nila. Tuwid ang tindig at alerto.
Kumatok muna ako saka pinihit ang hawakan ng pinto. Sumilip saka niluwagan ang kawang.
Nakaupo sa tabi ng kama ni Tita Malou si Dad habang marahang hinahaplos ang buhok ng kaniyang asawa. Malamyos na nakatingin sa kaniyang asawa. Kahit kailan ay hindi niya tiningnan ng ganoon si Mommy. Nabuo lang naman ako dahil sa dala ng init ng katawan nila.
“Dad…”
Lumingon siya sa akin. Ang kalmadong mukha nito kanina ay nawala at napalitan iyon ng poot at galit habang nakatingin sa akin. Nananatili ang walang emosiyon kong mukha saka patagong lumunok nang tumayo siya.
Natatakot ako na baka may mangyaring masama na naman kay Daddy. Dapat pala hindi muna ako nagpakita sa kaniya. Kagigising niya pa lang!
Ngunit nandito na ako. Maganda siguro na harapin ko na siya. Para malabas niya ang sama ng loob niya sa akin. Sa lahat ng nangyari sa kanila at sa kanilang mansiyon. Dapat ako naman talaga ang sisihin dito. Ako ang dahilan kaya nangyayari ito sa kanila.
“Ano na’ng balita sa mga taong gustong patayin kami?"
Hindi ko mapigilan ang labis kong pagkagulat dahil sa kalmadong boses ni Dad. Hinanda ko na ang aking sarili na bulyawan niya ako at murahin ngunit bumaligtad ang nangyari ngayon. Kahit gano’n batid ko ang nagtitimping galit ni Dad. Bakit niya iyon pinipigilan? Sanay na naman siyang murahin ako at sisihin.
“Tinatanong kita.”
Umayos ako ng tayo saka mahinang tumikhim.
“Naglagay sila ng bomba sa sasakyan ngunit naayos na, Dad,” ani ko.
Sumulyap ito ay Tita Malou saka lumapit sa kaniyang kama. Nahihirapan siyang umupo do’n saka malakas na bumuntong-hininga nang makaupo nang maayos. Naghihintay pa rin ako na sigawan niya ako. Nagtataka pa rin kung bakit hindi iyon nangyayari.
“Ano nga ulit ang pangalan ng gang na iyon?” tanong niya habang nakapikit at hinihilot ang sintido.
Suot niya ang puting tela ng hospital.
“Eternity po, Dad," ani ko.
Tumango ito. Ilang segundo akong nakatingin sa kaniya. Nang hindi ko na talaga mapigilan ang sarili ko ay nagsalita na ako, “Bakit hindi mo ako sinisigawan at sinisisi ngayon?”
Matalim ang mata nitong pinukol sa akin. Inalis ang kamay sa sintido. Madilim ang kaniyang mukha ngunit hindi ako natinag.
“Wala na ang mansiyon niyo dahil sa sunog. May sugat si Alexa sa braso dahil do’n. At pinagbabantaan kayo ng Eternity Group na patayi—”
“Sinasabi mo pa lahat sa akin ‘yan para lang sigawan kita ngayon?” walang emosiyon niyang sabi na ikinatikom ng aking bibig. Muli siyang tumingin sa kaniyang asawa. “Walang mangyayari kung sisigawan kita,” saka masama ang tingin na lumingon sa akin. “Ano pa ba ang maaasahan ko sa’yo?”
Kinuyom ko ang aking kamao.
“Hindi na kompleto ang aking pamilya. May nagbabanta pa sa amin na malaking grupo,” ani nito. Dumilim pa lalo ang kaniyang mukha habang pinagmamasdan ang kaniyang asawa. “Sinaktan pa nila ang aking asawa at anak. Muntik ng mawala sila sa akin.”
Tumingin siya sa akin saka tumayo.
“Ipatawag mo ang pinagkakatiwalaan kong mga tauhan, Jayden.”
Nataranta ako sa kan'yang sinabi.
"Pero Dad, kagigising niyo palang kailangan niyong magpahinga para bumalik ang la—"
“Hinihingi ko ba ang opinyon mo?” Nagtiim-bagang ako. “Hindi nagpapahinga at hindi nagpapatalo ang isang Lennon, Jayden. Nasa dugo ng mga Lennon ang paghihiganti kapag sila ay nalamangan. Tinatapakan at inililibing ng buhay ang mga tulad nila.”
Dumilim ang aking mukha, naalala ang lahat ng ginawa nila kay Kuya Asher. Ang pagtatangka nilang gahasain ang aking kapatid. At ang pagsunog nila sa mansiyon.
Tumango ako kay Ama. Hindi ako magpapakita ng habag sa kanila. Ang lahat ng lalabas sa kanilang lungga ay mamamatay. Tatadtarin ko silang buhay hanggang malagutan sila ng hininga. Hindi ako titigil hanggang maubos silang lahat.
Tumalikod ako upang lumabas nang kuwarto ngunit napatigil nang magsalita muli si Dad.
“Papatayin kita kapag may nangyaring masama ulit sa aking pamilya, Jayden.”
Walang emosiyon akong lumingon sa kaniya. Nagtiim-bagang ito nang makita ang aking mukha at bahagyang umatras.
“Mamamatay muna ako bago mawala sa akin ang pamilya ko, Dad," malamig ang boses na sabi ko rito saka muling tumalikod at lumabas.
Gagawin ko ang lahat para hindi mawala ang mga mahal ko sa buhay. Kahit pa kamatayan ko ang kapalit. Kahit pa mga pangarap sa buhay ko ang mawala. Maghihiganti ako.
Hawak ang isang sigarilyo sa pagitan ng dalawa kong daliri habang nagmamasid sa labas ng hospital. Nandito ako ngayon sa pangatlong palapag kung saan malakas ang hangin. Nadadala ang medyo mahaba kong buhok. Ramdam ang lamig nito ngunit hindi ko 'yon inalintana.
Kailangan ko ngayon ng sariwang hangin at tahimik na paligid upang makapag-isip, kung ano'ng susunod kong hakbang upang makaganti sa Eternity.
Kinausap ni Dad ang kaniyang mga tauhan kanina. Tinawagan niya rin ang kilala niyang malalaking kompaniya na mga mahuhusay sa mga labanan. Humanap din siya na mahuhusay ng mga doctor mula sa iba't ibang bansa upang ipagamot si Tita Malou. Agad niyang pinalipad ang mga ito papunta rito dahil hindi kami puwedeng basta-basta na lang lumabas ng bansa. Mapanganib sa labas at kailangang may plano muna bago kumilos.
Alam kong nagmamasid sila sa aming kilos. Naghahanap ng tamang tiyempo upang makaganti. Ang kanilang ginagawa na pagtatanim ng mga bomba ay patakam lamang sa akin.
Muli akong bumuga ng makapal na usok saka sinuklay ang sariling buhok gamit ang kamay. Nakatingin ako sa papalubog na araw. Nagtiim-bagang ako. Kung kaya ko lang ibalik ang panahon. Kung kaya ko lang ibahin ang mga pangyayari noon ay nagawa ko na. Ako ang papalit sa puwesto ni Kuya Asher. Ihahain ko ang aking sarili para lamang mabuhay siya.
Napatigil ako nang akma kong ilalagay ang aking sigarilyo sa aking bibig nang maramdaman ang dalawang kamay na pumalibot sa aking baywang.
Pumikit ako at dinama ang init ng kaniyang katawan mula sa aking likod. Tinapon ko ang hawak kong sigarilyo saka ito tinapakan. Ayokong makita niya akong naninigarilyo.
"Ayos ka lang ba?" malamyos ang boses niyang tanong.
Nakalapat ang kaniyang pisngi sa aking likod habang yakap-yakap pa rin ako. Hinawakan ko ang kaniyang dalawang kamay na nasa tiyan ko saka bahagyang kinalas upang harapin siya.
Tumingala siya sa akin. Nag-aalala ang kaniyang mukha na nakatingin sa akin.
Ngumiti ako sa kaniya. "Ayos na ako. Nandito ka na, e."
Ngumuso siya na ikinatawa ko nang mahina. Muli kong pinalibot sa aking baywang ang kaniyang kamay saka siya niyakap.
Nakatitig pa rin siya sa aking mukha.
Mabilis kong hinalikan ang kaniyang labi na kaniyang ikinagulat. Pumula ang kaniyang mukha saka mahina akong hinampas sa dibdib.
"Ikaw talaga! Bigla-bigla ka na lang nanghahalik," nakangusong sabi niya.
Nilagay ko ang ilang hibla ng kaniyang buhok sa likod ng kaniyang tainga habang nakatitig sa maganda niyang mukha. Nakangiti ako habang unti-unti siyang sinasayaw.
Lalo itong ngumuso. Pinipigilan ang pagngiti. Sumabay din ito sa aking pagsayaw habang yakap namin ang isa't isa.
"Sorry," bulong ko sa kaniyang tainga. Inamoy ko ang mabango niyang buhok habang ninanamnam ang payapang pakiramdam ng sandaling ito. "Halos hindi na tayo nagkakausap at nagkikita nitong mga nakaraang araw. Nilagay ko pa ang buhay mo sa piligro."
Tumingin ako sa kaniya. Naiiyak na ang mga mata nito. Hinawakan ko ang kaniyang pisngi dahilan ng kaniyang pagpikit. Kasabay nito ay ang pagpatak ng isang butil ng luha papunta sa kaniyang pisngi. Pinahid ko iyon gamit ng aking hintuturo.
"Imbis na malaya ka ngayon. Nandito ka at nakakulong sa hospital. Sorry, Olivia. Sorry sa lahat ng ito. Sorry kung ganito ang minahal mo—"
"Mas pipiliin ko pang makulong na kasama ka kaysa maging malaya na wala ka sa tabi ko, Jayden."
Marahan kong hinahaplos ang kaniyang pisngi habang patuloy kaming sumasayaw. Ang kaniyang boses ay tila musika sa aking tainga. Hindi na kailangan ng tugtog dahil ang tunog ng puso ko na mismo ang tumatambol habang nakikinig sa kaniyang boses.
Tumama ang kaunting sinag ng araw sa kaniyang mukha dahilan ng lalong makita ko ang kayumanggi niyang mga mata. Ang hugis puso niyang labi na parang nang-aakit na halikan ito at ang maputi niyang kutis na tumatama sa sinag ng araw. Parang isang diwata ang nasa harapan ko ngayon.
Hindi ko na kaya pang alisin ang aking mga mata sa kaniya. Hindi nakakasawa ang kaniyang ganda.
"Hindi ka ba galit sa akin?" Naghahanap ang aking mga mata sa kaniya. Nakaramdam ako ng kaba. Kinakabahan na baka galit siya sa akin dahil hindi ko siya binibigyan ng oras.
Ngumiti siya sa akin. Inangat ang kamay saka hinaplos din ang aking pisngi. Lalo pa itong lumapit sa akin. Humigpit ang paghawak ko sa kaniyang baywang ng tumingkad siya. Inabot ang aking labi saka pinaglapat ito sa kaniya.
Pumikit ako saka dinama ang malambot niyang labi. Ilang segundong nananatili iyon saka siya lumayo.
"Naintindihan kita, Jayden. Hindi mo kailangan ibigay lahat ng atensiyon mo sa akin. Alam kong hindi lang ako ang mahal mo ngunit alam kong ako lang ang babae sa puso mo," saka nilagay ang kaniyang kamay sa dibdib ko. Malakas ang t***k nito dahil sa kaniyang sinabi. Halos manikip ang aking hininga habang naririnig iyon mula sa kaniya. "'Wag kang mag-alala nandito lang ako palagi."
Tumango ako saka mahigpit na niyakap siya. Tumigil kami sa pagsayaw habang magkayakap. Nawala na rin ang sinag ng araw. May kadiliman na ang buong paligid. Lalong lumamig ang ihip ng hangin. Nadadala ang kaniyang mahaba at kulot na buhok sa hangin gano'n din ang suot niyang puting bestida na lampas-tuhod niya.
Kumalas ako sa pagkakayakap sa kaniya. Nakangiti kami sa isa't isa. Gumaan ang loob ko nang makausap siya. Nawala ng panandalian ang aking mga problema.
"Naririnig kita na tinatawag mo ang Kuya mo sa pagtulog." Mahina akong tumawa. Unti-unti namang nawala ang kaniyang ngiti habang nakatingin sa akin. Hinalikan ko nang mabilis muli ang kaniyang labi. "Gusto mo bang bisitahin siya?"
Umiwas siya ng tingin sa akin. Nawala ang ngiti ko nang makita ko ang lungkot sa kaniyang mga mata bago niya iniwas sa akin iyon. Hinawakan ko siya sa baba at pinaharap sa akin.
"May problema ba?" namamaos kong tanong habang ang isang kamay ay nananatili pa rin sa kaniyang baywang. "Kung ang kaligtasan mo ang inaalala mo. Hindi kita pababayaan. Magdadala ako ng maraming tauhan para masigu—"
"Hindi iyon," pagputol niya sa sasabihin ko. Mailap pa rin ang kaniyang mga mata. Pinipilit na huwag akong tingnan. "Kalimutan mo na lang iyon."
Kinalas niya ang pagkakayakap sa akin. Akmang tatalikod ngunit mabilis kong hinuli ang kaniyang braso na kaniyang ikinatigil nito.
Marahan ko siyang hinarap sa akin. Sinisilip ang nakayuko niyang mukha.
"May problema ba?"
Umiling siya habang nakayuko pa rin. Kumirot ang aking puso nang marinig ang pagsinghot niya. Tumulo ang kaniyang luha sa sahig.
"Olivia," malamyos kong tawag sa kaniya ngunit hindi siya tumingin sa akin. Hinawakan ko muli siya sa gilid ng kaniyang baywang habang dahan-dahan iyong tinataas-baba. "Baby."
Muli kong sinilip ang kaniyang mukha. Pilit pa rin nitong tinatago iyon. Lalo lamang siyang umiyak.
"May gusto ka bang sabihin sa akin? Nobyo mo ako kaya dapat lang na makinig ako sa lahat ng sasabihin mo."
Unti-unti siyang tumingala sa akin. Agad kong pinunasan ang basa niyang pisngi gamit ang likod ng aking palad. Mapula ang kaniyang mga mata, ilong, at pisngi dahil sa pag-iyak.
"M-May tanong ako," aniya sa pagitan ng hikbi. Tahimik akong tumango habang inaalis ang luha niyang patuloy na umaagos. "G-Gusto kong totoo ang isasagot m-mo, Jayden."
Tumango muli ako. Ilang segundo siyang hindi nagsalita habang nakatitig sa akin. Ganoon din ang aking ginawa, hinihintay ang tanong niya sa akin.
"Mahal mo ba talaga ako?"
"Oo," mabilis kong sabi. Hindi ako nagkakamali sa aking nararamdaman ngayon. Alam kong pagmamahal ito.
Muling umagos ang kaniyang luha habang umiiling. Hindi ko alam kung bakit niya iyon tinatanong. Sinabi ko na iyon dati pa at halos araw-araw habang siya ay naaabutan kong natutulog sa kaniyang silid, dito sa hospital.
Pinahid niya rin ang kaniyang luha sa pisngi saka malalim na bumuntong-hininga. Tumingin siya sa akin. Pagmamahal, lungkot, at pagsisisi ang nakikita ko sa kaniyang mga mata.
"Ano'ng gagawin mo kapag namatay ako?"