Maaga akong nagising nang marinig ang malakas na katok sa aking inuupahang bahay. Nanghihina ang aking katawan na bumangon. Pagod ako kagabi dahil sa aking trabaho. Balak ko ring pumasok sa isang talyer na malapit lang dito upang pandagdag gastusin dito sa bahay.
Napaungol ako sa inis nang lalong lumakas ang katok sa labas. Kinusot ko ang aking mata saka hinimas ang aking batok. Hindi pa ako naglilinis ng katawan kagabi. Nakatulog pala ako nang makapasok sa silid.
“Sandali!” sigaw ko.
Binuksan ko ang aking pinto. Napapikit ako nang tumama sa aking mata ang sinag ng araw. Tanghali na pala. Hindi ako nagising sa tunog ng alarm clock ko.
Pinikit-pikit ko ang aking mata upang maaninag ang nasa harapan ko.
Kumunot ang aking noo nang hindi nakilala ang lalaki na walang emosiyon ang mukhang nakatingin sa akin.
“Ano’ng kailangan mo?” tanong ko rito. Yumuko ito at tiningnan ang hawak na papel. Napatingin din ako roon.
“P’wede ka nang umalis dito."
Nagtaas ako ng kilay sa sinabi niya. Siraulo ba ‘to?
“Ano’ng sinasabi mo diy—"
“Binenta na sa akin nang may-ari ang lugar na ito. Kaya may karapatan akong paalisin ang mga tao rito."
Inabot sa akin ang papel niyang hawak.
Pahablot ko iyong kinuha saka binasa.
Nagdilim ang aking mata nang makita ang apilyedo ni Dad, kasama ng kaniyang pirma.
"Si Dad ang bumili nito?"
Hindi nagsalita ang nasa harapan kong lalaki. Galit na ginusumot ko ang papel saka tinapon sa dibdib nito. Hindi nagbago ang blankong mukha niya.
Pabagsak kong sinarado ang pinto. Nawala ang pagod at napalitan ito ng galit. Kailangan ko nang umalis sa lugar na ito. Ano ba’ng inaakala ko? Na papatahimikin ako ni Dad nang gano’n lang? Pagkatapos mamamatay ni Kuya Asher nang dahil sa akin. Gusto niya akong pahirapan. Gusto niyang maghiganti sa akin.
Umupo ako sa aking kama. Tinukod ang dalawang siko sa aking tuhod at yumuko. Nakahawak ako sa aking buhok. Saan ako titira nito?
Malalim akong bumuntong-hininga saka hinalamos ang mukha gamit ang kamay. Parusa na ‘ata sa akin ito at kung gano’n nga, nararapat lamang sa akin ito.
Wala akong ibang gagawin kung hindi tanggapin ito at ipagpatuloy ang buhay. Kung dati ay gusto ko nang sumuko dahil sa aking walang kuwentang buhay pero ngayon? Hindi na. Gagawin kong may silbi ang sinasabi nilang walang kuwentang buhay. Kailangan kong magsikap.
Tumayo ako saka dumiretso sa cr.
Maghahanap na lang siguro akong paupahan malapit sa aking paaralan at maghahanap nang panibagong trabaho upang hindi na kailangan pang mamasahe.
Pinaglandas ko ang tubig sa buo kong katawan. Bakas pa rin ang tahi sa aking braso. Malalim ang pagkakasugat nito kaya mahirap nang mawala.
Sinuklay ko ang basa kong buhok habang nasa ilalim na tumutulong tubig. Mas lalong humubog ang aking katawan dahil sa araw-araw kong trabaho.
Pinadalhan ko ng pera ang aking Ina no’ng isang araw. Nakibalita rin ako kay Betty, ang batang babae na nakausap ko no’ng pumunta ako sa squatter area. Maayos naman daw ang kalagayan ni Mommy doon kaya lang parati raw itong nagsusugal at naninigarilyo.
No’ng nasa mansyon kami. Madalas ko lang makitang naninigarilyo si Mommy. Madalang din siyang mag-inom. Bumalik na naman siya sa dati niyang gawain.
Kailangan kong umalis sa aking trabaho. Malayo ito sa pinapasukan kong school kaya mahihirapan akong pumasok tuwing umaga.
Pagkatapos kong magbihis ay agad kong nilagay ang aking mga damit sa malaking bag. Kakaunti lang naman ang mga gamit ko rito kaya hindi na kailangan pang kunin.
Tumingin ako sa aking salamin. Nakasuot ako ng itim na damit at pantalon. Halata ang pagod sa aking mga mata.
Ramdam din ang pagod ng aking katawan ngunit pinagsawalang bahala ko na lang ito. Hindi ito ang oras para magreklamo, marami pa akong aasikasuhin.
Lumabas ako nang silid. Nananatili ang lalaki sa harap ng aking pintuan. Gumalaw lang ito upang tumabi nang humakbang na ako palabas. Naka-suit ito na hindi ko agad napansin ang simbolo ng kompaniya ni Dad sa kaliwang dibdib nito.
Umiling ako saka pinagpatuloy ang paglalakad. Nakakasigurado akong hindi ako titigilan ni Dad. Susundan niya ako kahit saan man ako magpunta at aalisin ang aking karapatan.
Umigting ang aking panga. Hindi ang pag-aaral ko, Dad. Huwag mo sa aking kunin iyon. ’Yon na lang ang natatanging pag-asa ko upang makaganti sa h*yop na Eternity na iyon.
“Naku, hijo! Pasensiya ka na at wala nang bakanteng kuwarto rito,” ani ng matandang nasa harapan ko.
Kanina pa ako naglalakad at naghahanap ng matutuluyan ngunit kahit isa wala man lang bakanteng kuwarto. Kahit anong pakiusap ko sa mga ito, wala pa rin.
Tumango na lamang ako saka tinalikuran ang matandang may-ari ng paupahang bahay.
Tumingala ako sa mataas na gusali. Imposibleng bakante lahat ng kuwarto rito. Sa dami ng palapag at sa lawak ng gusali, imposible.
Humigpit ang kapit ko sa hawak kong bag. May kinalaman ba rito si Dad?
Umiling ako sa naisip. Bakit pa ako nagtataka?
Binabayaran niya ang lahat ng mas maliit sa kaniya. Pera para sa kaniya ang lahat ng taong mababa. Tatapunan mo lang ng pera ay luluhod agad sa iyong harapan ng walang pag-aalinlangan.
Umihip ang malamig na hangin. Dumidilim na. Nagkalat ang mga ilaw sa buong kalsada.
Yumuko ako habang nakaupo sa kalawanging bangko.
Hinilot ang sumasakit na binti. Maghapon akong naglakad malapit sa aking paaralan. Idagdag pa ang pagod ko dahil kagabi. Bumabagsak na ang talukap ng aking mata.
Mahina kong sinabunutan ang sarili upang magising. Kailangan ko pang maghanap ng matutuluyan ngunit… parang imposible sa aking sitwasyon. May pumipigil sa akin.
“Ang hirap talaga ng buhay, ‘no?"
Lumingon ako sa isang lalaki nang umupo ito sa aking tabi. Madumi ang kaniyang damit at sira-sira. Magulo ang buhok niya at madungis ang mukha. Hawak ang isang latang may lamang barya.
Nakatingala ito sa langit. Sinandal ang likod saka humalukipkip.
Tumingin rin ako sa kalangitan. Madilim na ito dahil tuluyan ng lumubog ang araw.
“Kailangan nating kumayod para lamang mabuhay,” aniya, mahinang tumawa. “Kailangan nating magtiis kahit na tinatapakan tayo ng kapwa-tao."
Lumingon siya sa akin. Nananatili ang aking mata sa langit.
“Saan ka ba pupunta at may dala kang bag?” Malakas itong tumawa na ikinalingon ko. “‘Wag mong sabihin na naligaw ka.”
Hindi ako umimik sa tanong niya. Tiningnan niya ang buo kong katawan saka inilipat ito sa aking bag.
“Naglayas ka sa inyo?’ Umiling siya. “Bumalik ka na sa dati mong buhay. Hindi madali ang mapag-isa. Nasa kama ka na nga pupunta ka pa sa sahig."
Malakas muli itong tumawa saka naubo.
Tiningnan ko ang aking sarili.
“Hindi ako mayaman," walang buhay kong sabi. Kahit nakatira ako sa mansyon noon. Hindi ko tinuturing ang sarili kong mayaman. Nakikitira lang naman kami sa mansyon ni Dad. Anak lang ako sa labas at nakikisampid sa pamilya niya.
“Hindi ba?" Tiningnan niya muli ako. “Sa itsura mo pa lang mukha ka ng mayaman. Kahit ‘ata nasa malayo ako ay kitang-kita ko iyon."
Umiling ako saka bumuntong-hininga. Napatingin ako sa aking tiyan nang kumulo ito. Sa sobrang abala ko sa paghahanap ng matutuluyan ay nakalimutan kong kumain.
“Mahirap ka talaga?” hindii makapaniwalang tanong ng lalaki. Napakinggan din niya siguro ang pagrereklamo ng aking tiyan.
Hindi muli ako umimik. Ano ba ang mapapala ko sa kaniya? Kinuha ko ang aking bag saka tumayo.
Hindi na gano’ng masakit ang aking paa kaya magpapatuloy ulit ako sa paghahanap ng mauupahang bahay.
Humakbang ako nang mapakinggan ang sinabi niya na aking ikinatigil.
“Puwede ka sa aking tumuloy.”
Lumingon ako rito. Hindi pinahalata ang pagkainteres sa kaniyang sinabi.
Tumayo ito at pinagpag ang sarili.
“Gabi na at imposibleng makakakuha ka ng mauupahang bahay kung iyon ang sadya mo. Mag-isa lang ako sa aking tirahan. Maliit iyon pero kasiya naman tayo."
Nananatili ang tingin ko sa kan'ya. Binabalanse kung maniniwala ba ako sa matandang ito na ngayon ko lang nakilala. Sa itsura at pananamit niya ay hindi na kapani-paniwala.
“Kung ayaw mo eh, ‘di ‘wag.” Nagkibit siya ng balikat saka naglakad at nilampasan ako.
Nakasunod ang aking tingin sa kaniya saka bumuntong-hininga. Kailangan ko na talaga ng matutuluyan ngayong gabi. Wala na ako pagpipilian pa kun’di kunin ang alok niya. Kaya ko namang itumba ang isang ‘to kung masama ang balak sa akin.
“Sa’n ang bahay mo?”
Lumingon ito sa akin. May ngisi sa kaniyang labi.
“Sasama rin pala.”
“Tss.”
Ipinalibot ko ang aking paningin sa maliit niyang tirahan. Sira-sira ang mga kahoy na nagsisilbing bubong kaya nakikita na mula rito ang kalangitan na puno ng bituin.
Halata ang kalumaan ng kaniyang mga gamit at mukhang hindi pa nalilinisan ang mga ito.
Umupo siya sa lumang sofa. Tumunog ito na aking ikinangiwi. Kaunting sipa lang nito ay sira na. Mabilis akong tumabi nang tumakbo sa direksiyon ko ang isang daga na nagmula roon.
“Pasensiya ka na sa alaga ko,” aniya at malakas na tumawa. Inabot ang baso na nasa maliit na lamesa saka uminom doon.
Bumuntong-hininga ako. Kaya kong tiisin ito kaysa naman wala akong matutulugan.
Lumapit ako sa kaniya saka umupo sa pang-isahang bangko.
Kayang lakarin ang paaralan ko mula rito kaya ayos lang.
“Dito ka matutulog.” Pagpag niya sa inuupuang sofa nito. Nagsilabasan ang alikabok doon na kaniyang ikinaubo. “Kaunting dumi lang iyan. Huwag mo nang pansinin.”
Tumango ako.
Isang gasera lamang ang nagsisilbing liwanag sa paligid. Kung wala pa ang butas sa bubong ay hindi tatagos ang liwanag nang buwan ngayon dahilan ng lalong pagliwanag ng paligid.
“Kumain ka na ba?"
Tumayo ito at nagtungo sa isang lamesa. Kumuha ng tinapay doon saka nagsalin ng tubig.
Lumapit ito sa akin at ibinigay. Inabot ko iyon at tiningnan.
“‘Yan lang ang pagkain dito. Baka bukas pa ako makabili.” Kinuha ang lata at tinaktak ito sa lamesa. “Nakarami ako ng limos ngayon. Kung hindi pa ako magbulag-bulagan hindi ako makakaipon," naiiling niyang sabi.
Tumingin ako sa lamesang pinagkuhanan niya ng pagkain. May isang litrato doon.
“Asawa ko iyan. ‘Wag mo nang pakatitigan.”
Mabilis kong iniwas ang aking mata nang marinig ang kaniyang seryosong boses. Tumawa ito na aking ikinalingon.
“Nakakatawa ka.”
Tinaas ko ang isa kong kilay. Alin ang nakakatawa roon?
Lumingon siya sa litratong nasa ibabaw ng lamesa. Hawak niya ang mga barya na kaniyang binibilang.
“Pinatay siya ng walang kalaban laban ng isang grupo,” malungkot na sabi niya saka umiling. “Nagtitinda lang naman ang asawa ko ng mga gulay. Nakita ko na lamang siyang wala ng buhay sa isang bakanteng lote.”
Ramdam ang lungkot sa boses niya. Tumingin ito sa hawak niya at nagpatuloy sa pagbibilang.
Sa mundong ito. Palaging panalo ang may kapangyarihan, mayaman, at mga may estado sa buhay. Matatago ang katotohanan sa likod ng pera. Kahit ano pang gawin mong pagpapakita nito. Magbubulagan lamang ang mga taong nabayaran na.
"Ano nga pala ang pangalan mo?”
“Jayden… "
Tumango siya at tumingin sa aking bag na nasa tabi.
“Bukas bumalik ka sa dati mong bahay. Baka mahatulan ako ng kidnapping niyan.” Malakas itong tumawa habang nilalagay sa kaniyang bulsa ang mga barya.
“Hindi ako naglayas. Wala na akong tirahan.”
Tumango siya. “Ang mga magulang mo?”
Nagkibit lang ako ng balikat. Hindi gustong sagutin ang personal niyang tanong. May mangyayari ba kung sasabihin ko na anak ako sa labas ng isang bilyonaryo?
“Ako si Pepito. Manong Pepito ang tawag nila sa akin,” aniya.
Tumango lang ako.
Ilang segundo siyang tumitig sa akin. “Hindi ka ba talaga anak-mayaman?”
Mahina itong natawa ng hindi ako umimik.
“Napakaganda mo kasing lalaki. Sa kutis mo palang daig mo pa ang babae.” Bumalot sa buong paligid ang tawa nito. Pinunasan ang luha sa mata. Natatawa pa ring tumingin sa akin.
“Aalis din ako rito bukas. Kailangan kong maghanap pa ng matutu—”
“Kahit kailan mo gustong tumira rito. Walang problema.”
“Aalis din ako bukas,” pilit ko. Hindi ako magtatagal dito. Sanay akong mag-isa kaya kakayanin kong mag-isa.
Tumango siya saka tumayo. “Kung ‘yan ang nais mo.”
Nagkibit ito ng balikat saka inunat ang braso.
“Nakakapagod ang buong araw na ito. Ang hirap magbulag-bulagan.” Natatawa itong umalis habang papunta sa isang silid.
Tumingin ako sa hawak kong tinapay at napatiim-bagang nang muling kumulo ang aking tiyan.
Utay-utay ko itong kinain. Wala itong lasa ngunit naiibsan naman ang aking gutom. Kailangan kong magtiis sa aking buhay.