Pansin ang pag-iwas sa akin ni Olivia nitong mga nakaraang araw. Sa tuwing kinakausap ko siya ay agad niyang tinatapos. Minsan aalis siya o idadahilang may gagawin pa.
Ilang araw ko na ring iniisip kung may nagawa o nasabi ba akong masama sa kaniya noon ngunit wala namang sumagi sa aking utak.
Malakas akong bumuntong-hininga saka sinandal ang ulo sa likod ng sofa. Halos hindi na ako makatulog tuwing gabi. Iniisip pa rin ang pag-iwas niya sa akin. Ano ba'ng nagawa ko?
Inis kong hinalamos ang aking mukha habang hindi pa rin inaalis ang aking ulo sa pagkakapatong sa likod ng sofa. Halos hindi rin ako makausap at makagawa nang maayos kapag nasa trabaho. Kailangan kong mag-focus sa aking ginagawa! Kung hindi baka mawalan ako ng trabaho!
Kailangan ko iyon para makatulong man lang dito sa bahay niya. Dala-dalawa na nga ang aking trabaho sa isang araw para naman magkasilbi ako.
Napaungol ako nang mahina ng maamoy ang kaniyang pabango. Maya-maya pa ay narinig ko ang kaniyang yabag na papalapit sa akin.
Iminulat ko ang isa kong mata saka itinagilid nang bahagya ang aking ulo upang tingnan siya. Galing siya sa labas ng bahay. Nagdilig 'ata ng kaniyang mga halaman.
Isang beses na sumulyap ito sa akin ngunit agad na tumingin sa kaniyang dinaraanan upang umiwas.
Dire-diretso ang lakad niya patungong kusina. Kulay dilaw ang suot niyang bestida na bagay na bagay sa kaniya at sa kaniyang balat.
Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung nasaan ang mga magulang niya o kapatid. Wala siyang kinuk'wento sa akin tungkol do'n. Ayaw ko naman siyang tanungin dahil mukha akong tsismoso no'n.
Tumingin ako sa kisame nang tuluyan na itong makapasok sa kusina. Nilanghap ko ang naiwan nitong pabango sa hangin saka pumikit at dinama iyon.
Bigo kong sinuklay ang aking buhok gamit ang aking kamay saka umayos nang upo at lumingon sa pinto ng kusina. Bakit hindi niya ba ako pinapansin?!
Inis sa sarili akong tumayo saka nagdesisiyong kausapin siya. Ayoko ng ganito! Nasa iisang bahay kami tapos hindi nagpapansinan. Wala akong pakialam kung bahay niya ito! Gusto kong pansinin niya ako lagi!
Naabutan ko itong naghihiwa ng mga sangkap sa lamesa. Napatigil siya nang mapansin ang aking pagpasok ngunit nagpatuloy din agad sa ginagawa.
Tahimik akong umupo sa mataas na upuan. Tinatantsa pa kung paano ko siya kakausapin.
Isang beses na inangat niya ang tingin sa akin magkatapos ang ilang minuto saka tumalikod sa akin upang ayusin ang apoy na kaniyang niluluto. Hindi ko alam kung anong lulutuin niya.
Nitong mga nakaraang araw ay ako ang nagluluto. Inaagaw ko sa kaniya ang sandok sa tuwing inaabutan ko siyang nagluluto sa kusina. Hinahayaan niya lang ako at umaalis din agad ng walang man lang iniiwang salita.
At ngayon nagluluto naman siya ngunit hindi ko muna siya tutulungan ngayon dahil baka aalis na naman siya kapag kinuha ko ang hawak niyang sandok.
"Bakit hindi mo ako pinapansin?" tanong ko sa gitna nang katahimikan. Mula no'ng napaso ang kaniyang daliri hanggang sa matapos kaming kumain ay hindi niya ako pinapansin. Kahit mag-umaga ay hindi rin. Hanggang ngayon!
Saglit itong tumigil sa gumagawa saka nagpatuloy muli. Muli kong hinalamos ang aking sarili sa pagkabigo nang hindi man lang nito ako tinapunan ng tingin.
"Olivia…" tawag ko sa kaniya.
Nagmamakaawa na ang aking boses. Gusto ko ng sagot mula sa kan'ya! Gusto ko na ng normal na usapan sa pagitan namin. Hindi ako napapagod sa aking trabaho, e! Napapagod ako kakaisip kung ano'ng nagawa kong mali sa kaniya!
Lumingon 'to sa akin. Hindi mapakali ang mga mata nito na nakatingin sa akin.
Kita mula rito ang namumula niyang mga mata, naiiyak.
Nag-panic ako ngunit mabilis kong ikinalma ang aking sarili. Gusto kong malaman kung ano'ng dahilan niya.
"Galit ka ba sa akin?" mahina at namamaos kong tanong sa kaniya. Ako na ang unang nagsalita dahil mukhang wala siyang balak. Hindi ako sanay na hindi niya ako pinapansin o nginingitian man lang.
Doon ko lang napagtanto na galit siya sa akin no'ng umiwas siya nang tingin.
Mabilis akong tumayo saka umikot sa lamesa at lumapit sa kaniya. Lalo niyang iniwas ang kaniyang mukha nang tumigil ako sa harap niya.
"Sabihin mo sa akin kung bakit ka galit, Olivia. Aayusin natin 'yan."
Isang beses na suminghot siya saka tumingala sa akin. Naluluha ang mapula nitong mga mata. Isang butil na luha ang tumakas dito saka umagos pababa sa kaniyang pisngi.
Agad ko iyong pinunasan gamit ang hinlalaking daliri. Ramdam ang pagkirot ng aking puso habang nakatitig sa kaniya. Kita ang lungkot doon.
"Pakiusap, sabihin mo sa akin. Baka mabaliw na ako rito kakaisip kung ano'ng dahilan," desperado kong sabi.
Nag-aalala kong pinunasan ang kaniyang luha nang sunod-sunod itong pumatak. "H-Hindi ko na alam, Jayden."
Umiling siya.
Nalilito ang mukha ko siyang tiningnan. Hindi alam kung anong sinasabi niya.
"Ayoko nang pakiramdam na ito," humihikbi niyang sabi.
Bumilis ang t***k ng puso ko sa narinig. May ideya na kung anong tinutukoy niya. Hindi kaya…?
"Ano iyon, Olivia?" tanong ko. Gusto kong siya mismo ang magsabi no'n. Gusto kong marinig iyon mula sa bibig niya. Pinaghalong lungkot at galak ang aking nararamdaman. Lungkot dahil nakikita ko siyang umiiyak at galak dahil sa dahilan niya.
Muli siyang umiling.
Tinabig ang aking dalawang kamay na nasa pisngi niya at isang beses na umatras. Nakatitig siya sa akin, umaagos ang luha.
"Mali ito, e. Ayoko sa tulad mo."
Parang hinati sa dalawa ang aking puso sa kaniyang sinabi. Nawala ang galak na naramdaman.
Isang hakbang akong lumapit sa kan'ya ngunit napatigil nang umatras muli siya.
"Ano'ng mali? Ipaliwanag mo sa akin, Olivia," paghuli ko sa kan'ya.
Pinunasan niya ang kaniyang mata gamit ang kamay saka diretsong tumingin sa akin. "G-Gusto kita."
Hindi ako umimik. May kutob na ako kanina na iyon ang sasabihin niya. Ngunit iba pa rin ang pakiramdam at saya nang marinig iyon mula sa kaniyang bibig.
"Anong mali do'n?" tanong ko. "Wala akong nakikitang mali do'n, Olivia."
"H-Hindi ko mo kasi naintindihan."
"Sabihin mo sa akin. Makikinig ako. Dahil ba sa mahirap ako?"
Umiling siya.
"Oh, anong mali do'n?" Umigting ang aking panga. "Gusto mo ako, gusto rin kita."
Nanlaki ang kaniyang mata sa aking sinabi. Seryoso lang akong nakatingin sa kaniya. Pinagsawalang-bahala ang kaba sa aking dibdib. Sasabihin ko na sa kaniya. Kaysa namang pagsisihan ko ito habang buhay.
"G-Gusto mo… ako?" gulat niyang sabi sa gitna nang hikbi.
"Sino ba namang hindi magkakagusto sa iyo?" ani ko habang nakatitig sa maganda niyang mukha. "Nagayuma ako no'ng una tayong magkita. Hindi sa tubig na ibinigay mo sa akin no'n, kun'di sa kagandahan mo."
Lumapit ako sa kaniya. Isang beses siyang umatras ngunit mabilis kong hinawakan ang kaniyang baywang upang pigilan.
Yumuko siya.
Hinawakan ko ang kaniyang baba saka bahagyang pinatingala sa akin. Sino ba namang hindi magkakagusto sa kaniya? Ang natural niyang ganda at ang inosente niyang mukha na nakakahalina at nakakawala sa huwisyo.
"Gusto kita, Olivia," buong puso kong sabi. "At walang mali do'n."
Bumaba ang aking mata sa kaniyang mapupula at manipis na labi saka muling tumingin sa kayumanggi niyang mga mata.
"Gagawin ko ang lahat para yumaman. Kung ayaw mong ganito ako, magbabago ako para sa iyo."
Ilang minuto siyang tumitig sa akin. Bumaba ang kaniyang mga mata sa aking labi. Gano'n din ako. Animo'y nang-aakit ang mga iyon. Parang sinasabi na masarap sila.
Unti-unti kong inilapit ang aking labi sa kaniya. Hinayaan niya lang ako.
Ang malalambit niyang labi na dahilan ng pagbilis ng aking puso na kailanman ay hindi ko naramdaman sa ibang babae na nakahalikan ko na.
Humigpit ang aking kapit sa kaniyang baywang saka hinigit palapit sa aking katawan. Ramdam ang kaniyang malalambot na dibdib sa akin at ang init niya.
Talaga namang nakakawala sa ulirat ang kan'yang amoy at balat. Ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Gusto ko muna siyang ligawan. Ipaparamdam ko sa kaniya na totoong gusto ko siya.
Bahagya kong inilayo ang aking mukha sa kaniya. Tinitigan at kinabisado ang bawat sulok ng kaniyang mukha. Nakapikit pa rin ito galing sa aking pagkahalik.
Napangiti ako saka marahang hinaplos ang kaniyang malalambot na labi na ikinamulat ng kaniyang mata. Nagtama ang aming paningin. Pumula ang kaniyang mukha na lalong ikinalaki ng aking ngiti.
Lalo akong humahanga sa tuwing nakikita siyang nahihiya sa akin. Sobrang cute niya!
Ngumuso ito.
Akmang iiwas muli ang kaniyang mata ngunit agad ko siyang inunahan ng halik sa labi.
Malakas akong tumawa nang makita ang mapula niyang mukha. Mahina niya akong hinampas sa braso.
"Aray!" Kunwari'y nasasaktan kong hawak sa aking braso. Mabilis siyang lumapit sa akin saka nag-aalalang hinimas ang aking braso.
"S-Sorry."
"Halikan mo mawawala 'yan," biro ko.
Ngumuso ito. Nagtaasan ang aking balahibo nang ginawa niya nga ang aking sinabi. Tumigil ang aking paghinga habang nakatitig sa kaniya.
"Okay na ba?" inosente ang mukha niyang sabi.
Mahina akong tumikhim nang nagsimula na namang tumayo ang aking alaga.
Umiling ako saka ngumiti sa kaniya. Isang halik muli ang ginawad ko sa kaniya saka iginiya siya papunta sa bangko.
"Ipagluluto kita," masayang sabi ko.
Tumango ito na parang masunuring bata. Namumugto na ang kaniyang mga mata ngunit angat pa rin ang kaniyang ganda.
Hindi maalis sa labi ko ang aking ngiti habang pinagluluto siya. Masigla ang aking kilos.
Nanunuod lamang siya sa akin habang hinahain ko ang pagkain sa ibabaw ng lamesa. Nakangiti rin ito ngayon. Kumikislap ang kaniyang mga mata. Ngunit halata ang lungkot doon.
"Bakit parang malungkot ka?" tanong ko.
Umiling lamang ito saka mahinang natawa.
"Akala ko hindi mo ako gusto." Ngumuso siya.
"Hmm? Nagpaplano nga akong magtapat sa iyo, e." Malakas na tumawa. Bahagyang nakabukas ang bibig nito dahil sa gulat ngunit agad na tinikom. "Naunahan mo lang ako."
"Hindi kasi ako makapag-aral dahil sa iyo." Abot sa tainga ang ngiti ko ngayon habang nakikinig sa kaniya. "Lagi kang pumapasok sa isip ko."
"Parehas tayo," pagtatapat ko."Hindi mo ako pinansin nitong mga nakaraang araw. Hinalungkat ko talaga ang aking utak kung anong nagawa o nasabi ko sa iyong masama."
Nilagyan ko ang kaniyang baso ng tubig at naupo sa kaniyang tapat. Pinapanood niya ang bawat kilos ko.
"Baka matunaw ako niya."
Ngumuso muli ito saka ipinatong ang dalawang kamay sa lamesa. Nilagyan ko ang kaniyang plato ng kanin at ulam.
"Nagtatampo rin ako no'n sa iyo, e."
Napatingin ako sa kaniya. Ibinaba ang hawak na kutsara saka binigay ang lahat ng atensiyon sa kaniya.
Kumunot ang aking noo. "Bakit?"
Umirap ito sa akin na aking ikinatawa. Lalo akong nahuhulog sa pagpapakita niya sa akin ng totoong siya.
"Pinaalis mo ako no'ng nasa terrace ka," nagtatampo niyang sabi. "Gusto pa kitang kausapin no'n, e!"
Nanlaki ang aking mata nang maalala ang araw kung kailan ko ginawa ang kababalaghan habang iniisip siyang nasa ibabaw ko. Muling nag-init ang aking katawan saka umiling.
"Sorry, kailangan ko lang no'n ng sariwang hangin at mapag-isa." Mahina akong tumikhim at umupo nang maayos. Ngumisi ako sa kaniya. "Sige. Ngayon, nasa iyo na lahat ng atensiyon ko."
Pumula ang mukha nito saka umiwas ng tingin sa akin. "Tayo na ba?"
Hindi ako nakapaghanda sa kaniyang sinabi. Mahina muli akong tumikhim. Iniisip kung anong sasabihin ko. Liligawan ko muna siya, 'di ba?!
Nakikipagtalo ang aking utak. Gusto ng kabila na kami upang masabi ko na talagang akin siya at may karaparatan akong suntukin kung sino mang lalaking magtangkang manligaw o lumapit sa kaniya. Ngunit gusto ko muna siyang ligawan.
Ngumiti ako sa kaniya nang magkaroon ng ideya. "Liligawan kita habang tayo na."
Tumingin ito sa akin. "Sinagot na ba kita?"
Napangiwi ako. Nagkaaminan na tayo pero sige… liligawan kita.
Tumango ako sa kaniya.
"Pag-iipunan ko muna ang matamis mong oo para maging ta—"
Malakas itong tumawa na ikinatigil ko. Napabusangot ang aking mukha nang makuha na binibiro niya lang ako. May ganito pala siyang side, ha. Sasauluhin ko lahat ng gusto, ayaw, at kilos mo para naman maalagaan kita sa sunod.
"Tayo na," aniya. Halata sa mukha nito na nahihiya siya. Tinatago niya lang iyon sa pagtawa.
Muli akong tumango saka nagkatitigan kaming dalawa ngunit agad iyong naputol nang marinig ko ang tunog ng aking cellphone.
Kinuha ko iyon mula sa likod ng aking pantalon. Napakunot ang aking noo ng makitang walang pangalan ang numero.
"Sino 'yan?"
Umiling ako saka pinatay ang tawag. "Wala."
Ibababa ko na sana ito ngunit muli itong tumunog.
"Sagutin mo muna, Jayden. Baka importante."
Sinunod ko ang sinabi niya. Sinagot ko ito saka itinapat sa aking tainga. "He—"
"Kuya... "
Napaayos ako ng upo nang marinig ang boses ni Alexa sa kabilang linya.
"Ano'ng nangyari? Nasaan ka?"
Napatingin sa akin si Olivia.
Hikbi ang sinagot nito. Maingay na sirena ang naririnig ko sa kabilang linya. Bumilis ang t***k ng puso ko sa kaba para sa pamilya ko, lalo na sa aking kapatid.