Mabilis ang aking pagpapatakbo ng aking kotse. Halos paliparin ko na ito upang makapunta agad sa mansyon. Halata ang takot sa nanginginig na boses ni Alexa kanina. Ano’ng nangyari? Bakit sobrang ingay no’ng tumawag siya sa akin?
Dumilim ang aking mukha at nagtiim-bagang. Hindi ko na makakaya pa kapag nawalan ulit ako ng kapatid. Tama na ang pagkawala ng nakakatanda kong kapatid. Sobrang hirap na mawalan ng minamahal sa buhay.
“Jayden.”
Napakurap-kurap ako nang marinig ang mahinang boses ni Olivia sa aking tabi. Ang kanina kong galit ay nawala nang maalala na kasama ko pala siya ngayon.
Agad kong binagalan ang aking takbo, saka isang beses na lumingon sa kaniya. Nag-aalala ang mga mukha nito na may bahid na takot habang nakatingin sa akin.
Inabot ko ang kaniyang kamay na nasa ibabaw ng hita niya. Binalik ko ang aking tingin sa kalsada habang pinipisil ang kaniyang kamay.
Huminga ako nang malalim upang pakalmahin ang sarili. Ayokong matakot siya sa akin. Ngayon lang kami nagkaaminan tapos ganito pa ang mangyayari!
“Bagalan mo lang ang pagpapatakbo, Jayden. Baka mabangga tayo."
Nagtiim-bagang ako. Pinipigilan ang sarili na huwag bilisan ang pagpapatakbo ng aking kotse. Kahit gusto-gusto ko nang makapunta kaagad sa aking kapatid. Ngunit tama siya ayokong mapahamak ang buhay niya dahil sa akin. At hindi pa ako puwedeng mamamatay dahil may kailangan pa akong gawin.
Bumungad sa amin ang mga tumatakbong mga bumbero habang hawak-hawak ang malalaki at mahahabang host patungo sa aming mansiyon. Sobrang laki ng apoy na halos ang hangin na humahampas sa aking mukha ay ramdam ko dahil nakabukas ang bintana ng aking sasakyan.
Hinigpitan ko ang kapit sa manibela habang hindi inaalis ang mata sa aming mansiyon. Napatakip naman si Olivia sa kaniyang bibig habang nakatingin doon.
“Ano’ng nangyari riyan?” tanong niya sa kaniyang sarili.
Tinigil ko ang aking sasakyan sa tabi ng kalsada. Nagtataka niya akong tiningnan.
“Magpapaliwanag ako sa’yo mamaya, Olivia. ‘Wag kang aalis dito baka mapahamak ka,” saka mabilis na lumalabas ng kotse. Hindi ko pa sinasabi ang totoong buhay ko sa kaniya. Wala siyang alam tungkol sa akin at sa pamilya ko. Hindi ko rin sigurado kung tatanggapin niya pa rin ako kapag nalaman niya na anak lang ako sa labas.
Malaki ang aking hakbang habang nililibot sa buong paligid ang mga mata. Nakaramdam ako ng kaba nang maisip si Daddy at si Tita Malou. ayos lang kaya sila? P*ta! Nasaan na si Alexa?!
Kinuyom ko ang aking kamao. Abalang-abala ang lahat ng mga tao sa pag-apula ng apoy. Nagkalat din ang ibang mga taong nakikiusyoso.
Nang mahagip ng aking mata si Alexa na ikinaluwang ng aking paghinga. Nakapalibot sa kaniyang katawan ang puting kumot habang tahimik na umiiyak sa likod ng sasakyan ng ambulansiya na nakabukas.
Mabilis akong lumapit dito. Nag-aalala sa nangyari sa aking kapatid.
“Alexa,” pagkuha ko sa kaniya ng atensiyon.
Umangat ang mukha nito saka lalong humagulgol. Basang-basa ang kaniyang mukha at magulo ang kaniyang buhok.
“Kuya!” Mabilis na tumakbo ito palapit sa akin.
Agad ko siyang niyakap. Binaon nito ang kaniyang mukha sa aking dibdib habang humahagulgol pa rin. Ramdam ang mainit na luha niya sa aking dibdib. Nanginginig ang buo niyang katawan. Humigpit ang aking yakap sa kaniya.
“Shhh… Nandito na si Kuya, “ pagtahan ko sa kaniya. Lalo lang itong humagulgol saka ipinalibot ang kamay sa aking baywang. Mahina kong tinapik ang kaniyang likod.
Malaking trauma ito para sa aking kapatid lalo na at bata pa siya. Pati ba naman ito mararanasan niya!
Bigo akong umiling. Wala talaga akong kuwentang kapatid!
Ilang minuto na gano’n ang aming posisyon habang ang lahat ng tao ay nilalampasan lang kami at abala pa rin sa pagpatay ng apoy.
Kumalas ako sa pagkakayakap nang maramdaman ko na medyo huminahon na siya.
Yumuko ako upang makita ang bahagya niyang nakayukong mukha. Mapula ang kaniyang mata dahil sa pag-iyak. Humihikbi pa rin ito at may ilang mga luhang pumapatak sa kaniyang pisngi.
Nawala ang aking emosiyon sa mukha nang mapansin ang puting benda sa kaniyang braso nang bahagyang bumaba ang nakabalot sa kaniyang tela sa katawan.
Mabilis na dumaan sa aking isip ang tahi sa aking braso. Nagtiim-bagang ako. Hindi karapat-dapat ito sa aking kapatid. Ang lahat ng kaniyang nararanasan ngayon.
Tinaas niya muli ang kumot saka pinunasan ang luha.
"May sugat ka," malamig ang tono kong sabi. Hindi siya nagsalita. Naiinis ako sa aking sarili. Naiinis ako sa lahat ng nangyayari sa akin. "Nasaan si Dad?"
Ilang segundo siyang hindi umimik.
Inangat niya ang kaniyang mukha sa akin. "N-Nasa H-Hospital, Kuya Jayden."
Tumango ako sa kaniyang sinabi. Hinawi ang ilang hibla ng kaniyang buhok na nasa mukha niya.
"Si Tita Malou?"
Umagos muli ang kaniyang luha dahilan ng mabilis ng t***k ng puso ko.
"Alexa, ano'ng nangyari kay Tita Malou?"
"N-Nabagsakan siya… ng mabigat n-na gamit," nanginginig ang boses niyang sabi. Hinawakan ko ang kaniyang kamay upang pakalmahin. "H-Hindi… Hindi ko alam k-kung..." Suminghot siya. Nahihirapang magsalita dahil sa sobrang pag-iyak. "M-Mabubuhay si M-Mommy."
Muli ko siyang niyakap. Pati ang aking buong katawan ay nanginginig din. Bakit nangyayari ito sa pamilya ko? Ako na lang sana ang pinarusahan!
"Mabubuhay si M-Mommy… 'di ba, Kuya J-Jayden?"
"Oo, Alexa. Mabubuhay si Tita Malou."
Tumango siya sa aking sinabi.
Pakiusap buhayin Mo po si Tita Malou. Alam kong marami akong kasalanan na nagawa. Kahit ito lang ibigay Niyo po sa akin. Ayokong maranasan ng kapatid ko ang sirang pamilya niya. Alam ko ang pakiramdam ang hindi kumpleto ang pamilya. Sobrang sakit.
Iginiya ko siya pabalik sa kaniyang kinauupuan kanina. Mabilis na lumapit ang mga Nurse na nag-aasikaso kay Alexa. Tiningnan nila ang benda kung ayos na ba ito.
Lumingon ako sa aming mansiyon na unti-unting nilalamon ng apoy at nagiging abo. Marami akong naranasan na hindi maganda sa mansiyon ito ngunit pinahahalagahan ko pa rin ito kahit gano'n.
Dito ko naranasan na makasama si Mommy at Daddy kahit hindi kami matatawag na isa kaming pamilya. Dito ko rin nakilala ang aking mga kapatid, kahit iba ang aming Ina, tinanggap pa rin nila ako bilang isang tunay na kapatid.
Imposibleng lumiyab na lamang ng basta-basta ang mansiyon. Mataas ang seguridad nito at makabago ang mga teknolohiya. Kaya mahirap itong nakawan o pasukan. Sino namang ang gagawa no'n? Sino'ng makapangyarihang nilalang ang kayang gawin ito?! Sinira niya ang pinaghirapan ni Dad at sinaktan niya ang aking kapatid?!
"Kailangan na po nating pumunta sa hospital," ani ng isang Nurse sa akin.
Lumingon ako sa kaniya na ikinaatras niya habang nakatingin sa aking mukha.
Mabilis kong inayos ang walang emosiyon kong mukha. Halata pa rin ang takot sa mukha ng Nurse.
"Ayaw niyang pumunta sa hospital kanina po," paliwanag ng isa pang Nurse. Mahina itong tumikhim. "Kahit anong pilit namin hindi siya nakikinig. Gusto ka niya raw kasama. Kaya hinintay ka muna namin."
Tumango ako at tumingin kay Alexa na umiiyak pa rin. Habag at pagsisisi sa sarili ang aking nararamdaman ko.
Yumuko ako upang bumulong kay Alexa. "Tara na, Alexa. Kailangan mo nang magpahinga."
Tumingin siya sa akin saka mabilis na hinawakan ang aking kamay. "Hindi ka naman aalis, 'di ba? 'Wag ka na ulit umalis, Kuya Jayden."
Masuyo akong ngumiti sa kaniya saka tumango. "Hindi na ulit ako aalis."
Tumayo siya. Hindi inaalis ang pagkakahawak sa aking kamay. Mahigpit ito na parang ayaw niyang pakawalan. Hindi ko na ulit iiwan ang nag-iisa kong kapatid.
Pinauna kong pumasok sa loob si Alexa. Marahan ang aking pagkakahawak sa kaniya. Natatakot na baka masagi ko ang kan'yang sugat sa braso.
Pinatong ko ang isa kong paa upang papasok sana sa loob ngunit narinig ko ang boses ng isang babae na nasa likod ko.
"Jayden."
Sh*t! Nakalimutan ko na naman ang aking girlfriend!
Lumingon ako sa kaniya. Pinaglalaruan nito ang kaniyang dalawang kamay habang bigong nakatingin sa akin.
Sa sobrang pag-iisip ko at abala sa aking kapatid ay nakalimutan ko siya.
Inabot ko ang aking kamay saka kinuha ang kanan niyang kamay. Humihingi ng tawad na nakatingin ako sa kaniya.
"Iiwan mo ba ako?" malungkot niyang tanong.
Umiling ako saka mahina siyang hinigit palapit sa akin. Hinalikan ang kaniyang noo.
"Sorry… Sasama ka sa akin."
Tipid na ngumiti ito. May kung anong emosiyon sa kaniyang mga mata na hindi ko mawari kung ano iyon. Lagi ko iyong nakikita sa tuwing nakikita ko siyang malungkot o masaya.
Ngumiti ako sa kaniya. Pinauna siya sa loob saka sumunod sa kaniya at tumabi.
Tumingin si Alexa sa aking katabi. Nagtataka ang basa nitong mukha.
Alam kong hindi ngayon ang tamang lugar at oras na ipapakilala ko siya ngunit wala na akong magawa dahil nandito na.
"Girlfriend ko, Alexa," ani ko, lumingon sa aking katabi. "Olivia, kapatid ko."
Ngumiti siya kay Alexa. Tipid namang nakangiti ang aking kapatid habang hindi inaalis ang kaniyang mukha sa aking dyowa.
Nagtataka pa rin ang mukha nito. "Nagkita na ba tayo dati?"
Mahinang tumawa si Olivia. Rinig ang panginginig do'n ngunit hindi ko na lang pinansin. Hinawakan ko ang kaniyang kamay. Natatakot siya kapag mabilis ang takbo ng sasakyan.
Umayos siya ng upo at lumingon sa akin saka tumingin sa aking kapatid.
"Hindi." Umiling siya. "Ngayon lang kita nakita."
Tumango lang si Alexa. Nagdududa na ang mukha niya ngayon habang nakakunot ang noo na nakatitig kay Olivia.
Tumingin ako sa kaniyang braso.
"Malaki ba ang paso mo? Masakit pa rin?" Tumingin ako sa mga Nurse na nasa tabi niya. "Maayos ba ang paggagamot niyo sa—"
"Ayos lang ako, Kuya Jayden," sabi niya, nakatingin na sa akin.
Huminga ako nang malalim saka inis sa sariling sinuklay ang buhok gamit ang isa kong kamay. Nag-aalala pa rin ako sa kalagayan niya. Lalo na sa kalagayan ni Tita Malou at ni Daddy.
Lumingon ako sa aking dyowa nang bahagya niyang pinisil ang aking kamay. Masuyong nakatingin sa akin ito ngunit halata ang awa at pag-alala. Ngumiti lang ako sa kaniya. Nagagawa niya akong pakalmahin ng isang ngiti lamang.
Pagkatapos matulog ni Alexa sa aking tabi ay agad akong lumabas ng kuwarto niya upang tingnan si Tita Malou.
Kinausap ko muna ang mga tagabantay ng aming pamilya upang higpitan ang seguridad sa buong gusali kung saan kami lamang ang kailangang pumasok.
Lahat sila ay mga karanasan sa pakikipaglaban at paghawak ng baril ngunit kahit gano'n wala pa rin akong tiwala sa nakapaligid sa akin. Hindi ko alam kung sino ang kalaban o kakampi.
Nalaman ko rin sa mga pulisiya na sinadya kaya nasunog ang aming mansiyon. Alam ko na sa una 'yon. Kung aksidente man ang nangyari, hindi basta-basta iyon masusunog ng gano'ng kalaki.
Kinuyom ko ang aking kamao habang naglalakad papunta sa isa pang pinto kung saan nasa loob si Tita Malou. Ang sabi ng doctor ay malubha ang kaniyang kalagayan. Maraming nabaling buto sa kaniyang katawan. Hindi pa alam kung kailan siya magkakamalay.
Naroon din sa loob si Daddy. Nawalan din daw ito ng malay dahil hindi makahinga sa makapal na usok. Kung hindi pa raw dumating at pumasok ang mga bumbero hindi sila makakalabas, kasama ang aking kapatid.
Tumigil ako sa tapat ng pinto at nasa magkabilang gilid ang dalawang tagabantay. Tuwid na tuwid ang kanilang tayo habang may baril sa kanilang baywang.
Bahagya kong binuksan ang pinto. Kita mula rito ang payapang mukha ni Daddy at Tita Malou habang nakahiga sa puting kama. May benda ang kanilang ulo at ilang bahagi ng katawan.
Nagtiim-bagang ako saka muling sinarado ang pinto. Hindi ko kayang makita silang gano'n.
Nahihirapan sila dahil sa kagagawan ko na naman!
Nararanasan nila iyon dahil sa akin!
Galit at malalaki ang hakbang akong umalis habang madilim ang aking mukha. Ang Eternity Group ang may kagagawan kaya nasunog ang mansiyon!
Alam ko iyon! Kahit wala pang ebidensya!
Wala talagang mahahanap na ebidensya ang mga pulis dahil makapangyarihan at mga h*yop ang gumawa no'n!
Anong gusto nila?! Ako dapat ang naghihiganti! Ako dapat ang papatay at uubos sa kanila!
Sa ginawa nila sa aking Kuya! Sa mansiyon at sa pamilya ko! Inuubos nila ang pasensiya ko! Mga h*yop sila! Dinadamay talaga ang mga walang kamuwang-muwang!
"Jayden! Jayden!"
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Malalaki ang aking hakbang na humahangos, hindi dahil sa pagod kun'di dahil sa sobrang galit. Nangangati na ang aking mga kamay na paduguin ang kanilang mukha.
"Jayden!"
Napatigil ako nang may pumigil sa aking isang malambot na kamay. Hindi ako tumingin sa kan'ya. Ayokong makita niya akong ganito. Isang walang kuwenta!
Pumunta siya sa harapan ko saka hinawakan ang isa kong panga. Nakahawak pa rin siya sa kamay ko habang pinipisil iyon.
"Jayden," mahina ngunit ramdam ang takot sa kaniyang boses na dahilan ng pagtingin ko sa kaniya.
Hindi nagbago ang walang emosiyon kong mukha. Ngunit nawala nang kaunti ang galit sa aking puso.
"May pupuntahan lang ako, Olivia."
Ihahakbang ko na sana ang aking paa ngunit muli niya akong pinigilan. Naiiyak na ang kaniyang mukha habang umiiling.
"Please, baka mapahamak ka. A-Ayokong mawala ka sa akin. H-Hindi ko kakayanin."
Umiling muli ako. Hindi nagpatalo sa nararamdaman ko na sundin siya.
Inangat ko ang isa kong kamay saka kinuha ang kamay niya na nasa panga ko. Tumingin siya roon nang halikan ko ang kaniyang palad.
"Babalik din ako agad, Olivia. 'Wag kang aalis dito. Babantayan ka ng mga tagabantay namin. Dadalhin din nila ang mga kailangan mong gamit dito," saka walang pagdadalawang-isip na umalis sa kaniyang harapan. Ang akala ko, ako mismo ang maghahanap sa Eternity Group para makaganti ngunit sila pa mismo ang lumabas sa kanilang kinatataguan.